Kung Ano ang Nalalaman Natin Tungkol sa Lahi
NANG ang mga Europeo ay maglayag upang galugarin ang lupa mga 500 taon na ang nakalipas, nag-iisip sila kung anong uri ng mga tao ang kanilang makakatagpo. May mga alamat tungkol sa mga higante na painut-inot na lumalakad sa karagatan at dinudurog ang isang barko nang isang kamay. May mga kuwento tungkol sa mga taong ang ulo’y aso na apoy ang hininga. Makakatagpo kaya nila ang makaalamat na “unsociables,” na kumakain ng hilaw na karne at na ang malalaki, nakausling mga labi ay nagpapayong sa kanila buhat sa araw? O makikita kaya nila ang mga taong walang bibig, na nabubuhay sa pamamagitan ng pag-amoy ng mga mansanas? At kumusta naman yaong malalaki ang tainga anupa’t ito ay nagsisilbing mga pakpak o yaong sinasabing nahihiga sa ilalim ng lilim ng kanilang iisa, malaking paa?
Ang mga tao’y naglayag sa mga dagat, umakyat sa mga bundok, tumahak sa mga kagubatan, lumakad na pahakbang-hakbang sa mga disyerto, subalit wala silang nasumpungang gayong kakatuwang mga nilikha saanman. Sa halip, ang mga manggagalugad ay nagtatakang makakita ng mga tao na katulad nila. Si Christopher Columbus ay sumulat: “Sa mga islang ito [sa West Indies] wala akong nasumpungang mga higante, gaya ng inaasahan ng marami, sa kabaligtaran, sa gitna ng lahat ng mga taong ito ang kagandahan ay lubhang itinatangi. . . . Sa gayo’y wala akong nasumpungang higante o anumang ulat tungkol dito, maliban, . . . sa mga tao . . . na kumakain ng laman ng tao . . . Sila ay maaayos ang anyo na gaya ng iba.”
Pag-uuri sa Sangkatauhan
Kaya, sa paggagalugad sa lupa, ang pagkakaiba-iba ng tao ay naalis sa daigdig ng mga kuwentong ada at alamat. Ang mga tao ay maaaring obserbahan at pag-aralan. Nang maglaon, sinikap ng mga siyentipikong uriin sila.
Noong 1735 inilathala ng botanikong taga-Sweden na si Carolus Linnaeus ang kaniyang Systema Naturae. Dito ang tao ay tinawag na Homo sapiens, ibig sabihin ay “tao na pantas,” isang katagang sabi ng isang manunulat ay marahil ang pinakahangal at aroganteng pagpapakahulugan na kailanma’y ibinigay sa anumang uri! Hinati ni Linnaeus ang tao sa limang grupo, na inilarawan niya bilang ang sumusunod:
APRIKANO: Itim, hindi natitigatig, mahinahon. Itim ang buhok, kingki; malasutla ang balat; pango ang ilong; makakapal na labi; tuso, tamad, pabayà; pinapahiran ang sarili ng langis; pinamamahalaan ng kapritso.
AMERIKANO: Kulay-tanso, bugnutin, tuwid; itim ang buhok, unat, makapal; malapad ang ilong; mabagsik ang mukha; kakaunti ang balbas; matigas ang ulo, nasisiyahan sa kalayaan; pinipintahan ang kaniyang sarili ng pinong mga linyang pula; pinangangasiwaan ng mga kaugalian.
ASIATIKO: Malungkot, mahigpit; itim ang buhok; itim ang mata; mabagsik, palalo, masakim; nadaramtan ng maluluwag na kasuotan; pinamamahalaan ng mga opinyon.
EUROPEO: Maputi, mamula-mula, matipuno; buhok ay dilaw, kayumanggi, malago; asul ang mata; mabait, matalino, mapaglikha; nadaramtan ng saradong kasuotan; pinamamahalaan ng mga batas.
MABANGIS NA TAO: Apat ang paa, pipi, balbon.
Pansinin na bagaman pinagsama-sama ni Linnaeus ang tao ayon sa genetikong katangian (kulay ng balat, kayarian ng buhok, at iba pa), gumawa rin siya ng may pagkiling na pagtatasa ng personalidad. Sinasabi ni Linnaeus na ang mga Europeo ay “mabait, matalino, mapaglikha,” samantalang ang mga Asiatiko ay inilarawan niya na “mabagsik, palalo, masakim” at ang mga Aprikano na “tuso, tamad, pabayà”!
Subalit si Linnaeus ay mali. Ang gayong mga katangian ay walang dako sa modernong pag-uuri ng lahi, yamang ipinakikita ng siyentipikong pananaliksik na sa loob ng bawat populasyon ng tao, may katulad na pagkasarisari ng pag-uugali gayundin ng iba’t ibang katalinuhan. Sa ibang salita, masusumpungan natin ang parehong positibo at negatibong mga katangian sa bawat lahi ng tao.
Karaniwang inuuri ng makabagong mga sistema ang mga tao sa tatlong grupo salig lamang sa pisikal na pagkakaiba: (1) Caucasoids, na may maputing balat at unat o kulot na buhok; (2) Mongoloids, na may manilaw-nilaw na balat at epicanthic folds sa mata; at (3) Negroids, na maitim ang balat at buhok na parang tupa. Subalit hindi lahat ay eksaktong nababagay sa isa sa mga kategoryang ito.
Halimbawa, ang San at Khoikhoi ng gawing timog ng Aprika ay may malatansong balat, buhok na parang tupa, at mukhang Mongoloid. May mga Indyan na maiitim ngunit Caucasoid ang hitsura ng mukha. Ang mga unang tao sa Australia ay maiitim ang balat, subalit ang kanilang buhok na parang tupa ay karaniwang blond. Ang ibang Mongolian ay may Caucasoid na mga mata. Lumilitaw na walang malinaw na humahating linya.
Ang mga problemang ito ay nagpangyari sa maraming antropologo na isuko na ang mga pagsisikap na uriin ang mga tao, sinasabing ang katagang “lahi” ay walang siyentipikong kahulugan o halaga.
Mga Pahayag ng UNESCO
Marahil ang pinakakapani-paniwalang siyentipikong pahayag tungkol sa lahi ay ginawa ng isang pangkat ng mga dalubhasa na tinipon ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization). Ang mga miting ay ginanap noong 1950, 1951, 1964, at 1967 kung saan isang internasyonal na hurado ng mga antropologo, zoologo, doktor, anatomo, at iba pa ay sama-samang gumawa ng apat na ulat tungkol sa lahi. Idiniriin ng pangwakas na ulat ang sumusunod na tatlong punto:
A “Lahat ng taong nabubuhay ngayon ay kabilang sa iisang uri at nagmula sa iisang angkan.” Ang puntong ito ay pinatutunayan ng isang mas mataas na autoridad. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao [si Adan] ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa.”—Gawa 17:26.
Ang ulat ng UNESCO ay nagpapatuloy:
B “Ang pagkakabaha-bahagi ng mga uri ng tao sa ‘mga lahi’ ay bahagyang tradisyunal at bahagyang di makatuwiran at hindi basta nagpapahiwatig ng anumang herarkiya sa paano man. . . .
C “Hindi tayo pinahihintulutan ng kasalukuyang kaalaman sa biyolohiya na magparatang ng mga tagumpay sa kultura sa mga pagkakaiba sa genetikong potensiyal. Ang pagkakaiba sa mga tagumpay ng iba’t ibang tao ay dapat na ipalagay na dahil sa kanilang kasaysayan sa kultura. Ang mga tao sa daigdig ngayon ay waring nagtataglay ng pare-parehong biyolohikal na mga potensiyal sa pagtatamo ng anumang antas ng sibilisasyon.”
Ang Hampas ng Pagtatangi ng Lahi
Kaya walang saligan na maniwalang ang anumang lahi ay likas na nakahihigit o may karapatang pangibabawan ang iba. Subalit ang mga tao ay hindi laging kumikilos kasuwato ng mga katotohanan. Isaalang-alang, halimbawa, ang pangangalakal ng aliping Aprikano.
Nang ang mga bansa sa Europa ay magtayo ng mga imperyo ng kolonya, kapaki-pakinabang sa kanilang kabuhayan na kasangkapanin ang mga taong katutubo. Subalit narito ang kabalintunaan. Angaw-angaw na mga Aprikano ang kinaladkad mula sa kanilang mga tahanan, inihiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay, ikinadena, hinagupit, hinerohan, ipinagbili na parang mga hayop, at pilit na pinagtrabaho nang walang bayad hanggang sa araw na sila’y mamatay. Paano nga moral na mabibigyan katuwiran ito ng mga bansa na nag-aangking Kristiyano at na dapat sana’y umiibig sa kanilang kapuwa na gaya ng kanilang sarili?—Lucas 10:27.
Ang lunas na kanilang pinili ay tratuhin na hindi tao ang kanilang mga biktima. Ito ang katuwiran ng isang antropologo noong 1840’s:
“Kung ang mga Negro at mga Australiano ay hindi natin kapuwa nilalang at kabilang sa isang pamilya na kasama natin kundi mas mababang kinapal, at kung ang ating mga tungkulin sa kanila ay hindi pinag-isipan . . . sa anumang positibong utos kung saan ang moralidad ng daigdig na Kristiyano ay nasasalig, ang ating mga kaugnayan sa mga tribong ito ay lilitaw na hindi naiiba sa mga naiisip na umiiral sa pagitan natin at ng isang lahi ng mga orangutan.”
Sinusunggaban niyaong mga nagtataguyod sa ideya na ang mga taong hindi puti ay mababa sa tao ang teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon. Ang kolonyal na mga tao, sabi nila, ay nasa mas mababang baitang sa hagdan ng ebolusyon kaysa mga puti. Sinasabi naman ng iba na ang mga hindi puti ay bunga ng isang kakaibang proseso ng ebolusyon at hindi ganap na tao. Sinisipi naman ng iba ang Bibliya, pinipilipit ang kasulatan upang suportahan ang kanilang mga pangmalas tungkol sa lahi.
Mangyari pa, hindi tinanggap ng maraming tao ang kaisipang ito. Ang pang-aalipin ay inalis na sa karamihan ng mga bansa sa daigdig. Subalit ang pagtatangi, maling palagay, at pagtatangi ng lahi ay nagpapatuloy at kumalat sa etnikong mga grupo na mga lahi lamang sa guniguni ng tao. Sabi ng isang propesor sa zoology: “Yamang lumilitaw na ang sinuman ay may karapatang lumikha ng mga lahi ayon sa kaniyang kagustuhan, ang mga pulitiko, pantanging mga lider, at karaniwang mga abenturero ay sumali sa pag-uuri ng lahi. Sila ay gumawa ng masalimuot na mga tatak ng lahi upang magbigay ng ‘siyentipikong’ pagiging kagalang-galang sa kanilang mga ideya at maling opinyon.”
Ang mga patakaran tungkol sa lahi ng Nazing Alemanya ay isang pangunahing halimbawa. Bagaman pinupuring maigi ni Adolf Hitler ang lahing Aryan, sa biyolohikal na paraan ay walang gayong bagay. Kailanman ay walang gayong bagay. May mga blond, asul-matang mga Judio sa Sweden, itim na mga Judio sa Ethiopia, at Mongoloid na mga Judio sa Tsina. Gayumpaman, ang mga Judio, at ang mga iba, ay mga biktima ng isang patakaran tungkol sa lahi. Ang patakarang iyon ay umakay sa mga kampong piitan, gas chambers, at sa pagpatay sa anim na milyong mga Judio, at marami pang iba, gaya ng mga taong Slavo mula sa Poland at Unyong Sobyet.
[Blurb sa pahina 5]
Ipinakikita ng siyentipikong pananaliksik na sa loob ng bawat populasyon ng tao, may katulad na pagkasarisari ng talino
[Blurb sa pahina 6]
‘Ang mga pulitiko, pantanging mga lider, at karaniwang abenturero ay gumawa ng masalimuot na mga tatak ng lahi upang magbigay ng “siyentipikong” pagiging kagalang-galang sa kanilang mga ideya at maling opinyon’
[Mga larawan sa pahina 7]
Gaya ng ipinakikita ng mga paunawang ito, ang mga Aprikano ay iniaanunsiyo at ipinagbibili na parang mga baka