Ano Ba ang Lahi?
LAHI! Ano ang naiisip mo sa salitang iyan? Para sa ilang tao ito ay nangangahulugan ng pagtatangi at pang-aapi. Para sa iba, ito ay nangangahulugan ng pagkapoot, mga kaguluhan, at pagpatay pa nga.
Mula sa mga kaguluhan dahil sa lahi sa Estados Unidos hanggang sa apartheid o paghihiwalay ng lahi sa Timog Aprika, mula sa mga digmaan sa gitna ng etnikong mga grupo sa Silangang Europa hanggang sa mga alitan sa mga dakong gaya ng Sri Lanka at Pakistan—ang lahi ay naging pokus ng napakaraming paghihirap at pagkalipol ng tao.
Subalit bakit nagkakaganito? Kahit na sa mga lupain kung saan ang mga tao ay waring mapagparaya sa halos lahat ng ibang bagay, bakit ang lahi ay gayon na lamang kasensitibong isyu? Ano ang gumagawa sa lahi na pinagmumulan ng labis-labis na kaguluhan at pang-aapi? Sa simpleng pananalita, bakit hindi magkasundu-sundo ang mga tao ng iba’t ibang lahi?
Upang sagutin ang mga tanong na ito, kailangang malaman natin ang higit pa kaysa kung ano nga ba ang lahi at sa anong mga paraan nagkakaiba ang mga lahi. Dapat din nating maunawaan ang papel na ginagampanan ng kasaysayan sa kasalukuyang mga kaugnayan ng lahi. Gayunman, atin munang alamin kung ano ang maaaring sabihin sa atin ng siyensiya tungkol sa paksang ito.
Ang Problema sa Pag-uuri ng mga Tao
Ang mga taong nakatira sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ay may iba’t ibang pisikal na mga katangian. Kasali rito ang kulay ng balat, ang hugis ng mukha, ang klase ng buhok, at iba pa. Ang pisikal na mga pagkakaibang iyon ay nagsasabi ng pagkakaiba ng isang lahi sa isa.
Kaya, ang mga tao ay karaniwang nagsasalita tungkol sa mga puti at mga itim, itinatawag ang pansin sa kulay ng balat. Subalit ang mga tao ay nagsasalita rin tungkol sa mga Hispaniko, Asiano, taga-Scandinavia, Judio, at Ruso. Ang mga pagkakakilanlang ito ay hindi gaanong tumutukoy sa pisikal na mga katangian kundi sa heograpikal, pambansa, o kultural na mga pagkakaiba. Kaya sa karamihan ng mga tao, ang lahi ay tinitiyak hindi lamang ng pisikal na mga katangian kundi rin naman ng mga kaugalian, wika, kultura, relihiyon, at nasyonalidad.
Gayunman, kapuna-punang ang ilang manunulat tungkol sa paksang ito ay nag-aatubiling gamitin ang salitang “lahi”; inilalagay nila ang salita sa loob ng mga panipi tuwing lilitaw ito. Ang iba naman ay lubusang iniiwasan ang salita at sa halip ay ginagamit ang mga katagang gaya ng “ethnic taxons,” “mga grupo,” “mga populasyon,” at “sari-saring uri.” Bakit? Sapagkat ang salitang “lahi,” gaya ng karaniwang pagkaunawa rito, ay punung-puno ng mga pahiwatig at mga implikasyon anupat ang gamit nito, nang walang wastong paglilinaw, ay kadalasang nagpapalabo sa puntong tinatalakay.
Sa mga biyologo at mga antropologo, ang isang lahi ay kadalasang binibigyan-kahulugan bilang “isang paghahati-hati ng isang uri na nagmamana ng pisikal na mga katangian na nagpapakilala ritong iba mula sa ibang populasyon ng mga uri.” Gayunman, ang tanong ay, Alin sa mga katangian ang maaaring gamitin upang ilarawan ang iba’t ibang grupo ng mga uri ng tao mismo?
Ang mga salik na gaya ng kulay ng balat, kulay at klase ng buhok, hugis ng mata at ilong, laki ng utak, at ang uri ng dugo ay tinukoy, subalit isa man dito ay hindi nagpapatunay na lubhang kasiya-siya bilang isang tagauri ng iba’t ibang uri ng sangkatauhan. Ito’y dahilan sa walang likas na grupo ng mga tao kung saan ang lahat ng miyembro nito ay magkakatulad sa mga katangiang iyon.
Isaalang-alang ang kulay ng balat. Karamihan ng mga tao ay naniniwalang ang sangkatauhan ay maaaring madaling hatiin sa limang lahi sa pamamagitan ng kulay ng balat: puti, itim, kayumanggi, dilaw, at pula. Ang lahing puti ay pangkalahatang inaakalang may maputing balat, mapusyaw ang kulay ng buhok, at asul na mga mata. Gayunman, sa katunayan, may iba’t ibang kulay ng buhok, kulay ng mata, at kulay ng balat sa gitna ng mga miyembro ng tinatawag na lahing puti. Ang aklat na The Human Species ay nag-uulat: “Walang populasyon sa Europa ngayon kung saan ang mga miyembro ay hindi lamang mula sa iisang uri; kailanman ay walang gayong populasyon.”
Oo, ang pag-uuri sa tao ay mahirap, gaya ng binabanggit ng aklat na The Kinds of Mankind: “Ang pawang masasabi natin ay ito: bagaman hindi lahat ng tao ay kamukha ng iba pang tao, at bagaman maliwanag na nakikita natin ang maraming paraan kung saan ang mga tao ay magkaiba, hindi pa rin nagkakaisa ang mga siyentipiko kung tungkol sa kung gaano karami ang mga uri ng tao. Hindi pa nga nila napagpasiyahan kung anong pamantayan ang magagamit natin upang iatas ang tao sa isang lahi o sa iba. Nais nang tigilan ng ilang siyentipiko ang pananaliksik at sabihin na ang problema ay napakahirap—na walang lunas!”
Ang lahat ng ito ay tila nakalilito. Yamang ang mga siyentipiko ay waring hindi nahihirapang uriin ang mga hayop at mga halaman sa genus, species, at subspecies, bakit nga nahihirapan silang hatiin ang sangkatauhan ayon sa iba’t ibang lahi?
“Ang Pinakamapanganib na Alamat ng Tao”
Ayon sa antropologong si Ashley Montagu, maraming tao ang naniniwala na “ang pisikal at mental na mga katangian ay magkaugnay, na ang pisikal na mga pagkakaiba ay nauugnay sa maliwanag na mga pagkakaiba sa mga kakayahan ng isip, at na ang mga pagkakaibang ito ay sinusukat sa pamamagitan ng mga pagsubok sa IQ at ng mga kultural na mga tagumpay o nagawa ng mga populasyong ito.”
Sa gayon, marami ang naniniwala na sapagkat ang mga lahi ay nagtataglay ng iba’t ibang pisikal na mga katangian, ang ilang lahi ay nakahihigit sa talino at ang iba ay mababa. Gayunman, tinatawag ni Montagu ang gayong pag-iisip na “ang pinakamapanganib na alamat ng tao.” Ang ibang dalubhasa ay sumasang-ayon.
Sina Morton Klass at Hal Hellman ay nagpaliwanag sa The Kinds of Mankind: “Ang mga indibiduwal ay nagkakaiba-iba; sa lahat ng populasyon ay may mga henyo at mga sintu-sinto. Subalit, pagkatapos ng lahat ng pananaliksik, ang makatuwirang mga iskolar ay walang nakitang katibayan na matatanggap nila tungkol sa henetikong pagkakaiba sa pagitan ng mga populasyon may kinalaman sa talino o kakayahan.”
Gayunman, bakit napakarami pa ring naniniwala na ang panlabas na pisikal na mga pagkakaiba ay nangangahulugan na ang mga lahi ay talagang magkaiba? Paano nga, naging gayong isyu ang tungkol sa lahi? Isasaalang-alang natin ang mga bagay na ito sa susunod na artikulo.