Ang Paghahanap ng Mahabang Buhay
ANG paghahanap ng mas mahabang buhay ay halos kasintanda ng buhay mismo. Kaya hindi nakapagtataka na ang kasaysayan, kapuwa ang sinauna at moderno, ay sagana sa mga kuwento at mga alamat ng mga taong naghahanap sa sekreto ng mahabang buhay.
Halimbawa, nais tayong papaniwalain ng romantikong kasaysayan na ang manggagalugad na Kastilang si Juan Ponce de León ay naghahanap ng isang bukál ng kabataan nang maglakbay siya pahilaga mula sa Puerto Rico noong taóng 1513. Subalit binanggit ng mga kapanahon na siya’y naglakbay upang kumuha ng mga alipin at bagong lupain. Natuklasan niya, hindi ang bukál upang papanumbalikin ang kabataan, kundi ang Florida ngayon. Gayunman, ang alamat ay nagpapatuloy.
Kung aatras pa tayo ng mga ilang panahon, ang Akkadianong épikó ng Gilgamesh, hango sa mga tapyas na luwad na may petsang bago pa ang ika-18 siglo B.C.E., ay nagsasabi kung paanong laging sumasagi sa isipan ni Gilgamesh ang takot na mamatay pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Endiku. Inilalarawan nito ang kaniyang mga paglalakbay at ang kaniyang walang tigil subalit walang saysay na mga pagsisikap upang makamit ang pagkawalang-kamatayan.
Kamakailan lamang, noong 1933, sa kaniyang nobelang Lost Horizon, inilarawan ni James Hilton ang isang guniguning lupaing tinatawag na Shangri-la. Doon ang mga maninirahan ay nagtatamasa ng halos sakdal at lubhang mahabang buhay sa malaparaisong kapaligiran.
Kahit na ngayon, may mga taong iniukol ang buhay sa paghahanap ng pambihira at eksotikong mga panukala na nangangako ng mas mabuti at mas mahabang buhay. Ang iba, gayunman, ay kumukuha ng mas praktikal na paraan. Sinusunod nila ang mahigpit na mga hakbang sa kalusugan o sinusunod nila ang mahigpit na mga rutina sa pagkain at ehersisyo. Inaasahan nilang tutulungan sila nito na magmukhang mas bata at mas mabuti ang pakiramdam.
Lahat ng ito ay nagdiriin sa pangunahing pagnanais ng tao na mabuhay nang mas mahaba, mas maligayang buhay.
Ang Siyentipikong Pamamaraan
Ang pag-aaral tungkol sa pagtanda at sa mga suliranin ng mga may-edad ay naging isang seryosong siyensiya. Inaakala ng kagalang-galang na mga siyentipiko na sila ay nasa bingit na ng pagkatuklas sa sanhi ng pagtanda. Inaakala ng iba na ang pagtanda ay nakaprograma sa mga gene. Ipinalalagay naman ng iba na ito ay natipong resulta ng nakapipinsalang mga sakit at nakásasamáng kakambal na mga produkto ng metabolismo. Ipinalalagay pa nga ng iba ang pagtanda sa mga hormone o sa sistema ng imyunidad. Inaakala ng mga siyentipiko na kung maibubukod ang sanhi ng pagtanda, kung gayon marahil ay maaalis ito.
Sa paghahanap ng kawalang-kamatayan, ang kaibahan sa pagitan ng siyensiya at kathang-isip na siyensiya ay pahirap nang pahirap na makilala. Ang cloning ay isang halimbawa. Ang ideya ay mag-clone, o gumawa, ng isang kahawig ng indibiduwal sa pamamagitan ng pangangasiwa sa selula at sa gene. Pagkatapos, habang ang mga bahagi ng katawan ay nasisira o hindi kumikilos, isang bagong sangkap ang maaaring kunin mula sa clone at ilipat, kung paanong ang isang sirang piyesa ng kotse ay pinapalitan ng isang bagong piyesa. Sinasabi ng ibang siyentipiko na sa teoriya, walang takda sa kung ano ang maaaring gawin sa pamamagitan ng cloning.
Hinihigitan pa ang paraang ito ay ang prosesong tinatawag na cryonics. Kapag ang isang tao’y namatay, sabi ng mga tagapagtaguyod nito, ang katawan ay maaaring palamigin nang husto upang ipreserba ito hanggang sa panahon na masumpungan ang lunas sa kung ano ang wala nang lunas ngayon. Pagkatapos ang katawan na nagyelo ay maaaring tunawin, bigyan-buhay, at isauli—sa mas mahaba, mas maligayang buhay.
Dahil sa gayong mga pagsisikap at paggugol ng di-mabilang na angaw-angaw na dolyar sa pananaliksik, ano ang resulta? Malapit na ba tayong makalaya sa kapangyarihan ng kamatayan kaysa roon sa libu-libong milyong mga taong nabuhay at namatay bago tayo?
Ano ang mga Pag-asa?
Batay sa optimistikong mga kapahayagan at mga hula ng ilan na nakikibahagi sa gayong pananaliksik, wari ngang ang buhay na mas mahaba kaysa kinasanayan natin ay nariyan lang sa tabi. Narito ang ilang halimbawang hinalaw mula noong dakong huli ng mga taóng 1960.
“Ang kaalamang makukuha natin sa gayong mga pananaliksik ay magbibigay sa atin ng mga sandatang kailangan natin upang labanan ang huling kaaway—ang Kamatayan—sa kaniyang sariling kapaligiran. Ilalagay nito ang may pasubaling pagkawalang-kamatayan sa abot-kaya natin . . . Maaari itong dumating sa ating panahon.”—Alan E. Nourse, manggagamot at manunulat.
“Dadaigin natin nang lubusan ang suliranin ng pagtanda, anupa’t mga aksidente lamang ang tanging magiging dahilan ng kamatayan.”—Augustus B. Kinzel, dating pangulo ng Salk Institute for Biological Studies.
“Ang pagkawalang-kamatayan (sa diwa ng walang takdang pinahabang buhay) ay teknikal na matatamo, hindi lamang para sa ating mga inapo kundi para sa ating sarili.”—Robert C. W. Ettinger sa The Prospect of Immortality.
Bagaman nang panahong iyon hindi lahat ng gerontologo (dalubhasa sa pagtanda at sa mga suliranin ng pagtanda) at mga mananaliksik ay nakibahagi sa gayong kasiglahan, ang panlahat na palagay ng karamihan ay lumilitaw na sa pasimula ng ika-21 siglo, ang pagtanda ay mapipigil at ang buhay ay lubhang mapahahaba.
Ngayon na tayo ay mas malapit sa pasimula ng ika-21 siglo, ano ba ang larawan? Ang mas mahabang buhay ba, huwag nang sabihin pa ang tungkol sa pagkawalang-kamatayan, ay maaabot natin? Isaalang-alang ang mga obserbasyong ito.
“Maraming gerontologo ang sasang-ayon na ito ay lubhang napakagulong panahon para sa atin. Hindi nga natin nalalaman kung ano ang batayang mekanismo ng pagtanda, ni nasusukat man kaya natin ang bilis ng pagtanda sa eksaktong biyokemikal na mga termino.”—Journal of Gerontology, Setyembre 1986.
“Walang nakakaalam nang eksakto kung ano ang proseso ng pagtanda o kung bakit ito tumatakbo ng ibang landasin sa iba’t ibang tao. Ni nalalaman kaya ng sinuman kung paano daragdagan ang haba ng buhay ng tao, sa kabila ng madalas na mapandaya at kung minsa’y mapanganib na mga pag-aangkin ng mga tagapaglako ng ‘pampahaba ng buhay’ at iba pa na ilegal na kinakalakal ang mga takot at mga karamdaman ng matatanda na.”—FDA Consumer, ang opisyal na babasahin ng U.S. Food and Drug Administration, Oktubre 1988.
Ang mga hula na ginawa noon tungkol sa pagdaig sa kamatayan at pagpapahaba ng buhay nang walang takda ay maliwanag na sobrang sigasig. Ang pagkawalang-kamatayan sa pamamagitan ng siyensiya ay isa pa ring malayong mangyaring pangarap. Nangangahulugan ba ito na maliban sa magkaroon ng malaking pagsulong sa kaalaman sa siyensiya o sa teknolohiya, na walang magagawa upang pahabain o sa paano man ay pagbutihin ang buhay?
Mas Mahaba, Mas Maligayang Buhay Ngayon?
Bagaman hindi pa natutuklasan ng mga mananaliksik ang sekreto ng mahabang buhay, marami silang natutuhan tungkol sa buhay at sa proseso ng pagtanda. At ang ilan sa natamong impormasyon ay maaaring ikapit sa mabuting pakinabang.
Halimbawa, isinisiwalat ng mga eksperimento sa mga hayop na “maaaring pahabain ng kontroladong pagkain ang pinakamahabang panahon ng buhay ng mahigit na 50 porsiyento at iantala ang paglitaw at paglala ng maraming suliraning nauugnay-sa-pagtanda,” ulat ng Times ng London. Ito’y humantong sa mga pag-aaral sa kung baga totoo rin ito sa mga tao.
Kaya, sa kaniyang aklat na The 120-Year Diet, inirerekomenda ni Dr. Roy Walford ang mababa-sa-kalori, mababa-sa-taba, at sagana-sa-nutrisyon na pagkain kasama ng mabuting programa sa ehersisyo. Binabanggit niya ang mga tao sa Okinawa bilang isang halimbawa. Kung ihahambing sa pagkain ng karaniwang Hapones, ang kanilang pagkain ay halos 40 porsiyentong mas mababa sa kaloris, gayunman “mayroon silang mula 5 hanggang 40 ulit na dami ng mga sentenaryo na gaya ng sa iba pang isla sa Hapón.”
Ang mga katutubo sa rehiyon ng Caucasus sa gawing kanluran ng Unyong Sobyet ay isa pa na madalas banggitin bilang halimbawa ng mahabang buhay. Si Sula Benet, na nakatirang kasama ng mga Caucasiano, ay nag-ulat sa kaniyang aklat na How to Live to Be 100 na isang pambihirang mataas na bilang ng mga taong namumuhay nang malusog at aktibo ay nabubuhay nang higit pa sa 100 taon, at ang ilan ay sinasabing nabuhay pa ng mahaba sa 140 taon. Binanggit niya na “dalawang salik ang nananatiling walang pinagbago sa pagkain ng mga Caucasiano: 1. Walang kumakain nang labis . . . 2. Malakas na pagkain ng natural na mga bitamina sa sariwang mga gulay.” Karagdagan pa, “ang kanilang trabaho ay nagbibigay sa kanila hindi lamang ng ehersisyo sa katawan kundi ng kaalaman din naman na mayroon silang mahalagang naitutulong sa kanilang pamayanan.”
Kung Ano ang Magagawa Mo
Ang paglipat ba sa Okinawa o sa Caucasus o sa iba pang dako kung saan ang mga katutubo ay nagtatamasa ng mas mahabang buhay ang lunas? Malamang na hindi. Subalit may mga ilang bagay na maaari mong gawin. Maaari mong tularan ang mabubuting ugali niyaong mga taong nabubuhay nang mahaba at sundin ang payo ng may kakayahang mga doktor, mga dalubhasa sa pagkain, at sa kalusugan.
Halos pangkalahatang inirerekomenda nila ang pamumuhay sa katamtaman. Nangangahulugan ito hindi lamang ng pagiging palaisip sa dami ng pagkain na iyong kinakain kundi gayundin ang pagiging alisto sa pagkain ng masustansiya at nakalulusog na pagkain na makukuha mo. Alam na alam din ang mabuting mga epekto ng regular na ehersisyo. Ang makatuwirang pagsisikap upang ikapit ang mga simulaing ito at alisin ang nakapipinsalang mga bisyo ng modernong lipunan, gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa droga at sa alkohol, ay tutulong sa iyo na maging mas mabuti ang pakiramdam.
Makatuwiran lamang, mientras pinakikitunguhan natin ang ating katawan nang mas mabuti, tayo ay mas lulusog. At mientras tayo’y mas malusog, mas malaki ang ating tsansa na mabuhay nang mas mahaba. Gayunman, anuman ang ating gawin, ang katamtamang haba ng buhay ay nananatiling 70 o 80 ayon sa Bibliya. (Awit 90:10) May pag-asa ba na ang haba ng buhay na ito ay mapahaba, at kung mapahahaba, gaano kahaba?
[Kahon sa pahina 5]
ILAN TAON KA NA?
Sa nalalaman mo o hindi, ikaw ay mas matanda kaysa inaakala mo. Sinasabi sa atin ng siyensiya sa biyolohiya na sa pagsilang, ang mga obaryo ng babae ay naglalaman na ng lahat ng oba, o mga itlog, na gagawin niya. Nangangahulugan ito na kung ang iyong ina ay 30 taóng gulang sa panahon ng paglilihi sa iyo, ang itlog na sa dakong huli ay magiging ikaw ay 30 taóng gulang na.
Malamang na iyan ay hindi nagpapadama sa iyong mas matanda, subalit sa araw-araw ikaw ay tumatanda. Bata o matanda, lahat tayo ay tumatanda, at karamihan sa atin ay interesado na mapabagal ang prosesong iyon—kung hindi man aktuwal na mapahinto ito.