Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/22 p. 21-23
  • Bakit Hindi Subuking Magbakasyon sa Bahay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Hindi Subuking Magbakasyon sa Bahay?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Gagawin sa Bahay
  • Kung Saan Pupunta sa Inyong Lugar
  • Napapasigla sa mga Bagay na Nagawa
  • Kagalakan sa Paggawa ng Isang Bakasyon sa Bahay
  • Kung Paano Mo Maiiwasan ang mga Suliranin sa Pagbabakasyon
    Gumising!—1998
  • Masiyahan sa Bakasyon Nang Walang Pagsisisihan!
    Gumising!—1996
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Kapag Nagbabakasyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
  • Handa Ka Na ba Para Magbakasyon?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/22 p. 21-23

Bakit Hindi Subuking Magbakasyon sa Bahay?

MAYROON kang dalawang linggong bakasyon, at talagang kailangan mo ng pagbabago! Subalit hindi mo kaya ang halaga ng pagbibiyahe sa panahong ito. Ano ang magagawa mo?

Bueno, tandaan, ang isang bakasyon ay isang pahinga mula sa rutina, isang paminsan-minsang pahinga o ginhawa. Kaya bakit hindi subukin ang isang bakasyon sa bahay? Tiyak na maraming bagay na magagawa roon. Maaari kang magpinta, o maglitrato, o gumawa ng ibang kinagigiliwang libangan na bihira kang magkapanahong gawin. May mga lugar at mga bagay doon mismo sa iyong lugar na titingnan at tatamasahin. Ang bakasyon sa bahay ay maraming bentaha. Upang banggitin lamang ang ilan:

▪ Hindi na kailangan ang pasaporte o visa

▪ Hindi na kailangang magpalit ng pera

▪ Walang problema sa ibang wika

▪ Walang kaabalahan sa adwana o imigrasyon

▪ Walang pag-iimpake

▪ Walang magastos na pasahe sa eruplano o mga bayad sa gasolina

▪ Walang nasasayang na mahalagang panahon sa pagpunta roon

Ngayon, hindi ba mas mabuti na ang pakiramdam mo? Aba, maaari ka pa ngang matulog hanggang gusto mo sa iyo mismong komportableng kama na kinasanayan mo na!

Ang mahalagang bagay may kaugnayan sa anumang bakasyon ay ang pagpaplano nito. Sa ilang tao ang pag-asam ay kasinsaya na rin ng katotohanan. Ang bakasyon sa bahay ay mangangailangan din ng mabuting paghahanda upang may magawa kang kapaki-pakinabang na talagang nasisiyahan ka at makalulugod sa iyo.

Kung Ano ang Gagawin sa Bahay

Kung bakasyon maraming tao ang kumukuha ng larawan bilang mga alaala ng okasyon. Naglalakbay sila ng libu-libong milya upang litratuhan ang mga bagay na maaaring mayroon kayo sa inyo. Subukan mong litratuhan ang isang parang ng mga daisy, isang malapitang kuha ng dandelion, o ng munting kinapal sa isang sanga. Marahil matagal mo nang gustong litratuhan ang iyong dating paaralan, o ang bahay na kinalakhan mo, o ang lumang bahay sa bukid ni Lola sa labas lamang ng bayan, subalit wala kang panahong litratuhan ang mga ito. Gawin mo ito ngayon!

At tungkol naman sa mga litrato, kumusta na ang mga kahon na iyon ng mga litrato ng pamilya na balak mong ilagay sa album sa ibang araw? Ngayon na ang pagkakataon upang gawin ito. Ang buong pamilya ay maaaring masiyahan sa panonood sa mga tagapagpaalaalang ito ng lumipas. Kung makita mo ang magagandang kuha ng pamilya o mga kaibigan, anong inam kung maipadadala mo ang ilan sa kanila!

Ang mga nagbibiyahe ay karaniwang nangongolekta ng mga subenir. Ngayon, ano ang makikita mo sa bahay? Marahil ilang pambihirang bato para sa isang teraryum o isang mangkok lamang nito bilang isang paksang mapag-uusapan. Magugulat ka kung paano nabibighani ang mumunting bata kahit na sa mga bato lamang! May naiisip ka pa bang ibang bagay? Mga kabibi? Mga dahon ng taglagas? Mga palumpon at halaman (mga damo pa nga!) na patutuyuin para ipalamuti?

Kumusta naman ang mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan na nais mong kumbidahin? Kumbidahin mo sila para sa isang tasa ng kape o tsa. Hilingin mo sa mga may edad na magkuwento tungkol sa kanilang kabataan para sa kapakinabangan ng mga kabataan. Bakit hindi irekord ang kanilang mga kuwento? Si “Tandang Ben” ay malamang na hindi na magtagal pa.

Kapag nagbabakasyon, ang marami ay nagpapadala ng mga postcard sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Para sa isang bakasyon sa bahay, sagutin mo ang mga bungkos ng sulat sa mesa. Ipaalam mo sa iyong mga kaibigan na mahal mo pa rin sila at na hindi mo sila nakakalimutan.

Kung Saan Pupunta sa Inyong Lugar

Kung may mga bisita kang darating sa inyong bayan o lungsod, saan mo sila dadalhin? Ano ang makikita nila? Sa simula’y baka isipin mo na wala namang maraming kawili-wiling lugar, subalit iyan ay karaniwang dahil sa hindi natin gaanong pinapansin ang ating bayan. Suriin kung ano ang mayroon doon. Tingnan kung ano ang inirerekomenda ng kawanihan ng turismo roon o ng kámara ng komersiyo sa mga turista. Baka magtaka ka sa kung ano ang maaaring puntahan.

Mayroon bang museo sa malapit? O isang pabrika na nagbibigay ng mga tour? Ang mga pabrika ng kendi o tsokolate ay hindi lamang nagbibigay ng tour kundi ng mga sampol din! Gayundin ang mga gawaan ng alak. Baka ipakita ng isang lokal na magsasaka sa inyong mga anak ang mga hayop​—kung paano tinitipon ang mga itlog mula sa mga manok, o kung paano ginagatasan ang baka. Makabubuting malaman nila na ang gatas ay hindi nanggagaling sa isang bote o sa isang karton.

Maaaring hindi mo na paglutuin si Inay sa pamamagitan ng pagdalaw sa etnikong mga restauran. Taglay ang kani-kanilang partikular na pagkain​—Intsik, Hapones, Italyano, Griego—​at ang kanilang palamuti, at marahil musika, madali mong maguguniguni na ikaw ay kumakain sa isang banyagang lupain.

Subalit ano naman kung wala kayong gayong restauran sa inyong bayan? Bakit hindi gawin ang karanasang iyon sa bahay? Mula sa aklatan ay makakukuha ka ng impormasyon tungkol sa kung paano nananamit at kumakain ang mga tao. Ipalagay mong ikaw ay nasa India, halimbawa. Ang isang aklat sa pagluluto na may mga resipe ng mga pagkaing Indian curry ay magbibigay sa iyo ng pasimula sa isang pagkain na hindi naman mahirap ihanda. Maaari mo pa ngang gayahin ang kanilang paraaan ng pananamit para sa gabing iyon.

‘Ah,’ sabi mo, ‘pero ang mga mahilig sa kamping sa pamilya ay hindi ituturing itong bakasyon malibang sila ay magkamping.’ Puwede bang magkamping na lang kayo sa inyong bakuran itong taon na ito? Maaari rin kayong maglakad sa kalapit na lalawigan at samantalang naroroon ay mangolekta ng mga ligaw na bulaklak at masdan ang mga hayop at mga ibon.

Yamang ang panahon ng bakasyon ay karaniwan nang isang mabuting panahon upang mabuklod ang pamilya at gawing sama-sama ang mga bagay, hindi kaya mas kapaki-pakinabang na gawin iyon sa bahay sa pamilyar na mga kapaligiran? Subukan ninyo.

Napapasigla sa mga Bagay na Nagawa

May mga gawain sa bahay na wari bang wala kang panahong gawin ito. Subalit talaga bang nakapagpapasigla ang pisikal na gawaing iyon? Bueno, hindi ba nakagiginhawang magsimula muli sa iyong regular na rutina pagkatapos ng bakasyon na nasiyahan ka na sa wakas ang tulo sa bubong ay nakumpuni, lahat ng tatangnan ay nasa aparador, at ang lumalangitngit na mga bisagra ay napatahimik na rin sa wakas? Maaaring hindi ka nag-aksaya ng lakas sa paggawa ng kinakailangang gawaing iyon kaysa kung ikaw ay naglaro, lumangoy, o naglakad.

At sino ang kung minsan ang hindi nagnais na makapagbasa at mag-aral nang higit? Hindi ito magiging kabagut-bagot. Saliksikin mo ang anumang paksa na interesado ka. Kunin mo sa inyong aklatan ang isang tomo ng Ang Bantayan o Gumising! Huwag kang magtaka kung masumpungan mo ang iyong sarili na lumilihis at bumabasa ng ibang kasiya-siyang mga artikulo. Walang anu-ano ay oras na upang kumain. Hindi ka maniniwala kung gaano kabilis lumipas ang oras. Subalit magrelaks! Tandaan, ikaw ay nagbabakasyon.

Kagalakan sa Paggawa ng Isang Bakasyon sa Bahay

Gumawa ng isang bagay na bago, gamitin ang iyong imahinasyon, at marahil pagkatapos ng kasalukuyang bakasyon, matatanto mo: ‘Talagang nasiyahan ako rito! Dapat kong ulitin ito!’

Kaya ngayon, ano sa palagay mo? Baka gusto mong tipunin ang pamilya at planuhin ang isang bakasyon sa bahay. Kunin mo ang kanilang mga ideya. Kung ikaw ay mag-isa, isama mo ang isang mabuting kaibigan sa pagpaplano nito. Saka subukin ang isang bakasyon sa bahay. Maaaring magsilbi itong isang paminsan-minsang pagbabago o pahinga sa iyong abalang buhay na gaya ng isang bakasyon na malayo-sa-bahay.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang pamamasyal sa lalawigan, pagdalaw sa isang bukid o isang museo, o kahit na ang nakalilibang na pagbabasa, ay maaaring isali sa mga bakasyon sa bahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share