Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 2—Mga Hari, Tulad ng mga Bituin, ay Sumisikat at Lumulubog
Monarkiya: isang gobyernong pinamumunuan ng isang namamanang pinuno ng estado, gaya ng isang hari o isang emperador; Kaharian: isang monarkiyang anyo ng gobyerno na pinamumunuan ng isang hari o isang reyna; Imperyo: isang malawak na teritoryo na karaniwang binubuo ng isang pangkat ng mga bansa, mga estado, o bayan sa ilalim ng pangangasiwa ng isang soberanong kapangyarihan, karaniwang pinamumunuan ng isang emperador.
“AT NANGYARI sa mga kaarawan ni Amraphel hari sa Sinar.” Dito, sa pagsisimula ng Genesis kabanata 14 tal 1, ginagamit ng Bibliya ang salitang “hari” sa kauna-unahang pagkakataon. Kung baga si Amraphel ang, gaya ng sabi ng iba, isa pang pangalan ng bantog na hari ng Babilonya na si Haring Hammurabi, hindi namin alam. Ang nalalaman namin ay, anuman ang tawag sa kaniya, ang ideya tungkol sa paghahari ng tao ay hindi nagsimula kay Amraphel. Mga ilang dantaon na maaga, si Nimrod, bagaman hindi tinawag na hari, ay maliwanag na isang hari. Sa katunayan, siya ang unang haring tao sa kasaysayan.—Genesis 10:8-12.
Totoo, wala tayong sinaunang mga kagamitan na tumutukoy kay Haring Nimrod o kay Haring Amraphel. “Si Enmebaragesi, hari ng Kish, ang pinakamatandang pinuno ng Mesopotamia na tungkol sa kaniya ay may kapani-paniwalang mga inskripsiyon,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Mula sa Kish, isang sinaunang estadong-lungsod sa Mesopotamia, nanggaling ang salitang Sumeriano para sa pinuno, na nangangahulugang “malaking tao.” Ang petsa ng paghahari ni Enmebaragesi, bagaman kakaiba sa kronolohiya ng Bibliya, gayunman ay halos katumbas ng yugto ng panahon na ipinahihintulot ng Bibliya at, mas mahalaga, inilalagay nito ang pinagmulan ng pamamahala ng tao sa bahagi ring iyon ng lupa gaya ng binabanggit ng Bibliya.
Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Kalamangan ng Isa
Ang Intsik na dinastiyang Shang, o Yin, at karaniwang ipinalalagay na nagsimula sa pagitan ng ika-18 at ika-16 na siglo B.C.E., bagaman ang petsang ito ay di-tiyak. Sa paanuman, ang mga monarkiya ang pinakamatandang anyo ng gobyerno ng tao. Ito rin ay malaganap.
Ang salitang Ingles na “monarch” ay galing sa mga salitang Griegong moʹnos, ibig sabihi’y “nag-iisa,” at ar·kheʹ, ibig sabihi’y “pamamahala.” Kaya, ang monarkiya ay nagbibigay ng kataas-taasang autoridad sa isang taong naglilingkod sa ganang kaniyang karapatan bilang ang permanenteng pinuno ng estado. Sa isang ganap na monarkiya, ang salita ng hari ay batas. Siya ang bumubuo, sa wari, ng kalamangan ng isa.
Ang mga monarkiya ay ipinalalagay sa tuwina na nakatutulong sa pagbubuklod sa mga bansa. Si John H. Mundy, na nagtuturo ng Europeong kasaysayan noong Edad Medya, ay nagpapaliwanag na noong Edad Medya, ang pulitikal na teoriya “ay nangangatuwiran na sapagkat nilampasan nito ang partikular na mga partido, ang institusyon ng monarkiya ay nababagay sa malalaking lugar na may magkakaiba at nagkakasalungatang mga kapakanan ng rehiyon.” Ang malalaking lugar na ito ng “nagkakasalungatang mga kapakanan ng rehiyon” ay kadalasang bunga ng pananakop ng militar, yamang ang mga hari ay siya ring lider ng militar. Sa katunayan, sinasabi ng mananalaysay na si W. L. Warren na ang tagumpay sa digmaan ay “karaniwang itinuturing na siyang unang sukatan ng matagumpay na pagkahari.”
Kaya, ang monarkiyang anyo ng gobyerno ay nakatulong sa pagtatatag ng mga kapangyarihang pandaigdig gaya ng Imperyo ng Gresya sa ilalim ni Alejandrong Dakila, Imperyong Romano sa ilalim ng mga Cesar, at, kamakailan lang, ang Imperyong Britano. Ang huling banggit, sa tugatog nito noong maagang ika-20 siglo, ay pinagkaisa sa ilalim ng iisang rehente ang halos sangkapat ng populasyon ng daigdig at ang sangkapat ng sukat ng lupa.
Pagkahari sa Relihiyosong Kasuotan
Maraming sinaunang hari ang nag-angkin ng pagkadiyos. Gaya ng sabi ng mananalaysay na si George Sabine: “Simula kay Alexander, ang Hellenistikong mga hari ay isinama rin sa talaan ng mga diyos ng mga Griegong lungsod. Ang haring ginawang diyos ay naging isang pansansinukob na institusyon sa Silangan at sa wakas ito ay sinunod ng Romanong mga emperador.” Sabi niya na ang paniwalang ito sa pagkadiyos ng hari ay nagpatuloy sa Europa “sa iba’t ibang anyo, hanggang sa modernong panahon.”
Sa Sentral at Timog Amerika, ang mga estado ng Aztec at Inca ay itinuturing na sagradong mga monarkiya. Sa Asia noon lamang 1946 tinalikdan ng yumaong Emperador Hirohito ng Hapón ang kaniyang pag-aangkin sa pagiging ang ika-124 inapong tao ng diyosa-ng-araw na si Amaterasu Omikami.
Bagaman hindi lahat ng hari ay nag-aangkin ng pagkadiyos, ang karamihan sa kanila sa paano man ay nagsasabing sila ay itinataguyod ng Diyos. Ang ika’y mapiling kumatawan sa Diyos sa lupa ay nagdadala ng makasaserdoteng karisma. Si John H. Mundy ay nagpapaliwanag na “ang sinaunang ideya na ang mga hari ay mga pari rin ay lumaganap sa Kanluran, ginagawa ang isang prinsipe na tagapangasiwa ng kaniyang simbahan at direktor ng apostolada nito.” Isa itong relihiyosong ideya “buhat kay Constantino tungkol sa pagsasama ng simbahan at ng estado [noong ikaapat na siglo C.E.], at ng kahawig na Neoplatonikong kaisipan na tinanggap ng simbahan.” Ang relihiyosong pagbasbas sa panahon ng koronasyon ay nagpaparangal sa lehitimong pamumuno ng hari na wala sana kung hindi dahil dito.
Noong 1173, ginamit ni Henry II ng Inglatera ang titulong “Hari sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.” Umakay ito sa ideya nang dakong huli na tinawag na karapatan ng mga hari mula sa Diyos, ibig sabihin na ang kapangyarihan ng hari ay namamana. Ipinalalagay na ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pagpili sa katotohanan ng kapanganakan. Noong 1661, ipinatupad ni Louis XIV ang sukdulang bersiyon ng doktrinang ito sa pag-akò ng ganap na pangangasiwa sa gobyerno. Minalas niya ang oposisyon bilang isang kasalanan laban sa Diyos na kinakatawan niya. “L’état c’est moi! [Ako ang Estado],” paghahambog niya.
Gayunding ideya ang lumitaw sa Scotland na halos kasabay nito. Samantalang naghahari sa Scotland bilang si James VI subalit bago maging Haring James I ng Inglatera noong 1603, ang haring ito ay sumulat: “Ang mga hari ay tinatawag na mga Diyos . . . sapagkat sila’y umuupo sa Trono ng DIYOS sa lupa, at ibinibigay ang paggalang ng kanilang administrasyon sa [K]aniya.” Hindi namin alam kung hanggang saan naimpluwensiyahan ng paniwalang ito si James upang mag-autorisa sa pagsasalin ng Bibliya sa Ingles. Alam namin ang resulta, ang King James Version, na malawakan pa ring ginagamit ng mga Protestante.
Ang Panahon ng Walang-Takdang mga Monarkiya
Mula sa maagang Edad Medya patuloy, ang mga monarkiya ang karaniwang uri ng gobyerno. Ang mga hari ay nagkaroon ng mura at madaling paraan ng pamamahala sa pamamagitan ng pagkakatiwala ng kapangyarihan sa prominenteng mga may-ari ng lupa. Ang mga ito naman, ay nagtayo ng isang pulitikal at militar na sistema na kilala bilang feudalismo. Bilang kapalit ng paglilingkod militar at iba pa, binigyan ng mga may-ari ng lupa ang kanilang mga sakop ng lupa. Subalit mientras mas mabisa at malakas ang mga may-ari ng lupa, mas malamang na ang kaharian ay maglaho tungo sa feudal na mga bloke ng kapangyarihan.
Isa pa, inalisan ng sistemang feudal ang mga mamamayan ng kanilang dangal at kalayaan. Sila’y dominado ng militar na mga may-ari ng lupa, na ang kita ay sa kanila mismo galing. Palibhasa’y pinagkakaitan ng edukasyon at kultural na mga pagkakataon, “ang alipin ay may ilang karapatan na ipinatutupad ng batas laban sa kaniyang panginoong nagmamay-ari ng lupa,” sabi ng Collier’s Encyclopedia. “Hindi siya maaaring mag-asawa, o ilipat ang kaniyang pagkakaupa sa mga tagapagmana, at hindi siya maaaring umalis sa manor nang walang pahintulot ng panginoon.”
Hindi ito ang tanging paraan ng pagpupuno sa walang-takdang mga monarkiya. Ang ilang mga hari ay naggagawad ng pangangasiwang mga tungkulin sa mga indibiduwal na sa dakong huli ay maaaring tanggalin sa tungkulin, kung kinakailangan. Ipinagkakaloob ng ibang hari ang lokal na gobyerno sa popular na mga institusyon na namamahala ayon sa kaugalian at lipunan. Subalit ang lahat ng paraang ito sa paano’t paano man ay hindi kasiya-siya. Gayumpaman, ang mga manunulat noong ika-17 siglo, gaya ni Sir Robert Filmer ng Inglatera at si Jacques-Bénigne Bossuet ng Pransiya, ay nagtataguyod pa rin ng absolutismo bilang ang tanging wastong anyo ng gobyerno. Gayunman ang mga araw nito ay may taning na.
“Mga Diyos” na Naging Tau-tauhan
Sa kabila ng panlahat na paniwalang ang mga hari ang tanging may pananagutan sa Diyos, malaon nang tumitindi ang panggigipit na papanagutin sila sa mga batas, kaugalian, at autoridad ng tao. Noong ika-18 siglo, “ang mga hari ay gumamit ng retorika na kakaiba sa mga soberano ng ikalabimpitong siglo,” sabi ng The Columbia History of the World, gayunman, susog nito, na “sa ilalim at sa likuran ng retorika sila’y mga soberano pa rin.” Ipinaliliwanag nito na “nang tawagin ni Frederick the Great ang kaniyang sarili na ang ‘unang lingkod ng estado’ at itakwil ang karapatan ng mga hari mula sa Diyos, hindi niya iniisip ang pagtatakwil ng kapangyarihan.”
Gayumpaman, pagkatapos ng Rebolusyon ng 1688 sa Inglatera at ng Rebolusyong Pranses ng 1789, sa kalakhang bahagi ay tapos na ang araw ng absolutismo. Unti-unti, ang walang-takdang mga monarkiya ay nagbigay-daan sa limitadong mga monarkiya na may mga batasan o konstitusyon, o pareho. Kung ihahambing sa ika-12 siglo nang “ang pagkahari ang siya pa ring kayang gawin ng isang hari, at kung ano ang inihandang tanggapin ng kaniyang mga sakop,” ayon sa mananalaysay na si W. L. Warren, ang pulitikal na kapangyarihan ng karamihan ng mga hari at mga reyna ngayon ay lubhang limitado.
Mangyari pa, may ilang monarka na humahawak pa rin ng malaking kapangyarihan. Subalit karamihan sa kanila ay malaon nang nawalan ng kanilang mga sinag sa ulo ng “pagkadiyos” at kontento na maglingkod bilang mga tau-tauhan, makapangyarihang tao na siyang nagpapasigla sa mga tao na magtulung-tulong sa isang diwa ng katapatan. Sinikap ng limitadong mga monarkiya na panatilihin ang bumubuklod na mga katangian ng pamumuno ng isang-tao samantalang inaalis ang negatibong mga aspekto nito sa pamamagitan ng paggagawad ng tunay na kapangyarihan sa batasan.
Popular pa rin ang ideya ng limitadong monarkiya. Nito lamang 1983, si Krishna Prasad Bhattarai, lider ng Nepali Congress Party sa Nepal, ay nagpahayag pabor sa monarkiya ‘bilang isang hadlang laban sa kaguluhan,’ sinasabing ‘ang Hari ay mahalaga upang panatilihing nagkakaisa ang bansa.’ At bagaman ang mga Pranses ay nagsasagawa ng pangwakas na mga paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-200 anibersaryo ng Rebolusyong Pranses noong 1987, 17 porsiyento niyaong mga tinanong ay pabor na ibalik ang monarkiya. Isang miyembro ng isang pangkat na pabor sa monarkiya ay nagsabi: “Ang Hari ang tanging paraan upang pagkaisahin ang isang bansa na malaon nang nahati ng pulitikal na alitan.”
Nang taon ding iyon, ang magasing Time ay nagsabi: “Ang pagkahari ay humihiling ng katapatan marahil dahil sa ang mga monarka ang huling dakilang mga larawan ng ating sekular na panahon, ang tanging higit-sa-totoong mga tao na mabilis pa ring paniniwalaan bagaman namumuhay sa hiwaga. Kung patay ang Diyos, mabuhay ang Reyna!” Gayunman kung mamalasin ang mga bagay nang mas makatotohanan, sabi pa nito na “ang soberanong kapangyarihan ng Reyna [ng Britaniya] ay nasasalalay sa kalakhang bahagi sa kaniyang nagniningning na kawalan ng kapangyarihan.”
Nasumpungang Kulang
Ang walang-takdang mga monarkiya ay hindi kasiya-siya. Sa kanila mismong kalikasan, ang mga ito’y mabuway. Sa malao’t madali, ang lahat ng pinuno ay namamatay at dapat palitan ng isang kahalili, na karaniwan nang pinipili dahil sa angkan at hindi dahil sa mataas na asal o kakayahan. Sino ang makagagarantiya na ang isang anak na lalaki ay magiging kasinghusay ng kaniyang ama? O kung ang ama ay masama, lalabas kayang mas mabuti ang kaniyang anak?
Gayundin, gaya ng binabanggit ni Cristiano Grottanelli, “ang pagpili ng kahaliling hari” ay kadalasang “iminumungkahi lamang, upang magkaroon ng kompetisyon sa mga karapat-dapat na miyembro ng maharlikang linya. Ang panahon kasunod ng pagkamatay ng isang hari sa gayon ay karaniwang isang panahon ng sosyal (at pansansinukob) na kaguluhan, sa aktuwal at makasagisag na paraan.”
Palibhasa’y pamumuno ng isang tao, ang pagiging mabisa ng isang walang-takdang monarkiya ay depende sa pagiging mabisa ng isa na pinuno nito. Ang kaniyang mga talino at malalakas na punto ay maaaring mabanaag sa kaniyang gobyerno subalit mababanaag din ang kaniyang mga kahinaan, limitasyon, at kakulangan ng kaalaman. Ang mga dugong bughaw ay di-sakdal din. Ang masasamang hari ay nagtatayo ng masasamang gobyerno, ang mabubuting hari ay posibleng nagtatayo ng mas mabuting gobyerno, subalit tanging isang sakdal na hari lamang ang makapagtatatag ng uri ng gobyerno na inaasam-asam at karapat-dapat sa tao.
Ang parlamentaryo o limitadong mga monarkiya ay hindi rin nakatutugon. Sa United Kingdom, nasaksihan ng siglong ito ang mga tau-tauhang hari at reyna ng Inglatera na namumuno sa pagkakabaha-bahagi ng pinakamalaki at pinakamakapangyarihang imperyo na nakilala ng daigdig.
Isang Kakaibang Uri ng Bituin
Ang mga hari, tulad ng mga bituin, ay sumisikat at lumulubog—maliban sa isa. Tungkol sa kaniyang sarili, sabi ni Jesu-Kristo na siya “ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.” (Apocalipsis 22:16) Bilang isang tuwirang inapo ni Haring David ayon sa laman, si Jesus ay kuwalipikado na maging Hari sa gobyerno ng Diyos. Bilang “ang maningning na tala sa umaga,” si Jesus din ang “tala sa umaga” na sinabi ni Pedro na sisikat at magpapangyari sa pagbubukang-liwayway.—2 Pedro 1:19; Bilang 24:17; Awit 89:34-37.
Dahil sa mga katotohanang ito, gaano nga katalino kung gayon na umasa sa lumulubog na mga bituin ng mga monarkiya ng tao para sa patnubay? Bagkus, isang katalinuhan na ituon natin ang ating pag-asa sa hinirang ng Diyos na Hari, si Jesu-Kristo, “ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na siya lamang [na nakatataas sa lahat ng mga haring tao] ang walang kamatayan.” (1 Timoteo 6:15, 16) Palibhasa’y sumikat na bilang di-nakikitang Hari sa mga langit, pasasapitin niya sa malapit na hinaharap ang umaga ng isang bagong sanlibutan. Siya ay isang bituin—isang hari—na, ngayong siya’y sumikat na, ay hinding-hindi lulubog!
[Larawan sa pahina 17]
Sa kamatayan iniiwan kahit na ng pinakamabuting haring tao ang kaniyang gawain sa mga kamay ng kung sino