Kung Paano Mo Maiiwasan ang mga Suliranin sa Pagbabakasyon
PANAHON ng bakasyon—ano ang sumasagi sa iyong isip? Pagrerelaks sa maaraw na mga dalampasigan, na may mayayabong na puno ng palma na nagbibigay ng kanais-nais na lilim? O marahil ang kaluguran sa pagsagap ng malamig na sariwang hangin mula sa kabundukan?
Gayunman, baka nag-aalala ka tungkol sa posibleng pagsungit ng panahon, pagkaantala sa mga paliparan, biyahilo (pagkakasakit sa biyahe), at marami pa. Anuman ang iniisip mo, ano ba ang maaari mong gawin upang maging kasiya-siya hangga’t maaari ang iyong bakasyon?
Maghandang Mabuti
Patiunang nagpaplano ang matatalinong bakasyunista. Kumukuha sila ng mga dokumento sa paglalakbay at kalusugan para handa na ang mga ito kapag nagsimula na silang maglakbay. Ang pagtatanong tungkol sa mga suliranin sa kalusugan na maaaring makaharap ay makatutulong sa kanila na magpasiya kung anong pananggalang na gamot ang dadalhin.
Bilang paghahanda sa paglalakbay sa mga lugar kung saan laganap ang malarya, marami ang nagsisimula nang uminom ng mga gamot laban sa malarya mga ilang araw pa bago umalis. Subalit bilang pag-iingat, kalimitang ipinapayo na ipagpatuloy nila ang pag-inom ng gayong gamot sa buong panahon ng kanilang bakasyon at maging sa loob ng apat na linggo pagkatapos nito. Ito ay dahil sa gayon katagal ang inkubasyon ng parasito ng malarya sa katawan. Ngunit mahalaga rin ang iba pang pag-iingat.
Ganito ang payo ni Dr. Paul Clarke, ng London School of Hygiene and Tropical Medicine: “Mahalaga rin ang pagpapahid ng pantaboy ng insekto sa balat o pulsuhan, at sa mga paha sa bukung-bukong, mga kulambo at katol na ikinakabit sa saksakan ng kuryente.” Ang mga kagamitang tulad nito ay karaniwang pinakamabuting bilhin bago umalis patungo sa iyong bakasyon.
Dahil sa biyahilo ay nagiging di-kanais-nais ang paglalakbay. Ano ang sanhi nito? Sinasabi ng isang mananaliksik na ang pagkaliyo ay nararanasan kapag sumosobra ang mga bagong senyas na pumapasok sa utak dahil sa pagiging nasa isang di-pamilyar na kapaligiran. Kung ang kilos ng barko, galaw ng eroplano, o ang ugong ng makina ng iyong kotse ang siyang sanhi ng problemang ito, sikaping magpako ng iyong pansin sa isang bagay na permanente, marahil sa abot ng iyong tanaw o sa daan na nasa unahan. Ang mahusay na bentilasyon ay maglalaan ng lubhang kinakailangang oksiheno. Sa malulubhang kaso ng pagkaliyo, maaaring makatulong ang mga gamot na antihistamine upang maibsan ang mga sintoma. Subalit angkop ang isang babala: Mag-ingat laban sa posibleng masamang epekto, gaya ng pagkaantok, yamang sa ilang kalagayan ay maaaring isapanganib nito ang iyong kaligtasan.
Ang mahahabang paglalakbay sa eroplano ay may sarili nitong mga panganib sa kalusugan, gaya ng pagkaubos ng tubig sa katawan. Para sa ilan, ang kalagayan na walang ginagawa o pag-upo nang siksikan sa loob ng mahahabang yugto ng panahon ay maaaring magpalaki sa panganib ng pamumuo ng dugo sa binti. Kung ang pamumuo ay maalis at makarating sa isang baga o sa puso, maaaring lalo nang mapanganib ang resulta. Kung gayon, sa mahahabang biyahe sa eroplano ay baka kailanganin ng ilan na mag-ehersisyo sa pamamagitan ng paglalakad sa mga pasilyo o pag-unat ng mga kalamnan ng balakang at binti habang nakaupo. At upang mabawasan ang pagkaubos ng tubig sa katawan, uminom ng maraming inuming walang alkohol.
Ang mga nabanggit ba ay nagpapatindi lamang ng iyong takot sa pagsakay sa eroplano? Kung gayon, dapat kang maaliw sa bagay na ang pagsakay sa eroplano ay medyo ligtas. Iniulat na mas ligtas ito nang 500 ulit kaysa sa pagsakay sa motorsiklo at 20 ulit na mas ligtas kaysa sa paglalakbay sakay ng kotse! Subalit sasabihin ng iba na ang gayong estadistika ay batay sa paghahambing ng mga distansiyang nilakbay at hindi sa kani-kaniyang haba ng panahon na ginugol sa paglalakbay.
Naghaharap ng isang pantanging hamon ang paglalakbay kasama ng maliliit na bata. “Isaplano ang inyong paglalakbay nang eksaktung-eksakto gaya ng isang kampanyang militar,” mungkahi ng tagapagbalita na si Kathy Arnold. Bagaman maaaring hindi mo magawa iyan, magdala ka ng mga aklat, palaro, o iba pang materyal na aakit ng pansin ng mga bata. Gagawin nitong mas kanais-nais ang paglalakbay para sa buong pamilya.
Sa Iyong Pagdating
‘Inaabot ako ng hanggang apat o limang araw sa pagrerelaks bago ako magsimulang masiyahan sa aking bakasyon,’ ang sinasabi ng maraming bakasyunista. Totoo, kailangan ng panahon para makibagay sa bagong kapaligiran. Kaya baka isang katalinuhan na huwag magkumahog sa paglilibot sa una o hanggang sa pangalawang araw mula sa iyong pagdating. Hayaang makaakma ang iyong katawan at isip sa naiibang iskedyul. Ang hindi paggawa nito ay maaaring maging sanhi ng kaigtingan at sumira sa magagawang kabutihan ng iyong bakasyon.
Ayon sa isang pagtantiya, di-kukulangin sa kalahati ng ilang daang milyong tao sa buong daigdig na nagpupunta sa ibang bansa taun-taon ay dumaranas ng isang uri ng karamdaman o pinsala. Kaya naman, gaya ng paliwanag ni Dr. Richard Dawood, editor ng Travellers’ Health, “ang pag-iingat ay isang pamamaraang pangkalusugan na hindi dapat kaligtaan ng manlalakbay.” Yamang kailangan ng katawan ng isang manlalakbay na makibagay sa iba’t ibang uri ng baktirya sa kapaligiran, sa pagkain, at sa tubig, lalo nang mahalaga na mag-ingat ka sa iyong kinakain sa unang ilang araw.
“Hindi kailanman dapat ipagpalagay na ang pagkain ay ligtas,” babala ni Dr. Dawood, “maliban nang ito’y nalalaman na bago at niluto nang husto (pinatay ang mikrobyo sa pamamagitan ng init)—kung tungkol naman sa karne, hanggang sa hindi na ito mapula.” Gayunman, hindi pa rin tiyak na ligtas maging ang mainit na pagkain. Kaya, “tiyakin na ang iyong pananghalian ngayon ay hindi yaong natira kagabi, na muling ininit at inayos.”
Samakatuwid, kung nagbabakasyon ka sa isang lugar na ibang-iba sa tinitirhan mo, baka hindi ka laging makakain nang eksakto kung kailan, saan, at kung ano ang nais mo. Ngunit tiyak na maliit na halaga ito upang maiwasan ang diarrhea na iniulat na nakaapekto sa dalawang-kalima ng lahat ng naglalakbay sa ibang bansa.
Kung tungkol naman sa inumin, malimit na mas ligtas ang nakaboteng tubig kaysa sa makukuha sa isang lugar. Subalit upang maiwasan ang mga problema, isang katalinuhan na sa harap mo bubuksan ang nakabote o nakalatang mga inumin. Isang katalinuhan din na huwag maglagay ng yelo. Laging ituring na ito ay malamang na makapinsala hangga’t hindi mo alam kung ligtas ito.
Mahalaga sa Isang Kasiya-siyang Bakasyon
Matapos magsurbey sa kaniyang mga mambabasa, nag-ulat ang isang editor sa paglalakbay: “Kung mahalaga ang lagay ng panahon para maging masaya o hindi ang iyong bakasyon, lalong mahalaga ang mga kaibigan.” Sa katunayan, ang “mabuting kasama” bilang siyang dahilan sa kasiya-siyang bakasyon ay binabanggit “nang mas madalas kaysa sa mahuhusay na otel, ligtas na paglalakbay, masarap na pagkain, at kawili-wiling mga tanawin.”
Ngunit saan ka makatatagpo ng mabubuting bagong kaibigan kapag nagbabakasyon? Buweno, ang isang paraan ay ang pagsulat nang patiuna sa tanggapan ng Samahang Watch Tower na nag-aasikaso sa bansa kung saan mo binabalak magbakasyon. Maglalaan sila sa iyo ng direksiyon ng pinakamalapit na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na pupuntahan mo pati na ang oras ng mga pulong doon. Ang ilan sa mga direksiyon ng mga tanggapang ito ay masusumpungan sa pahina 5 ng magasing ito, at masusumpungan ang isang mas mahabang listahan sa isang bagong Yearbook ng mga Saksi ni Jehova.
Mahalaga sa pagiging kasiya-siya ng iyong bakasyon at kasabay nito’y maiwasan ang anumang pagsisisihan ay ang pagsunod sa matalinong payo ng Bibliya: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Kung nakadarama ka ng hangaring lumayo sa mga simulain at gawaing Kristiyano samantalang nagbabakasyon sa isang malayong lugar, isang katalinuhan na ituring ito bilang isang kahinaan at humingi ka ng tulong sa Diyos upang mapaglabanan ang hangaring ito. Kailangan ding bigyang pansin ng mga magulang ang gawain ng kanilang mga anak. Tandaan, ito ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” saan ka man naroroon.—2 Timoteo 3:1.
Kapag nagbabakasyon kayo bilang isang pamilya, huwag ipagpalagay na gagawin ni Inay ang lahat ng karaniwang ginagawa niya sa bahay. Maging handang tumulong sa pang-araw-araw na gawain. Magpakita ng pagiging matulungin. Ang gayong saloobin ay may malaking magagawa upang masiyahan ang lahat sa bakasyon.
Magiging kanais-nais kaya ang iyong bakasyon? Ang ilang piling litrato, postkard, at mga subenir, marahil maging ang ilang lokal na mga produktong gawang-kamay ay tiyak na magdudulot ng masasayang alaala. Ngunit tiyak na lalo nang di-malilimutan ang mga bagong kaibigan. Makibalita sa kanila. Makipagsulatan upang maglahad ng kapuwa kawili-wiling mga karanasan. Maraming paraan para gawing tunay na kasiya-siya ang iyong bakasyon.
[Kahon sa pahina 17]
Ilang Paalaala sa Pagbabakasyon
Bago ka umalis
● Ihanda ang lahat ng kailangang balidong dokumento sa paglalakbay at sa kalusugan
● Kumuha ng suplay ng pananggalang na mga gamot
Habang naglalakbay ka
● Uminom ng maraming inuming walang alkohol, at mag-ehersisyo kapag mahaba ang biyahe
● Magdala ng kawili-wiling materyal para sa mga bata
Sa iyong pagdating
● Bigyan ng panahon ang iyong katawan at isip upang makibagay
● Kumain lamang ng ligtas na pagkain at inumin
● Panatilihin ang kabutihang-asal
● Makibahagi sa pang-araw-araw na mga gawain kasama ng iba pang miyembro ng pamilya
[Larawan sa pahina 16]
Kapag nagbabakasyon, mag-ingat sa iyong pakikipagsamahan