Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 8/22 p. 10-12
  • Naghihiwalay ang Aking mga Magulang—Ano ang Gagawin Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naghihiwalay ang Aking mga Magulang—Ano ang Gagawin Ko?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sinasalunga ang Unos
  • Maling Inaasahan
  • Ang Panganib ng Poot
  • Naiipit
  • Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?
    Gumising!—1990
  • Bakit Ba Naghiwalay si Inay at si Itay?
    Gumising!—1987
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Aking Humiwalay na Magulang?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 8/22 p. 10-12

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Naghihiwalay ang Aking mga Magulang​—Ano ang Gagawin Ko?

“Isang gabi kaming apat na bata ay inilabas ng tatay ko upang kumain ng sorbetes. Walang anu-ano ang kaniyang tinig ay naging napakapormal. Sabi niya sa amin: ‘Kami ng nanay ninyo ay hindi magkasundo, kaya ako ay aalis. Baka bumalik ako itong tag-araw.’ Isa man sa amin ay hindi kumibo. Marahil ay naimpake na niya ang kaniyang mga maleta, sapagkat nang ihatid niya kami sa bahay, hindi na siya pumasok. Bumaba kami ng kotse at tumayo sa driveway at nag-aatungal habang paalis ang tatay ko.”​—Tom.a

ANG mga magulang ni Tom ay hindi na nagkabalikan. Ngunit nang panahong iyon, hindi alam ni Tom kung sila ay magkakabalikan o hindi.

Sa kabilang dako naman, hindi na maalaala ni Randy kung ilang beses nang naghiwalay ang kaniyang mga magulang. “Iiwan kami ni Itay ng isa o dalawang buwan,” gunita niya. “Pagkatapos siya ay babalik, at ang mga bagay ay bubuti sumandali. Pagkatapos, walang anu-ano, aalis na naman siya.”

Sa diborsiyo ay wala nang pag-asang magkabalikan pa. Subalit kung ang iyong mga magulang ay naghiwalay lamang, at hindi mo pa alam kung sila ay magdidiborsiyo o hindi, ang kawalang-katiyakan ay maaaring lubhang nakaliligalig. Maraming magulang, gaya ng mga magulang ni Randy, ay nagbabalikan at muling naghihiwalay sa dakong huli. Sang-ayon sa aklat na Divorced Families, tinatayang 50 porsiyento ng mga paghihiwalay ay nauuwi sa paano man sa pansamantalang pagkakasundo. Subalit gaya ng binabanggit ng mga mananaliksik sa diborsiyo na sina Judith Wallerstein at Sandra Blakeslee: “Ang diborsiyo ay kadalasang sinisimulan ng ilang paghihiwalay, bawat isa’y waring segurado subalit ang kinalabasa’y hindi naman pangwakas. Maaari itong makalito sa mga bata at akayin silang umasa ng pagkakasundo.”

Ang mga salitang, ‘baka magbalik ako,’ ay tila punô ng pag-asa. Ngunit ang mga katanungan ay nakabitin sa hangin. Ikaw ay nag-iisip: ‘Magwakas kaya sa diborsiyo ang aking mga magulang? Paano ko makakayanan ang mga damdamin na bumabagabag sa akin ngayon?’

Sinasalunga ang Unos

Sa simula, baka masumpungan mo ang iyong sarili na nanlulumo, pagod, hindi makapagtuon ng isip, o lubhang galit pa nga kung minsan. O baka ikaw ay basta manamlay. Lahat ng ito ay karaniwang reaksiyon sa isang matinding kalagayan​—isa na karaniwang nangyayari sa panahong ito. Bagaman hinihimok ng Salita ng Diyos ang mga mag-asawa na manatiling magkasama at lutasin ang kanilang mga problema, ang saloobin ng sanlibutan sa pag-aasawa ay lubhang sumamâ. (1 Corinto 7:​10-16) Ngayon, mga 50-porsiyento lamang ng pag-aasawa kung minsan ang nakaliligtas. Gaya ng malaon nang inihula ng Bibliya, nakita ng ating panahon ang malubhang pagbaba ng “katutubong pagmamahal” na dati’y karaniwan sa mga pamilya.b​—2 Timoteo 3:3.

Paano mo makakayanan ito? Ang nararanasan mo ay maitutulad sa isang unos sa iyong buhay. Ang pag-iisip mo ng gayon ay makatutulong sa iyo sa dalawang paraan. Una, walang unos na nagtatagal magpakailanman. Ang emosyonal na ligalig na nadarama mo ngayon ay huhupa rin sa paglipas ng panahon, gaya ng paghupa ng lahat ng unos. At ikalawa, maaari mong salungain ang unos na ito. Hindi mo kailangang ‘lumubog.’ Kundi kung paanong dapat iwasan ng bapor ang mga bato, may ilang tulad-batong panganib na maaaring mangahulugan ng tunay na problema. Talakayin natin ang ilan.

Maling Inaasahan

Ang isa sa gayong panganib ay ang sikaping magkabalikan ang iyong mga magulang. Nagugunita ni Anne: “Pagkatapos na sila’y maghiwalay, inilalabas pa rin kami kung minsan ng aking mga magulang. Kami ng kapatid kong babae ay magbubulungan sa isa’t isa, ‘Mauna tayo at iwan natin silang dalawa.’ Ngunit,” himutok niya, “palagay ko ito ay hindi umubra. Hinding-hindi sila nagkabalikan.”

Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 13:12: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit sa puso.” Tandaan, hindi mo maaaring pangasiwaan kung ano ang ginagawa ng iyong mga magulang. Hindi ikaw ang dahilan ng kanilang paghihiwalay, at malamang na wala ka ring magagawa upang ayusin ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.​—Tingnan din ang Kawikaan 26:17.

Ang Panganib ng Poot

Ang galit at poot ay maaaring maging ang pinakamapanganib na “bato” na makakaharap mo sa unos na ito. Nagugunita ni Tom ang kaniyang mga damdamin sa gulang na 12: “Nakadama ako ng tunay na galit sa aking itay. Ayaw kong gamitin ang salitang ‘poot,’ subalit terible ang hinanakit ko. Hindi ko maunawaan kung paano niya masasabing mahal niya kami gayong iniwan niya kami. At sa palagay ko ay nasasabi ko sa aking sarili na panahon ko na upang ipaalam sa kaniya kung ano ang nadarama ko.”

Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay bihirang disisyon nilang dalawa; kaya natural lamang na ang isang magulang ay waring mas masisisi sa iyong paningin. Maaari pa ngang ang isa sa iyong mga magulang ay lumabag sa batas ng Diyos tungkol sa pagiging tapat sa kabiyak. (Hebreo 13:4) Subalit sa anumang kaso, paano mo pakikitunguhan ang magulang na waring may higit na kasalanan? Dapat mo bang kapootan ang magulang na iyon o sikaping ipaghiganti ang naaping magulang?

Tandaan muna na ang paghihiwalay ay bihirang kasimpayak na ang isang magulang ang “masama” at ang isa naman ay “mabuti.” Marahil ay hindi naman sinabi sa iyo ng iyong mga magulang ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang pag-aasawa o sa pagkakasira nito; baka hindi pa nga nila maunawaan ito mismo. Kaya iwasang hatulan ang isang kalagayan na hindi mo alam ang buong pangyayari. (Kawikaan 18:13) Mabuti na lang, ang Diyos ang Hukom ng lahat ng bagay na iyon. Hindi ka niya inaatasang maging hukom o tagapagparusa ng iyong mga magulang. At anong laking ginhawa nito! Sino nga sa atin ang makapangangasiwa sa gayong uri ng pananagutan?​—Roma 12:19.

Ipagpalagay na, mahirap labanan ang galit; at natural lamang na ikaw ay lubhang mabalisa ngayon. Subalit ang pagkikimkim ng galit at mapaghiganting diwa ay maaaring unti-unting lumason sa iyong pagkatao. Ang Bibliya ay nagsasabi na “ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan.” Oo, ang tiwasay na puso ay hindi punô ng kapaitan. Hindi kataka-taka na tayo ay sinasabihan ng Bibliya na “maglikat ka ng pagkagalit at bayaan mo ang poot.” (Kawikaan 14:30; Awit 37:8) Isa pa, ang utos ng Bibliya na igalang ang iyong mga magulang ay nangangahulugan din ng paggalang sa mga magulang na bumigo sa iyo.​—Lucas 18:20.

Kaya pinagtagumpayan ni Tom ang kaniyang galit. Sabi niya ngayon: “Madaling magkimkim ng sama ng loob at isipin, ‘Siya ang nagkamali. Tama lamang na mapoot ako sa kaniya.’ Subalit tinanong ko ang aking sarili, ‘Tama kaya ito?’ At nakita ko na, hindi, hindi ito tama. Bilang isang Kristiyano, hindi mo magagawang magtanim ng sama ng loob.”

Mangyari pa, kapag sinasabi ng Bibliya na maglikat ka ng pagkagalit, hindi nito iminumungkahi na magkunwari kang hindi ka galit. Kung ang mga kilos ng iyong mga magulang ay nakasakit sa iyo, bakit hindi mo sikaping ipakipag-usap ito sa kanila, may paggalang na binubuksan ang kanilang mga mata sa iyong punto de vista?​—Tingnan ang Kawikaan 15:​22, 23; 16:21.

Naiipit

‘Ngunit paano ko ba pakikitunguhan ang damdaming ito na ako’y naiipit sa aking mga magulang?’ maitatanong mo. Maaari itong maging lubhang mapandayang “bato” na dapat iwasan. Gunita ni Randy: “Ang bagay na lubha kong kinatatakutan sa pagdalaw ng aking itay ay na tatanungin ako nang husto ni inay pagkaraan ng bawat dalaw. At talagang pinasasamâ niya ang mga bagay laban kay itay. Sasabihin ko naman, ‘Puwede ba, Inay! Bakit ba ninyo ginagawa ito? Iwan ninyo akong mag-isa!’ At magagalit siya at pipilitin niya akong sagutin ang mga tanong niya.”

Kung minsan ginagamit ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghatid ng galit na mga mensahe mula sa isa tungo sa isa o mag-espiya pa nga sa isa’t isa! Nais malaman ng isang babae kung magkano ang pera ng kaniyang humiwalay na asawa. Kaya pinuwersa nilang buksan ng kaniyang sampung-taóng-gulang na anak na lalaki ang isang bintana sa bahay ng ama, at ang bata ay umakyat sa loob ng bahay upang kunin ang checkbook ng kaniyang tatay. “Makakaganti na rin kami sa kaniya!” natutuwang sabi ng bata.

Hindi naman tama na gamitin ka ng iyong mga magulang na isang kagamitan sa paghihiganti. Subalit tandaan na sila ay dumaranas ng matinding emosyonal na ligalig. Kaya hangga’t magagawa mo’y maging matiisin sa kanila. Makipag-usap sa kanila. Maaaring sabihin mo, sa diwa, ‘Inay at Itay, mahal ko kayong dalawa. Kaya pakisuyong huwag ninyo akong gamitin upang saktan ninyo ang isa’t isa.’ Hindi naman ibig sabihin na hindi ka makikipagtulungan, tumatangging ihatid ang anumang komunikasyon mula sa isa tungo sa isa. Ngunit kung ang iyong mga magulang ay maging benggatibo at mapaghiganti, panahon na upang umalis sa pagitan nila.​—Kawikaan 26:17.

Sa gayundin paraan, mapagpaimbabaw ring pag-awayin ang mga magulang laban sa isa’t isa alang-alang sa iyong pakinabang, sa pagsasabi ng: “Nais kong pumisan kay Inay. Lagi niyang hinahayaang gawin ko ang anumang ibig ko.” Pagkatapos maghiwalay, ang mga magulang ay maaaring makadama ng pagkakasala tungkol sa kaigtingan na dulot nito sa kanilang mga anak at halos ayaw nilang mawalay sa kanila. Kaya ang mga kabataang may kabatiran sa lakas nila sa kanilang mga magulang ay baka matuksong gamitin ito. Subalit tiyak na hindi mo nanaising hawakan sila.

Gayunman, higit pa ang kailangan kaysa pag-iwas lamang sa mga bato upang maligtasan ang isang unos. Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang ilang positibong pagkilos na maaari mong kunin na makatutulong sa iyo na makayanan ito.

[Mga talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay binago.

b Kung tungkol sa mga dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa, tingnan ang artikulong “Bakit Naghiwalay si Inay at si Itay?” sa Oktubre 22, 1987, na labas ng Gumising! Tingnan din ang mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” sa labas ng Disyembre 22, 1987, at Mayo 22, 1988.

[Blurb sa pahina 11]

Ang nararanasan mo ay maitutulad sa isang unos sa iyong buhay. Ang pag-isip mo ng gayon ay makatutulong sa iyo na mabata ito, sapagkat walang unos na nagtatagal magpakailanman

[Blurb sa pahina 12]

Mahirap labanan ang galit; at natural lamang na ikaw ay lubhang mabalisa ngayon. Subalit ang pagkikimkim ng galit at mapaghiganting diwa ay maaaring unti-unting lumason sa iyong pagkatao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share