Mga Pamantayang-asal na Nagdadala ng Kaligayahan
ANO kaya ang gagawin ng isang bata kapag iniwan sa harap ng isang mesang punô ng masustansiyang pagkain at ng kendi? Kung walang papatnubay sa kaniya, malamang na pipiliin niyang kanin ang pinakagusto niya—malamang ang kendi—hanggang siya’y magsawa.
Kung pag-uusapan ang wagas na asal, ang tao ay napapaharap sa mga pagpili. Ano ba ang pinakahahangad niya? Isang maligayang buhay-pampamilya o, anuman ang maging kahihinatnan, isang pang-araw-araw na buhay na nakasentro sa kalayawan? Anuman ang kaniyang piliin, ang kaniyang pagpili ang uugit sa kaniyang buhay at makakaapekto sa kaniyang kinabukasan—sa ikabubuti o sa ikasasama.
Ang mga Kahihinatnan
Ang bunga ng mga pagbabago sa sekso at di-mapigil na kalayaan ay hindi naging mabuti. Ang mga tao na gumawi sa paraang naibigan nila ay napaharap sa maraming di-kanais-nais na mga suliranin: mga wasak na tahanan, di-ninanais na mga pagbubuntis, kamatayan dahil sa AIDS at sa iba pang mga sakit na naililipat sa seksuwal na pagtatalik, mga buhay na sinira ng pag-abuso sa droga, at iba pang di-kanais-nais na mga kinahinatnan. Ang masasamang bungang ito ay angkop na angkop sa paglalarawang binabanggit ng Bibliya sa Kawikaan 16:25: “May daan na tila matuwid sa paningin ng tao, ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan pagkatapos.”—Tingnan din ang Galacia 5:19-21.
Ang palasak na pagkamalasarili at kalayaang walang kasamang pananagutan ay katugma rin ng paglalarawan ng ating panahon na matatagpuan sa 2 Timoteo 3:1-4: “Sa mga huling araw ay darating ang mga mapanganib na panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang mga sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mga mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, hindi maibigin sa kabutihan, mga lilo, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”
Ang Pundasyon para sa Pinakamahusay na Asal
Lahat ng ito’y nagpapakita ng pangangailangan para sa isang pinagmumulan ng mga pamantayang nakatataas sa tao upang tayo’y makalakad nang pantas sa mapanganib na mga panahong ito. Kinilala ito ni Jeremias, isa sa mga manunulat ng Bibliya, nang kaniyang sabihin: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili.”—Jeremias 10:23.
Subalit sino ang makapaglalagay ng pundasyon para sa pinakamahusay na pamantayang-asal? Sa kaniyang aklat na Cours de philosophie, ang propesor na Pranses na si Armand Cuvillier ay nagpapaliwanag na siya, gaya ng karamihang mga pilosopo, ay itinuturing “ang tao bilang ang pangunahing pamantayan.” Gayunman, kaniyang ipinaaalala sa atin na lahat ng mga kodigo sa asal na batay sa tao ay marurupok at malamang na halinhan ng iba sa dakong huli.
Ang may-gawa ng isang makina ay kadalasang ang pinakakuwalipikadong taong makapagpapaandar nito ng pinakamahusay. Gayundin kung tungkol sa Diyos at sa tao. Bilang Maylikha ng tao, si Jehova ang nasa pinakamahusay na kalagayan upang ipakita sa kaniya ang mga pamantayang dapat niyang taglayin, at kung bakit. Sa Bibliya, tinatawag ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Isa ‘na nagtuturo sa atin ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa atin sa daan na dapat nating lakaran.’—Isaias 48:17.
Makalumang mga Pamantayan?
Maikakapit ba ang mga pamantayang-asal ng Bibliya sa ating panahon? Mahigit nang 1,900 taon ang nakaraan, nagbigay si apostol Pablo ng isang talaan ng mga katangiang hinihiling sa mga lingkod ng Diyos. Binanggit niya ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” Ang mga katangian bang ito’y hindi na mahalaga ngayon? Tiyak na hindi gayon! Bagaman nagbago ang mga kalagayan, ang matataas na simulaing ito ang siya pa ring pinakamahusay.—Galacia 5:22, 23.
Ganito rin ang masasabi tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Bibliya. Halimbawa, bakit pinuksa ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra? Ipinaliwanag ng alagad na si Judas na ito’y dahil sa ang mga naninirahan dito ay “nagpakabuyo sa seksuwal na imoralidad at namimihasa sa di-likas na gamit ng sekso.” Isinusog ni Judas na ang kanilang pagkapuksa ay nagsisilbing “isang permanenteng babala.” Yamang ang ulat na ito at ang iba pang kahawig nito ay “nasulat upang magturo sa atin,” “upang maging babala sa atin,” ang mga leksiyong nagmumula sa mga ito ay mabisa pa rin.—Judas 7, Phillips; Roma 15:4; 1 Corinto 10:11.
Mga Pamantayang Nagpapaligaya sa Iyo
Tandaan na ang Bibliya ay bukod-tangi. Tanggapin ito, “hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Sa lahat ng milyun-milyong aklat sa daigdig, tanging ang Bibliya ang ‘kinasihan ng Diyos, at maaari nitong ituwid ang mga bagay-bagay.’ (2 Timoteo 3:16) Ito lamang ang makapagbibigay sa atin ng pinakamahusay na mga pamantayan at makapagpapakita kung paanong ang mga ito’y umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan sa isang bagong sanlibutan. Tiyak, ang landas ng karunungan ay suriin ito.
Ganiyan nga ang ginawa ng isang binatang nagngangalang Joël. Ilang taóng nakalipas, siya’y naglakad sa mga kalsada ng kaniyang katutubong bayan sa Pransiya kasama ng ibang mga kabataan—na nasasandatahan. Kilalâ siya bilang magagalitin, at isa siyang negosyante ng bawal na gamot at isang bugaw. Napag-alaman ni Joël ang tungkol sa Bibliya at ang pag-asang dulot nito, at, sa paglipas ng panahon, siya’y lubusang nagbago, iwinawaksi ang mga gawaing hinahatulan ng Bibliya. Ang ilan sa dati niyang mga kaibigan ay nakumbinsi na nasumpungan niya ang katotohanan, kaya sila’y gumawa rin ng malaking pagbabago sa kanilang buhay at nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova.
Siyempre pa, karamihan ng naging mga Saksi ni Jehova ay hindi naman namuhay nang malayo sa mga simulain ng Bibliya na gaya ng ginawa ni Joël at ng kaniyang mga kasama. Subalit lahat ng nagiging mga Saksi ay sumasang-ayon na muling isaalang-alang ang mga pamantayang pumapatnubay sa kanilang buhay—kahit na ang mga ito ay hindi naman masamâ sa ganang sarili—at kumbinsido silang nasumpungan nila ang isang sistema ng mga pamantayan na makapagpapaligaya sa kanila.
Sa buong daigdig, halos apat na milyong Saksi ang nagsisikap na mamuhay ayon sa mga simulaing ito sa araw-araw, anumang bansa o uri ng lipunan ang kanilang tinitirhan. Kanila ring inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos, ginagawang pangunahin sa kanilang mga buhay ang espirituwal na mga pamantayan. Bakit hindi tanggapin ang kanilang paanyaya na tulungan kang suriin ang mga pagpapala na maaari mo ring kamtin mula sa mga pamantayang ito? “Saganang kapayapaan” ang ipinapangako sa lahat na gumagawa ng ganitong pagpili.—Awit 119:165; Mateo 6:33.
[Larawan sa pahina 9]
Kailangan ng mga tao ng mga pamantayang higit pa sa mga pilosopya ng tao