Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Biyenan Ang Pebrero 22, 1990, na labas tungkol sa mga biyenan ay labis kong pinahahalagahan. Dalawang linggo ang nakalipas dinalaw ko ang aking mga biyenan sa loob ng isang linggo. Noong panahon ng aking pagdalaw, iningatan ko sa isip ang artikulo at ikinapit ko ito sa bawat kalagayan na nakaharap ko. Nasiyahan ako, at nang ako’y umalis, kaming lahat ay nagyapusan at naghalikan. Inaasam-asam ko ang higit pang mga pagdalaw sa kanila, at iingatan ko nang husto ang magasing ito sakaling kailanganin ko ito upang patibayin nito.
A. G., Estados Unidos
Meykap Ang inyong pitak na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” ay nakapagpapatibay. Sa inyong artikulo tungkol sa meykap (Hunyo 22, 1990), ginamit ninyo ang teksto sa Bibliya na nasa Ezekiel 23:40, na maliwanag na tumutukoy sa paggamit ng isang patutot ng eye shadow. Hindi kaya may kamaliang binibigyan-matuwid ninyo ang paggamit ng kosmetiks?
T. H. H., Netherlands
Pinatutunayan lamang ng tekstong ito ang pag-aangkin ng mga arkeologo na ang meykap ay ginamit ng mga Israelita. Totoo, binabanggit ng talatang ito ang tungkol sa isang patutot na ‘naligo, nagkulay ng kaniyang mga mata, at ginayakan ang kaniyang sarili ng mga gayak.’ Gayunman, maliwanag na ito ay basta nagpapatunay sa bagay na ang ilang mga babaing Israelita ay gumagamit ng kosmetiks.—ED.
Pag-eeksperimento sa Hayop Tinatanggap namin ang bagay na ang mga Saksi ni Jehova ay nagkomento tungkol sa paksang may kaugnayan sa pag-eeksperimento sa mga hayop (Gumising! Hulyo 8, 1990). Inaakala naming kailangang ituwid ang pangungusap na: “Ang hilig sa buong daigdig ay suportahan ang mas agresibong mga kilusan sa mga karapatan ng hayop.” Ang mga militante ay isa lamang minoridad at sumisikat lamang dahil sa pagsaklaw ng press.
I. L., Federal Association for Animal Rights,
Pederal na Republika ng Alemanya
Sabi namin na “ang ilan”—hindi lahat—ng mga aktibista tungkol sa mga karapatan ng hayop “ay handang gumamit ng karahasan.” Ang pangungusap na nabanggit ay binigkas ng isang kilalang aktibista sa mga hayop na taga-Canada. Iniulat lamang namin ito.—ED.
Pagkasugapa sa Shabbu Ako’y isang sugapa sa shabu sa loob ng limang taon. Ilang beses ko nang sinikap na ihinto ang paggamit na ito ng kakila-kilabot na droga. Mayroon akong $150- hanggang $200-isang-araw na bisyo! Subalit dahil sa Diyos na Jehova, hindi na ako isang sugapa sa shabu! Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Kaniyang Salita, palagiang pananalangin, at pakikisama sa tunay na mga Kristiyano, ang shabu ay ginawa kong isang lipas na bagay. Ang susi sa paghinto sa paggamit ng shabu: Huwag kang makisama sa mga taong gumagamit ng drogang ito!—Tingnan ang Gumising!, Hulyo 22, 1990.
[Hiniling na ilihim ang unang titik ng pangalan], Estados Unidos
Mas Madaling Panganganak May kinalaman sa inyong artikulo tungkol sa panganganak sa “Pagmamasid sa Daigdig” (Disyembre 8, 1989), hayaan ninyong sabihin ko na sa rural at gawing hilagang kaburulan ng Pakistan, ang panganganak sa posisyong nakatingkayad ay ginagamit na mula pa noong una. Tiyak na wala silang magagarang silang anakan, subalit sila’y gumagamit ng isang silyang yari sa ladrilyo at bato.
F. U. B., Pakistan
“CAT Scans” Salamat sa artikulong “Isang Computer na Nakakakita sa Loob Mo.” (Hulyo 22, 1990) Ako’y nakaiskedyul para sa isang CAT scan mga ilang taon na ang nakalipas, subalit ito’y ipinaliwanag sa akin sa isang paraan na nakatakot sa akin, anupa’t tinanggihan ko ito. Tinulungan ako ng artikulo na timbangin ang mga bentaha at disbentaha, at ngayon gumawa na ako ng appointment sa aking doktor.
A. S., Estados Unidos
Mga Jaguar Siyang-siya ako sa inyong artikulong “Ang Mailap na Pusang Gubat.” (Agosto 22, 1990) Hindi ko natalos kung gaano lubhang hindi kapani-paniwala ang mga jaguar. Ang mga ito ay magagandang hayop na tiyak na nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos.
L. F., Estados Unidos