Ang Di-nauunawaang Hyena
Iilan lamang sa mga hayop ang higit na siniraang-puri kaysa hyena. At totoo naman, ang mga ito ay hindi kaibig-ibig na mga nilikha. Ang maliliit at mabibilog na mata, dahilig na likod, at matatag na kilos nito ay pawang nagpapahiwatig ng isang bagay na kadusta-dusta at napakasamâ sa maraming nagmamasid na tao. Isa pa, ang hyena ay tumatawa at bumubungisngis na parang baliw. Ang nakatatakot na sigaw nito ay tumatagos sa katahimikan ng gabi sa Aprika. Lahat ng mga katangiang ito na pinagsama-sama ay maaaring sapat na upang makatakot sa iyo!
Subalit higit pa sa negatibong publisidad ang tinanggap ng hyena. Kaya’t iwasto natin ang ulat tungkol sa ilang bagay. Una sa lahat, ang hyena ay karaniwang ipinalalagay na isang uri ng aso. Hindi ito aso. Isang naiibang uri, ang pagkakahawig nito sa aso ay panlabas lamang.
Karaniwan ding inaakala na ang mga hyena ay mga duwag. Subalit ang mga duwag ay mahirap maging mabisang mangangaso. Mangangaso? Oo, ang mga hyena ay hindi basta mga hayop na kumakain ng mga bulok na bagay. Palibhasa’y may pambihirang malalakas na balikat at pinakamalakas na panga sa lahat ng mga mangangain ng karne sa Aprika, ang mga ito ay napakahusay sa pangangaso ng kanila mismong hayop na sisilain—kahit na mga hayop na kasinlaki ng kalabaw. Sa katunayan, kabilang sila sa magagaling na maninilang hayop ng Aprika.
Samantalang pinag-aaralan ang mga mangangain ng karne sa gawing timog ng Aprika, madalas makita ng autor na si Chris McBride ang mga hyena na aktuwal na itinataboy ang mga babaing leon sa kanila mismong biktima habang kinakain nila ito. Ang lalaking leon lamang ang maaaring lumaban sa mabangis na pagsalakay ng isang pangkat ng mga hyena. Kung ang hyena ay talagang duwag, lalabanan ba nito ang gayong nakatatakot na kalaban? Malamang na hindi.
Bakit Ito Tumatawa?
Ang nakalolokong bungisngis ng hyena ay baka nakasusuya sa iyo. Ngunit siya ay nakikipagtalastasan lamang sa kaniyang kapuwa miyembro ng angkan. “Bawat batik-batik na hyena ay may kaniyang sariling sigaw na makikilala ng iba pang hyena,” paliwanag ng isang dalubhasa sa Timog Aprika, si Dr. G. Mills. Sa ganitong paraan, ang lubhang kalat-kalat na mga miyembro ng angkan ay magkakaalaman kung saan sila naroroon upang madali silang magsamang-muli sakaling bumangon ang pangangailangan, gaya ng kung kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang teritoryo o bumuo ng isang salu-salo sa pangangaso. Ang kanilang katuwaan sa pagkakasila ng biktimang hayop o pagkatuklas ng bulok na hayop ay maririnig sa matining na “mga bungisngis.”
Ngunit hindi lahat ng mga hyena ay tumatawa. Ang kayumangging hyena sa gawing timog ng Aprika ay mas maliit at mas tahimik kaysa karaniwang batik-batik na hyena at mas gusto nitong kumaing mag-isa sa halip na kasama ng grupo. Umaasa siyang higit sa pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng amoy.
Inililipat ng bawat indibiduwal ang natatangi nitong amoy sa mga tangkay ng damo, mga pulumpon, o bato sa paglalabas ng pandikit mula sa pantanging lukbutan malapit sa puwitan. Ang pangamoy ng hyena ay napakalakas anupa’t makikilala nito mula sa pandikit ang sekso, katayuan sa lipunan, at pati na ang pagkakakilanlan ng kapuwa miyembro ng angkan.
Hindi mo ba nagugustuhan ang hyena? Ipagpalagay na, hindi ito masarap pangkuin o ito man kaya ay kaakit-akit. Subalit hindi naman lahat ng hayop ay masarap pangkuin at kaakit-akit. Maraming nilikha ang hinahangaan natin dahil sa iba pang mga katangian, gaya ng lakas at katusuhan. Sa liwanag niyan, marami pang katangian ang hyena na magpapahanga at bibighani sa atin.