Natutuhan Naming Mamuhay na May Epilepsiya
Nagising ako sa garalgal na tili. Napalukso ako ng kama bago ko pa matalos na ito ay galing sa aking asawa, si Sandra. Siya ay nangangatal sa kama, ang kaniyang mata ay nakatirik, at hindi siya humihinga. Ang kaniyang labi ay nangitim, at bumubula ang kaniyang bibig. Akala ko siya’y naghihingalo. Sinampal ko siya, inaakala kong ito ang magpapabalik ng kaniyang ulirat. Ang pangangatal ay nagpatuloy, kaya’t ako ay tumakbo sa telepono at tinawagan ko ang aming doktor. Ipaliliwanag ng aking asawa ang nangyari.
NANG magising ako noong umagang iyon, narinig ko ang mahinang mga tinig, at wala ako sa aking sariling kama. Basta pinanatili kong nakapikit ang aking mata, nakikinig. Narinig ko ang boses ng mister ko, gayundin ang boses ng nanay ko at ng doktor. Ano ang nangyari?
Idinilat ko ang aking mata at napansin ko ang kanilang pagkabalisa. Nang sikapin kong maupo, parang mabibiyak ang ulo ko at napag-alaman ko na sila’y nag-aalala sa akin. Gayon nagsimula ang pagkakilala ng aming pamilya sa epilepsiya, o ang tinatawag ngayon na sakit na sumpong o kombulsiyon. Noong panahong iyon, noong 1969, ang aking asawa, si David, at ako ay 23 lamang.
Nabago ang Aming mga Tunguhin sa Buhay
Ako’y pinalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at nagsimula akong makibahagi sa gawaing pangangaral sa madla na kasama ng aking mga magulang nang ako ay limang taon. Samantalang minamasdan ang isa sa aking mga estudyante sa Bibliya na nagpapabautismo, nagtakda ako ng tunguhin na maging isang misyonera. Kung bakasyon sa eskuwela, ako’y nagpapayunir, gaya ng tawag namin sa buong-panahong ministeryo. Pagkatapos ko ng high school noong 1964, agad akong nagsimula sa pagpapayunir.
Nang marinig ko si David na nagbibigay ng mahuhusay na mga pahayag sa Bibliya at nalaman ko na nais rin niya ang isang karera ng pantanging paglilingkod kay Jehova, hulaan ninyo kung ano ang nangyari. Nagpakasal kami, at magkasamang tinamasa namin ang napakahusay na tagumpay sa pagtulong sa iba na matuto ng mga daan ni Jehova.
Maguguniguni ba ninyo ang aming katuwaan noong Abril 1970 nang tumanggap kami ng paanyaya sa Watchtower Bible School of Gilead para sa mga misyonero? Sinulatan namin ang mga aplikasyon. Sa isang kapirasong papel na isinama ko sa aking aplikasyon, binanggit ko na bagaman inaakala kong ito’y hindi mahalaga, isinulat kong dumanas ako ng dalawang pagsumpong ng kombulsiyon sa nakalipas na taon. Di-nagtagal ay tumanggap kami ng isang mabait na sulat na nagsasabi sa amin na hanggang sa panahong hindi ako sumpungin ng kombulsiyon sa loob ng tatlong taon, hindi makabubuting ipadala kami sa isang bansang banyaga. Sa loob ng ilang araw, dumanas ako ng ikatlong sumpong.
Palibhasa’y hindi kami makakapunta sa Gilead, inasam naming magtrabaho sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Nag-aplay kami ng dakong huli ng tag-araw na iyon sa isang pulong na pinangasiwaan ng presidente noon ng Samahang Watch Tower, si Nathan Knorr. Noong panahon ng pakikipanayam niya sa amin, may kabaitang ipinaliwanag niya na kailangang hindi ako sumpungin ng kombulsiyon sa loob ng tatlong taon bago kami maaaring tanggapin sa paglilingkod sa Bethel. Gayunman, kinuha niya ang mga aplikasyon at inilagay ito sa kaniyang bulsa. Sa loob ng anim na linggo kami ay naatasang maglingkod bilang espesyal payunir sa Pennsylvania.
Mahirap Batahin ang Epilepsiya
Sa simula ang mga kombulsiyon ay mga ilang buwan ang agwat, subalit ito ay padalas nang padalas. Hindi pa ako nakakita ng sinuman na may matinding kombulsiyon; nalalaman ko lang kung ano ang nadarama ng isa. Una’y nariyan ang aura—isang panandalian, litong damdamin na maihahambing sa damdaming nadarama kapag ikaw ay tumatakbo sa hanay ng mga punungkahoy na ang liwanag ng araw ay kukurap-kurap. Ito ay sandali lamang, at pagkatapos ako’y hinihimatay.
Magigising akong masakit ang ulo; nakakapag-isip ako, subalit ang mga kaisipan ay hindi mabigkas—pawang malabo. Hindi ko rin maunawaan ang salita. Ang mga epektong ito ay nawawala naman pagkalipas ng ilang oras. Gayunman, nakakasira ng loob at kung minsan nakakahiyang gumising sa ibang lugar at sabihan na ako ay dumanas ng isa pang kombulsiyon, lalo na kung kami’y galing sa isang asambleang Kristiyano.
Kung isang walang karanasang tao ang nag-aalaga sa akin o kung ako’y nag-iisa samantalang dumaranas ng kombulsiyon, kinakagat ko ang gilid ng aking bibig at kadalasan ay kinakagat ko ang aking dila. Pagkatapos kukuha ito ng mga ilang araw upang gumaling ang aking bibig. Si David ay naging bihasa sa pag-aalaga sa akin, kaya mas mabuti kung kasama ko siya. Alam niyang kailangang may nakapasak sa aking bibig upang pangalagaan ito. Kung hindi, sasakit ito ng mga ilang araw, o masahol pa, maaari akong mahirinan.
Kailangan ang isang ligtas na pananggalang sa bibig. Agad natuklasan ni David na ang maliliit na aklat, gaya ng Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, ang tamang-tamang laki at laging madaling kunin. Marami kaming koleksiyon ng maliliit na aklat na may mga marka ng ngipin ko sa gilid.
Ano ba ang Sanhi?
Ang mga kombulsiyon ay maaaring maging sintomas ng maraming suliranin sa kalusugan. Ang nababahalang mga kaibigan ay gugupit ng mga artikulo tungkol sa mga kombulsiyon at kung paanong ito ay maaaring dahil sa hindi pantay na gulugod, di-timbang na mga bitamina o mineral, di-timbang na hormone o hypoglycemia, mga parasito pa nga. Matapat kong sinubok ang lahat ng lunas na iniaalok. Nagtungo ako sa maraming uri ng doktor at nagkaroon ng maraming pagsubok. Nalaman lamang namin na ako ay di pangkaraniwang malusog, gayunman nagpatuloy ang mga kombulsiyon.
Kapag ako’y kinukombulsiyon, ang pamilya at mga kaibigan ay madalas na magsasabi: “Dapat mong pangalagaang higit ang iyong sarili.” Sa kalaunan ito ay nakakasakit sa aking damdamin. Para bang may ginagawa ako na pinagmumulan ng mga kombulsiyon; gayunman ginagawa ko nga ang lahat ng magagawa ko upang pangalagaan ang aking kalusugan. Ginugunita ang nakalipas, natanto ko na ang kanilang pagkabahala ay isang natural na reaksiyon. Sila, tulad ko, ay nahihirapang tanggapin ang epilepsiya. Gaya ni apostol Pablo, nahihirapan akong harapin ang aking “tinik sa laman.”—2 Corinto 12:7-10.
Pagkasilang ng aming panganay noong 1971, huminto muna ako sa pagpapayunir, at ipinasiya naming makipagkita sa isang neurologo. Ang mga pagsubok ay rutina. Una, ini-scan ang ulo ko upang matiyak kung may tumor ba sa utak. Wala namang tumor. Pagkatapos sinukat ng isang electroencephalograh ang mga alon ng utak (brain waves) ko. Sa akin, may nakakatawang bagay sa pagsubok.
Ako’y sinabihang huwag matutulog nang husto noong gabi bago ang pagsubok at huwag iinom ng anumang pampasigla. Kinabukasan, samantalang ako’y nakahiga sa patag na patag, di-komportableng kama sa isang malamig na silid, ang mga electrode ay ikinabit sa aking mukha, sa tuktok ng ulo ko, at pati na sa pingol ng tainga ko. Pagkatapos ang teknisyan ay lumabas ng silid, pinatay ang mga ilaw, at sinabihan akong matulog! Kung kakawag ako kahit na bahagya, ang tinig niya ay maririnig sa ispiker, na nagsasabi: “Huwag kayong kikilos, pakisuyo.” Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, nakatulog nga ako! Lagi akong tinutukso ni David, na ang sabi ako raw ay nakakatulog kahit saan, anumang oras.
Dumating ang rikonosi. Natuklasan ang kaunting pinsala sa utak sa front temporal lobe. Malamang na ito ay pinangyari ng isang napakahirap na panganganak o isang napakataas na lagnat noong mga unang buwan ng buhay. Ang aking mga magulang ay tinanong, na napakasakit para sa kanila. Sinabi nilang ang dalawang sanhi na ito ay mga posibilidad. Ang uri ng epilepsiya na nagpapahirap sa akin, nalaman namin, ay hindi namamana.
Ang Pagpupunyaging Supilin Ito
Nagsimula na ngayon ang mga taon na para sa akin ay isang nakatatakot na anyo ng paggamot, drug therapy. Nagkaroon ako ng masamang reaksiyon sa unang gamot na sinubok, at ang ikalawang gamot ay hindi gumana. Samantalang ang ikatlong gamot, ang Mysolene, ay may kaunting tagumpay sa pagkontrol sa mga kombulsiyon. Ito ay isang suwabeng pampakalma, subalit limang tableta isang araw ang kailangan. Napansin ng iba ang mga epekto ng gamot sa akin, ngunit di-nagtagal natitiis ko na ito. Nagsuot ako ng isang pulseras na nagpapakilala sa akin bilang isang epileptiko at na nagsasabi ng pangalan ng gamot.
Matagal-tagal din akong hindi kinumbulsiyon anupa’t ako’y nakakuha-muli ng isang lisensiya sa pagmamaneho. Ang mga pribilehiyo sa pagmamaneho ay napakahalaga sa akin, yamang kami noon ay nakatira sa isang rural na lugar, at nais kong magpayunir na muli. Subalit nang ako’y handa nang mag-umpisa, noong taglagas ng 1973, nalaman namin na ako’y nagdadalang-tao. Kaya hindi ako nagpayunir, sa halip ipinasiya namin na lumipat sa isang maliit na kongregasyon sa Appalachian, Ohio, kung saan kailangan ang mga pamilya. Tumira kami sa isang maliit na bayan ng 4,000 katao kung saan walang mga Saksi ni Jehova.
Di-nagtagal pagkatapos naming lumipat doon, nagpunta ako sa ibang neurologo. Bagaman hindi ako kinukombulsiyon o hinihimatay, nagkakaroon pa rin ako ng bahagyang mga kombulsiyon na nag-iiwan sa aking nalilito. Idinagdag ng doktor ang ikalawang gamot, phenobarbital, sa isa na iniinom ko. Lahat-lahat, ako’y umiinom ng siyam na tableta sa isang araw.
Ang susunod na dalawang taon ay napakahirap para sa akin na ipakipag-usap, at dahil sa nakatatakot na kalagayang ginawa sa akin ng mga gamot, hindi ko matiyak kung mailalarawan ko nang husto ang mga bagay. Hayaan na lang ninyong sabihin ko na ang Filipos 4:7 ang naging paborito kong kasulatan. Sabi nito: “Ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat . . . sa inyong mga kaisipan.”
Pinabagal ng mga gamot ang aking pananalita at kilos at naapektuhan ang aking memorya. Naranasan ko rin ang pagbabago ng personalidad, nanlulumo at madalas na galit. Pakiwari ni David na siya’y sinasalakay, at kailangan niyang manalangin upang huwag siyang tumugon sa gayon ding paraan sa aking pangit na ugali. Isa pa, may dalawa kaming anak na inaalagaan. Ang Kristiyanong matatanda sa aming lokal na kongregasyon ay nakapagpapatibay-loob sa amin kapag kami ay nanlulupaypay.
Noong tagsibol ng 1978, nagpasiya ako, kahit na tutol si David, na ihinto ang paggamot. Kailangang-kailangan ko ng ginhawa. Maingat, nagbabawas ako ng kalahating tableta tuwing dalawang linggo. Para bang ako’y nagigising. Masaya ang pakiramdam ko. Ang langit, tiyak ko, ay mas bughaw.
Patuloy na hindi na ako kinukombulsiyon, kaya ako’y nagsimulang magpayunir noong Setyembre 1, 1978. Ipinagkakapuri ako ni David, at tuwang-tuwa naman ako. Bueno, ang mga gamot na pampakalma ay natitipon sa katawan, kaya nangangailangan ng panahon bago ito maalis. Noong ikalawang linggo ng Oktubre, pagkaraan lamang ng anim na linggo ng pagpapayunir, ang mga kombulsiyon ay nagbalik at mas malala kaysa rati, at tatlong araw lamang ang pagitan! Pagkatapos ng ikalimang kombulsiyon, nagtungo kami sa bagong neurologo.
“Mas mabuti pa ang mamatay kaysa uminom ng mga gamot,” ang sabi ko sa kaniya.
“At mamamatay ka nga,” sabi niya, “kung hindi ka iinom nito! Ano ang mangyayari sa iyong mga anak na babae?”
Pagkatutong Mamuhay na Mayroon Nito
Nagsimula akong uminom ng isang bagong gamot, ang Tegretol, noong linggong iyon. Umiinom ako ng limang tableta na 250 miligramo isang araw upang masupil ang mga kombulsiyon. Gayunman, ang gamot na ito ay kakaiba sa ibang gamot na nainom ko. Hindi ito natitipon sa katawan, wala rin itong mga epekto na nakapagpapabago-ng-isip.
Gayunman, pansumandali na namang hindi ako makapagmaneho. At kami’y nakatira na malayo sa sinuman na maaaring magsama sa akin sa gawaing pangangaral sa gitna ng sanlinggo. Lungkot na lungkot ako. Pinatibay ako ni David sa pagsasabi na: “Bakit hindi ka maghintay hanggang sa tagsibol upang huminto sa pagpapayunir? Huwag kang gumawa ng biglang mga pagbabago ngayon.”
Disidido akong tingnan kung pagpapalain nga ni Jehova ang aking mga pagsisikap kung ilalagay ko siya sa pagsubok. Ang Panaghoy 3:24-30 ay naging mahalaga sa akin. May ‘iniatang sa akin,’ at ako’y “maghihintay.” At, minalas ko na kakaiba ang paggagamot, bilang isang kaibigan.
Si Cara ay nag-aaral na ngayon, at si Esther ay tatlong taon na. Kaya si Esther ang naging kasama ko sa pagpapayunir. Lakad kami nang lakad, painut-inot sa makapal na niyebe at tinitiis ang lamig. Noong tagsibol kilala na kami ng lahat ng tao sa bayan.
Kasabay nito, maingat akong umiinom ng gamot. Kung iinom ako ng mga tableta na masyadong magkakasunod, makakaranas ako ng matinding pagkaduling. Gayunman, kung makalimutan ko naman kahit na ang dalawa o tatlong tableta, magkakaroon ako ng matinding kombulsiyon. Noong unang taon, nagkaroon ako ng pagsubok sa dugo tuwing tatlo hanggang anim na linggo upang tiyakin na ang gamot ay hindi pagmumulan ng grabeng masamang mga epekto.
Mahalaga sa mga epileptiko na nasa mahusay na iskedyul ang kanilang pang-araw-araw na gawain—pagkain, pagtulog, at iba pa—at maingat ako sa paggawa nito. Mula noong taglamig na iyon, naaabot ko ang aking oras sa pagpapayunir. Nang maglaon, ang mga kombulsiyon ay nasupil, kaya ako’y muling nakapagmamaneho, at ako’y nakapagpatuloy sa pagpapayunir hanggang sa ngayon.
Si Cara ay nagtapos na sa high school at ngayon ay nagpapayunir din. Mula noong taglamig na iyon nang siya’y sumama sa akin, taglay ni Esther ang espiritu ng pagpapayunir. Noong minsan sa isang pandistritong kombensiyon, ang mga payunir ay hiniling na tumayo. Nang ako’y tumingin sa palibot, naroon ang apat-na-taóng si Esther na nakatayo sa kaniyang silya. Ipinalalagay niya ang kaniyang sarili na isang payunir din!
Ako’y lubos na nagpapasalamat na nakapaglilingkuran pa rin kay Jehova kasama ni David at ng marami pang iba na inaralan namin ng Bibliya. Ang dalangin ko na sana’y muling makapagpayunir din si David ay sinagot. Siya rin ay naglilingkod bilang aming tagapangasiwa sa mga pansirkitong asamblea, gayundin bilang kahaliling naglalakbay na tagapangasiwa. Ang aming matibay na paniniwala ay na sa malapit na hinaharap, sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, pagagalingin ni Jesu-Kristo sa buong lupa ang lahat niyaong may karamdaman, pati na ang mga epileptiko. (Mateo 4:24)—Gaya ng inilahad ni Sandra White.
[Larawan sa pahina 15]
Kasama ng aking asawa at mga anak