Mula sa Aming mga Mambabasa
“Muscular Dystrophy” Salamat sa paglalathala ng nakapagpapatibay-loob na karanasang “Namumuhay Akong May ‘Muscular Dystrophy.’” (Enero 8, 1990) Ako’y isang quadriplegic (paralisado ang dalawang kamay at paa) at umaasa sa iba sa aking araw-araw na buhay. Ngunit dahil sa suporta ng aking misis at ng iba pa sa kongregasyon, ako’y nakapaglilingkod bilang isang ministrong auxiliary payunir. Sa paggamit ng isang direktoryo ng telepono na nagtatala ng pangalan ng mga tao ayon sa kalye (makukuha sa isang aklatang bayan), ako’y nakapagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono sa mga taong nakatira sa apartment na may mahigpit na seguridad.
B. W., Estados Unidos
Pagmumodelo Ako’y nahalina ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masasabi Tungkol sa Pagmumodelo at sa Timpalak ng Kagandahan?” (Enero 8, 1990) Sa tulong lamang Jehova kung kaya naiwan ko ang karerang iyon. Mga ilang buwan bago ang aking bautismo, ako ay isang photo model. At bagaman naiiwasan ko ang masamang kasama, napakalakas ng panggigipit. Ang modelo ay pinagtatawanan, binabale-wala, at pinupuwersa pa ngang magparoo’t parito na halos hubad dahil sa kakulangan ng mapagbibihisan. Idagdag pa riyan ang kalungkutan kapag nakatira sa loob ng mga ilang linggo sa isang otel. Ang daigdig ng pagmumodelo ay wari bang maganda, subalit ito’y punô ng kasakiman, inggitan, imoralidad, materyalismo, at droga.
J. Y. A. M., Pederal na Republika ng Alemanya
Pag-iwas sa Okulto Ang inyong artikulo, “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Dapat Kong Iwasan ang Okulto?” (Marso 8, 1990) ay nagpangyari sa akin na magkaroon ng higit na kabatiran tungkol sa kapangyarihan ni Satanas sa mga tao at sa tusong mga taktika na ginagamit niya upang mapukaw ang pag-uusyoso. Dati’y inaakala ko na may ilang kabutihang natitira sa mga demonyo, yamang sila’y dating mga anghel. Maliwanag na ipinakita sa akin ng artikulo na sila ay karapat-dapat lamang sa kanilang napipintong pagkapuksa. Salamat muli.
R. S., Estados Unidos
Mga Problema sa “Prostate” Ang inyong artikulo tungkol sa mga problema sa “prostate” (Abril 8, 1990) ay kawili-wili sa akin, yamang ang aking tatay ay nangailangan ng isang operasyon sa prostate. Bagaman ang artikulo ay totoong nakapagtuturo, ang pansarang mga komento ay nakabalisa sa akin. Sinabi ninyo na maraming lalaki ang naghahangad ng pagkapukaw sa sekso sa pamamagitan ng pornograpikong mga literatura. Ipinahihiwatig nito na ang lahat ng lalaking may mga problema sa prostate ay nanonood ng pornograpikong mga pelikula o literatura.
N. R., Pederal na Republika ng Alemanya
Hindi namin ibig sabihin na ang mga problema sa prostate ay bunga ng di-Kristiyanong paggawi. Ang mga problema sa prostate ay karaniwan sa mga may edad na lalaki—pati na sa tapat na mga Kristiyano—sa maraming kadahilanan. Subalit yamang ang di-nairaos na pagkapukaw sa sekso ay waring kasangkot sa pagiging sanhi o sa paano man ay sa pagpapalala sa problema sa ilang lalaki, waring angkop na babalaan ang aming mga mambabasa laban sa silo ng pornograpya.—ED.
Sa Paningin ng Isang Bata Ang inyong artikulo (Enero 22, 1990) ay isinulat na may gayon na lamang pang-unawa anupa’t ako’y napakilos na magpasakamay ng hangga’t maaari’y maraming kopya nito sa mga paaralan at ospital at sa lahat ng mga inang nakikilala ko. Labis na pinahalagahan ng headmaster sa paaralan na pinapasukan ng aking mga anak na lalaki ang artikulo, at isa sa mga guro ng aking anak na lalaki ay pinuri ang paraan ng pagkakalahad ng paksa. Ako man ay may apat na anak at alam ko kung gaano kahirap maging isang magulang. Ang mga artikulong gaya nito ay nakatutulong sa amin sa pagtulong sa aming mga anak.
M. P. R., Italya
Ang Tainga Yamang nagugustuhan ko ang mga artikulo tungkol sa katawan ng tao, tuwang-tuwa ako sa inyong artikulo tungkol sa tainga. (Enero 22, 1990) Pinag-aaralan ko ang inyong magasin sa loob ng mahabang panahon sapagkat ang mga ito’y naglalakip ng lahat ng nais malaman ng isang tao—kapuwa ng mga karaniwang tao at yaong mga dalubhasa.
H. V., Brazil