Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/22 p. 25-27
  • Ano ang Masasabi Tungkol sa Pagmamapuri Dahil sa Lahi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Masasabi Tungkol sa Pagmamapuri Dahil sa Lahi?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Wasto Laban sa Di-wastong Pagmamapuri
  • Ang mga Pinagmulan ng Pagmamapuri Dahil sa Lahi
  • Ang Alamat Tungkol sa Kahigitan ng Lahi
  • Kapag ang Lahat ng Lahi ay Sama-samang Mamumuhay sa Kapayapaan
    Gumising!—1993
  • Paano Ko Madadaig ang mga Damdamin ng Pagtatangi ng Lahi?
    Gumising!—1988
  • Mali Bang Maging Mapagmapuri?
    Gumising!—1999
  • May Pinapaboran Bang Lahi ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Masasabi Tungkol sa Pagmamapuri Dahil sa Lahi?

“Ang isa sa aking mga kaeskuwela ay laging nagkukuwento tungkol sa lahi at kulay ng ibang tao,” ang buntung-hininga ng 17-taong-gulang na si Tanya. “Sa karamihan ng kaniyang pakikipag-usap, sinasabi niyang siya ay nakahihigit sa kanila.”

LIKAS lamang na ipagmalaki ng isa ang kaniyang pamilya, kultura, wika, o ang kaniyang pinagmulang lugar. “Ako’y taga-Vietnam,” ang sabi ng isang 15-taong-gulang na batang babae na nagngangalang Phung, “at ipinagmamalaki ko ang aking kultura.”

Subalit malimit din naman na kasama ng pagmamapuri dahil sa lahi ang pagtatangi ng lahi. Kaya ang pagmamapuring ito ay maaaring maging tulad ng isang kanser na unti-unting sumisira sa mga ugnayan, kahit na ito’y naikukubli ng pagiging magalang. Si Jesu-Kristo ay nagsabi: “Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.” (Mateo 12:34) At ang nag-ugat nang damdamin ng pagiging nakahihigit​—o ng paghamak​—ay malimit na nahahayag, anupat nakasasakit at nakapipighati ng kalooban.

Kung minsan ang pagmamapuri dahil sa lahi ay nauuwi sa karahasan. Ito ang gumatong sa mga digmaan, gulo, at madugong mga “paglipol ng lahi” nitong nakaraang mga taon. Gayunman, hindi mo na kailangang makasaksi pa ng pagdanak ng dugo upang makita ang kasuklam-suklam na bahagi ng pagmamapuri dahil sa lahi. Halimbawa, nakikita mo ba ang katibayan nito sa paaralan, sa trabaho, o sa inyong lugar? “Oo, tiyak iyan” ang sabi ng kabataang Kristiyano na nagngangalang Melissa. “Pinagtatawanan ng ilan sa aking mga kaklase ang mga batang nagsasalita nang may puntó, at sinasabi nila na mas magagaling sila kaysa sa kanila.” Gayundin ang sinabi ni Tanya: “Naririnig ko sa paaralan na tahasang sinasabihan ng mga bata ang iba nang: ‘Mas magaling ako sa iyo.’ ” Sa isang surbey sa Estados Unidos, halos kalahati ng kinapanayam ang nagsabi na sila mismo ay nakaranas ng ilang anyo ng pagtatangi ng lahi nitong nakalipas na taon. “Napakatindi ng igtingan sa aming paaralan dahil sa lahi,” ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Natasha.

Ipaghalimbawa nang ikaw ay nakatira sa isang bansa o sa isang lugar kung saan napakaraming nandarayuhan, anupat talagang kapansin-pansin ang pagbabagong nagagawa nito sa kalagayan ng inyong paaralan, purok, o Kristiyanong kongregasyon. Naaasiwa ka ba rito? Kung gayon marahil ay isang malaking bagay sa iyong isipan ang pagmamapuri dahil sa lahi kaysa sa inaakala mo.

Wasto Laban sa Di-wastong Pagmamapuri

Nangangahulugan ba ito na ang pagmamapuri ay likas na masama? Hindi naman. Ipinakikita ng Bibliya na may dako ang wastong uri ng pagmamapuri. Nang si apostol Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Tesalonica, ganito ang sabi niya: “Ipinagmamapuri namin mismo kayo sa gitna ng mga kongregasyon ng Diyos.” (2 Tesalonica 1:4) Gayundin naman, ang pagkakaroon ng katamtamang antas ng pagpapahalaga sa sarili ay mabuti at normal. (Roma 12:3) Kaya hindi naman masama sa ganang sarili ang pagkakaroon ng bahagyang pagmamapuri dahil sa lahi, pamilya, wika, kulay, o pinagmulan ng isa. Tiyak na hindi naman hihilingin ng Diyos na ikahiya natin ang gayong mga bagay. Nang mapagkamalan si apostol Pablo na isang Ehipsiyong kriminal, hindi siya nag-atubiling magsabi na: “Ako, sa katunayan, ay isang Judio, mula sa Tarso sa Cilicia, mamamayan ng isang lunsod na hindi kulang sa katanyagan.”​—Gawa 21:39.

Gayunman, nagiging di-kanais-nais ang pagmamapuri dahil sa lahi kapag pinaunlad nito ang labis-labis na pagdiriin sa pagpapahalaga sa sarili o kapag pinangyari nito na maliitin ang iba. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagkatakot kay Jehova ay ang pagkapoot sa masama. Ang pagdakila sa sarili at pagmamataas at ang masamang lakad at ang masamang bibig ay aking kinapopootan.” (Kawikaan 8:13) At ang Kawikaan 16:18 ay nagsasabi: “Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang espiritu ng pagmamataas ay nangunguna sa pagkabuwal.” Kung gayon ang pagmamalaki ng isa na siya’y kabilang sa nakahihigit na lahi ay kinamumuhian ng Diyos.​—Ihambing ang Santiago 4:16.

Ang mga Pinagmulan ng Pagmamapuri Dahil sa Lahi

Ano ang sanhi ng labis-labis na pagmamapuri ng mga tao sa kanilang lahi? Ang aklat na Black, White, Other, na isinulat ni Lise Funderburg, ay nagsasabi: “Para sa maraming tao, ang kanilang una (at namamalaging) impresyon sa lahi ay galing sa mga magulang at pamilya.” Nakalulungkot, malimit na ang impresyon na naipapasa ng ilang magulang ay di-timbang o pilipit. Maaaring tuwirang sabihan ang ilang kabataan na ang kanilang mga kalahi ay mas nakahihigit at ang ibang lahi ay kakaiba o mas nakabababa. Subalit, malimit na napapansin naman ng mga kabataan na walang gaanong nakakahalubilong ibang lahi ang kanilang mga magulang. Ito rin naman ay may malaking impluwensiya sa kanilang pag-iisip. Isinisiwalat ng mga surbey na bagaman ang mga tin-edyer at mga magulang ay may magkaibang opinyon sa pananamit o musika, ang pangmalas sa lahi ng karamihan ng kabataan ay nakakatulad niyaong sa kanilang mga magulang.

Ang di-timbang na saloobin hinggil sa lahi ay maaari ring bunga ng pagmamalupit at pagmamaltrato. (Eclesiastes 7:7) Halimbawa, sinabi ng mga tagapagturo na ang mga batang mula sa tinaguriang minoryang lahi ay kadalasang walang paggalang sa sarili. Sa pagsisikap na maituwid ang mga bagay-bagay, bumuo ang mga tagapagturo ng mga kurikulum sa paaralan na nagtuturo sa mga bata ng kasaysayan ng kanilang lahi. Kapansin-pansin naman, ipinangatuwiran ng mga kritiko na ang pagdiriing ito sa pagmamapuri dahil sa lahi ay pagmumulan lamang ng pagtatangi ng lahi.

Ang personal na karanasan ay maaari ring maging sanhi ng pagkakaroon ng di-wastong saloobin sa lahi. Ang di-kanais-nais na karanasan ng isa sa isang taong hindi niya kalahi ay maaaring umakay sa konklusyon na lahat ng kabilang sa lahing iyon ay kasuklam-suklam o mapagmatuwid sa sarili. Napupukaw rin ang negatibong saloobin kapag itinatampok ng media ang mga hidwaan dahil sa lahi, pagmamalupit ng mga pulis, at pagsasama-sama upang magprotesta o kapag inilalarawan nila ang etnikong mga pangkat sa negatibong paraan.

Ang Alamat Tungkol sa Kahigitan ng Lahi

Kumusta naman ang sinasabi ng iba na ang kanilang lahi ay may karapatang magmataas sa iba? Sa simula pa lamang, pagtatalunan na ang ideya na ang mga tao ay talagang maaaring uriin sa iba’t ibang lahi. Iniulat ng isang artikulo sa Newsweek: “Para sa siyentipiko na nagsuri sa bagay na ito, ang lahi ay totoong isang kilalang mapandayang ideya na hindi mabigyan ng anumang seryosong pagpapakahulugan.” Totoo, maaaring may “makitang pagkakaiba sa kulay ng balat, hibla ng buhok at hugis ng mata o ilong.” Gayunman, sinabi ng Newsweek na “ang mga pagkakaibang ito ay panlabas lamang​—at bagaman talagang sinisikap nila, hindi man lamang makasumpong ang mga siyentipiko ng anumang malalaking pagkakaiba na siyang mag-uuri sa isang lahi mula sa iba. . . . Ang pinakaugat ng usapin, para sa karamihan ng mga siyentipikong nagsusuri sa bagay na ito, ay na ang lahi ay isang ‘panlipunang kaisipan’ lamang​—isang [nakapagpapababang] pinaghalu-halong pagtatangi, pamahiin at alamat.”

Kahit makabuo man ng makasiyensiyang pag-uuri sa pagitan ng mga lahi, ang ideya tungkol sa “purong” lahi ay kathang-isip lamang. Ang The New Encyclopœdia Britannica ay nagsasabi: “Walang purong mga lahi; ang lahat ng lahi na umiiral sa kasalukuyan ay talagang magkakahalo.” Anuman ang kalagayan, itinuturo ng Bibliya na “ginawa niya [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 17:26) Anuman ang kulay ng balat, hibla ng buhok, o hugis ng mukha, may iisang lahi lamang​—ang lahi ng tao. Ang lahat ng tao ay nanggaling sa ating ninunong si Adan.

Batid ng mga Judio noon ang iisang pinagmulan ng lahat ng lahi. Subalit, kahit pagkatapos na maging mga Kristiyano, ang ilan ay naniniwala pa rin na sila’y nakahihigit sa mga di-Judio​—kasali na ang kanilang mga kapananampalatayang di-Judio! Pinawalang-saysay ni apostol Pablo ang kaisipan tungkol sa kahigitan ng lahi sa pagsasabing, gaya ng nakaulat sa Roma 3:9: “Ang mga Judio at gayundin ang mga Griego ay nasa ilalim lahat ng kasalanan.” Kaya walang lahi ang maaaring magmalaki na sila’y may anumang natatanging katayuan sa harapan ng Diyos. Ang totoo, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo kung kaya maaaring magkaroon ng kaugnayan ang mga tao sa Diyos. (Juan 17:3) At kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—1 Timoteo 2:4.

Ang pagkilala mo na pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng lahi ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa pangmalas mo sa iyong sarili at sa iba. Mapakikilos ka nito na pakitunguhan ang iba nang may dangal at paggalang na pahalagahan at hangaan ang kanilang mga pagkakaiba. Halimbawa, ang kabataang si Melissa, na nabanggit sa pasimula, ay hindi nakikisali sa kaniyang mga kaeskuwela kapag kanilang pinagtatawanan ang mga kabataang may banyagang puntó. Aniya: “Matatalino ang tingin ko sa mga taong nakapagsasalita ng dalawang wika. Bagaman gusto kong magsalita ng ibang wika, iisa lang ang alam ko.”

Tandaan din na bagaman ang mga taong kalahi at kakultura mo ay talagang may maipagmamapuri, totoo rin naman ito sa ibang lahi. At bagaman makatuwiran na ipagmapuri ang iyong kultura at ang mabubuting nagawa ng iyong mga ninuno, mas nakasisiyang ipagmapuri kung ano ang personal na nagawa mo dahil sa pagsisikap at puspusang paggawa! (Eclesiastes 2:24) Sa katunayan, may isang mabuting bagay na sinasabi ng Bibliya na dapat mong ipagmapuri. Gaya ng nakasaad sa Jeremias 9:24, sinabi mismo ng Diyos: “Ang nagmamapuri tungkol sa sarili ay magmapuri dahil dito, na kaniyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako’y si Jehova.” Makapagmamapuri ka ba nang gayon?

[Larawan sa pahina 26]

Ang pagkaunawa sa pangmalas ng Diyos tungkol sa lahi ay makatutulong sa atin na masiyahan sa pakikisama sa mga taong iba ang lahi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share