Mga Produktong Isang-Gamit-Tapon ay Nagiging Basurang Di-nabubulok
ANG hindi pag-alintana sa krisis ng basura at sa kung ano ang nagpapangyari nito ay ang waling-bahala ang mga gawain ng lipunang ito na tapon nang tapon. Halimbawa, nasusumpungan mo bang mas kaakit-akit ang mga towalyang papel sa kusina kaysa mga tela? Inihahalili mo ba ang mga serbilyetang papel sa linen sa panahon ng pagkain? Kung may mga sanggol ka pang naglalampin, gumagamit ka ba ng isang-gamit-tapon (disposable) na mga lampin sa halip na mga lampin na tela? Nasusumpungan mo bang ang isang-gamit-tapon na mga pang-ahit at kamera’y napakakombinyenteng bilhin? Iilan sa mga kabataan ngayon ang sumusulat sa pamamagitan ng isang pluma; ang mga ballpen, ang ilan mismo ay itinatapon pagkaubos at ang iba na may itinatapong cartridge, ang malaon nang humalili rito. Ang mga negosyo ay pumipidido ng libu-libong ballpen. Ang mga tagapag-anunsiyo ay namimigay nito nang milyun-milyon.
Ang mga iniuuwing order ng tsa, kape, mga cola, milk shakes, at mga hamburger ay hindi na inilalagay sa mga paper cup at sa mga paper tray. Ginawa na itong lipás ng mga sisidlang polystyrene. May mga plastik na kutsilyo, tinidor, at kutsara, pawang itatapon sa basura pagkatapos ng isang gamit. Ang dami at pagkasarisari ng mga bagay na itinatapon pagkagamit ay walang katapusan. “Tayo‘y isang lipunang tapon nang tapon,” sabi ng direktor ng New York State Division of Solid Waste. “Kailangang baguhin natin ang ating pamumuhay.”
Ano ang masasabi tungkol sa mga sisidlang plastik ng gatas sa halip na bote; sapatos na plastik sa halip na balat at goma; mga kapoteng plastik sa halip na water-repellent na tela? Ang ibang mambabasa ay nagtatanong kung paano kaya kumilos ang daigdig bago ang panahon ng mga plastik? Pansinin din, ang hanay at hanay na mga produkto sa napakalaking mga sisidlan, tinatawag ang iyong pansin mula sa mga istante sa supermarket at saanman na doo’y ipinagbibili ang nakaimpakeng produkto. Ang panahon ng computer—naglalabas ng libu-libong milyong pahina ng papel—ay nakadaragdag pa sa malaking bunton ng papel na naging kasintaas ng bundok.
Gaano karaming hirap ang handa nating tiisin upang makita ang ilang ginhawa mula sa dumaraming suliraning ito ng basura? Bagaman ang mga Amerikano lamang ang nagtatapon sa kanilang mga basurahan ng tinatayang 4.3 milyong isang-gamit-tapon na mga pen at 5.4 milyong isang-gamit-tapon na mga pang-ahit sa isang karaniwang araw, malamang na ang lipunang ito ay hindi babalik ng kalahating siglo sa panahon bago ang panahon ng plastik at ng modernong-teknolohiyang isang-gamit-tapon, kahit na nga ang kabayaran para sa mga ginhawang ito ay maaaring nakalilito.
Gayundin ang masasabi sa isang-gamit-tapon na mga lampin. “Mahigit na 16 na bilyong lampin, naglalaman ng tinatayang 2.8 milyong toneladang dumi at ihi, ay itinatambak taun-taon sa umuunting tambakang lupa sa buong bansa,” ulat ng The New York Times. Mahigit na 4,275,000 toneladang itinapong lampin ay maaaring maging isang sorpresa. “Isa itong angkop na kaso,” sabi ng isang eksperto sa Washington tungkol sa solidong basura, “kung saan ang ginagamit nating produktong isang-gamit-tapon na nagkakahalaga ng higit kaysa isang produktong nagagamit-muli, ay mas mapanganib sa kapaligiran at inuubos ang yamang hindi nababago.” Handa bang tiisin ng mga magulang ang hirap ng paglalaba ng mga lampin ng kanilang sanggol o ng pagpapalaba? Sa marami, ang daigdig na walang isang-gamit-tapon na mga lampin ay imposible.
Ang isang-gamit-tapon na mga lampin ay naging sagisag ng mga tagapagtaguyod ng kapaligiran sa lahat ng problema ng basura. “Ang masahol pa,” sulat ng U.S.News & World Report, “bawat lamping plastik na ginawa sapol nang una itong ipakilala noong 1961 ay naroroon pa rin; kumukuha ng halos 500 taon bago ito masira.”
Gayunman, sinasabi ng mga eksperto sa kapaligiran at ng mga opisyal ng gobyerno na dapat nating baguhin ang ating mga ugali kung hindi tayo ay ililibing na buháy sa ating sariling basura. Ang modernong mga produktong itinatapon ay maaaring maging mabili, subalit ito ay isang bomba sa mga basurahan ng lupa. Ang buhay ng itinapong plastik ay hindi nagwawakas. Salungat sa kinaugaliang karunungan, ang 350 milyong libra ng papel na itinatapon araw-araw ng mga Amerikano at ang di-alam na toneladang itinatapon sa buong daigdig ay hindi nabubulok at naglalaho sa mga tambakang lupa kahit na sa ilalim ng toni-toneladang basura sa loob ng mga taon. Ang mga diyaryong nahukay sa mga tambakang lupa pagkatapos ibaon ng mahigit na 35 taon ay nababasa pa rin na gaya ng araw na ito ay ilathala.
Ang Problema ng Pagreresiklo
Naisulat nang may apat na paraan lamang ng pakikitungo sa basura: “Ibaon ito, sunugin ito, iresiklo ito—o huwag gumawa ng maraming basura.” Ang ibinaong basura sa mga tambakang lupa ay hindi lamang pangit tingnan para sa mga nakatira sa malapit kundi maaaring maging isang panganib sa kalusugan. Habang nabubulok ang basura sa mga tambakang lupa, ito’y gumagawa ng isang walang-kulay, walang-amoy, nagdidingas na gas na tinatawag na methane. Kung hindi hahadlangan, ang methane ay maaaring magtungo sa ilalim ng lupa na malayo sa tambakang lupa, patayin ang mga pananim, tumagos sa kalapit na mga gusali, at sumabog kung ito’y masindihan. Sa ilang kaso ay nagkaroon ng mga kamatayan. Ang mga reserba ng tubig sa ilalim ng lupa, o mga aquifer, ay nanganganib habang ang nakapipinsalang mga kemikal ay tumatagos sa lupa at dinudumhan ang panustos na tubig ng tao.
Sa partikular, ang problema ng pagreresiklo ng newsprint ay ang sobra-sobrang suplay. “Ang imbentaryo ng basurang diyaryo ay isang buong-panahong mataas na rekord,” sabi ng isang tagapagsalita para sa American Paper Institute. “Ang mga dealer ng papel ay may mahigit isang milyong tonelada ng mga diyaryo sa kanilang mga bodega, na kumakatawan sa sangkatlo ng isang taóng produksiyon. Dumarating pa nga ang panahon kapag ang espasyo sa bodega ay lubusang napupunô.” Dahil sa tambak na papel na ito, maraming lungsod na tumatanggap ng $40 isang tonelada para sa kanilang papel noong nakalipas na isang taon ay nagbabayad ngayon sa mga nangongontrata ng $25 isang tonelada upang hilahin ito palayo—upang sunugin o itambak sa mga tambakang lupa.
Ano naman ang masasabi sa mga plastik? “Ang industriya ng plastik ay nagkukumamot na suportahan ang pagreresiklo, pangunahin nang dahil sa takot na sa anumang paraan ang malaganap na produkto nito ay ipagbawal,” sabi ng U.S.News & World Report. Halimbawa, ang plastik na mga bote ay maaaring gawing hibla sa paggawa ng polyester na mga alpombra, palaman para sa mga parka, at marami pang ibang bagay. Gayunman, ang industriya ay makabubuting mabahala sa pamilihan nito. Ang ibang lugar ay nagpasa na ng batas na nagbabawal sa paggamit at pagbibili ng lahat ng produktong may polystyrene at PVC (polyvinyl chloride) sa mga negosyong nagbibili ng tinging pagkain. Kabilang sa pagbabawal ang plastik na mga groseri bag, mga baso at trey ng karne na yari sa polystyrene, at ang mga sisidlang yari sa polystyrene na pinaglalagyan ng mga hamburger.
Tinatayang mahigit sa 75 porsiyento ng solidong basura ng munisipyo sa Estados Unidos ay maaaring iresiklo. Gayunman, dahil sa kawalang-malasakit ng publiko at sa kakulangan ng teknolohiya, ang potensiyal na ito ay hindi natatamo ngayon. “Ang pagreresiklo ay pumapasok sa isang napakapanganib na panahon,” sabi ng isang dalubhasa sa pagreresiklo. “Maraming gobyerno ang mahihirapang pagtagumpayan ang mga kahinaang ito.”
Sinasabi ng ibang opisyal na ang pagsunog ng basura sa dambuhalang mga incinerator ng munisipyo ang lunas. Subalit dito man, may mga problema rin. Ang mga dalubhasa sa kapaligiran ay nagbababala na ang pagsunog sa mga plastik at iba pang basura ay naglalabas ng nakalalasong mga kemikal, kasama na ang dioxin, sa hangin. “Maaari mong isipin ang isang incinerator bilang isang pagawaan ng dioxin,” sabi ng isang kilalang dalubhasa sa kapaligiran. “Ang mga incinerator ay gumagawa rin ng toni-toneladang abo na kadalasang may kasamang tingga at cadmium,” ulat ng magasing Newsweek. Ang hiyaw ng pagtutol ay maririnig mula sa mga mamamayang nakatira malapit sa binabalak na mga lugar na pagtatayuan ng incinerator. Walang may gusto nito sa kaniyang pook. Ang mga ito ay nakikita bilang isang peligrosong banta sa kalusugan at kapaligiran. Kaya patuloy na lumalala ang krisis ng basura. Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng lunas?