Gaano Kahaba Maaari Tayong Mabuhay?
“MARAMING TAONG nabubuhay ngayon ang magkakaroon ng pagkakataon para sa lubhang pinahabang haba ng buhay. Kahit na ang pagkawalang-kamatayan ngayon ay waring posible.”
“Angaw-angaw na Nabubuhay Ngayon ay Maaaring Hindi Na Mamatay.”
Ano ang kaibhan sa pagitan ng dalawang pangungusap na ito? Ang una ay pangungusap ni Dr. Lawrence E. Lamb, medikal na kolumnista at propesor, sa kaniyang aklat na Get Ready for Immortality, inilathala noong 1975. Ang ikalawa ay ang titulo ng isang pahayag pangmadla at kasunod na aklat ni J. F. Rutherford, ang ikalawang presidente ng Samahang Watch Tower. Ang pahayag pangmadla ay unang ipinahayag sa Los Angeles, California, noong 1918.
Gayunman, ang dalawang tila magkahawig na pangungusap ay lubhang magkaiba sa pangangatuwiran at pananaliksik na humantong dito. Ang mga salita ni Dr. Lamb ay tipikal sa maraming tinatawag na mga imortalista. Ang mga taong ito ay nag-aakala na ang mga pagsulong sa siyensiya ng medisina, pati na ang pananaliksik tungkol sa pagtanda, ay lulutas sa malapit na panahon sa misteryo kung bakit tayo ay tumatanda at sa dakong huli’y madaig mismo ang kamatayan. Gayunman, sa kabila ng mga nagawa ng modernong siyensiya sa pagpapahaba ng katamtamang inaasahang haba ng buhay at sa pagtulong sa marami na magtamasa ng mas mabuting buhay, ang mga hula tungkol sa pagkawalang-kamatayan ay nananatiling gayon—optimistikong mga hula.
Sa kabilang panig naman, si J. F. Rutherford ay hindi nanghuhula batay sa siyensiya o medisina. Ang pahayag niya ay batay sa Bibliya. Ipinakita niya na sa pamamagitan ng natupad na mga hula sa Bibliya na ang daigdig ng sangkatauhan ay pumasok na sa “panahon ng kawakasan” nito. (Daniel 12:4) Pagkatapos ay binanggit niya ang salig-Bibliyang pag-asa na kung paanong si Noe at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas sa katapusan ng sanlibutan noong kanilang kaarawan, angaw-angaw ang makaliligtas sa pagkawasak ng sanlibutang ito at mabubuhay sa matuwid na bagong sanlibutan upang tamasahin ang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.—Mateo 24:37-39; Apocalipsis 21:3, 4.
Sa marami roon na nakinig sa kaniya, ang pahayag ni Rutherford ay nakagigitla. Kahit na ngayon, nasusumpungan ng maraming tao ang gayong paksa tungkol sa pamumuhay magpakailanman sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos na hindi makatotohanan at mahirap paniwalaan. (Awit 37:10, 11, 29) Ngunit lubha bang hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kung bakit tayo ay tumatanda at namamatay? Ano, sa katunayan, ang sinasabi nito tungkol sa paksang ito?
Ginawa Upang Mabuhay, Hindi Upang Mamatay
Makatuwiran nga, ang Bibliya ay nagsisimula sa ulat ng pasimula ng buhay ng tao. Sa unang kabanata ng Genesis, mababasa natin na pagkatapos lalangin ang unang mag-asawang tao, “binasbasan sila ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’”—Genesis 1:28.
Para sa unang mag-asawa, sina Adan at Eva, upang isagawa ang atas na iyon, ito ay nangangahulugan na sila ay kailangang mabuhay sa loob ng mahabang panahon, at gayundin ang kanilang mga anak. Subalit gaano kahaba? Sa pagbasa sa aklat ng Bibliya na Genesis, wala tayong makikitang pagbanggit tungkol sa anumang espisipikong haba ng buhay na iniatas para kina Adan at Eva. Gayumpaman, may isang kondisyon na kailangang matugunan nila upang sila’y patuloy na mabuhay. Sinabi ng Diyos kay Adan: “Sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:17.
Kaya, ang kamatayan ay darating lamang sa kanila kung susuwayin nila ang utos ng Diyos. Kung hindi, mayroon silang pag-asang mabuhay nang walang takda sa makalupang Paraisong iyon na tinatawag na Eden. Maliwanag, ang mga tao ay ginawa upang mabuhay, hindi upang mamatay.
Gayunman, ang ulat ng Genesis ay patuloy na nagsasabi na pinili ng unang mag-asawa na waling-bahala ang maliwanag na utos ng Diyos at sa gayon sila’y nagkasala. Ang kanilang landasin ng pagsuway ay nagdala sa kanila, at pagkatapos ay sa kanilang mga inapo, ng hatol na kamatayan. Pagkalipas ng mga dantaon, sinabi ni apostol Pablo: “Kung papaanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Gayon nga ang batas ng pagmamana anupa’t maipapasa lamang nina Adan at Eva sa kanilang mga anak kung ano lamang ang mayroon sila. Gaya ng pagkalalang sa kanila, sila ay may kakayahang ipasa ang sakdal, walang-katapusang buhay sa hinaharap na mga salinlahi. Subalit ngayon na ang kanila mismong mga buhay ay pinapangit ng kasalanan at kamatayan, hindi na nila maipapasa ang dakilang pamanang iyon. Ang kasalanan, di-kasakdalan, at kamatayan ang naranasan ng lahat ng sangkatauhan mula noon, sa kabila ng mga pagsisikap na pahabain ang haba ng buhay ng tao.
Sa diwa, ito ay maitutulad sa isang programa sa computer na may depekto, o sira. Malibang ang sira ay maibukod at maiwasto, ang programa ay hindi kikilos nang wasto, at ang mga resulta ay maaaring kapaha-pahamak. Hindi pa naibukod ng tao, ni naiwasto kaya, ang likas na depekto na nagbubunga ng maling pagkilos ng ating mga katawan, na ang resulta’y pagtanda at kamatayan. Gayunman, ang Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, ay gumawa ng mga kaayusan upang iwasto ito. Ano ang kaniyang lunas?
Inilaan ng Diyos ang sakdal buhay tao ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, “ang huling Adan,” na sa katunayan, ay humahalili sa orihinal na Adan bilang ang ating ama at tagapagbigay-buhay. Kaya nga, sa halip na hatulang mamatay bilang mga anak ng makasalanang si Adan, ang masunuring mga tao ay maaaring maging karapat-dapat na tumanggap ng buhay na walang-hanggan bilang anak ng kanilang “Walang-hanggang Ama,” si Jesu-Kristo. Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkaroon ng walang-hanggang buhay.”—1 Corinto 15:45; Isaias 9:6; Juan 3:16; 6:40.
Sa katapusan ng kaniyang ministeryo sa lupa, sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi ni Jesu-Kristo ang pangunahing kahilingan sa pagtatamo ng dakilang gantimpalang ito sa pagsasabing: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
“Kung Paano ang Kaarawan ng Punungkahoy”
Isip-isipin ang pagtatanim ng isang buto ng sequoia at masdan itong lumaki ng daan-daang metro sa himpapawid, nasisiyahan sa paglaki nito sa buong buhay nito. Saka gunigunihin ang mahigitan ito at magtanim ng isa pa libu-libong taon pagkatapos nito at minsan pa’y masiyahan sa paglaki at kagandahan nito.
Makatotohanan ba ang gayong palagay? Makatotohanan nga, sapagkat ito’y salig sa pangako ng Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, na nagsasabing: “Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan.” (Isaias 65:22) Ang pangakong ito ay sumasagot sa tanong na, Gaano kahaba mabubuhay ang tao? Ang sagot ay: hanggang sa walang takdang kinabukasan, oo, sa katunayan hanggang sa magpakailanman.—Awit 133:3.
Isang paanyaya ang ipinaaabot ngayon, yaon ay: “‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; at ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) Ito’y isang paanyaya na ipinaaabot ng Diyos ng Jehova sa lahat ng tapat-pusong mga tao. Ang paanyaya ay samantalahin ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos para sa buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.
Tatanggapin mo ba ang paanyayang ito? Ang iyong pag-asa para sa mas mahabang buhay, walang-hanggang buhay, ay depende sa iyong pagpili ngayon!
[Kahon sa pahina 7]
INAASAHANG HABA NG BUHAY
Ang isa na ipinanganak noong katapusan ng ika-18 siglo sa Hilagang Amerika o Kanlurang Europa ay makaaasang mabuhay ng 35 o 40 taóng gulang. Ngayon, ang mga lalaki’t babae sa Estados Unidos ay makaaasang mabuhay hanggang 71 at 78 alinsunod sa pagkakasunod, at katulad na mga pagsulong ay naisagawa sa iba pang bansa. Higit at higit nating nababatid ang ating potensiyal kung ang pag-uusapan ay ang haba ng buhay. Subalit may takda ba sa kung gaano ang ihahaba ng inaasahang haba ng buhay?
Walang sinuman sa kasaysayan kamakailan ang nabuhay o umasang mabuhay ng 500, 300, o 200 taon pa nga. Sa kabila ng mga pagsulong sa siyensiya ng medisina, ang inaasahang haba ng buhay ngayon ay hindi pa rin umaabot sa 80. Gayunman may mga ulat tungkol sa mga indibiduwal na nabubuhay hanggang 140 o 150 taóng gulang pa nga. At noong panahon ng Bibliya, ang mga tao ay nabuhay ng daan-daang taóng gulang. Iyan ba ay katha-katha o alamat lamang?
Kapansin-pansin, binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica na “ang eksaktong haba ng buhay ng tao ay hindi alam.” Gaya ng ipinaliliwanag ng artikulo, ipagpalagay nang ang ilang indibiduwal ay nabuhay ng 150 taon, “walang matibay na dahilan na tanggihan ang posibilidad na ang ibang indibiduwal ay maaaring mabuhay ng 150 taon at isang minuto. At kung ang 150 taon at isang minuto ay tinatanggap, bakit hindi maaaring tanggapin ang 150 taon at dalawang minuto, at patuloy pa?” Ang artikulo ay nagpapatuloy: “Salig sa umiiral na kaalaman tungkol sa haba ng buhay, ang eksaktong bilang para sa haba ng buhay ng tao ay hindi maaaring sabihin.”
Ano ang mahihinuha natin dito? Na ang natutuhan ng siyensiya ng medisina tungkol sa pagtanda at kamatayan ay salig sa kalagayan ng tao na gaya ng nakikita natin ngayon. Ang mahalagang tanong ay kung ang kalagayan ba ng tao ay laging ganito o ito kaya ay mananatiling ganito. Ang pangako ng Diyos ay: “Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sa mabilis na dumarating na bagong sanlibutan, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4, 5.
[Larawan sa pahina 8, 9]
‘Isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas sa luklukan ng Diyos.’—Apocalipsis 22:1