Isang Liham ng Pasasalamat
TAUN-TAON ang mga Saksi ni Jehova ay naglilimbag at namamahagi ng sampu-sampung milyong kopya ng Bibliya at ng mga aklat na tumutulong upang maunawaan ang Bibliya. Kamakailan, isang estudyante ng Bibliya mula sa Texas, E.U.A., ang tumanggap mula sa kaniyang 20-anyos na pamangkin ng isang liham ng pasasalamat para sa mga kopya ng mga publikasyong ito na ibinigay niya sa kaniya. Ang sumusunod, sa bahagi, ang kaniyang mga komento tungkol sa literaturang ito:
“Mahal kong Tiya Irene at Pamilya,
“. . . Ala-1:00 n.u. na, kaya hindi ko alam kung gaano kahaba ang liham kong ito, ngunit sisikapin ko pong sabihin ang nais kong sabihin, at iyon ay walang iba kundi salamat!
“Ang mga aklat na ipinadala ninyo sa akin ay talagang kahanga-hanga! Ang mga ito ay higit pa sa aking inaasahan. Nagdaragdag ito ng kulay sa lahat ng bagay; ang munting sangkap na iyon na gumagawa ritong kawili-wili at karapat-dapat basahin.
“Ang Life . . . by Evolution or by Creation ay talagang kawili-wili! Ang mga autor ng aklat na ito ay dapat batiin! Ang mga paliwanag ay praktikal, makatuwiran, at matino. Ang paborito kong linya sa aklat ay ‘Ang buhay na nagkataon lamang ay maihahambing sa isang diksiyunaryo na bunga ng isang pagsabog sa isang imprentahan.’ Angkop na angkop ang pagkakalarawan!
“Ang Paraiso [Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa] ay isa pang aklat na mahusay ang pagkakasulat. Binubuod nito ang maraming bagay na nabasa ko na subalit taglay ang higit na istilo at pagtitiwala kaysa ibang aklat. Tatapusin ko pa ang aklat na ito.
“Ang Nangangatuwiran [Mula sa Kasulatan] ang diksiyunaryong ninanais ko sa tuwina. Makatuwirang pangangatuwiran sa pangunahing mga ideyang hindi ko maunawaan noon; mga palagay ng Bibliya sa kasalukuyang mga paksa. Talagang kagila-gilalas! Isang aklat na dapat basahin; muli ay salamat.
“Ang mga Tanong [ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas] ay isang aklat na napapanahon. Ginamit ko ito upang payuhan ang aking mahal na kaibigan na may problema tungkol sa pakikipag-date. Ang makatuwirang mga sagot ay naunawaan niya. Nasumpungan ko rin itong personal na nakatutulong upang maunawaan kong lalo ang aking sarili. Salamat po.
“At kahulihan, ang New World Translation. Ang bersiyong ito ay mas madaling unawain kaysa aking KJV [King James Version] anupa’t nasusumpungan ko ang aking sarili na ginagamit ito nang mas madalas kaysa ibang aklat . . . Pagpalain nawa kayo ng Diyos sa mahahalagang kaloob na ito! . . .
“Kung wala ang mga aklat na ipinadala ninyo sa akin marahil ay nakalugmok pa rin ako sa pagkaawa-sa-sarili, ngunit ngayon mayroon akong mga kagamitan upang pakitunguhan ang aking kalagayan, at iyan ay isang bagay na mahirap bayaran. Ipagmamapuri kayo ni Jesus. At ako man!
“Napakarami kong natutuhan sa napakaikling panahon, nakatutuwa! Hindi ko akalain na magiging kawili-wili at nakapagpapasigla ang Bibliya. Ako ngayon ay may matibay na dahilang umahon sa lusak na pinagsadlakan sa akin ni Satanas, at nais kong sabihin ito sa daigdig. Salamat po!
“Ipaabot na lamang ninyo ang aking pagbati sa pamilya. . . .
“Ipananalangin ko kayong lahat!
Nagpapasalamat,
Michael”