Paglilingkurang Payunir—Ito ba’y Para sa Inyo?
1 Walang pagsalang marami sa inyo ang nagtanong sa sarili: “Ang paglilingkurang payunir ba ay para sa akin?” Ito ay kapuri-puri, dahil sa ipinakikita nito ang inyong pagnanais na makibahagi nang higit pa sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Saklaw ito ng ating pag-aalay kay Jehova, hindi ba?—na ating ilaan ang sarili sa pagsamba kay Jehova na ating Diyos nang buong puso, kaluluwa, isip at lakas. (Mar. 12:30) Gayumpaman, hindi lahat tayo ay makapagpapayunir, at yaon ay maliwanag. Ang iba sa atin ay may pamilya at ibang obligasyon pa, at ang iba sa atin ay masakitin o tayo ay tumatanda na. Nguni’t walang pagsalang marami pa ang maaaring magtamasa nang malaking kagalakan sa paglilingkod sa ating Dakilang Maylikha sa paglilingkurang payunir. Nais natin kung gayon na magkaroon nang tamang pangmalas sa bagay na ito sa pamamagitan ng pagsagot sa ilang katanungan na itinatanong ng marami. Ang isang tanong ay ito:
T 1 “NARINIG KONG ANG PAGPAPAYUNIR AY HINDI PARA SA LAHAT. PAANO KO MALALAMAN KUNG ITO AY PARA SA AKIN O HINDI?”
2 Ito’y depende sa iyong kalagayan at maka-Kasulatang pananagutan. May ilan na ang kalagayan sa buhay ay hindi nagpapahintulot sa kanilang gumamit ng 90 oras bawa’t buwan sa tuwirang pangangaral ng Kaharian. Nguni’t hindi ito nangangahulugang hindi sila gaanong tapat. Halimbawa ay ang maraming debotadong ina ng tahanan na mainam na mga uliran bilang mga Kristiyanong asawang babae at mga ina na nagsisikap maibahagi ang mabuting balita sa bawa’t pagkakataon. Ang ilan ay napakilos na gumugol nang maraming oras bawa’t buwan sa pagdadala ng mabuting balita sa kanilang mga kapitbahay. Habang may pagkakataon sila ay maaaring gumugol ng isang buwan kadalasan bilang mga auxiliary payunir, na inaani ang kagalakan mula sa paglilingkurang iyon. (Gal. 6:9) Sa kanilang kasalukuyang kalagayan hindi nila magagawang maging regular payunir. Nguni’t hindi nito mahahadlangan sila na papagtibayin ang espiritu ng pagpapayunir sa kongregasyon. Maaaring isama nila sa kanilang paglilingkod ang mga kabataan at baguhang mamamahayag, na tinutulungan silang maging bihasang tagapagturo sa iba, na pinasisigla silang bumahagi sa auxiliary at regular na pagpapayunir.
3 Nguni’t marami yaong walang pampamilyang obligasyon at nasa kalagayang magpayunir. Mabuti kung gayon, na ating suriin ang sarili nang paulit-ulit, na nagtatanong, Maaari ba akong gumawa nang higit pa sa paghahayag ng mabuting balita? Mula sa ating pag-aaral ng Salita ng Diyos, napapahalagahan nating lahat na tayo ay lubusan nang nasa “mga huling araw.” Ang kaaway ay nagsisikap na sakmalin ang bayan ng Diyos upang madala sa walang pag-ibig, at materyalistikong sanlibutang ito. Nguni’t hindi! Tayo ay hiwalay sa sanlibutan, at “ito ang pagtatagumpay na dumaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.” (1 Juan 5:4) Kaya salig sa pananampalatayang ito, dapat nating sikaping yakapin ang lahat ng mga pribilehiyo ng paglilingkuran na magagamit natin. Kung tayo ay malayang mag-auxiliary at, kaypala sa dakong huli, ang regular payunir na paglilingkuran, dapat nating gawin iyon. Ito ay nagbabangon ng katanungan:
T 2 “PAANO KO MATITIYAK NA MAY MAGAGASTOS AKO KUNG AKO’Y MAGPAPAYUNIR?”
4 Ito rin ay pagsubok sa iyong pananampalataya. Maging tayo ay mamamahayag sa kongregasyon, o kaya’y nasa paglilingkurang payunir, ang mga salita ni Jesus sa Mateo 6:30-33 ay kumakapit sa ating lahat: “Nguni’t kung pinararamtan ng Diyos ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasa’y iginagatong sa kalan, hindi baga lalo na kayong pararamtan niya, kayong mga kakaunti ang pananampalataya? Kaya huwag kayong mangabalisa na mangagsasabi, ‘Ano ang aming kakanin?’ o ‘Ano ang aming iinumin?’ o ‘Ano ang aming daramtin?’ Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa. Yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang Kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Kaya, tinitiyak ng Diyos na paglalaanan niya tayo ng lahat ng pangangailangan sa buhay kung maniniwala tayo sa kaniyang salita, na nagpapatuloy taglay ang pananampalataya sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban. Kung nasa kalagayan tayong maisaayos ang ating pamumuhay upang pumasok sa paglilingkurang payunir, at magkukusa sa pagsasagawa nito, si Jehova ay patuloy na maglalaan. Magmasid ka sa buong daigdig at wala kang masusumpungang tapat na payunir na napilitang magpalimos ng pagkain!—Awit 37:25, 26.
5 Sa pagiging praktikal tungkol dito, bakit hindi makipag-usap sa ilang maliligayang payunir sa iyong kongregasyon, o sa iyong sirkito—yaong nakasumpong ng kagalakan sa paglilingkurang ito sa dalawa, tatlo o higit pang mga taon, maging 20 o 30 taon para sa ilan. Ito ay tutulong sa iyo na maalis ang pag-aalinlangan kung baga ang pagpapayunir ay para sa iyo. Makipag-usap sa kanila na ginawa ang pagpapayunir na kanilang bokasyon, at patuloy na maliligaya sa paglilingkurang ito. Maipaliliwanag nila kung paano nila ginagawa iyon. At minsang ika’y nagsimulang magpayunir, ang mga “beteranong” ito ay walang pagsalang patuloy na makapagbibigay sa iyo nang mabuting payo. Magkaroon din ng pananampalataya, na kaya ni Jehova na maglaan upang mapanagumpayan ang kahit na tulad bundok na mga hadlang.—Mat. 17:20.
6 Isang tagapangasiwa ng sirkito na kamakailan ay dumalaw sa Brooklyn mula sa Silangan ay nagbalita tungkol sa isang kapatid na babae na madalas na nag-aauxiliary payunir. Ang kaniyang halimbawa ay nagpapakita kung ano ang magagawa ng pananampalataya. Siya ay naninirahan sa Manchuria nang wasakin ng bomba atomika ang Hiroshima, na naroroon ang karamihan sa kaniyang pamilya. Ang sindak na dala ng balitang ito ay nagpahina sa kaniyang katawan, na di natagalan pagkatapos na makabalik siya sa Hapon, siya ay nasalanta, nalumpo ang kaniyang buong katawan. Pagkatapos ay natutuhan niya ang katotohanan at nabautismuhan. Gayon na lamang ang kaniyang pagnanasa na sabihin ang maluwalhating pag-asang ito sa iba! Bagaman ang kalamnan lamang sa kaniyang mukha ang nagagamit niya, natutuhan niyang sumulat sa pamamagitan ng lapis o krayola sa kaniyang bibig, at nailalarawang mabuti sa sulat na kaniyang ipinadadala sa mga taong interesado ang hinggil sa pag-asa sa Kaharian. Nagbibigay din siya ng patotoo sa mga dumadalaw sa kaniya sa tahanan. Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, nakitang mayroon siyang aberids na 106 na oras sa paglilingkod sa nakaraang anim na buwan. Anong inam na halimbawa kung paanong ang di-nalulupig na pananampalataya ay tumutulong na mapagtagumpayan ang mga hadlang upang magkaroon nang kompletong bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita!
7 Ang matatagal nang payunir ay makapagsasabi nang kapanapanabik na mga karanasan hinggil sa pananaig na nagawa dahilan sa kagalingan ng kanilang pananampalataya. Masasabi nila ang panahon ng ang mga bagay-bagay ay nasa kadiliman; gayumpaman, sila ay nagpapatuloy, at sa di inaasahang paraan ang mga suliranin ay kadalasang naaalis upang sila’y makapagpatuloy na tamasahin ang minamahalagang paglilingkurang payunir. Sila ay isang demonstrasyon na, totoo sa kaniyang pangako, si Jehova ay “nagbibigay ng lakas sa mahina, at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.”—Isa. 40:29.
8 Ang kaigtingan sa materyalistikong sanlibutang ito ay waring nakakaapekto sa ilan nang higit kaysa iba. Gayumpaman, tayo’y dapat may pananampalataya na ang mga kaigtingang ito ay hindi humadlang sa ating pagiging payunir. Sa ilang mga bansa kung saan ang materyalistikong panghihikayat ay sagana, malaking bilang ng ating kapuwa Kristiyano ay nakikibahagi sa gawaing payunir. Halimbawa, sa Hapon, higit sa 25 porsiyento ng lahat ng mamamahayag ay kasalukuyang nagtatamasa ng ilang bahagi ng paglilingkurang payunir bawa’t buwan. Ano ang nagpangyari sa mga ito at sa iba pa sa buong daigdig na kunin ang paglilingkurang payunir?
9 Ang matatagumpay na payunir ay maka-espirituwal, at ito ang totoo sa lahat nang lingkod ng Diyos na naglilingkod sa kaniya nang buong-kaluluwa. Lahat tayo, bilang halimbawa, ay naniniwala na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw.” Iniibig natin si Jehova at ang kaniyang mga kaayusan para sa ating walang hanggang kaligayahan. Hindi natin nadarama na ito ay isa lamang naiibang relihiyon. Bagaman maraming materyal na bagay sa palibot natin, sinisikap natin na hindi mabihag ng mga bagay na ito. Yaong mga nagpasiyang magpayunir, gayumpaman, ay kadalasang nagkaroon nang bagong pangmalas sa kanilang kalagayan sa pamumuhay. Nagkaroon sila nang bagong pangmalas sa buhay na mamuhay nang simple, at sila ay masisipag. Sa maikli, pagkatapos nang lubusang pagsasaalang-alang ng kanilang kalagayan binigyang dako nila ito sa kanilang buhay.
10 Sa mga dako kung saan marami ang nakikibahagi sa gawaing pagpapayunir, ang mga kabataan ay kadalasang pumapasok sa paglilingkurang ito karakaraka pagkatapos ng high school, kadalasan ay sapagka’t ang mga magulang ay nagtakda ng tunguhing ito sa harapan nila mula sa pagkabata. Ang mga estudiyante sa Bibliya ay maaaring magkaroon ng tunguhing pagpapayunir bago pa sila mabautismuhan. Maraming ina ng tahanan sa Hapon na mga payunir ang nakasumpong na may bentaha na ingatan ang kanilang tahanan na simple at maayos. Kapag pumasok na ang mga bata sa paaralan, ang mga kapatid na ito’y naglilinis ng bahay nang mabuti at mabilis at pagkatapos ay nagtutungo sa paglilingkuran. Ang ibang ulo ng pamilya ay pumapasok nang part-time na trabahong inayawan ng iba—mga trabahong maaga ang pasok o kinasusuyaang gawain—upang sila’y makapagpayunir. Sa pananampalataya, ang mga kapatid na lalaki at babaeng ito ay nagsikap at pinagpala nang mga kagalakan ng paglilingkurang payunir. Maaari ka bang magsikap at tamasahin ang gayon ding mga kagalakan? Para sa iyo na timbangin ang iyong kalagayan, isaalang-alang ang mga pagkakataon, at magpasiya. Gayumpaman, may nagtanong:
T 3 “AKO’Y ISANG TIN-EDYER AT MAHIRAP KONG MAISAPLANO KUNG ANO ANG NAIS KONG GAWIN SA SUSUNOD NA ANIM NA BUWAN O HIGIT PA, LALO PANG MAHIRAP ANG MAGSAALANG-ALANG NG PAGPAPAYUNIR BILANG ISANG HABANG-BUHAY NA KARERA.”
11 Ang salitang “karera” ay may diwa nang pagiging permanente, anupa’t doo’y maaaring hindi ka pa handa. Maaaring di ka pamilyar sa gawaing payunir. Marahil ay nakapag-iisip ka na mag-asawa at magkaroon ng pamilya, anupa’t may epekto ito sa iyong kakayahang manatili sa paglilingkurang payunir. Ito’y makatuwirang bagay na ikabahala ng isa.
12 Ang iyong mga kapasiyahan sa puntong ito ay may malaking kinalaman sa patutunguhan ng iyong buhay sa dumarating na mga taon. Kaya kahit na ang iyong mga tunguhin ay hindi pa tiyak, kaypala’y nanaisin mong punan ang iyong buhay ng bagay na ginagantimpalaan at may kaganapan. Sa halip na karakarakang punan ang puwang na naiwan pagkatapos ng pag-aaral nang isang pambuong-panahong trabaho, bakit hindi pag-isipan ang tungkol sa paggamit nang ilang buwan sa auxiliary na pagpapayunir? Kung nasiyahan ka doon, maaaring magpasiya kang magpatuloy sa regular na pagpapayunir.
13 Pagkatapos nang ilang buwan o isang taon sa gayong paglilingkod, marahil ang iyong pangmalas hinggil sa kung ano ang nais mong gawin sa iyong buhay ay magiging maliwanag. Kahit na ang pasiya ay mag-asawa, maraming mag-asawa ang nakinabang nang malaki mula sa karanasan sa pagpapayunir nang magkasama sa unang bahagi ng kanilang pagsasama—na isa o kapuwa ay kadalasang nagpapatuloy sa paglilingkurang payunir sa buong-buhay nila bilang mag-asawa.
14 Anuman ang kalagayan, may-asawa o wala, ang panahon ng iyong pagpapayunir ay nakapagpapasulong ng iyong edukasyon na hindi maibibigay ng iba pang gawain o karera. Ang karanasang iyong tinamo sa paglapit at pakikitungo sa tao nang lahat ng kalagayan, sa pagharap at pananagumpay sa mga hadlang at sa pagkakaroon ng personal na organisasyon at disiplina sa sarili ay mahalaga sa iyo sa hinaharap na buhay. At tandaan—hindi mo talagang malalaman hangga’t hindi mo sinusubukan.
15 Ang kalagayan sa buhay ay nagbabago para sa ating lahat. Tandaan na wala sinuman sa atin ang nakakaalam kung ano ang idudulot ng kinabukasan. Iilang bagay lamang sa buhay ang maaaring manatili. Kaya bakit hindi maging seryoso sa iyong kasalukuyang kalagayan at timbangin ang hinggil sa pagpapayunir nang maingat. Kung walang humahadlang sa iyo ngayon kundi ang kawalan ng desisyon, bakit hindi kunin ang landasin na nalalaman mong kaayon ng kalooban ni Jehova para sa ating panahon? Maaaring ito ang siyang pinakamabuting karera para sa iyo.
T 4 “NARINIG KO NA SINABING ANG PAG-ABOT SA MGA KAHILINGAN SA PAYUNIR AY MAAARING MAGING ISANG TUNAY NA KAHIRAPAN KUNG HINDI MO MAABOT ANG ORAS DAHILAN SA SAKIT AT IBA PANG MALALAKING SULIRANIN.”
16 Totoo na kapag ikaw ay pumasok sa regular payunir na paglilingkuran hihilingan ka na gumugol ng 90 oras man lamang bawa’t buwan sa paglilingkod sa larangan, o 1,000 oras bawa’t taon. Sa normal na kalagayan, karamihan sa payunir ay nakitang ito ay isang makatuwirang tunguhin. Karaniwan, ito’y nangangahulugan ng paggamit ng mga tatlong oras bawa’t araw sa paglilingkod sa larangan. Siyempre, ang kahirapan ay madaling mangyari kung wala ka ng wastong eskedyul sa iyong panahon at kung kulang ka ng disiplina sa sarili na sundin yaon.
17 Gayumpaman, ang malubhang karamdaman o iba pang di-inaasahang mga pangyayari ay maaaring maging dahilan ng pagkawala nang maraming panahon sa gawaing pang-Kaharian. Upang mabawi ito, kakailanganing gumamit ka ng lima, anim o higit pang oras sa pangangaral araw-araw sa ilang mga buwan. O, ang isang payunir ay maaaring magkulang ng isang daang oras o higit pa sa unang bahagi ng taon ng paglilingkuran dahilan sa di-inaasahang pangyayari. At sa huling bahagi ng taon, habang pinagsisikapan niyang mabawi ang nawalang oras, ano kung isa na namang malubhang suliranin ang lumitaw na nagdala sa kaniya nang higit na malayo upang maabot ang mga tunguhin? Ito, lakip na ang pagsisikap na tustusan ang sarili sa pamamagitan ng part-time na trabaho ay tunay na isang pasanin, na nagpapabigat sa isipan ng isang taimtim na payunir. Wari ay marami ang pumipili na hindi maging payunir dahilan sa pagkabahala sa mga bagay na maaaring hindi naman mangyari. Mayroon bang solusyon?
18 Oo. Nais naming malaman mo na kapag ikaw ay nagkasakit, o dahilan sa mahigpit na pangangailangan ay di mo maabot ang kahilingan sa oras sa ilang buwan, maaaring hilingin mo sa lupon ng matatanda sa iyong kongregasyon na sumulat sa Samahan upang ilakip sa iyong ulat, na nagbibigay sa amin ng detalye ng iyong problema. Kung ang matatanda, pagkatapos nang masusing pagsasaalang-alang, ay naniniwalang makabubuti sa iyo na pahintulutang magpatuloy sa paglilingkurang payunir na hindi dapat ikabahala ang pagbawi sa nawalang oras, kung gayon nararapat na gawin nila ang gayong rekumendasyon sa amin, at kami ay malulugod na mabigyang konsiderasyon ang iyong kalagayan.
19 Sabihin pa, sa kasalukuyang kaayusan na 1,000 oras lamang na kahilingan sa isang taon, hindi inaasahan na ang mga payunir ay kukuha pa ng oras mula sa kanilang paglilingkurang payunir para sa mga di-mahalagang gawain na magiging dahilan sa di nila pag-abot sa kanilang oras sa paglilingkuran. O kung ang dahilan sa mababang oras ay ang di-mabuting eskedyul o kawalan ng disiplina sa sarili, dapat madama ng payunir ang pangangailangang mapunan ang nawalang panahon. Gayumpaman, kung nagkaroon nang di-pangkaraniwang panahon ng pagkakasakit, o aksidente o maselang na suliraning pampamilya na biglang dumating, makatitiyak ka na isasaalang-alang namin ang iyong pangangailangan bilang payunir.
20 Maraming payunir ang masisigasig na lingkod ni Jehova sa maraming taon at buong pusong nagnanais na magpatuloy sa gawaing payunir, at nais naming gawin nila iyon. Nguni’t paano kung masumpungan ng isa na hindi niya maabot ang mga kahilingan nang patuluyan sa mahabang panahon? Kung gayon, katalinuhan ang magbalik sa paglilingkuran bilang isang mamamahayag ng kongregasyon at makibahagi sa paglilingkurang auxiliary payunir kailanman at maaari.
T 5 “NAIS KONG MAKADAMA NA TALAGANG MAY NAGAGAWA AKO AT AKO’Y NAGNANAIS NA MAGING MALIGAYA SA PAGSASAGAWA NIYAON. ANG PAGPAYUNIR BA AY MAGBIBIGAY SA AKIN NANG GANITONG KASIYAHAN?”
21 Bueno, ano ang kinakailangan upang maging maligaya ka? Ang Sermon sa Bundok ni Jesus ay nagtala ng siyam na paraan upang maging maligaya. (Mat. 5:3-12) Ang mga ito ay nagpapakita na ang kasalukuyang kalagayan sa buhay ng isa na sakop ng mga di-inaasahang pangyayari, at ang gawang makatao lamang, ay hindi nagdudulot nang tunay na kaligayahan.
22 Sa halip, ang lubusang kaligayahan, ayon sa turo ni Jesus, ay nagmumula sa mga gawaing may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova at sa katuparan ng kaniyang mga pangako. Ito ay nagmumula sa pagsasagawa nang kung ano ang nalalaman natin na talagang tama. At may katalinuhang ipinakita ni Jesus ang higit na kaligayahan nang pagbibigay sa iba kung ihahambing lamang sa pagtatamasa nito para sa ating sarili. Maliwanag na wala nang lalong dakilang kaloob na maibibigay natin sa ating kapuwa kaysa pag-asa nang walang hanggang buhay.—Gawa 20:35.
23 Nguni’t, maaaring itanong mo, Paanong ang pagpapayunir ay makapagpapadama sa akin na mayroon akong nagagawa, yamang nalalaman ko na ang ilang mamamahayag ay higit na matagumpay sa pagtulong sa mga tao na matuto ng katotohanan kaysa ilang payunir?
24 Una, mabuting isaalang-alang kung ano ang sinasaklaw ng “naisagawa” sa wastong pangmalas. Ang tagumpay ay hindi kadalasang hinahatulan sa pamamagitan ng panglabas na resulta. Ang ibang tao, dahilan sa kanilang personalidad o likas na mga katangian, ay tunay na matagumpay sa paghimok sa iba na tumanggap sa soberanya ni Jehova at tunay na pinagpala sa kanilang gawa. Subalj’t hindi ang bilang ang mahalaga kay Jehova. Sa halip, iyon ay kung ano ang ating ginagawa sa buong-pusong paraan upang ilathala at parangalan ang kaniyang pangalan.
25 Kung ang iyong kaligayahan ay nagmumula sa nananatili, mahalagang nga bagay, sa halip na sa panandaliang pakinabang na ibinibigay ng sanlibutan, at kung ikaw ay kumbinsido na ang kaharian ni Jehova ay maglalban nang kasaganaan sa buhay para sa mga naglilingkod sa kaniya at ang izong kalagayan ay nagpapahintulot sa iyo na makibahagi nang higit sa pagsasabi sa iba ng tungkol doon—kung gayon, oo, ang pagpapayunir ay magbibigay sa iyo ng pagkadama na mayroon kang nagawa na tunay na magpapangyari na ikaw ay maging maligaya.
T 6 “MAGPAYUNIR MAN AKO O HINDI—DI BA’T AKO NA ANG NAKAKAALAM NIYAON, YAMANG HINDI NAMAN ITO KAHILINGAN PARA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN?”
26 Totoo, ang pagpapayunir ay hindi kahilingan para sa buhay na walang hanggan. Nguni’t ang paglilingkod sa Diyos nang buong puso at kaluluwa ay kahilingan. At may kinalaman sa pagpapayunir, ang simulain sa 2 Corinto 9:7 (The New English Bible) ay angkop: “Ang bawa’t tao ay dapat magbigay gaya ng kaniyang ipinasiya; walang pag-aatubili, walang pamimilit; iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang maligaya.” Kaya kung ang iba ang magpapasiya kung ikaw ay magpapayunir, ito ay paghatol sa iyong kalagayan at sa iyong puso, bagay na tayong mga tao ay walang karapatang gawin.
27 Maliwanag na para sa bawa’t isa ang magpasiya kung ano ang gagawin, ayon sa pagpapakilos ng kaniyang puso at kalalagayan. “Patunayan niya kung ano ang kaniyang sariling gawa,” ang sulat ni Pablo, “at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi sa paghahambing sa iba.”—Gal. 6:4.
28 Kaya, hinggil sa katanungang sino ang dapat magpayunir, dapat tayong sumang-ayon na kayo lamang ang makakasagot. Nguni’t umaasa kaming ang impormasyon dito ay tutulong sa inyo na timbangin ang mahalagang bagay na ito sa wastong liwanag. May mga bagay na tutulong sa inyo na maabot ang tamang pasiya.
29 Halimbawa, kung malakas na nakakaakit sa inyo ang “mabuting pamumuhay” at nagnanais na palibutan ang inyong sarili ng materyal na pag-aari, kaypala ang pagpapayunir ay kaunti lamang ang kalugurang naibibigay sa inyo. Ang paggugol ng 90 oras isang buwan sa paggawa ng mga alagad at pangangalaga sa iba pang mga pananagutan sa sistemang ito ng mga bagay ay humihiling nang pagsasakripisyo sa sarili.
30 Isang salik pa na kailangan ninyong taimtim na repasuhin ay kung isinasaalang-alang ninyo ang pagpapayunir taglay ang wastong kadahilanan, ang espirituwal na mga dahilan. Yaong mga nagsasagawa ng paglilingkurang ito na hindi dahilan sa espirituwal na layunin kadalasan ay nakikita nilang nawawalan sila ng kaluguran dito. Ang katunayang ito ay isang gawain, di-nagtatagal nag-aalis ito ng kanilang interes. Halimbawa, kung ang isa ay nagpayunir dahilan lamang sa ginagawa ito ng kaniyang matatalik na kaibigan, maaaring hindi siya magkaroon nang matibay na saligan upang magpatuloy.
31 Ang pagpapayunir ay hindi daan upang ang ilan ay makadamang nakahihigit sila sa iba na hindi gumagawa niyaon. Ang pagkamalas ng isa sa sarili sa ganitong paraan ay pag-aangkin na ang isa ay naglilingkod sa Diyos nang buong-kaluluwa at ang iba ay hindi. Ito ay mapanganib na saloobin na taglayin, gaya nang ipinahayag ni Pablo: “Sino kang hahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal.”—Roma 14:4.
32 Kung kayo ay nag-aatubili dahilan lamang sa kayo ay nag-aalinlangan sa inyong kakayahan o di nakatitiyak sa idudulot ng kinabukasan, kung gayon ay maimumungkahi namin ang payo ni Jehova sa mga nagnanais na magtiwala sa kaniya sa paggawa ng kanilang bahagi: “Subukan ninyo ako . . . at tingnan kung hindi ko buksan ang mga pintuan ng langit at ibuhos ang isang pagpapala sa inyo hangga’t may pangangailangan.”—Mal. 3:10, The New English Bible.
Kaya, ang pagpapayunir ba ay para sa inyo? Nakikigalak kami sa inyo kung ang impormasyong ito ay nakatulong sa inyong magsabi—“Oo, para sa akin!” At kung ang inyong pasiya ay magpayunir, kayo ay makatitingin sa hinaharap ukol sa pinakamaligayang pribilehiyo.