Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 7/8 p. 16-19
  • Toreo—Sining o Paglapastangan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Toreo—Sining o Paglapastangan?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sinaunang Tradisyon
  • Isang Naiibang Uri ng Toro
  • Ang mga Yugto ng Isang Toreo
  • Pagputol at Pag-aagaw-Buhay
  • Ang Kristiyanong Pangmalas
  • Torong Gubat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Toro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Mga Asong Diyablo”?
    Gumising!—1992
  • Kami’y “mga Bruha” na Lumalaban sa mga Toro
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 7/8 p. 16-19

Toreo​—Sining o Paglapastangan?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya

SI Lucio ay 19 lamang nang mangyari ito. Tagsibol noon sa Seville, at ang bantog na plasa de toros na Maestranza ay punúng-punô ng tao. Subalit si Lucio ay napakalapit nang dumaluhong ang toro. Dinukit ng mabangis na sungay ang kaniyang kanang mata.

Paglabas niya ng ospital, walang tigil na nagsanay siya sa mga kilos niya sa kapa sa loob ng tatlong buwan. Sa kabila ng kawalan niya ng isang mata, ayaw niyang talikuran ang kaniyang habang-buhay na pangarap. Sa pagtatapos ng tag-araw, nagbalik siya upang lumaban sa plasa de toros sa Seville at siya’y kinarga ng mga tao mula sa arena nang siya’y magtagumpay. “Ito’y isang sugal,” sabi niya, “subalit ganiyan talaga sa toreo.”

Ang madulang larawan ng torero ay nagbigay-inspirasyon sa mga kompositor, manunulat, at mga tagagawa ng pelikula. Marahil dahil dito, angaw-angaw na mga turista ang nag-aakala na ang pagdalaw sa Espanya o sa Mexico ay hindi kompleto kung hindi kasali rito ang pagdalo sa isang toreo.

Subalit hindi lamang ang mga turista ang laman ng mga plasa de toros. Ang kilalang mga matador ay umaakit ng libu-libong lokal na mga tagahanga na may nalalaman tungkol sa toreo tungo sa napakalaking mga plasa de toros sa Madrid, Seville, at Mexico City. Sa mga tagahanga ang isang dakilang matador ay isang artista, maihahambing kay Goya o Picasso, isang artista na hinahamak ang kamatayan upang lumikha ng kagandahan sa pagkilos.

Hindi lahat ng Kastila ay may hilig sa toreo sa kanilang dugo. Sa isang surbey kamakailan, 60 porsiyento ang nagpakita ng sila ay may kaunti o walang interes dito. Ilang grupo sa Espanya ay nagsimulang kumampaniya laban sa “pista ng bansa,” sinasabing ang “pagpapahirap ay hindi sining o kultura.”

Sinaunang Tradisyon

Kahali-halina sa ilan, kasuklam-suklam naman sa iba, ang ilaban ang isang tao sa isang toro ay isang sinaunang tradisyon. Malaon nang iginagalang ng mga tao sa Mediteraneo ang di-mapasukong espiritu ng mabangis na toro. Ang mga Paraon ng Ehipto ay naglakad sa paghahanap sa mga ito, samantalang ang mga prinsipe at mga prinsesa ng Creta ay hinamon ang dumadaluhong na toro sa pamamagitan ng pagsirko sa mga sungay nito.

Noong unang milenyo ng ating Karaniwang Panahon, ang pananakop ng Romano at Muslim ay nag-iwan ng kanilang bakas sa kung ano ngayon ang naging tradisyunal na panooring Kastila. Ang nabubulok na mga ampiteatrong Romano ay ginawang mga plasa de toros, na nagtataglay pa rin ng pagkakatulad sa Romanong sirkus. Ang pagsibat-sa-toro na ang torero ay sakay ng kabayo ay ipinakilala ng Moors at ngayo’y isinasama sa seremonya.

Subalit noon lamang ika-18 siglo na ang toreo ay naging katulad ng kasalukuyang panoorin. Noon aktuwal na ipinasa ang toreo mula sa aristokrasya tungo sa propesyonal na mga sakop. Noong panahong ito idinisenyo ni Goya ang isang pagkakakilanlang propesyonal na uniporme, kilala ngayon bilang traje de luces, “kasuotan ng liwanag,” dahil sa saganang ginto at pilak na burda nito. Ang pansin ay itinuon din sa pagkuha ng angkop na mga toro.

Isang Naiibang Uri ng Toro

Ang talagang mabangis na toro ay naglaho sa huling tirahan nito sa kagubatan ng Sentral Europa noong ika-17 siglo. Subalit sa nakalipas na tatlong daang taon, ang Kastilang mabangis na toro ay nakaligtas dahil sa mapamiling pagpaparami ng mga torong panlaban. Ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng isang mabangis na toro at ng isang domistikadong toro ay ang reaksiyon nito kapag pinagbabantaan. Ang mabangis na Iberianong toro ay patuloy na sasalakay anuman o sinuman ang kumikilos sa harap niya.

Ang toreo ay nakasalalay sa katangiang ito, isa na patuloy na sinisikap pagbutihin ng mga Kastilang nag-aalaga ng toro. Sa loob ng apat na taon ang mga toro ay pinalalayaw hanggang sa nakamamatay na sandaling iyon kung kailan masusumpungan nila ang kanilang mga sarili na marahas na itinutulak sa arena. Bago pumasok sa arena, ang toro ay hindi pa nakakita ng isang matador o isang kapa​—kung nakakita na siya, matatandaan niya ang mga paraan at ito ay magiging napakapanganib. Subalit siya ay likas na dadaluhong sa kumikilos na tela, ito man ay pula o anumang kulay (ang mga toro ay hindi nakakakilala ng kulay). Sa loob ng halos 20 minuto, tapos na ito; isang walang-buhay, apat-na-raan at limampung kilong bangkay ang kinakaladkad palabas ng plasa.

Ang mga Yugto ng Isang Toreo

Sa makulay na panimulang seremonya, kung saan lahat ng mga kalahok, kasali na ang tatlong matador, tatlong katulong, at ang mga picador, ay pumaparada sa palibot ng arena. Dalawang toro ang nakaatas sa bawat matador at isa-isa niya itong nilalabanan sa kaniyang dalawang laban. Sa panahon ng mga laban sinasaliwan ng isang banda ang aksiyon ng nakapupukaw na tradisyunal na musika, samantalang ang tunog naman ng korneta ay nagpapahayag sa pagtatapos ng bawat isa sa tatlong tercios, o yugto, ng dula.

Ang unang yugto ay nagsisimula pagkatapos na ang matador ay makagawa ng ilang panimulang pagdaan na may malaking kapa, ginagalit ang toro. Ang picador ay pumapasok sa plasa sakay ng kabayo, na dala-dala ang sibat na bakal-ang-dulo. Ang toro ay kakayagin na salakayin ang kabayo, na ang mga tagiliran ay protektado ng may almuhadong baluti. Sinasangga ng picador ang pagsalakay sa pamamagitan ng kaniyang sibat, sinusugatan ang leeg ng toro at ang mga kalamnan sa balikat. Pinahihina nito ang mga kalamnan sa leeg, pinipilit ang toro na ibaba ang ulo nito kapag dumadaluhong, na lalong mahalaga para sa pangwakas na tira. (Tingnan ang larawan sa itaas.) Pagkatapos ng dalawa pang pagsalakay, nililisan ng nakasakay na picador ang plasa, at ang ikalawang tercio ng laban ay nagsisimula.

Ang yugtong ito ay nagsasangkot sa mga katulong ng matador, ang mga banderillero, na ang papel ay itarak ang dalawa o tatlong pares ng banderillas, maiikling palasô na may bakal na simà, sa mga balikat ng toro. Kinukuha ng banderillero ang pansin ng toro sa pamamagitan ng mga sigaw at mga kilos mula sa layo na 20 o 30 metro. Habang dumadaluhong ang toro, ang banderillero ay tumatakbong papalapit dito, umiiwas sa huling sandali samantalang itinatarak ang dalawang simà sa mga balikat ng toro.

Sa huling yugto ng laban, hinaharap ng matador ang toro​—na mag-isa. Ang mapanganib na sandaling ito sa laban ay tinatawag na sandali ng katotohanan. Ngayon ay ginagamit ng matador ang isang muleta, isang iskarlatang seda o pranelang tela, upang linlangin ang hayop. Nananatili siyang malapit sa toro, ginagalit ang hayop na dumaluhong subalit sinusupil ito sa pamamagitan ng muleta habang ang toro ay papalapit nang papalapit sa kaniyang katawan. Sinasabi na ang yugtong ito ng laban “ay hindi talaga isang labanan sa pagitan ng tao at ng toro kundi bagkus ang pakikipaglaban ng tao sa kaniyang sarili: gaano kalapit mangangahas siyang hayaang lumapit ang sungay, ano pa ang gagawin niya upang palugdan ang pulutong?”

Kapag naipakita na ng matador ang kaniyang kahigitan sa ngayo’y bigong toro, siya’y naghahanda para sa pagpatay. Ito ang sukdulang sandali ng laban. Tinitiyak ng matador na ang toro ay nakatayo sa huwarang posisyon para sa pagpatay, na ang mga unahang paa nito ay magkadikit. Saka siya lalapit sa toro, aabutin ang sungay, at isasaksak ang kaniyang espada sa pagitan ng mga balikat samantalang iniiwasan ang anumang biglang malakas na tulak ng mga sungay. Tamang-tama, pinuputol ng espada ang aorta at nagpapangyari ito ng halos ay kagyat na kamatayan. Bihira itong mangyari. Ang karamihan sa mga toro ay nangangailangan ng ilang mga pagtangka.

Kahit na sa kanilang paghihingalo, ang mga toro ay maaaring makamatay. Limang taon ang nakalipas isang popular na 21-anyos na kilalang matador na si Yiyo ay tumalikod pagkatapos ibigay ang coup de grace (pangwakas na saksak). Gayunman, ang toro ay lumakas at tinuhog ng isa sa mga sungay nito ang puso ng kaawa-awang torero.

Pagputol at Pag-aagaw-Buhay

Sa marami ang toreo ay isang makulay at kapana-panabik na panoorin. Subalit higit pa sa isa ang pangit na panig nito. Isang taong interesado ang nagsabi na “sa miserableng katiwaliang ito ang toro lamang ang kagalang-galang na tauhan, at ito ay kinakatay nila sa pagputol sa dulo ng sungay nito upang mahirapan ito sa paghanap ng kaniyang target.”a

Ang pangasiwaan ng toreo ay kilalang-kilala sa kasamaan, inaakay ang isang matador na balighong magkomento na hindi siya natatakot sa mga toro na “gaya ng pagkatakot . . . [niya] sa mga taong namamahala sa mga plasa de toros.” Bagaman ang kilalang mga matador ay maaaring kumita ng milyun-milyong dolyar, mahigpit ang kompetensiya, at sa tuwina’y nariyan ang panganib ng pinsala at kamatayan. Sa humigit-kumulang 125 kilalang mga matador sa nakalipas na 250 taon, mahigit na 40 ang namatay sa arena. Karamihan ng mga matador ay sinuwag nang minsan, nang malubha o hindi gaano, sa bawat panahon ng toreo.

Ang Kristiyanong Pangmalas

Pagkatapos isaalang-alang ang nabanggit, paano dapat malasin ng isang Kristiyano ang toreo? Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang pangunahing simulain ng pagpapakita ng kabaitan sa mga hayop ay may bisa pa rin sa mga Kristiyano. Sinipi niya ang Batas Mosaiko, na espisipikong humihiling sa magsasakang Israelita na tratuhing may konsiderasyon ang kaniyang baka. (1 Corinto 9:​9, 10) Ang toreo ay mahirap ilarawan na isang mabait na pagtrato sa toro. Totoo, ang toreo ay itinuturing ng iba bilang isang sining, subalit binibigyan-matuwid ba niyan ang ritwal ng pagpatay sa isang dakilang hayop?

Ang isa pang simulain na dapat isaalang-alang ay ang kabanalan ng buhay. Dapat bang kusang ilagay ng isang Kristiyano ang kaniyang buhay sa panganib upang ipakita lamang na siya ay macho o upang bigyan-kasiyahan ang pulutong? Tinanggihan ni Jesus na ilagay sa pagsubok ang Diyos sa pamamagitan ng di-kinakailangang pagsasapanganib ng kaniyang buhay.​—Mateo 4:​5-7.

Si Ernest Hemingway ay sumulat sa Death in the Afternoon: “Sa palagay ko, mula sa modernong punto de vista ng asal, yaon ay, sa Kristiyanong punto de vista, ang buong toreo ay hindi maipagtatanggol; tiyak na napakaraming kalupitan, nariyan na lagi ang panganib, hinahangad man o di-inaasahan, at nariyan sa tuwina ang kamatayan.”

Sa libu-libo na nagtutungo at nagmamasid ng toreo, ang ilan ay natutuwa, ang iba naman ay hindi nasisiyahan, at ang iba ay naiinis. Anuman ang pangmalas dito ng mga tao, hindi maaaring panoorin ng Maylikha ng toro ang panooring ito nang may kasiyahan. Bagaman itinuturing ng marami bilang isang sining, ito sa katunayan ay isang paglapastangan sa mga simulain ng Diyos.​—Deuteronomio 25:4; Kawikaan 12:10.

[Talababa]

a Ang pagputol sa mga sungay ng toro ay ipinagbabawal, subalit ito ay malaganap na ginagawa pa rin sa Espanya.

[Mga larawan sa pahina 18]

Sinusugatan ng picador na sakay ng kabayo ang leeg at mga kalamnan sa balikat ng toro sa pamamagitan ng isang sibat, pinahihina ang mga ito

Isang matador na itatarak ang kaniyang espada sa toro

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share