Nagbabagong mga Pamantayan sa Paglipas ng Kasaysayan
“ISANG sistema ng mga panuntunang sinusunod (o dapat sundin) ng isang tao sa kaniyang personal na buhay at sa kaniyang buhay sa lipunan.” Ganiyan ang pagpapakahulugan ng Pranses na Encyclopædia Universalis sa salitang Ingles na “morals” (wagas na asal).
Ang kahulugang ito ay tunay na kapit sa lahat. Lakip dito ang mananampalatayang sumusunod sa mga simulain ng kaniyang relihiyon at gayundin ang taong hindi nanghahawakan sa anumang sistemang etikal o relihiyon subalit may tiyak na mga simulaing pumapatnubay sa kaniyang buhay. Maging ang anarkista [isang taong ibig magpabagsak sa lehitimong pamahalaan], na nag-aangking siya’y “walang Diyos o panginoon,” ay pumili ng kaniyang mga pamantayan, kahit man lamang ang karapatang gumawa ng kaniyang sariling mga pasiya.
Subalit ano ang saligan ng mga pamantayang ito? Sa ano itinatag ang gayong mga pagpiling moral? Nagbabago ba ang mga ito sa paglipas ng panahon?
Iba’t ibang Pamantayan Noong Nakalipas
Ang salitang “spartan” ay ginagamit sa maraming wika upang ilarawan ang kakulangan ng kaalwanan. Ang termino ay tumutukoy sa mahihigpit na kalagayang sa ilalim nito’y tinuruan ang mga batang mamamayan mula sa sinaunang Griegong lungsod ng Sparta. Nawalay sa kanilang mga magulang mula sa pagkabata, ang mga ito ay kailangang matuto ng lubusang pagtalima. Ang layunin ng edukasyong ito ay gawin silang huwarang mga sundalo.
Iba’t ibang pamantayan naman ang sinunod ng ibang tao. Halimbawa, ang sinaunang Israel ay may kodigo ng mga batas na ibinigay ng Diyos kay Moises. Lakip sa mga batas na iyon ay mga pagbabawal sa pagkain, pisikal, moral, at espirituwal. Ang mga Israelita ay kailangang sumamba sa Diyos na Jehova at tanging sa kaniya lamang.
Tungkol sa seksuwal na moralidad, mahigpit na hinahatulan ng Batas Mosaiko ang pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, at ang pagsiping sa mga hayop. Ang layunin nito ay upang ibukod ang mga Israelita sa kanilang kalapit na mga bansa, hindi lamang sa pagsamba kundi maging sa moralidad. Ito ay dahilan sa maraming tao sa palibot ng Israel ang nagsasagawa ng karumal-dumal, mapaminsalang pagsamba sa sekso, lakip ang prostitusyon sa templo ng mga lalaki’t babae. Inihandog pa man din ng ilan ang kanilang sariling mga anak bilang hain sa kanilang huwad na mga diyus-diyusan.
Noong unang siglo C.E., isang kautusan mula sa konsilyo ng Kristiyanong mga apostol at mga matatanda sa Jerusalem ang nagturo sa mga Kristiyano na sundin ang halos gayunding moralidad sa sekso gaya niyaong sa mga Judio, sinasabihan silang ‘umiwas sa pakikiapid.’ Ayon sa Dictionnaire de la Bible ni Vigouroux, lubhang mahalaga ang tagubiling ito, yamang ang pakikiapid ay karaniwang gawain sa gitna ng mga pagano nang panahong yaon.—Gawa 15:29.
Ang sarisaring mga pamantayang-asal ay nanatili sa buong kasaysayan, taglay ang naghahali-haliling mga yugto ng maluwag at mas mahigpit na mga tuntuning etikal. Ang homoseksuwalidad, na lubhang hinahatulan noong mga Edad Medya, ay humigit-kumulang pinahintulutan noong panahon ng Renaissance sa Europa. Sa Switzerland, nang si Calvin ay nanirahan sa Geneva noong panahon ng Repormasyon, pinasinayaan niya ang isang yugto ng di-nagkukumpromiso’t mahigpit na moral. Sa kabilang dako, mga 200 taon pagkaraan, ginawang legal ng Rebolusyong Pranses ang dating tinanggihang mga pamantayan. Itinaguyod nito ang isang bagong “kalayaan sa moral” at pinadali ang pagkuha ng isang diborsiyo.
Ang Naiibang Pamantayang-Asal Ngayon
Sa ngayon, kahit sa loob ng iisang lipunan, iba’t iba ang mga pamantayang-asal ng mga tao. Nariyan yaong mga nagtataguyod ng mahigpit na mga tuntunin sa asal, samantalang ang iba’y nagtataguyod ng “kalayaan” sa moral.
Mabilis na nagbago ang mga kodigong moral. “Para sa mga Pranses, may tiyak na kahulugan ang pakikiapid. Ito’y negatibo at salungat sa mabuting asal,” sabi ng aklat na Pranses na Francoscopie. Gayumpaman, binanggit din nito na para sa marami pang iba “ang di-katapatan sa pag-aasawa ay hindi na minamalas bilang isang pag-iwas sa panata kundi bilang isang karapatan, isang karapatang hindi dapat tumutol sa pag-ibig na maaaring taglay ng lalaki’t babae sa isa’t isa, kundi, sa kabaligtaran, dapat pa nga nitong pagyamanin at pagtibayin iyon.”
Ang aborsiyon ay isa pang dako kung saan mabilis na nagbago ang mga pamantayan sa etika. Samantalang ang aborsiyon ay isa pa ring krimen sa ilang mga bansa, ito’y ipinahihintulot—at ipinag-uutos pa nga—sa iba. Kawili-wiling pansinin na itinuring ng French Medical Association ang aborsiyon bilang isang krimen hanggang sa ito’y gawing legal noong 1974. Sa ngayon, itinuturing ng maraming Pranses na ito’y moral na matatanggap.
Ngunit, saan nakasalig ang gayong mga asal? Ang atin bang mga pamantayang-asal ay dapat na maging relatibo lamang at magbago alinsunod ng mga kalagayan?
Nagtatag ang Tao ng Kaniyang Sariling mga Pamantayang-Asal
Sa nakalipas na mga siglo, ang mga pilosopo’y nagharap ng maraming ideya upang sikaping matugunan ang mga tanong na iyon. Ang ilan ay nagharap ng isang ‘pansansinukob na kodigo ng wagas na asal’ subalit hindi magkasundo kung kaninong pagpapakahulugan ng wagas na asal ang dapat maging pamantayan.
Inaakala naman ng iba na ang malasakit para sa kapuwa tao ang dapat na maging patnubay sa paggawi ng isa. Subalit ang maaaring ituring ng isang tao bilang wastong pagmamalasakit para sa iba ay maaaring hindi malasin na gayon ng iba. Halimbawa, sa loob ng maraming siglo itinuring ng mga may-ari ng mga alipin na wastong pagmamalasakit na pakanin at bigyan ng tirahan ang kanilang mga alipin, subalit inaakala naman ng mga alipin na ang wastong pagmamalasakit ay nararapat magbunga ng pagpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin.
Walang alinlangan na ang malawak na pagkasarisari ng kadalasa’y nagkakasalungatang pangmalas na taglay ng mga pilosopo tungkol sa mga pamantayang-asal ay nakalito sa maraming tao. Ang kanilang mga ideya ay hindi nakagawa ng anumang karaniwang pamantayan ng moralidad, ni inakay man kaya ng kanilang pamimilosopya ang sambahayan ng tao sa kapayapaan at pagkakaisa. Kung anuman, ang kanilang marami at nagkakasalungatang mga ideya ay umakay sa parami nang paraming tao na maghinuhang ang sariling personal na pamantayang-asal ng isa ay simbuti na niyaong taglay ng “mga dalubhasa.”
Iyan ang dahilan kung bakit ikinapit ng marami sa ngayon ang pangmalas ng pilosopong Pranses na si Jean-Paul Sartre, na nag-akalang ang tao ang nararapat na humatol sa kaniyang sarili kung tungkol sa mga usaping moral. Ang ganitong pag-iisip ay ikinapit na rin ng maraming mga nagsisimba. Halimbawa, nababahala ang mga autoridad na Katoliko sapagkat maraming Katoliko ay hindi na sumusunod sa turo ng simbahan tungkol sa mga bagay may kaugnayan sa sekso at sa paggamit ng mga kontraseptibo na hinahatulan ng simbahan.
Ang aral sa kasaysayan ay na ang sarisaring kodigong moral ay itinatag ng mga tao, subalit sa paglipas ng panahon ang gayong mga kodigo ay tinututulan, binago, o kinalimutan. Gayunman, ang mga simulain ng Bibliya na binanggit kanina sa artikulong ito ay hindi sakop ng mga kapritso ng mga pilosopo o ng nagbabagong mga lipunan. Ano ang halaga ng gayong mga simulain ng Bibliya sa ngayon? Posible kayang sundin ang mga iyon?
[Blurb sa pahina 7]
“ANG DI-KATAPATAN SA PAG-AASAWA AY HINDI NA MINAMALAS BILANG ISANG PAG-IWAS SA PANATA KUNDI BILANG ISANG KARAPATAN”