Kung Kailan Hindi Banta Ang AIDS
Noong gabi ng Oktubre 3, 1984, ang munting si Kyle Bork ay isinilang na pitong linggong maaga sa panahon. Ang kaniyang munting mga baga ay wala pang kakayahang kumilos nang wasto, kaya siya ay inilipat ng 56 kilometro tungo sa Children’s Hospital ng Orange County, kung saan mayroong mga kagamitan upang pangalagaan ang mga sanggol na gayon kalubha ang sakit.
Ipinaliwanag ng doktor na ang dugo ni Kyle ay kakailanganing dagdagan sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo; kundi maaaring siya’y mamatay. Bagaman napakahirap para sa mga magulang, nanindigan sila sa kanilang salig-Bibliyang pasiya na huwag pahintulutang tumanggap ng pagsasalin ang kanilang sanggol. (Genesis 9:4, 5; Levitico 17:10-14; Gawa 15:28, 29) Ang doktor ay maunawain at nakipagtulungan. Subalit, sabi niya, kung ang sitwasyon ay lubusang lulubha, siya’y kukuha ng isang court order at magsasagawa ng isang pagsasalin.
Kapuna-puna, tuluy-tuloy ang pagbuti ng kalagayan ni Kyle, at sa ikasiyam na araw, siya’y inalis na sa pagkakakabit sa respirator. Pagkalipas na dalawang araw inuwi na siya ng mga magulang, at siya’y lumaki na isang maligaya, malusog na bata, gaya ng makikita ninyo sa larawan. Subalit hindi diyan nagwawakas ang kuwento.
Noong nakaraang taon ang isang pagbabalita sa telebisyon ng Los Angeles ang nag-ulat na ilang mga bata na nasa Children’s Hospital ng Orange County noong panahong naroon si Kyle ay nagkaroon ng AIDS mula sa mga pagsasalin ng nahawaang dugo. Sinikap ng ospital na makipag-ugnayan sa mga pamilya ng tinatayang 3,000 mga bata upang ang mga ito ay masuri para sa virus ng AIDS.
Dali-dali, tinawagan ng mga magulang ni Kyle ang ospital upang matiyak na siya ay hindi sinalinan nang hindi nila nalalaman. Di-nagtagal, tumawag ang ospital upang tiyakin sa kanila na hindi siya tumanggap ng anumang dugo at sa gayo’y walang panganib na mahawahan ng AIDS. “Literal kaming lumuhod at nagpasalamat kay Jehova,” sabi ng mga magulang, “sa pagbibigay sa atin ng kaniyang matuwid na mga batas at ng lakas na manatili sa aming katapatan sa harap ng gayong pagsubok.”