“Kasiya-siyang Sanayin ang mga Anak sa Relihiyon ng Magulang”
IYAN ang ulong-balita sa The Lawyers Weekly, isang babasahin tungkol sa batas sa Canada. Ang kalakip na artikulo ay nagbibigay ng mga detalye tungkol sa isang kapuri-puring disisyon na iginawad ng Korte Suprema ng Nova Scotia, Canada. Sa disisyong iyon, pinagtibay ng hukuman ang karapatan ng mga magulang na hindi sa kanila napunta ang pangangalaga sa anak na sanayin ang kanilang mga anak sa relihiyosong paniniwala ng magulang.
Ang kaso ay kinasangkutan ng mga magulang na naghiwalay noong 1983, na ang pangangalaga sa dalawang anak, walo- at sampung-taóng-gulang na mga lalaki, ay napunta sa asawang babae. Ang usapin sa kaso ay bumangon kamakailan nang ang ama ay naging isang Saksi ni Jehova. Sinikap ng ina na hadlangan ang ama na sanayin ang mga anak sa relihiyon ng kanilang ama kapag ang mga anak ay dumadalaw sa ama.
Sa pasiya, ipinahayag ni Hukom Donald M. Hall ng Korte Suprema ng Nova Scotia na bagaman ang mga bata ay nasa pangangalaga ng ina, hindi niya maaaring hadlangan ang pagsasanay ng ama sa mga batang lalaki sa kaniyang relihiyosong mga paniwala. Sinabi ni Hukom Hall na kombensido siya “nang walang alinlangan, na walang pinsala ang dumarating sa mga anak na sinanay sa relihiyon ng kanilang ama, sa kaniyang mga kaibigan sa simbahan, at sa mga paniwala at mga gawain ng simbahan.”
Sinabi pa ni Hukom Hall: “Sa pakiwari ko ang mga pamantayan at pangunahing mga turo ng simbahan ay makatutulong sa mga anak sa pagtatatag para sa kanilang mga sarili ng wastong mga pamantayan ng mga pagpapahalaga at mga pamantayan ng paggawi habang sila’y nagkakaedad.”
Binanggit ng The Lawyers Weekly: “Kapuwa si Mr. Pole [isang abugado para sa ama] at si John M. Burns, ng W. Glen How & Associates sa Georgetown, Ont., isang kompaniya na kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova sa bansa, ay nagparatang na ‘lubusang walang etika’ para sa mga abugado na gamitin ang relihiyosong mga paniwala laban sa mga magulang na naghahangad ng pangangalaga sa anak at gamitin ito sa pagdedemanda.”
Ang Korte Suprema ng Nova Scotia ay sumasang-ayon, sapagkat sinabi ni Hukom Hall: “Hindi angkop na tutulan ang mga paniniwala ng isang tao sa isang demanda na gaya nito dahil sa matitibay na dahilan, at ito nga ay maaaring labag sa konstitusyon.” Tinularan ng disisyon ang kahawig na pasiyang pabor sa mga Saksi ni Jehova na iginawad ng isang hukuman sa Ontario mga ilang buwan lamang ang nakalipas.