Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 9/22 p. 3-5
  • Ang Tambak ng Basura—Tatabunan ba Tayo Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Tambak ng Basura—Tatabunan ba Tayo Nito?
  • Gumising!—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Paglutas sa Tambak na Basura—Sa Pamamagitan ng Compost
    Gumising!—1995
  • Pamumuhay sa Isang Lipunan na Palatapon
    Gumising!—2002
  • Mga Produktong Isang-Gamit-Tapon ay Nagiging Basurang Di-nabubulok
    Gumising!—1990
  • Mga Eksperto sa Pagtatapon ng Basura sa Daigdig ng mga Insekto
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 9/22 p. 3-5

Ang Tambak ng Basura​—Tatabunan ba Tayo Nito?

ITO nga, ay isang kakaibang kabalintunaan. Sa salinlahing ito, ang tao ay nakapunta at nakabalik na buhat sa buwan. Ang pinakabagong mga satelayt na nasasangkapan ng mabisang mga kamera ay pumaimbulog ng libu-libong milya sa kalawakan, na nagpapadala pabalik ng malapitang mga kuha ng malalayong planeta. Ang tao ay bumaba sa ilalim ng mga karagatan at nakita ang lumubog na mga sasakyang-dagat mga dantaon na ang nakalipas at ibinalik sa ibabaw ng lupa ang kanilang pinakaingat-ingatang pag-aari ng isang panahong malaon nang nakalimutan. Ginamit ng mga siyentipiko ang mailap na atomo, upang pakinabangan ng tao o upang palisin ang lahat ng mga lungsod at ang mga maninirahan nito sa ibabaw ng lupa. Sa ilang mumunting silicon chips ng computer na halos kasinlaki ng kuko ng tao, ang teksto ng buong Bibliya ay maaaring irekord para sa kagyat na pagpapatugtog-muli. Gayunman, kasabay nito, ang mga taong may taglay na ganitong kakayahan at talino ay hindi maitapon nang wasto ang kanila mismong basura sa bahay, sa gayo’y inaalis ang takot ng kanilang salinlahi na mabaon dito nang buháy.

Upang simulan ito, isaalang-alang ang problema sa basura ng Estados Unidos. Gaya ng iniulat, ang mga Amerikano’y nagtatapon ng mahigit 400,000 toneladang basura araw-araw. Hindi kasali rito ang putik at basura ng konstruksiyon, 160 milyong tonelada ang inihahagis taun-taon​—“sapat upang kumalat sa 30 palapag ang taas sa mahigit 1,000 laruan ng football, sapat upang punuin ang isang sunud-sunod na kumboy ng mga trak ng basura kalahati ng distansiyang patungong buwan,” ulat ng magasing Newsweek. Mahigit na 90-porsiyento ng basurang ito ay ibinabaon sa mga tambakan ng basura hanggang sa mga bundok ng basura ay maaaring tumaas ng daan-daang metro sa ibabaw ng lupa.

Halimbawa, nagagamit ng New York City ang pinakamalaking basurahang lungsod sa daigdig​—ang 800 ektarya sa Staten Island ng New York. Araw-araw 24,000 toneladang basura ang natitipon at walang tigil na dinadala ng maraming lantsa de deskarga sa bulubunduking mga lupang tambakan. Tinatayang sa taóng 2000, ang bunton na ito ng basura ay “tataas na halos ay kalahati ng taas ng Statue of Liberty at pupunô ng mas maraming metro kubiko kaysa pinakamalaking Great Pyramid ng Ehipto.” Inaasahang sa panahong magsara ang tambakang lupa, sa loob ng dekadang ito, ito’y aabot ng 150 metro ang taas. Nang si David Dinkins, ang bagong halal na alkalde ng New York City, ay manungkulan, siya ay binati ng mensaheng ito buhat sa komisyunado ng sanitasyon: “Hay. Maligayang pagdating sa City Hall. Siyanga pala, wala kayong dakong paglalagyan ng basura.”

“Ang bawat malaking lungsod sa Estados Unidos ay may problema tungkol sa tambakang lupa,” sabi ng isang eksperto. “Ang basurahan ng Amerika’y basta nagtatambakan, at walang ginagawang bagong tambakan ng basura,” sabi ng U.S.News & World Report. “Sa 1995, kalahati ng umiiral na basurahan ay sasarhan. Marami ay hindi nakatutugon sa makabagong mga pamantayan sa kapaligiran,” sabi pa ng ulat.

Tinatayang sa California ang karaniwang mamamayan ay nagtatapon ng halos 1,100 kilo ng basura sa isang taon. “Sa Los Angeles County tayo ay gumagawa ng sapat na basura na pupunô sa Dodger Stadium ng basura tuwing ikasiyam na araw o higit pa,” sabi ng isang eksperto sa kapaligiran. Ang mga basurahan sa Los Angeles ay inaasahang aabot sa kapasidad nito sa 1995. Ano ang mangyayari? tanong ng mga mamamayan nito. Subalit ang araw ng pagtutuos ay maaaring dumating nang mas maaga kaysa inaasahan, gaya ng ipinahihiwatig ng isang tagapagtaguyod ng kapaligiran sa California: “Aktuwal na may mga trak tayo ng basura na lumiligid sa bayan araw-araw na walang dakong mapagtambakan.”

Nakakaharap ng Chicago ang pagsasara ng 33 tambakan ng basura nito sa unang hati ng dekadang ito. Ang iba pang malalaking lungsod na nakakaharap ang salot ng basura ay basta itinatapon ang kanilang basura sa ibayo ng hangganan ng estado tungo sa ibang mga tambakang lupa. Ito ay pinagmulan ng kaguluhan sa mga estadong tumatanggap ng inaayawang basura ng iba. Mga 28,000 tonelada ng basura ang dala-dala sa mga haywey ng Amerika araw-araw samantalang isa naman ang humahanap ng dakong pagtatambakan nito. Iniulat na ang New York, New Jersey, at Pennsylvania ay nagluluwas ng walong milyong tonelada ng basura sa isang taon. Isang magastos na paraan nga ng pagtatapon ng basura. “Masahol pa,” sabi ng magasing Newsweek, “ang ilang mga tsuper ng trak na nagkakarga ng karne at ani patungo sa Silangan sa mga sasakyang may palamigan ay nagdadala ng inuuod na basura pabalik sa Kanluran sa trak ding iyon.” Binabalak ng Kongreso na ipagbawal ang gawaing ito dahil sa maliwanag na panganib sa kalusugan.

Ang krisis sa basura ay hindi lamang problema ng Estados Unidos. Ang iba pang bansa ay isinasapanganib din ng tambak ng basura. Ang Hapón, halimbawa, ay nagsisikap na lutasin ang problema nito tungkol sa basura. Tinatayang sa taóng 2005, ang Tokyo at ang tatlong kalapit na mga bayan ay magkakaroon ng 3.43 milyong toneladang labis na basura. Nakakaharap din nila ang problema ng pagluluwas nito. “Ang basura ang isa sa kalakal na luwas ng Hapón na walang mapagbilhan,” sabi ng isang manunulat.

Bagaman ang ibang bansa ay hindi pa sinasalot ng problema ng mapagtatapunan ng basurang galing sa bahay, nakaharap na ng marami ang problema na may kinalaman sa basura ng kanilang industriya. Halimbawa, nakakaharap ng mga bansang nagpapatakbo ng dambuhalang mga incinerator upang sunugin ang kanilang basura ang problema ng libu-libong tonelada ng abo, na ang ilan ay maaaring lubhang nakalalason. Ang HSAB (Huwag sa aking bakuran) ang sigaw ng kanilang mga mamamayan kapag iniharap sa kanila ang pagtatapon ng basura sa kanilang lugar. Kung ano ang gagawin sa basura ay nagiging isang masalimuot na problema para sa mga nasasangkot. Ang mga lantsa de deskarga na punô ng libu-libong tonelada ng nakalalasong basura ay pagala-gala sa dagat na naghahanap ng “bakuran” sa banyagang mga pampang. Ang marami ay itinataboy. Nakasagupa nila ang disididong HSAB damdamin.

Nito lamang mga ilang taon, ang nagpapaunlad na mga bansa ay naging tambakan ng libu-libong toneladang inaayawang basura. Ang ilan dito ay basta itinambak sa nakatiwangwang na lupa ng walang prinsipyong mga tao. “Natutuklasan ng mga Europeo at mga Amerikano na ang pangangalaga sa kanilang kapaligiran ay maaaring mangahulugan ng pagpaparumi sa lupain ng ibang tao,” sulat ng magasing World Press Review.

Ang The German Tribune ng Oktubre 1988 ay nag-ulat na ang Zurich, Switzerland, ay nagluluwas ng sobra nitong basura sa Pransiya at na ang Canada, ang Estados Unidos, Hapón, at Australia ay nakasumpong ng tambakang lupa sa “bakuran” ng Silangang Europa.

At ito’y nagpapatuloy. “Ang krisis ng basura ay hindi katulad ng anumang problemang nakaharap na natin,” sabi ng isang opisyal ng E.U. “Kung may tagtuyot, ang mga tao ay nagtitipid sa tubig. Subalit sa krisis na ito, basta tayo gumagawa ng higit pang basura.”

[Blurb sa pahina 4]

‘Sapat upang punuin ang sunud-sunod na trak ng basura kalahati ng distansiyang patungo sa buwan’

[Blurb sa pahina 5]

“Ang basura ang isa sa kalakal na luwas ng Hapón na walang mapagbilhan”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share