Mula sa Aming mga Mambabasa
Sariling-Yari Ang inyong artikulo (Nobyembre 8, 1989) ay kawili-wili, gayunman nalalaman ba ninyo na ang lalaking umaakyat sa ekstensiyon na hagdan ay ginagamit ito nang baligtad? Ito ay lubhang mapanganib.
G. R. H., Britaniya
Maraming salamat sa pagtawag nito sa aming pansin. Ang mga ekstensiyon na hagdan ay dapat na laging nakalabas ang ekstensiyon—hindi nakapasok, gaya ng di-wastong pagpapakita sa aming larawan.—ED.
Nag-aaway na mga Magulang Nabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Dapat Kong Gawin kung Nag-aaway ang Aking mga Magulang?” (Disyembre 8, 1989) Bagaman ako’y hindi na bata, natatandaan ko pa ang palaging pag-aaway ng aking mga magulang. Ang buong pamilya ay maaaring magdusa kapag ang mga magulang ay nag-aaway. Subalit ngayon ay natalos ko na kung ikaw ay kumakampi sa isa na gaya ng ginawa ko pinatitindi mo pa ang pagdurusa. Maraming-maraming salamat sa artikulo.
G. H., Netherlands
Satanismo Wala na akong masabi kundi salamat sa artikulo tungkol sa Satanismo. (Oktubre 22, 1989) Ang aking nanay ay nagpapakita ng magandang panlabas na anyo, at maraming tao ang nababaitan sa kaniya. Gayunman, kasali siya sa isang grupo ng mga tao na nagsasagawa ng demonismo. Ako’y dumanas ng seksuwal na pag-abuso at pag-abuso sa droga. Pagkaraan ng mga taon ng paghihirap, sinubok ko pa ngang magpakamatay. Sa paano man, hindi ako nakisali sa kaniya sa satanikong mga gawain, at nang maglaon ako ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y isang malaking dagok sa aking ina sapagkat batid niya na wala nang hihigit pa sa kapangyarihan ng Diyos na Jehova.
A. M., Estados Unidos
Kasaysayan ng Relihiyon Katatapos ko lamang basahin ang pangwakas na artikulo sa seryeng “Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito” (Disyembre 22, 1989), kailangang sulatan ko kayo upang sabihin sa inyo na labis kong pinasasalamatan ang mga serye. Anong laki ng natutuhan ko tungkol sa Budismo, Hinduismo, Confucianismo, at iba pang relihiyon! Ang pag-unlad ng Kristiyanismo hanggang sa kasalukuyang panahon ay lalo nang kawili-wili. Nakita ko hindi lamang ang lawak ng pagkasangkot ng Sankakristiyanuhan sa mga digmaan at sa pagbububo ng dugo kundi nakilala ko rin ng higit ang pribilehiyo ng pagkasumpong sa tunay na relihiyon.
G. V., Pederal na Republika ng Alemanya
Ang pangwakas na artikulo sa inyong serye ay isa sa pinakamagandang artikulong nabasa ko sa Gumising! sa loob halos ng 40 taon ng pagbabasa ko nito. Ang artikulo ay tuwiran sa pagsasabi tungkol sa ‘pagsisinungaling, panlilinlang, mapandaya, at kasuklam-suklam na mga paraan na nagpapangit ng huwad na relihiyon sa paningin kapuwa ng Diyos at ng tao.’
M. M., Espanya
Sampung Paraan Upang Ihinto ang Paninigarilyo Ako’y nanigarilyo sa loob ng 40 taon at sinikap kong huminto sa pamamagitan ng acupuncture, hipnosis, at lahat ng uri ng pilduras, anupa’t ang larawan sa inyong pabalat tungkol sa isang bungo na naninigarilyo ay lubhang nakaapekto sa akin. (Hulyo 8, 1989) Sa tulong ng panalangin, ihihinto ko ang paninigarilyo.
B. H., Estados Unidos
Ako po’y halos 15 taóng gulang. Hiniling po kami ng aming guro na mag-isip ng sampung dahilan upang huwag manigarilyo at gumawa ng sampung ideya kung papaano hihinto. Ang mga artikulo sa Gumising! ay napakalaking tulong sa akin sapagkat ako lamang ang nakasumpong ng sagot sa lahat ng tanong. Ako po’y binati ng guro at binigyan ng isang mabuting marka.
S. C., Pransiya