Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 5—Lubos na Kapangyarihan—Isang Pagpapala o Sumpa?
Autokrasya: gobyerno ng isang tao na may lubos na kapangyarihan; Autoritarianismo: ang paggamit sa kapangyarihang mamahala nang walang pahintulot ang mga nasasakupan, hindi labis-labis na gaya ng totalitarianismo; Diktadura: gobyerno na may isang pinuno na ang lubos na kapangyarihan ay hindi natatakdaan ng batas o napipigil man ng anumang opisyal na lupon; Totalitarianismo: sentralisadong pangangasiwa ng isang autokratikong lupon, ginagawa ang mga mamamayan na halos ganap na sakop ng autoridad ng Estado.
ANG mga gobyernong autoritaryo, mahaba sa pangangasiwa at maikli sa indibiduwal na kalayaan, ay agad nagpapagunita sa mga pang-uri na gaya ng “malupit,” “mapaniil,” at “mapang-api.” Lubhang makabayan, ito’y mga rehimeng kumukontrol sa bawat sangay ng gobyerno, mahigpit na binabantayan ang lahat ng kanilang mamamayan, at ipinagbabawal ang mga gawain, kahit na hindi nakapipinsala ang mga ito, na hindi nagtataguyod ng pambansang interes. Nakalulungkot sabihin, ang kasaysayan ng tao ay hindi nagkulang ng mga gobyernong autoritaryo na iuulat.
Depende Kung Hanggang Saan
Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang gobyernong Ruso sa ilalim ng mga czar ay malapit na sa pagiging ganap na autokrasya.” Subalit hindi lahat ng pamahalaang autoritaryo ay walang takda; depende ito kung hanggang saan. At lahat ng gobyernong autoritaryo ay hindi mga autokrasya, ibig sabihin, mga gobyernong pinamumunuan ng iisang pinuno, isang diktador, o isang czar. Ang ilan ay maaaring kontrolado ng isang pangkat, marahil ng isang militar na junta, o ng isang oligarko o plutakratong piling tao.
Kahit na ang mga demokrasya ay maaaring maging autoritaryo. Totoo na mayroon silang mga partido pulitikal, nagdaraos ng mga eleksiyon, nagtataguyod ng mga hukuman ng batas, at nagmamarali ng isang parlamento o tagapagbatas. Gayunman, sa lawak na pinamamahalaan ng gobyerno ang iba’t ibang institusyong ito, pinipilit silang sundin ang mga utos nito, ito’y autoritaryo, anuman ang kayarian. Hindi sa ito ay sadyang idinisenyong gayon. Kung panahon ng digmaan o panahon ng pambansang kaguluhan, ang situwasyon ay maaaring humiling ng pagkakaloob sa gobyerno ng kapangyarihan sa panahon ng kagipitan (emergency powers). Marahil ang kagipitan ay humuhupa; gayunman, ang kapangyarihan sa panahon ng kagipitan ay hindi.
Ang mga monarkiya sa iba’t ibang antas ay autoritaryo. Subalit ang ganap na mga monarkiya sa kalakhang bahagi ay hinalinhan ng natatakdaang mga monarkiya. Tinatakdaan ng mga lupong tagapagbatas at marahil ng nasusulat na konstitusyon ang autoridad na maaaring isagawa ng gayong mga monarkiya, binabawasan ang kanilang potensiyal sa autoritarianismo. Sa gayon, ang pagtatamasa ng indibiduwal na kalayaan sa natatakdaang mga monarkiya ngayon ay umaabot sa antas na higit pa roon sa nasumpungan sa ganap o walang takdang mga monarkiya noon.
Kahit na kung karaniwan ang walang takdang mga monarkiya, ang kanilang kapangyarihan ay limitado. Ipinaliliwanag ng propesor sa kasaysayan na si Orest Ranum na “ang karamihan ng mga hari ay kulang ng pag-uugali at aktuwal na kapangyarihan na lubusang dominahin ang kanilang mga sakop o lipulin ang mga minoridad sa lahi at kultura na gaya ng isang Hitler o isang Mussolini o isang Stalin.” Maliwanag, ang mabuting asal at mahuhusay na katangian ng hari—o ang kakulangan nito—ay di mapag-aalinlanganan. Sa paano man, sabi ni Ranum: “Walang ganap na monarkiya ang umabot sa modernong totalitaryong estado sa antas nito ng sentralisasyon ng kultura at ekonomiya.”
Paghahangad sa Lubos na Kapangyarihan
Noong 1920’s at 1930’s, sa Italya, Unyon Sobyet, at Alemanya, isang bagong uri ng gobyernong autoritaryo ang sumulpot sa tanawin ng daigdig, isa na nangailangan ng paglikha ng isang bagong termino upang ilarawan ito nang husto. Sa mga bansang ito ang media ay napasailalim ng pamamahala ng Estado. Ang pulisya ay naging lingkod ng namumunong partido pulitikal at hindi na lingkod ng bayan. Ang propaganda, pagsensura, rehimentasyon, pagmamatyag ng mga sekreta, at dahas ay ginagamit pa nga upang sugpuin ang oposisyon. Ang mga mamamayan ay pinipilit na tanggapin ang opisyal na pulitikal at sosyal na ideolohiya ng gobyerno. Yaong tumatanggi ay itinuturing na mga traidor. Ang katagang “totalitarianismo” ay waring angkop—isang bansang naghahangad ng sarili nitong mga tunguhin, lubusang kontrolado ang lahat ng mamamayan nito.
Ganito pa ang sabi ng magasing Aleman na Informationen zur politischen Bildung (Impormasyon para sa Pulitikal na Edukasyon): “Ang bansa na naghahangad ng ganap na pamamahala, kung ihahambing sa rehimeng autoritaryo, ay hindi nasisiyahan sa pagkuha lamang ng opisyal na mga posisyon ng kapangyarihan. Hindi nito handang pagkalooban ang mga mamamayan sa limitadong paraan ng relatibong kalayaan subalit humihiling ito sa kanila ng katapatan at aktibong pagsuporta sa doktrina sa lahat ng panahon. Ang walang-takdang mga kahilingang ito ay humihiling ng isang estadong totalitaryo na impluwensiyahan ang mga dakong karaniwang di-saklaw ng pakikialam ng estado, gaya ng pamilya, relihiyon, at panahon ng paglilibang. Upang matugunan ang mga kahilingang ito, ang estadong totalitaryo ay kailangang maglagay ng isang organisasyonal na lambat na kayang mamahala sa bawat indibiduwal sa lahat ng panahon.”
Mangyari pa, mula sa punto de vista ng Estado at ng mga kapakanan nito, ang gobyernong totalitaryo ay lubhang may kakayahan. Subalit ito’y imposibleng panatilihin, sabi ng peryudistang si Charles Krauthammer. Napakaraming dapat pangasiwaan. “Sa maikling panahon maaari mong kulungin, barilin pa nga, ang mga tao,” sabi niya, “subalit pagkatapos ikaw ay nauubusan ng bala, bilangguan, lakas, mga biktima pa nga. . . . Tanging permanenteng pagbabago lamang ang makatutugon sa mithiing totalitaryo, at imposible ang permanenteng pagbabago. Kahit na ang paniniil ay nangangailangan ng pahinga.”
Pinangyari ng ‘Masang Lipunan’?
Sarisaring teoriya ang ibinigay upang ipaliwanag kung bakit ang autoritarianismo, lalo na sa pinakasukdulan at matagumpay na anyo nito, ang totalitarianismo, ay kitang-kita sa ika-20 siglo. Sang-ayon sa The World Book Encyclopedia, “ang unang dalawang-katlo ng 1900’s ay isang yugto ng malaking pagbabago—marahil ang pinakamabilis at pinakamalaganap na pagbabago sa buong kasaysayan.” Walang alinlangan, malaki ang nagawa nito sa hilig tungo sa autoritarianismo.
Ang pagputok ng populasyon, pagdami ng mga lungsod, ang teknolohikal na mga pagsulong ay modernong mga palatandaan na nakatulong sa paglikha ng tinatawag na masang lipunan. Tinatawag ng terminong ito ang isang industriyal na lipunan na kakikitaan ng malaki, sentralisado, burukratiko, at panlahat na mga institusyon. Isa itong lipunan kung saan ang mga kaugnayan ng tao ay waring mababaw at panandalian. Isa itong lipunan kung saan, sa gitna ng mga masa ng tao, ang nalulumbay na mga indibiduwal ay laging naghahanap ng kanilang pinagmulan at ng diwa ng pamayanan.
Kung sa anong lawak pinaunlad ng masang lipunan ang pagsulong ng totalitarianismo ay kontrobersiyal. Ayon sa yumaong pulitikal na siyentipikong si Hannah Arendt na isinilang sa Alemanya, malaki ang impluwensiya nito. Binabanggit ng kaniyang aklat na The Origins of Totalitarianism na ang totalitarianismo ay itinayo, hindi sa mga klase, kundi sa mga masa ng tao na “dahil sa dami, o kawalang-interes, o ang kombinasyon ng dalawa, ay hindi mapagsama sa anumang organisasyon batay sa interes ng lahat, sa mga partido sa pulitika o sa mga gobyernong pambayan o sa propesyonal na mga organisasyon o sa mga unyon ng kalakal.”
Binanggit din ni Arendt ang iba pang salik na nakatulong sa pagbangon ng totalitarianismo: imperialismo, anti-Semitismo, at ang pagkalansag ng tradisyunal na estadong-bansa.
Imperialismo?
Mga ilang taon bago ang pagwawakas ng dantaon, nauso ang kolonisasyon. Tinawag ng Britanong ekonomistang si John Atkinson Hobson ang mga petsang 1884 hanggang 1914 bilang isang panahon ng ngayo’y tinatawag na bagong imperialismo. Ito’y walang iba kundi ang autoritaryong paggamit ng kapangyarihan ng mga gobyernong monarkiya at demokratiko sa layuning palawakin ang kanilang mga imperyo. Ang pananakop sa ibang bansa ay natamo sa pamamagitan ng tuwiran o di-tuwirang pananakop ng kanilang pulitika at kabuhayan. Binigyan-kahulugan naman ni Hobson ang imperialismo na pangunahin nang patungkol sa kabuhayan. Sa katunayan, ang bagong uring ito ng kolonyalismo ay kadalasang walang gaanong kaugnayan sa pulitikal na kapangyarihan kaysa nagawa nito sa paglawak ng ekonomiya at sa paglikha ng bagong mga mapagbibilhan ng mga paninda ng bansa.
Kitang-kita ito lalo na sa tinatawag na Pag-aagawan sa Aprika. Noong maagang 1880’s, ang Britaniya, Pransiya, at Portugal ay nagkaroon ng maraming kolonya sa Aprika. Subalit nang pag-ukulan ito ng Belgium at Alemanya ng mapanaghiling tingin, nagsuguran na. Maliban sa Ethiopia at Liberia, ang buong Aprika ay agad na napasailalim ng pamamahalang Europeo. Ang mga Aprikanong itim ay napilitang magmasid samantalang kinukuha ng mga dayuhang puting “Kristiyano” ang kanilang lupa.
Naging imperyal na kapangyarihan din ang Estados Unidos ng Amerika. Noong dakong huli ng ika-19 na siglo, nakuha nito ang Alaska, Hawaii, at Pilipinas, Guam, at Samoa at iba pang isla sa Pasipiko, gayundin ang Puerto Rico at iba pang isla sa Caribbean. Higit pa sa lumilipas na interes ang komento ni Henry F. Graff, isang propesor ng kasaysayan sa Columbia University, na sumulat: “Ang gawain ng mga misyonaryong Kristiyano ay maimpluwensiya na gaya niyaong mga tagapagbalita sa paggawa ng modernong imperialismo.” Subalit kung ang mga misyonerong ito ng Sangkakristiyanuhan ay naging tunay na mga Kristiyano, sana’y nanatili silang neutral sa pulitika sa pag-aagawan sa Aprika gayundin sa iba pang mga kolonya ng imperyo, kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko naman na hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16; Santiago 4:4.
Ang panahon ng imperialismo ay sinasabing nagwakas noong 1914. Subalit, hindi ito totoo kung tungkol sa autoritaryong espiritu nito. Ang espiritung ito ay inilarawang mabuti ni Cecil Rhodes, punong ministro noong 1890’s ng ngayo’y isang bahagi ng Timog Aprika, nang sabihin niya: “Ang paglawak ang lahat ng bagay.” Isang kumikilos na puwersa sa paglawak ng Imperyong Britano, minsa’y ipinagmalaki niya: “Idudugtong ko ang mga planeta kung magagawa ko.” Ang espiritung ito ng interes-sa-sarili ay gumaganyak pa rin sa mga bansa na pamahalaan, hangga’t maaari, ang mga patakaran sa pulitika at kabuhayan ng ibang bansa sa kanilang sariling pakinabang. Halimbawa, palibhasa’y hindi nasakop ng Hapón ang daigdig sa militar na paraan, ito kung minsan ay pinararatangan na “sinasakop” ngayon ang daigdig sa pamamagitan ng ekonomiya.
Ang Pagbagsak ba sa Pamamahalang Autoritaryo ang Lunas?
Ang lubos na kapangyarihan na isinasagawa ng walang prinsipyo at sakim na mga tao ay isang sumpa, hindi isang pagpapala. Angkop na angkop ang mga salita ng sinaunang Haring Solomon: “Narito! ang luha ng mga napipighati, subalit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng mga mamimighati sa kanila ay may kapangyarihan, ngunit wala silang mang-aaliw.”—Eclesiastes 4:1.
Sa ilalim ng pamamahalang autoritaryo “ang luha ng mga napipighati” ay marami. Gayunman, sa kaniyang aklat noong 1987 na Perestroika, si Mikhail Gorbachev ay nagbabala: “Posible itong supilin, pilitin, suhulan, sirain o pasabugin, subalit sa isang panahon lamang.” Kaya naman, sa kabila ng bagay na ang kapangyarihan ay “sa panig ng mga mamimighati sa kanila,” ang mga mamamayan ay paulit-ulit na bumangon upang ihagis ang mga kadena ng gobyernong autoritaryo. Ang madugong pagbagsak sa Romania noong Disyembre kay Nicolae Ceauşescu at sa kaniyang mga hukbong pangkaligtasan, ang Securitate, ang halimbawa.
Ang pagbagsak sa pamamahalang autoritaryo ay talagang nagdadala ng ginhawa. Gaya ng sabi ng kawikaang Burmes, totoo rin na “tanging sa pamamagitan ng bagong pinuno natatalos mo ang halaga ng dating pinuno.” Sino ang makagagarantiya na ang masama ay hindi mapapalitan ng isa na mas masahol pa?
Upang banggitin ang isa lamang halimbawa, ang autoritaryong pamamahala sa isang bansang Latin-Amerikano ay ibinagsak. Ang mga mamamayan ay punô ng pag-asa na bubuti ang mga bagay, subalit bumuti nga ba ang mga bagay? Nagkokomento tungkol sa kalagayan pagkalipas ng ilang taon, isang magasin ang nagsabi na ang buhay ay “lumala pa.” Binabanggit ang tungkol sa napakataas na implasyon, tinawag ng magasin ang pera ng bansa na “talagang walang silbi,” idinaraing ang di-sapat na mga pasilidad sa kalusugan ng bansa, at binanggit na ang malnutrisyon ay lumalaganap. Nang maglaon, ang rehimeng iyon ay inalis din sa kapangyarihan.
Hindi ba maliwanag na ang pamamahala ng tao sa lahat ng anyo nito ay nasumpungang hindi sapat? Gayunman ang mga tao ay patuloy sa paghanap ng huwarang gobyerno. Ang dalawang pangunahing halimbawa ng kabiguan na maaaring patunguhan nito, ang pagbulusok sa lahat ng bansa sa kalaliman ng kawalang pag-asa na “walang mang-aaliw,” ay tatalakayin sa aming susunod na labas.
[Larawan sa pahina 21]
Isang halimbawa ng halos ganap na autokrasya ay ang Russia sa ilalim ng mga czar
[Credit Line]
Alexander II Krüger, c. 1855