Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 7/8 p. 14-15
  • Kami’y “mga Bruha” na Lumalaban sa mga Toro

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kami’y “mga Bruha” na Lumalaban sa mga Toro
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panganib at Kamatayan
  • Ibang Uri ng Laban
  • Toro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kung Bakit ang Iba ay Mabangis at ang Iba Naman ay Maamo
    Gumising!—1988
  • Toreo—Sining o Paglapastangan?
    Gumising!—1990
  • Ihandog ang Iyong Pinakamainam kay Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 7/8 p. 14-15

Kami’y “mga Bruha” na Lumalaban sa mga Toro

ANG mga toro ay napakalaki. Ang bawat isa’y malamang na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ang aking dalawang kapatid na babae at ako ay karaniwang nakikipaglaban sa batang mga toro, subalit ang mga ito ay pagkalalaking mga hayop, na may nakatatakot na mga sungay. Maaari sana kaming tumangging lumaban sa mga ito, mangyari pa, subalit ano kaya ang magiging reaksiyon ng pulutong sa bagay na iyan? Nagbayad na sila upang makita ang Las Meigas (Ang mga Bruha) na lumaban sa mga toro, at ayaw namin silang biguin. Nag-aalanganin kaming nagmartsa patungo sa plasa de toros (bullring).

Maaaring nagtataka ka kung ano ang ginagawa ng tatlong magkakapatid na babae na nakikipaglaban sa mga toro. Bueno, tiyak na hindi ito upang ipakita na ang mga babae ay kasinghusay ng mga lalaki sa propesyong ito. Ito’y dala lamang ng kahirapan sa buhay kung kaya’t pinasok namin ang daigdig na ito ng mga macho.

Bilang mga tin-edyer, nilisan namin ang aming bayan sa hilagang-kanluran ng Espanya at nagtungo kami sa Madrid, kung saan inaasahan naming makakasumpong kami ng trabaho. Subalit nang wala kaming makitang trabaho, sinunod namin ang payo ng isang kaibigan na dating torero at nagpasiya kaming “subukin ang aming suwerte sa mga toro.” Tinawag namin ang aming mga sarili na Las Meigas (Ang mga Bruha) dahil sa iyan ang pangalan na madaling nagpapakilala sa aming pinagmulan sa Espanya at dahil sa inaasahan din naming kulamin ang mga toro. Pagkalipas lamang ng dalawang taon ng mahirap na pag-aaprendis, kami’y naging masisigasig na torero.

Mga Panganib at Kamatayan

Karaniwan nang kami’y lumalaban sa mas batang mga toro na dalawa- o tatlong-taóng-gulang, na hindi pa gaanong mabangis at malakas. Subalit hindi iyan nangangahulugan na wala nang panganib, sapagkat sila’y mas mabilis at mas maliksi. Gayunman, mapalad kami at bukod sa isang nabaling bukung-bukong, ilang galos, at isang sugat sa paa, naligtasan namin ang grabeng pinsala. Kahit na kung minsan kapag nakakaharap namin ang pagkalaki-laking adultong mga toro, umaalis kami sa plasa na walang kagalus-galos.

Kung panahon ng toreo (bullfighting), karaniwang lalabanan namin ang apat na toro sa umaga at apat pa sa hapon. Sa wakas, napakadali naming napapatay ang isang toro na para lamang kami nag-aayos ng aming higaan. Sa katunayan, sa loob ng walong taon, lumaban kami at napatay namin ang 1,500 toro sa mga plasa de toros sa buong Espanya, gayundin sa Portugal at Pransiya. Ang aming tunguhin ay makakuha ng kontrata sa Timog Amerika, kung saan maaari kaming kumita ng malaking salapi, sapat upang bumili ng isang rantso at mag-alaga ng mga torong panlaban.

Bagaman nagsimula kami sa toreo dahil sa pangangailangan sa buhay, di-nagtagal ang pagnanais para sa abentura, katanyagan, at kayamanan ang naging pangunahing pangganyak. Sa kabila ng panganib, nasisiyahan kami rito! Totoo, sa pana-panahon, makakarinig kami ng balita tungkol sa kamatayan ng isang torero, at naapektuhan kami nito ng ilang araw, nakatatakot na ipinaaalaala sa amin ang panganib na nasasangkot. Subalit nawala rin ang pansamantalang pagkabalisang ito. Habang pumapasok kami sa plasa de toros, sa halip na batiin ang isa’t isa ng buwenas, sasabihin namin: “Sugod sa labanan!”

Ibang Uri ng Laban

Pagkatapos, noong 1984, may nangyari na gumawa sa aking mga kapatid, sina Milagros at Elda, at sa akin na tasahing-muli ang aming mga tunguhin at, oo, ang aming ikinabubuhay. Kaming tatlo ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa kami sa aming natututuhan tungkol sa Kaharian ng Diyos at tungkol sa Paraiso sa hinaharap na ipinangako ng Diyos. At saka dumating ang mahirap na disisyon. Ang amin bang trabaho ay kasuwato ng aming natututuhan?

Sa wakas, dalawang bagay ang kumumbinsi sa amin na hindi namin maaaring ipagpatuloy ang aming karera bilang mga torero. Una sa lahat, napansin namin ang kapaligiran sa plasa de toros. Ang pagkapanatiko ng pulutong ay katulad niyaong sa isang sirkus ng Romano. Angkop na kapaligiran ba ito para sa mga babaing Kristiyano?

Ang ikalawang problema ay may kinalaman sa proteksiyon ng Diyos. Halos lahat ng torero, dahil sa mga Katoliko, ay humihingi ng proteksiyon sa kanilang paboritong Madonna o “santo.” Nakita ko pa nga ang ilan na gumawa ng isang nabibitbit na dambana sa kanilang silid sa otel upang manalangin, nagtitiwalang ililigtas sila nito mula sa panganib sa plasa de toros. Gayunman, nabatid namin na hindi namin maaaring hingin ang proteksiyon ni Jehova sa amin kung sadya kaming malupit sa mga hayop at inilalagay ang aming buhay sa panganib upang kumita ng pera at upang matuwa ang maraming tao. Naipasiya naming huminto sa toreo.

Hindi pa natatagalan pagkatapos naming gawin ang pasiyang ito na ang malaon-nang-hinihintay na kontrata sa Timog Amerika ay dumating. Isang pagkakataon upang kumita ng malaking pera ang nasa aming kamay. Subalit matatag kami sa aming pasiya, at noong Oktubre 3, 1985, ginawa namin ang aming huling paglabas bilang “Ang mga Bruha.” Pagkalipas halos ng isang taon, kami ay nabautismuhan, at kami ngayon ay nagsusumikap na ‘nakikipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya.’​—1 Timoteo 6:12.

Sama-sama pa rin kaming nagtatrabaho subalit sa isang restauran sa halip na sa isang plasa de toros. Maligayang-maligaya kami na masumpungan ang isang bagay na mas magaling kaysa katanyagan at kayamanan​—isang mabuting kaugnayan sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at isang tiyak na pag-asa sa hinaharap. Tumitingin kami sa panahon kapag maaari na naming haplusin ang maiilap na toro sa bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan ang tao o ang hayop ay “hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala . . . sapagkat ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova na gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9)​—Gaya ng inilahad ni Pilar Vila Cao.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share