Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/8 p. 13-15
  • Bakit Dapat Kong Iwasan ang Okulto?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Kong Iwasan ang Okulto?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Sila Nasasangkot
  • ‘Hindi Kapani-paniwalang Paghihirap’
  • Ang Tunay na mga Maninirahan sa Daigdig ng Espiritu
  • ‘Pulót sa Isang Matalim na Kutsilyo’
  • Pagiging Interesado sa Okulto—Ano ang Masama Rito?
    Gumising!—2002
  • Sino Talaga ang Nasa Likod ng Okultismo?
    Gumising!—2011
  • Ang Panghalina ng Okulto
    Gumising!—1987
  • May Masama Ba sa Okultismo?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/8 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Dapat Kong Iwasan ang Okulto?

“MAHAL na mahal ko ang aking lolo,” sabi ng isang batang babae, “at nang mamatay siya, dinamdam ko ito ng labis. Nais kong malaman kung maaari kayang makausap ko siyang muli.” Sa gayon sinimulan ng batang babae na masangkot sa okulto.

Sinasabi ng isang report kamakailan na “hindi kukulangin sa 200,000 mga bata at mga kabataan sa Pederal na Republika ng Alemanya ang nakaranas na ng sarisaring anyo ng okulto.” Ang Hapón ay may ani ng baguhang mga espiritista sa paaralan, ang ilan ay nagdadalubhasa sa telepathy, ang iba naman ay sa hipnosis, at ang iba pa ay sa exorcismo. Sa Nigeria ngayon karaniwan nang makarinig ng mga batang nasa paaralang-primarya na nagsasagawa ng pangkukulam. At, nakalulungkot sabihin, kahit na ang ilang kabataang pinalaki ng Kristiyanong mga magulang ay, marahil hindi sinasadyang, napasangkot sa sobrenatural.

Bakit ba nakaaakit sa mga kabataan ang okulto? At bakit napakapanganib na masangkot dito?

Kung Bakit Sila Nasasangkot

Ang okultismo ay nagsasangkot ng sobrenatural, isang panggagalugad sa daigdig ng espiritu sa pamamagitan ng astrolohiya, huwad na panghuhula, pangkukulam, madyik, at mga katulad nito. At bakit napakaraming kabataan ang sabik na sumilip sa gayong mga bagay? Gayon na lamang ang pagnanais ni Dirk na makita ang kaniyang namatay na ama. Kumbinsido na magagawa niya ito kung mapauunlad niya ang kaniyang mga kapangyarihan ng isipan, gumawa siya ng isang rutina ng pagbubulaybulay kung saan sinikap niyang pagalawin ang mga bagay nang hindi hinihipo ang mga ito. Ang gayong mga pagbubulaybulay, sabi ni Dirk, ang nagdala sa kaniya sa pintuan ng daigdig ng espiritu!

Kinatatakutan ng ibang kabataan ang hinaharap. Nais nila ng payo tungkol sa kanilang mga marka o mapapangasawa at inaakala nilang ang daigdig ng espiritu ay makatutulong sa kanila. Lalo nang nakababalisa ang pagsamba kay Satanas mismo! Ang pang-akit ng kakila-kilabot na relihiyong ito? “Umanib ako rito dahil sa kapangyarihan,” sabi ng isang kabataang taga-Canada na nagsasagawa ng Satanismo. “Binibigyan ako nito ng kapangyarihang saktan ang mga tao.”

Gayunman, karamihan ng mga imbestigador ay naniniwala na ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga kabataan ay nasasangkot sa okultismo ay dahil lamang sa pag-uusyoso. “Masyado akong mausisa,” sabi ng isang batang babae na nasangkot sa okulto. Ganito naman ang sabi ng isa pang batang babae: “Noong una’y duda ako, pero naisip ko, ‘Sa paano man ay malalaman mo kung ano nga ba ito.’ ” Kaya tinanggap niya ang paanyaya ng isang kaibigan na sumama sa isang sesyon sa okulto.

Dala ng pag-uusyoso, sinubukan ng ibang mga kabataan ang Ouija board o pinagbuti pa ito sa pag-aaral sa mga kilos ng isang nakataob na baso. Mula roon ito ay isa lamang maikling paglukso sa mas malalim na pagkasangkot sa espiritismo sa paggamit ng mga bolang kristal, baraha, mga palawit, dahon ng tsa, at mga aklat ng horoscope. Ang iba ay sumangguni pa nga sa propesyonal na mga manghuhula o sa mga arbularyo. Gayunman, maraming propesyonal ay wala kundi mga magdaraya lamang. Halimbawa, upang mapabuti ang kaniyang mga marka, si Alexander ay nakipagkita sa isang arbularyo. Hindi lamang hindi bumuti ang kaniyang mga marka kundi nalugi pa siya. Ang kaniyang pera ay pinaghatian ng huwad na arbularyo at ng tinatawag na kaibigan na nagrekomenda sa kaniya.

Gayunman, para sa maraming kabataan, ang pakikipagsapalaran sa espiritismo ay nagbubunga ng higit pang pinsala kaysa pinansiyal na kalugihan.

‘Hindi Kapani-paniwalang Paghihirap’

“Kung alam ko lang,” ang katagang karaniwang maririnig sa gitna niyaong nagsisisi na sila’y napasangkot sa sobrenatural. Gayon ang puna ng Personality, isang magasin sa Timog Aprika. Karaniwan na ang hinagpis na: “Kung hindi sana ako naging walang muwang. . . . Dumanas ako ng hindi kapani-paniwalang paghihirap, mga tinig, masamang mga panaginip, mga banta, at ako’y labis na pinahirapan sa isipan at sa katawan ng iba pang mga satanista nang subukin kong kumalas.”

Ganap na 24 na porsiyento ng mga gurong sinurbey sa Alemanya ang nakapansin sa nakagagambalang impluwensiya ng okultismo sa mga mag-aaral. Ang ilang mga estudyante ay walang imik, may mga problema sa pagkatuto, nabubuhay sa takot, dumaranas ng panlulumo, at nagkakaroon ng hilig na saktan ang kanilang sarili o ang iba. Si Dirk ay madalas na hindi makatulog sa gabi. Gunita niya: “Takot na takot na baka ako alihan ng mga demonyo, hindi ako makatulog. Napapakislot ako sa bawat tunog.” Isang kabataang nagngangalang Michael ang dumanas din ng “di pagkatulog dahil sa panliligalig ng mga demonyo” pagkatapos inumin ang medisinang inireseta sa kaniya. Inilalarawan ng ibang report ang masamang mga pagbabago sa personalidad ng mga taong nakibahagi sa mga gawain ng okulto. Isang batang babae ang pinangamba ang kaniyang ina sa pagsasabi sa kaniyang ina na sa hinaharap siya ay magdaramit ng itim (ang kulay na nais din niyang ipinta sa kaniyang silid) at siya’y matutulog sa isang bukás na kabaong!

Ang Tunay na mga Maninirahan sa Daigdig ng Espiritu

Ipinaliliwanag ng Bibliya na “ang mga patay . . . ay walang malay.” (Eclesiastes 9:5) Samakatuwid ang daigdig ng mga espiritu ay hindi tinatahanan ng mga kaluluwa ng namatay na mga mahal sa buhay. Ano, kung gayon, ang dahilan sa gayong nakatatakot na mga karanasan? Ang balakyot na mga demonyo! Sang-ayon sa Bibliya, ito ang mga rebeldeng anghel, mga tagasunod ni Satanas na Diyablo. (1 Pedro 3:​19, 20; Apocalipsis 12:9) Mayroon silang kasaysayan ng pagsasagawa ng kasamaan at pananakit sa mga tao.

Halimbawa, sinasabi sa atin ng Lucas 9:​42, ang tungkol sa isang lalaking inalihan ng demonyo na “ibinuwal ng demonyo . . . sa lupa at pinapangatal na mainam.” Napakasadistiko! Inilalarawan din ng Gawa 19:​16 kung paanong ang isang lalaking inalihan ng demonyo ay marahas na sumalakay sa pitong magiging mga exorcista. Maliwanag na pinatutunayan ng modernong-panahong mga karanasan na ang mga demonyo ay hindi nagbago ni katiting man ng kanilang masamang mga paraan.

Isang kabataang nagsisimulang mapasangkot sa ESP, astrolohiya, baraha, o anumang anyo ng okulto ay maaaring binubuksan ang pinto sa nakatatakot na mga karanasan. Ang magasing Personality ay nagsasabi: “Isang karaniwang bagay sa mga karanasan niyaong mga nakausap namin [na nasangkot sa okulto] ay na sila ay nalulong sa satanikong ipuipo sa pamamagitan ng mga alulod na animo’y kagalang-galang.” Oo, ang okulto ay wala kundi isang tuntungang-bato upang makipag-ugnayan kay Satanas at sa mga demonyo!

‘Pulót sa Isang Matalim na Kutsilyo’

Kaya ipinagbawal ng Batas ng Diyos ang anumang anyo ng espiritismo, sa pagsasabing: “Huwag makakasumpong sa iyo . . . ng sinuman na gumagamit ng huwad na panghuhula, ng isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan o isang manggagaway, o isang engkantador o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medium o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay.”​—Deuteronomio 18:​10, 11.

Nilinis ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kanilang mga sarili ng anumang may kaugnayan sa espiritismo, sinisira ang lahat ng makademonyong mga gamit. (Gawa 19:19) Dapat ding alisin ng mga kabataan ngayon na nagnanais matamo ang pakikipagkaibigan ni Jehova ang anumang bagay na nauugnay sa okulto. Kasama riyan ang lahat ng mga pelikula, aklat, komiks, at mga poster na may espiritistikong pahiwatig. Kahit na ang musikang pinipili ng isa ay dapat na suriin. Ang maiingay na musikang metal, halimbawa, ay paulit-ulit na nauugnay sa Satanismo.

Ang mga taga-Tibet ay may kasabihan: ‘Mag-isip nang makalawa bago tanggapin ang pulót na iniaalok sa isang matalim na kutsilyo.’ Sa paghimod mo sa pulot sa kutsilyo, maaari mong mawala ang iyong dila! Gayundin naman, gaano man kaakit-akit ang sobrenatural sa iyong pagkamausisa, ito’y nakamamatay. Kaya tanggihan ang anumang paanyaya na makibahagi o kahit na ang magmasid lamang sa isang sesyon ng okulto. Ang isang bagay na para bang hindi naman mapanganib na gaya ng laro ng gumagalaw-na-baso ay maaaring umakay sa mapanganib na pagkasangkot sa demonismo. Oo, baka ikaw ay mausisa. Subalit kakanin mo ba ang bulok na karne dahil lamang sa nais mong malaman kung paano ang malason sa pagkain?

Si Dirk (nabanggit kanina) ay nakalaya sa okulto. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower, naunawaan niya ang katotohanan tungkol sa kaniyang namatay na ama, at natutuhan niya ang tungkol sa pag-asa ng isang pagkabuhay-muli. (Awit 146:​4; Juan 5:​28, 29) Ang katotohanang ito ang nagpalaya sa kaniya mula sa anumang pagnanais na makipag-usap sa daigdig ng mga espiritu. (Ihambing ang Juan 8:32.) Nasaan na ngayon si Dirk? Nakisama siya sa ranggo ng mga Saksi ni Jehova at nagtatrabaho sa isa sa mga palimbagan ng Samahang Watch Tower bilang isang buong-panahong ministro.

Oo, sinasapatan ng Bibliya ang ating ‘espirituwal na mga pangangailangan.’ (Mateo 5:3) At sa kalaunan, ito ay higit na kapaki-pakinabang kaysa bigyang-kasiyahan ang masamang pag-uusyoso ng isa sa pamamagitan ng mapanganib, nakamamatay na okulto.

[Larawan sa pahina 15]

Ang pagkasangkot sa okulto ay maaaring magsimula sa wari’y hindi mapanganib na laro, gaya nitong Ouija board o ang paggamit ng isang nakataob na baso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share