Ang Mailap na Pusang Gubat
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Suriname
UNA naming nakita ng misis ko ang mailap na pusang ito samantalang naglalakbay sa isang daan sa gubat. “Tingnan mo!” sigaw ko habang ang aming jeep ay lumiliko. Nakaharap namin ang isang penitigri, o tigring batik-batik, gaya ng tawag namin sa jaguar sa Suriname. Ang kayumangging balat nito ay kumikintab na para bang bagong pinta. Pinatingkad ng lumulubog na araw ang kulay nito: ginintuang dilaw tungo sa mamula-mulang kayumanggi, mapusyaw nang kaunti sa pisngi, dibdib, at tiyan nito. Gayunman, kapuna-puna ang iregular na mga markang itim, o rosettes, na tumatakip halos sa buong katawan nito.
Gayon na lamang ang paghanga ng Pre-Columbian na mga Indyan sa kapansin-pansing hitsura ng pusa anupa’t tinawag nila itong isang diyos! Ang batik-batik na balat nito, sabi nila, ay kumakatawan sa mabituing langit sa gabi. Kahit na ngayon, itinuturing ng ilan ang jaguar bilang ang tunay na hari ng mga hayop sa Timog Amerika. Ang lalaking jaguar—kadalasa’y uno punto otso metro ang haba, hindi kasali ang buntot—ay maaaring tumimbang ng mga 110 kilo!a Ang bilog nitong ulo at maskuladong leeg; ang tulad-bariles nitong katawan; ang maikli, matataba nitong binti; at ang malalaking paa ay pawang nagpapakita ng dakilang lakas.
Gayunman, ang aming jaguar ay basta mahinay na lumakad na palayo—nakabaluktot ang buntot na itim ang dulo—at huminto sa palumpon. “Anong husay na pagbabalatkayo!” bulong namin habang ito’y nagiging kakulay ng kapaligiran, ang mga batik nito ay kahawig ng mga patse ng anino.
Ang jaguar ay bihirang makita, mas gusto nito ang malilim na mga dako. Sapagkat 80 porsiyento ng Suriname ay kagubatan, tamang-tamang tirahan ito para sa jaguar.
Iniiwan ang Bakas Nito
Gayunman, iniiwan ng jaguar ang bakas nito sa buong bansa. “Nakita ko ang mga bakas ng kanilang paa sa maputik na mga dalampasigan sa Atlantiko,” sabi sa akin ng isang bushranger. “Nakita ko rin ang kinalmot na mga katawan ng puno sa hangganan ng Brazil.” Binabanggit na isa itong paraan ng pagtatanda ng mga jaguar sa mga hangganan ng kanilang teritoryo.
“Totoo iyan,” sabi ng 83-anyos na si James Brown, isang dating giya sa ekspedisyon sa gubat. “Madalas naming makita ang kinalmot na mga punungkahoy, nagpapahiwatig na isang penitigri ang nauna sa amin.” Kinakalmot din ng mga jaguar ang mga pangalmot nito sa mga puno upang patalasin ito.
Ang isa pang paraan ng pagsasabi ng mga jaguar na ‘Galing na ako rito’ ay sa pamamagitan ng pag-iiwan ng kanilang amoy at dumi. Natapos kamakailan ni Dr. Alan Rabinowitz ang dalawang-taóng pag-aaral sa mga jaguar. Sinabi niya sa akin na ang isang jaguar ay karaniwang sumasakop ng isang lugar na mula 40 hanggang 100 kilometro kudrado ng masukal na gubat. Hindi kataka-taka na nasulyapan lamang ng mga manggagalugad ang buhay ng mga jaguar! Subalit kung pagsasama-samahin natin ang mga nasulyapang ito, isang kawili-wiling larawan ang lumilitaw. Tingnan natin.
Isang Pagtingin sa Daigdig ng mga Jaguar
Gumagabi na. Ang mga tunog ng humuhuning mga insekto, ang umaawit na mga ibon, at ang tumitiling unggoy ay nasa paligid. Subalit, pakinggan mo! Ang nagbabanta, paós na mga ungol ay maririnig sa mga punungkahoy. Pagkatapos ay ang nakatatakot na katahimikan. Ang nagtatakbuhang mga hayop at humahagibis na mga ibon sa lupa ay nagpangalat. Ngayon isa pang sunud-sunod na malakas na mga ungal, nakatatakot na gaya ng ungal ng leon! Isang matipunong lalaking jaguar ang lumalabas.
Ito ang kaniyang kaharian—gubat at latian sa tabi ng ilog. Sa lahat ng malalaking pusa, ang jaguar ang palagay na palagay sa tubig. Sa katunayan, kailangan nito ang tubig para sa katuwaan at sa kalakal—yaon ay ang kalakal sa pangingisda. Nagtutungo siya sa kaniyang palaisdaan sa ibayo ng ilog. Maliksi siyang lumalangoy sa tubig na halos diretso ang linya, sa buong panahon ay iniingatan ang kaniyang ulo, gulugod, at dulo ng kaniyang buntot na nasa ibabaw ng tubig. “Ang mga jaguar ay magagaling na manlalangoy,” sabi sa akin ng manggagalugad sa gubat na si Heinz Heyde. “Napakabilis nilang lumangoy anupa’t sila’y gumagawa ng mga alon. Nakita ko pa nga silang tumatawid ng mga talon ng tubig!”
Kapag narating ng jaguar ang kabilang pampang, umaakyat siya at ipinapagpag ang tubig ng kaniyang katawan. Yumuyukyok siya sa isang kahoy na nakabitin sa itaas ng ilog, itinututok ang kaniyang mata sa ibabaw ng tubig na para bang nais niyang tagusin ang ilalim. Pagkatapos, simbilis ng kidlat, dadagitin niya sa pamamagitan ng kaniyang paang may matatalas ng kuko ang kaniyang biktimang isda.
“Isang gabing maliwanag-ang-buwan,” gunita ni G. Heyde, “nakita ko ang isang jaguar na binabanatan ang isang-metrong-haba na anjoemaras [isang isda] taglay ang gayon na lamang lakas anupa’t ito’y lumipad sa himpapawid at bumagsak 5 metro sa likuran ng pusa. Ang mga jaguar ay totoong malakas!” Ang biyologong si Pieter Teunissen, na nagmasid din sa mga jaguar sa gubat, ay nagsabi: “Natuklasan ko buhat sa mga marka sa dalampasigan na inihagis ng isang jaguar ang isang napakalaking aitkantie [isang klase ng pagong] 4 na metro sa himpapawid.”
Ang jaguar ay hindi lamang malakas kundi marami ring nalalaman. Isa itong mangangaso sa tatlong kapaligiran, eksperto sa tubig, sa lupa, at sa mga punungkahoy. Kapag naglalakad sa tubig o kapag umaakyat sa puno, ang mga kuko nito ay nagbibigay ng tiyak na matutungtungan, gaya ng spiked shoes ng isang umaakyat ng bundok. Sa lupa naman ay iniuurong nito ang mga kuko nito at kumikilos na para bang ito’y lumalakad na walang ingay na nakamedyas—malalaking paa para lihim na sumubaybay.
Subalit ang isang mangangaso ay nangangailangan din ng tiyaga, bilis, at pagsasaoras. Hindi kataka-taka na nangangailangan ng dalawang taon ng pagsasanay ng ina bago ang mga batang jaguar ay maaaring magdepensa sa kanilang sarili! Pagkalipas ng anim na linggo ang mga batang jaguar ay susunud-sunod sa kanilang ina. Gayunman, sila’y nananatiling nakatago sa makapal na palumpon samantalang ang ina ay nanghuhuli ng masisilang hayop.
Maingat, ang ina ay nagtutungo sa gilid ng ilog hanggang sa mapansin niya ang isang pangkat ng mga capybara, ang pinakamalaking daga sa daigdig. Taglay ang tamang-tamang pagkilos siya ay lumalapit, pagkatapos ay humihinto, ang mga mata’y nakatutok sa tinutugis. Ang kaniyang buong katawan ay walang kakilus-kilos, ang dulo lamang ng buntot ang kumikibot. Palibhasa’y nadarama ang kaniyang pagkanaroroon, ang mga capybara ay sumisisid sa ilalim ng tubig. Gayunman, ang pagkatalo ay bihira para sa mga jaguar. Sa katunayan, ang pusa ay madalas makahuli anupa’t ang capybara ay tinatawag na “araw-araw na pagkain ng mga jaguar.”
Iba pang pagkain? Napakarami. Mula sa maliliit na agoutis [isang uri ng daga] hanggang sa malalaking tapir. Wala ring ligtas pati na ang mga porcupine, pagong, at caiman [isang uri ng buwaya]. Paminsan-minsan, ang pusa ay humahanap pa ng masisila sa kabila pa roon ng gubat tungo sa pastulan. “Noong isang araw isang baka at guya ay sinalakay ng isang jaguar,” sabi ng beterenaryong si Ronnie Kranenburg. “Nangyari iyan mga ilang kilometro lamang mula sa bayan.” Subalit ang mga pagsalakay na ito ay karaniwang kinasasangkutan ng matatandang jaguar na napaalis ng mas batang mga karibal o mga hayop na nagdurusa dahil sa matagal nang pinsala ng pagbaril.
Kumusta naman ang tungkol sa mga jaguar na sumasalakay ng tao? “Wala, bihira iyan,” sabi ng doktor ng mga hayop. Ang biyologong si Teunissen ay sumasang-ayon. Nagugunita niya ang paglalakad sa dalampasigan isang gabi samantalang tumutulong sa isang proyekto sa pananaliksik sa mga pagong-dagat. Pagbalik niya, nasinagan ng kaniyang plaslait ang mga bakas ng paa ng jaguar sa ibabaw ng kaniya mismong bakas ng paa. Sinusundan siya ng isang pusa! Sa halip na saktan siya, ang pusa ay naglaho nang ang biyologo ay magbalik.
“Kanilang sinasalakay ang mga pagong,” sabi ni G. Teunissen, “kaya nang kailangan kung hukayin ang mga itlog ng pagong sa gabi, hindi ako mapakali. Ang tunog na nahuhulog na buhangin ay kahawig ng naghuhukay na pagong. Ang nagawa ko lamang ay,” sabi pa niya, “ipihit-pihit ang aking plaslait paminsa-minsan, sana’y nalalaman ng mga jaguar na ang mga pagong ay hindi nagdadala ng mga plaslait.”
Pagpupuslit na Kalakal
Subalit kumusta naman ang banta ng tao sa mga jaguar? Si Jaques Berney ang kinatawan na panlahat na kalihim ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora, ang organisasyon na nagsisikap sawatain ang pangangalakal ng wildlife. Sinabi niya sa akin na ang mga jaguar ay lubhang nanganganib na malipol. Sa gayon ang komersiyal na pangangalakal ng mga jaguar ay ipinagbabawal.
Gayunman, sang-ayon sa Focus, ang babasahin ng World Wildlife Fund (E.U.), ang ilegal na pangangaso ay malakas pa ring negosyo. Ang dahilan? Ang malaking pangangailangan para sa mga coat na yari sa balat ng batik-batik na pusa! Ang ilegal na mga mangangaso ay gumagala sa kagubatan ng Amazon sa gabi, binubulag ang mga jaguar ng matitinding liwanag ng mga plaslait, at saka binabaril sa ulo ang nagulat na mga hayop.
Sa loob ng mga ilang oras, ulat ng Focus, ang balat ng jaguar ay pinatutuyo na sa sampayan. Di nagtatagal ito’y ipinupuslit na sa ibayo ng hangganan, nakaimpake sa isang malaking kahon na may tatak na “Kape,” at inilululan patungo sa Europa. Tinataya ng ilang autoridad na mga 6,000 jaguar ang pinapatay at pinoproseso sa ganitong paraan taun-taon.
Gayunman, pansamantala, ang Suriname ay may saganang kahanga-hangang mga hayop na ito. At asahan natin na ito’y manatiling gayon. Kung hindi, darating ang araw kapag ang mailap na batik-batik na pusa ay hindi na makikita pa.
[Talababa]
a Ang jaguar na inilalarawan dito ay ang Panthera onca onca.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
H. Armstrong Roberts