Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Pagbubuntis ng mga Tin-edyer—Ano ang Dapat Gawin ng Isang Batang Babae?
Ang pagbubuntis at aborsiyon ng mga tin-edyer ay mga problemang pangglobo ang sukat. At bagaman ang karamihan ng aming mga mambabasa ay mga kabataang Kristiyano na matalinong umiiwas sa pagtatalik bago ang kasal, ang Gumising! ay binabasa rin ng angaw-angaw na mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan. Ang sumusunod na pagtalakay ay samakatuwid idinisenyo upang tulungan ang sinumang kabataan na nakakaharap ang problema ng pagiging dalagang-ina, gayunman kasabay nito ay itinatampok ang kalunus-lunos na mga resulta na ibinubunga ng pagtatalik bago ang kasal.
“AKO’Y 15 anyos at nagdadalang-tao,” sabi ni Ann. “Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin—magpalaglag, ipaampon ang bata, o ano.” Si Ann ay isa lamang sa mahigit na isang milyong tin-edyer na mga babae sa Estados Unidos na nagbuntis nang taóng iyon.
Bagaman sa ilang kalunus-lunos na kaso ang isang babae ay nagdadalang-tao dahil sa panghahalay, ang pagbubuntis ng mga tin-edyer ay karaniwang bunga ng kusang pakikibahagi sa pagtatalik bago ang kasal.a Sa paano man, ang pagbubuntis ay nakakaharap ng isang dalagang-ina na may ilang mahirap na pagpipilian: Dapat ba siyang mag-asawa? Dapat ba niyang ipaampon ang bata? Ang aborsiyon ba ang lunas? Ipagpalagay na, nangangailangan ng dalawa upang makabuo ng isang sanggol, at taglay ang lahat ng karapatan ang ama ng bata ay dapat na pumasan ng kaniyang pasan ng pananagutan. (Tingnan ang kahon.) Subalit kadalasan, ang babae (marahil sa tulong ng kaniyang mga magulang) ang naiiwanang gumawa ng mahihirap na pagpiling iyon. At kung ano ang naipasiya niya ay magkakaroon ng nagtatagal na epekto sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na kapakanan niya at ng sanggol na kaniyang dinadala.
‘Dapat ba Kaming Pakasal?’
Marami ang may akala na ang pagpapakasal sa ama ng bata ang magiging sakdal na lunas. Tutal, maililigtas nito ang babae at ang kaniyang pamilya sa kahihiyan, at ipahihintulot nito na ang bata ay palakihin ng dalawang magulang. Subalit ang pag-aasawa ay hindi isang panlahat-na-lunas. Sa isang bagay, tanging ang maka-Diyos na pagsisisi lamang ang makatutuwid sa pagkakamali sa paningin ng Diyos.b (Isaias 1:16, 18) Isa pa, ang pagmamadali sa pag-aasawa ay maaari lamang magpalaki sa problema ng batang babae. Yamang ang lalaki at ang babae ay nasa “kasariwaan ng kabataan” pa, wala pa silang emosyonal na pagkamaygulang na kailangan upang tumakbong maayos ang pag-aasawa. (1 Corinto 7:36) Malamang na ang lalaki ay hindi isang tunay na Kristiyano at sa gayo’y hindi nababagay bilang isang kabiyak.—1 Corinto 7:39.
Ganito pa ang sabi ni Dr. Arthur Elster: “Ang wala sa panahong pagiging magulang ay kadalasang nagpapangyari sa mga tatay na ito na tumigil sa pag-aaral, at inilalagay sila sa disbentaha sa paghahanapbuhay.” Ang mangyayaring kahirapan sa kabuhayan ay maaaring sumira sa pag-aasawa. Oo, sinasabi ng ilang pag-aaral na ang dami ng diborsiyo ay mula 50 porsiyento hanggang 75 porsiyento sa gitna ng mga pag-aasawang minadali ng pagbubuntis bago ang kasal!
Ang pag-aasawa ay isang maselang na hakbang at hindi dapat magmadali. (Hebreo 13:4) Pagkatapos isaalang-alang ang mga bagay, ang lahat ng nasasangkot ay maaaring sumang-ayon na ang pag-aasawa ay hindi matalino, na makabubuti pa sa batang babae na palakihin ang sanggol sa tahanan sa tulong ng kaniyang pamilya kaysa palakihin sa isang puno-ng-problemang pag-aasawa.
Aborsiyon—Ang Pangmalas ng Bibliya
Sabi ng isang batang babae: ‘Marami akong gustong gawin sa aking buhay, at hindi kasali rito ang isang sanggol.’ Kaya ang aborsiyon ang pinipili ng halos kalahating milyong mga batang babae taun-taon sa Estados Unidos lamang. Subalit tama ba o makatuwiran bang ipalaglag ang buhay ng isang sanggol dahil lamang sa hindi ito ‘kasali’ sa personal na plano ng isa?
Pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa Exodo 21:22, 23 tungkol sa buhay ng isang di pa isinisilang na sanggol: “At kung may magbabag at makasakit ng isang babaing buntis na anupa’t makunan at gayunma’y walang karamdamang sumunod, ay tunay na pagbabayarin siya . . . datapuwat kung may anumang karamdamang sumunod [sa ina o sa di pa isinisilang na anak], magbabayad ka nga ng buhay kung buhay.” Oo, ang pagpatay sa isang di pa isinisilang na sanggol ay itinuturing na sadyang pagpatay!
Totoo, sinasabi ng ilang doktor na ang di pa isinisilang na sanggol ay isa lamang fetus, o fetal tissue—hindi isang tao. Subalit iba ang sinasabi ng Diyos. Itinuturing niya ang isang bilig (embryo) na isang natatanging persona, isang nabubuhay na tao! (Awit 139:16) Maipalalaglag kaya ng isa ang buhay ng isang di pa isinisilang at gayunma’y manatiling nasa pagsang-ayon ng Diyos, na “nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay”?—Gawa 17:25.
Ang aklat na Growing Into Love ay nagbibigay ng isa pang pangangatuwiran laban sa aborsiyon: “Bagaman ang mga kahihinatnan ng paglilihi ay ginagawang simple ng paglalaglag, ang karanasan ng pagwawakas sa pagdadalang-tao ay karaniwang nakababalisa at nakababagabag. . . . Ang isang tin-edyer . . . ay maaaring naniniwala na ang fetus ay gayon lamang—isang fetus . . . Subalit gaano man karaming legal na mga paliwanag ay hindi magpapangyari sa kaniya na makalimutan, sa loob niya mismo, na ang fetus na ipinaglihi niya ay maaaring mabuhay.”
Napatunayan itong totoo ng isang kabataang nagngangalang Linda. Ikinatatakot na ang pagkakaroon niya ng sanggol ay magdadala ng kahihiyan sa kaniyang pamilya, siya ay nagpalaglag. Pagkatapos ng operasyon, gayunman, nagugunita niya: “Nanginig ako nang husto anupa’t hindi ko makontrol ito. At nag-iiyak ako, at walang anu-ano bigla kong naisip, kung ano nga ang nagawa ko. Kinitil ko ang buhay ng aking di pa isinisilang na sanggol, isang nilikhang tao!” Ano ngayon ang palagay ni Linda tungkol sa aborsiyon? “Ito ang pinakamalaking pagkakamali ko sa buong buhay ko.”
‘Hindi Ko Maibibigay sa Kaniya ang Pinakamabuti’
Pinipili ng ibang dalagang-ina na ipaampon ang kanilang sanggol. Karaniwang nadarama nila ang gaya ng nadama ni Heather, isang babaing sinipi sa magasing Seventeen, na nagsasabi: “Napuproblema na nga ako sa aking sarili kung minsan, idaragdag pa ang munting sanggol. Giliw na giliw ako sa mga bata, at maibigin ako ng mga sanggol, subalit alam kong hindi ko maibibigay sa sanggol na ito ang pinakamabuti.”
Totoo na ang pagpapaampon ng bata ay mas mabuti kaysa pagkitil sa kaniyang buhay sa pamamagitan ng aborsiyon. At sabihin pa, ang pagpapalaki ng isang sanggol sa ganang sarili ng ina ay waring hindi makakayanan ng isang bata at walang karanasang babae. Gaya ng sabi ng isang dalagang-ina sa Gumising!: “Nagkakaroon ka ng isang malaki, malaking pananagutan na napakalungkot at napakahirap at na nangangailangan ng maraming sakripisyo.” Gayunman, tandaan na pinananagot ng Diyos ang isang magulang na ‘paglaanan ang kaniyang sariling sambahayan.’ (1 Timoteo 5:8) Sa karamihan ng mga kaso, makabubuti para sa batang babae na palakihin niya sa ganang sarili ang sanggol.
Si Ann, na binanggit sa simula, ay gumawa ng isang matalinong pasiya—bagaman hindi ang pinakamadaling pasiya. “Naipasiya kong panatilihin ang sanggol,” sabi niya. “Tinulungan ako ng aking mga magulang at tinutulungan pa hanggang ngayon.” Ipagpalagay na, ang pagiging nagsosolong ina ay mahirap. Subalit hindi naman ito imposible, at maraming may kabataang mga ina ang naging mahusay na mga magulang. Lalo nang totoo ito kung ang isang dalagang-ina ay may kalakip-panalangin na nagpapasiyang palakihin ang kaniyang anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”c (Efeso 6:4) Maaaring mas mabuting materyal na bagay ang naibibigay ng umampong mga magulang. Subalit maglalaan kaya sila ng espirituwal na patnubay na kailangan ng isang bata upang lumaking isang umiibig sa tunay na Diyos, si Jehova?—Deuteronomio 6:4-8.
Tandaan din, na bagaman ang nagsosolong magulang ay hindi makapagbibigay sa kaniyang sanggol ng pinakamabuti sa materyal na paraan, mayroon siyang maibibigay na mas mahalaga: ang pag-ibig. “Maigi ang pagkaing gulay na may pag-ibig kaysa matabang baka [“pinakamasarap na karne,” Today’s English Version] na may pagtataniman.”—Kawikaan 15:17.
Mangyari pa, ang maraming di-kinakailangang paghihirap ay maaaring iwasan kung iiwasan ng isa ang kasalanan ng pakikiapid sa una pa.d Subalit kung ang isang batang babae ay nagkasala tungkol dito, hindi siya dapat maghinuha na tapos na ang kaniyang buhay. Sa pamamagitan ng pagkilos nang may katalinuhan, maaari niyang iwasan na palakihin ang pagkakasala at gawin ang pinakamabuti sa kaniyang kalagayan. Oo, maaari pa nga niyang hingin ang tulong at pagtaguyod mismo ng Diyos, na ‘nagpapatawad nang sagana’ sa mga humihiwalay sa maling landasin.—Isaias 55:7.
[Mga talababa]
a Ang imoralidad sa sekso ay hindi ipinahihintulot sa mga Saksi ni Jehova, kung paanong ito ay hindi ipinahihintulot sa mga Kristiyano noong unang siglo. (1 Corinto 5:11-13) Gayumpaman, ang mga nagkasala ay maaaring magtamo ng tulong ng maibiging hinirang na matatanda sa kongregasyon. (Santiago 5:14, 15) Sa pagsisisi sa kanilang maling landasin ng paggawi, ang mga iyon ay maaaring magtamasa ng kapatawaran ng Diyos at ng kongregasyong Kristiyano.
b Sa ilalim ng Batas Mosaiko, hinihiling ng Diyos ang isang lalaki na pakasalan ang dalagang inakit niya. (Exodo 22:16, 17; Deuteronomio 22:28, 29) Subalit ang batas na iyon ay nagsilbi sa mga pangangailangan ng bayan ng Diyos sa ilalim ng mga kalagayan noong kaarawan at panahong iyon. At kahit na noon, ang pag-aasawa ay hindi automatiko, yamang maaari itong ipagbawal ng ama.—Tingnan ang kasamang babasahin na Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1989, “Mga Tanong Mula sa Mambabasa.”
c Natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang maraming pamilya na magkaroon ng isang programa ng regular na pag-aaral ng Bibliya. Sila ay maaari ninyo makaugnayan sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
d Tingnan ang kabanata 24 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 26]
Pagbubuntis ng mga Tin-edyer—Ang Ibinubunga sa mga Lalaki
Dala ng takot—o mapag-imbot na pagwawalang-bahala—lubusang iniiwasan ng ilang lalaki na nagkaanak sa pagkabinata ang kanilang pananagutan. Sabi ng isang lalaki na ang nobya ay nagdalang-tao: “Basta sinabi ko sa kaniya, ‘Sige ha.’ ”
Mabuti na lamang, ang karamihan ng mga lalaki ay para bang nagnanais sa paano man na masangkot sa kanilang anak. Kung ang pag-aasawa’y waring hindi marapat (gaya ng karaniwang kaso), ang karamihan ay nag-aalok na tutulong sa pinansiyal na paraan. Ang iba ay nag-aalok pa nga na makibahagi sa araw-araw na pangangalaga sa sanggol. Subalit ang gayong mga pagsisikap ay kadalasang panandalian lamang, nabibigo dahil sa limitadong kita ng lalaki at dahil sa lubhang kakulangan ng pagtitiis at kasanayan ng lalaki na kinakailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang munting sanggol.
Gayundin, kung minsan lubhang salansang ang mga magulang ng babae na magkaroon ng anumang pakikitungo pa ang lalaki sa kanilang anak na babae, ikinatatakot na ito ay maaaring magbunga ng higit pang maling paggawi sa sekso—o isang wala sa panahong pag-aasawa. Maaaring ipagkait nila sa lalaki ang anumang bahagi sa mga pasiya na gagawin tungkol sa bata, marahil ay wala siyang magawa samantalang ang bata ay ipinalalaglag o ipinaaampon, winawakasan ang anumang pagkakataon niya na makasama ang sanggol na siya ang ama. Sa kabilang dako naman, ang isang lalaki ay maaaring payagan na mapalapit sa kaniyang anak—at pagkatapos ay malupit na putulin ang buklod na iyon kapag ang babae ay nag-asawa at ibang lalaki naman ang gaganap sa papel ng ama.
Walang alinlangan, kung gayon, ang mga binatang-ama ay nagbabayad din dahil sa kanilang iresponsableng paggawi. Isang 16-anyos na binatang-ama ay nagsabi: “Maraming damdamin na hindi mo basta mapangasiwaan. Para bang ikaw ay nananalangin na makabalik ka sa dati mong kinalalagyan, subalit hindi puwede.”—“’Teen” magasin, Nobyembre 1984.
“Nag-iiyak ako, at walang anu-ano bigla kong naisip, kung ano nga ang nagawa ko. Kinitil ko ang buhay ng aking di pa isinisilang na sanggol. Pinatay ko ang isang nilikhang tao!”
Ang pag-aasawa ay hindi panlahat-na-lunas
Sinasabi ng ilang pag-aaral na ang dami ng diborsiyo ay mula 50 porsiyento hanggang 75 porsiyento sa gitna ng mga pag-aasawang minadali ng pagbubuntis bago ang kasal!