Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 11/8 p. 16-17
  • Ang “Mad Cow” na Problema ng Britaniya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Mad Cow” na Problema ng Britaniya
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makabagong Pagkain ng Baka
  • Ang Kaugnayan sa Tao?
  • Kakanin Mo ba Ito?
  • Gaano Kaligtas ang Iyong Pagkain?
    Gumising!—2001
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Pagtutok sa Kalusugan
    Gumising!—2015
  • Isang Pambihirang Kawan ng mga Bakang Wild White
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 11/8 p. 16-17

Ang “Mad Cow” na Problema ng Britaniya

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya

NOONG Nobyembre 1986 isang nakatatakot na sakit ang lumitaw sa unang pagkakataon sa mga baka sa Britaniya. Mula noon, mahigit na 11,000 hayop ang nahawaan, na may hanggang 200 bagong mga kasong iniuulat sa bawat linggo. Samantalang ang sakit ay teknikal na tinatawag na bovine spongiform encephalopathy, o BSE sa maikli, agad na binansagan ng media ang sakit na “Mad Cow” disease dahil sa nakababalisang mga sintomas.

Ano ba ang BSE, paano ito nagsimula, at bakit gayon na lang ang pagkabahala rito?

Ang BSE ay isang anyo ng pagkabaliw kung saan ang mga bahagi ng utak ay sinisira ng di-normal na mga protinang inilalarawan bilang “di karaniwang nakahahawang virus.” Kapag tiningnan mo sa ilalim ng isang mikroskopyo, ang apektadong sangkap ay may tulad espongha, butas-butas na hitsura. Habang kumakalat ang sakit, ang hayop ay nagiging mayayamutin at pumapayat, at kapag hindi na nito makontrol ang mga paa nito, ito ay bumabagsak at namamatay o kailangang patayin.

Ang mga baka ay nagkaroon ng BSE mula sa scrapie, isang lubhang nahahawig na pagkabaliw na karaniwan sa mga tupa sa Britaniya. Paano nangyari ito?

Makabagong Pagkain ng Baka

Ang baka ay isang hayop na nanginginain ng damo na muling nginunguya ito at karaniwang nabubuhay sa pagkain ng pananim, karaniwan na ay damo. Gayunman, nitong nakalipas na mga taon ang Britanong mga manggagawa ng pagkain ng baka ay nagdagdag ng isang di-likas na suplemento ng protina sa normal na pagkain. Ito’y binubuo ng mga basura sa matadero, pati na ang mga bangkay na tupa na may scrapie, na dinudurog, iniluluto, at pinatutuyo. Hindi lamang ang mga baka ang nahawaan kundi ang limang uri ng antelope, pati na ang pambihirang Arabian oryx, ay namatay rin sa mga zoo sa Britaniya dahil sa sakit sa utak. Ang lahat ay pinakain ng komersiyal na pagkaing ito ng baka. Ang ranch mink ay nahawa rin ng katulad na sakit, inaakalang bunga ng pagpapakain sa kanila ng hilaw na offal (tirá ng mga pinagkatayan) ng tupa.

Ipinakikita ng mga pagsubok na kapuwa ang BSE at ang scrapie ay pambihirang lumalaban sa matataas na temperatura, ionizing na radyasyon, at ultraviolet na liwanag. Ang normal na pagluluto at iba pang anyo ng isterilisasyon ay hindi papatay sa misteryosong mga virus na ito. Bagaman walang matibay na katibayan na ang mga tao ay nahawa ng scrapie, ang nakababalisang tanong ngayon ay: Anong panganib ang dala ng BSE sa mga taong kumakain ng mga karne ng baka?

Ang Kaugnayan sa Tao?

“Walang sinuman ang dapat mag-alala tungkol sa BSE sa bansang ito o saanman” ang opisyal na pangmalas ng gobyernong Britano, na ipinahayag ni John Gummer, ang minister ng agrikultura. Subalit hindi lahat ay lubhang nakasiseguro. Si Richard Lacey, propesor ng clinical microbiology sa Leeds University, Inglatera, ay sumulat sa pahayagang The Independent: “Kung nakuha ng baka ang sakit mula sa mga pagkain nito, kung gayon ang ruta ng paghahatid, sa paano man sa pasimula, ay sa pamamagitan ng bibig. Ibinabangon nito ang posibilidad na mailipat ito sa tao sa pamamagitan ng bibig.”

Kasuwato ng pangangatuwirang ito, ipinagbawal ng Alemanya ang lahat ng pag-aangkat ng karne ng baka mula sa Britaniya sapagkat hindi nila matiyak kung ito ba ay galing sa mga baka na walang BSE. Ipinagbawal ng Estados Unidos ang pag-aangkat ng mga baka, similya, at semen o binhi ng baka mula sa Britaniya. Higit pa ang ginawa ng U.S.S.R., ipinagbawal din nito ang pag-aangkat ng mga karne ng tupa at kambing na galing sa Britaniya, pati na ng gatas, keso at mantikilya, dahil sa BSE. Ang ilang paaralan sa Inglatera ay nagpasiyang maghain ng karne ng bakang pinatunayang walang sakit.

Kabilang sa iba pang hakbang na ginawa, ipinagbawal ng gobyerno ang pagbibili ng ilang offal ng karne ng baka. Ang mamamayang Britano ay gumugugol taun-taon ng mahigit $3 libong milyon sa karne ng baka at mga pagkaing ginagamit ang karne ng baka, gaya ng mga burger at empanada, at kailangang tiyakin sa kanila na ang kanilang kalusugan ay hindi nanganganib. Gayunman, “maaaring isang dekada o higit pa bago maibigay ang ganap na katiyakan” na ang BSE ay hindi naililipat mula sa baka tungo sa mga tao, sabi ng isang opisyal na report ng gobyerno. “Ang problema,” sabi ni Dr. Richard Kimberlin, dating direktor ng Edinburgh Neuropathogenesis Unit, “ay ang tagal ng inkubasyon. Kung ang BSE ay magiging isang panganib sa kalusugan ng bayan, sa panahong ito ay makilala sa pagdami ng mga pasyenteng may CJD, huli na ang lahat upang gumawa ng anumang bagay tungkol sa mamamayang nalantad na rito.”a

Samantala, ang mga siyentipiko ay apurahang naghahanap ng bago, positibong katibayan upang bawasan ang mga takot na ito, at ang gobyernong Britano ay nagbukod ng $20 milyon upang tumulong sa pananaliksik na ito. Subalit gaya ng malinaw na binabanggit ng British Medical Journal: “Ang pagiging ligtas ng karne ng baka ay hindi pa nasubok at maaaring hindi masubok.”

Kakanin Mo ba Ito?

Anuman ang kalabasan sa kalusugan ng tao, ang debate tungkol sa BSE ay nakatawag ng pansin ng publiko sa gawaing pagreresiklo ng mga tirá ng hayop. Ang baka at manukan ng Britaniya ay patuloy na pinakakain ng prinosesong dumi ng manok, kilala sa markang DPM (dried poultry manure o pinatuyong dumi ng manok), isang halo ng mga dumi, balahibo, at patay na ibon. Ang pinatuyong dugo ng baboy, na hinaluan ng tsokolate, ay ibinibigay sa mga guya. Bagaman ilegal bilang pagkain ng baka sapol noong Hulyo 1988, ang buong ulo ng tupa, pati na ang offal ng tupa, ay ginigiling pa rin at ipinakakain sa mga baboy at manok. Ang gayong mga gawain ay hinahatulan bilang “di-likas” sa isang opisyal na report ng gobyerno. Binibigyan-matuwid ng iba ang mga ito batay sa sariling kapakinabangan at ekonomiya sa produksiyon ng pagkain. Subalit kung kalusugan ang pag-uusapan, sulit ba ito?

[Talababa]

a Ang CJD (Creutzfeld-Jacob disease) ay isang kalagayan ng tao na katulad ng BSE at dala ng katulad na virus. Ang pagkabaliw ay mabilis na kumakalat, at ang maysakit ay maaaring walang kaya sa loob ng isang taóng rikonosi. Ang CJD ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo at mga transplant ng himaymay ng katawan. Mga 2,000 katao sa Britaniya at 7,000 sa Estados Unidos ang nanganganib bilang mga tagapagdala dahil sa sila’y tumanggap ng mga iniksiyon ng hormone na pampalaki na kinuha sa pituitary glands ng mga bangkay. Sabi ni Dr. Paul Brown, direktor ng U.S. National Institutes of Health: “Ang anumang sangkap mula sa isang pasyenteng may sakit na CJ ay isang potensiyal na time-bomb.”

[Larawan sa pahina 17]

Naaaninag na mga butas sa utak ng bakang apektado ng BSE

[Credit Line]

J.A.H. Wells, Crown Copyright Material

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share