Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 9/22 p. 16-19
  • Pagtatanghal ng mga Ligaw na Bulaklak sa Australia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatanghal ng mga Ligaw na Bulaklak sa Australia
  • Gumising!—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Halaman, Pambihira at Iba-iba
  • Umuunlad Din ang Negosyo
  • Sundan ang Landas ng mga Ligaw na Bulaklak
  • Magtungo Tayo Ngayon Pahilaga
  • Ligáw na Bulaklak ba ang mga Ito o mga Damong Ligáw?
    Gumising!—2005
  • May Pritilaria Ka ba sa Iyong Hardin?
    Gumising!—1995
  • Sa Paghahanap ng mga Orkid sa Europa
    Gumising!—1995
  • Ang Masalimuot na Kawing ng Buhay
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 9/22 p. 16-19

Pagtatanghal ng mga Ligaw na Bulaklak sa Australia

NG KABALITAAN NG “GUMISING!” SA AUSTRALIA

Taun-taon mula Agosto hanggang Nobyembre​—tagsibol sa Timugang Hemispero​—libu-libong bisita, kasali na ang mga botanikó at iba pang siyentipiko, ang dumaragsa sa estado ng Kanlurang Australia. Mga naglalakbay na bus ang tumatakbo sa gitna ng timog-kanluran at hilaga. Espesyal na mga tren na punô ng mga magliliwaliw ang marahang naglalakbay sa nabubukod na mga lalawigan. Maraming lokal na mga residente ang nagtutungo rin sa mga lugar na malayo sa mga lungsod. Ano ang nagdadala sa gayong pagdagsa ng mga turista? Aba, ito ang panahon ng mga ligaw na bulaklak sa Kanlurang Australia​—tunay na isang pagtatanghal ng mga ligaw na bulaklak!

DITO sa likas na kapaligiran nito ay makikita ang isa sa pinakasaganang pagtatanghal ng likas na mga halaman sa daigdig, at sa loob ng tatlong buwan ang malalaking dako ng estado ay namumula dahil sa katutubong mga ligaw na bulaklak. Sa katunayan, ito’y ipinalaganap sa media bilang “isa sa pinakamagandang pagtatanghal ng mga ligaw na bulaklak sa daigdig.” Bakit ang kapaligiran para sa pagtatanghal na ito ay naiiba sa anumang ibang bansa?

Mga Halaman, Pambihira at Iba-iba

Ang isang dahilan ay sapagkat matagal nang ibinukod ng mga karagatan at dagat ang kontinente ng Australia mula sa ibang mga kontinente. Marahil dahil sa pambihirang kapaligiran nito anupat maraming botaniko ang kumbinsido na ang malaking islang kontinenteng ito ang may pinakamaraming iba’t ibang halaman sa daigdig. Ang pambihirang pagkakaiba-ibang ito ay hindi makikita saanman kundi sa Kanlurang Australia, kung saan sa tagsibol ang bansa ay buháy na buháy sa masayang pagtatanghal ng mga bulaklak.

Ang Kanlurang Australia ang pinakamalaking estado ng kontinente. Sumasaklaw ito ng 2.5 milyong kilometro kudrado​—sinlaki ng Kanlurang Europa, at mahigit na tatlong ulit sa laki ng Texas, E.U.A. Dahil dito, mayroon itong iba’t ibang tanawin at klima. Pagkatapos ng mga ulan sa taglamig, lumilitaw ang iba’t ibang bulaklak sa disyerto mula sa malapelus at pinong Sturt’s desert pea hanggang sa animo’y papel at makikita saanman na everlasting.

Karamihan sa mga ligaw na bulaklak ay namumulaklak kung Agosto at Setyembre. Gayunman, ang ilang uri ay nangangailangan ng higit na init para sa paglaki at hindi namumulaklak kundi sa Oktubre o Nobyembre. Kahanga-hangang 8,000 uri ang kilalang lumilitaw sa estado. Iba-iba ang uri mula sa isa sa pinakamalaking matigas-kahoy na mga puno, ang karri, hanggang sa pinakamaliit na parasitong halaman, ang Pilostyles. Kabilang din sa pagkakaiba-iba ang nag-iisang orkidyas sa daigdig na nasa ilalim ng lupa, ang Rhizanthella gardneri. Saka nariyan din ang ilan sa pinakalantay na asul na mga bulaklak​—ang isang tinatawag na Lechenaultia biloba, at ang isa pa na tinatawag na Dampiera, ipinangalan sa piratang si William Dampier. May ilan ding halaman na namumulaklak ng itim gaya ng itim na kangaroo paw. Patuloy na nasusumpungan ang bagong mga uri​—anupat isang tuwang-tuwang botaniko ang nagsabi na posibleng makasumpong ng isang bagong uri ng halaman araw-araw!

Umuunlad Din ang Negosyo

Hindi kataka-taka isang industriya ng mga ligaw na bulaklak ang umunlad at lumakas sa panahon ng taunang pagtatanghal na ito. Hindi kukulangin sa 14 na pagdiriwang ng mga ligaw na bulaklak ang idinaraos sa bawat taon. Ang mga turista ay dinadala sa ekspedisyon, binubuksan ng mga nag-aalaga ng tupa at baka ang kanilang liblib na mga pag-aari sa mga bisita, ang mga manggagawa ng alahas ay gumagawa ng mga disenyo ng ligaw na bulaklak, at ang mga pintor ay nagbibigay ng pansin sa botanikal na mga detalye habang inihahanda nila ang mga larawan para sa mga aklat na malapit nang ilathala. Ang industriya ay may mga balak din na magbili ng pitas na mga ligaw na bulaklak sa internasyonal na pamilihan. Subalit paano ba ito mapananatiling sariwa?

Isang pantanging pamamaraan ang nagawa upang mapanatili ang orihinal na kayarian at bango ng mga ligaw na bulaklak. Ito ay nagsasangkot ng isang sekretong timplada na nagpapabagal sa paglaki at pagkabulok ng mga bulaklak. Ito’y nagpapahintulot sa mga manggagawa na pitasin ang mga ligaw na bulaklak bago mamuko ang mga bulaklak saka ito ipadadala sa ibang bansa kung saan ang timplada bago pinitas ay binabantuan sa pamamagitan ng pagbabad ng mga pinutol na bulaklak sa tubig, sa gayon ay napahihintulutan ang mga bulaklak na ipagpatuloy ang pamumulaklak ng mga ito.

Bagaman totoo na ang negosyo ay maaaring lumalakas, hindi lahat ay maligaya kung panahon ng mga ligaw na bulaklak. Halimbawa, ang mga pinahihirapan ng hay fever ay maaaring masdan ang mga buwang ito sa pamamagitan ng luhaang mga mata habang sila ay asiwang bumabahin hanggang sa tag-araw. Kung minsan, ang saganang pollen ay gumagawa ng kataka-takang pangyayari. Isaalang-alang ang nangyari noong 1992. Pagkatapos ng malalakas na ulan at katamtamang temperatura, ang mga residente sa ilang bayan ay nagulat na sila’y apawan ng isang buhos ng matingkad na dilaw na bagay. Ito’y tumakip sa mga kotse, nilatagan ang mga bangketa, at pinunô ang mga kanal. Ang dilaw na ulang ito ay kinilala ng mga awtoridad sa kapaligiran bilang pollen ng mga ligaw na bulaklak. Maliwanag ang pag-ulan ng mga pollen ay tinangay ng hangin mula sa mga ligaw na bulaklak na namumulaklak sa gitnang-kanluran. Gayunman, bukod pa sa mga problemang ito, ang karamihan ay sasang-ayon na ang kagandahan at mga pakinabang ng taunang pagtatanghal ay nakahihigit sa mga kaabalahán.

Sundan ang Landas ng mga Ligaw na Bulaklak

Sumama ka sa amin sa isang paglalakbay upang tumuklas ng mga ligaw na bulaklak. Ang unang landas ng mga ligaw na bulaklak ay magdadala sa atin sa timog ng kabisera ng estado, ang Perth, tungo sa Serpentine National Park. Ang parke ay nasa isang matarik na dalisdis na talampas at lubhang maburól. Ang ilog nito, na dumadaloy sa matatarik na bangin at mga nakausling granito, ay sa wakas nabububô sa isang 15-metrong talón ng tubig. Sa gitna ng mga punong jarrah at wandoo, ang mga kangaroo at mga wallaby (isang uri ng kangaroo) ay nanginginain samantalang ang mga ibong golden whistler, splendid wren, at thornbill ay luluksu-lukso na animo’y nagsasayaw ng square dance sa palumpon. Ang mga lawa sa batuhan ang kinaroroonan ng mga sundew at mga orkidyas na blue fairy, at kalapit nito ang makapal na latag ng mapusyaw na muradong granite honeymyrtle, na nahaluan ng mga patse ng kumpol ng mumunting kulay kremang trymalium at ang nakagugulat na mga kombinasyon ng muradong calytrix at asul na andersonia.

Tayo ngayon ay susulong pa patimog sa marahil ay pinakamabunga at popular na lugar ng mga ligaw na bulaklak​—ang Stirling Range National Park. Ang 1,150-metro-kudradong hanay na ito ng mga bundok ay biglang tumataas sa Bluff Knoll, ang pinakamataas na tuktok, na umaabot ng 1,077 metro sa ibabaw ng antas ng dagat. Ang klima rito ay kakaiba sa nakapaligid na distrito. Bunga nito, mahigit na 1,500 uri ng mga halamang namumulaklak ang likas na tumutubo rito, at 60 rito ang dito lamang tumutubo sa dakong ito. Susunod, umaakyat sa Toolbrunup Peak tayo ay binibigyan ng kahanga-hangang mga tanawin at sarisaring buhay halaman. Kabilang sa pinakamagaganda ay ang mga Darwinia, o mga mountain bell. Sampung uri ang nakilala na sa parke, at isa lamang sa mga ito ang nalalamang tumutubo sa labas ng Stirling Range. Kung Setyembre at Oktubre ang maganda’t malilim na bell ay madaling masumpungan sa mga kakahuyan, samantalang sa itaas pa roon ng dalisdis ay tumutubo ang kulay rosas na mountain bell. Nakita rin namin ang isang pambihirang berdeng spider orchid at napansin namin na may 23 uri nito sa Kanlurang Australia.

Yamang kami’y nasa malapit, kami’y nagpasiyang sumaglit sa Torndirrup National Park. Dito ang tiwangwang at tigang na lupain ay magandang nagtatanghal. Nakita namin ang Banksia praemorsa na may di-pangkaraniwang matingkad na kulay tsokolateng mga bulaklak​—at tingnan mo! Isang sinlaki ng dagang honey possum ang nanginginain sa ilang ligaw na bulaklak. Naririto rin, ang mga bulaklak ng hammer orchid na lumilikha ng masangsang na amoy upang magkunwang mga babaing putakti. Inaakit nila ang lalaking putakting thynnid na sa paghahanap ng isang kabiyak, ay nagdadala ng binhi sa sunud-sunod na huwad na babaing putakti. Ang kaawa-awang pag-ibig ng putakti na hindi tinutugon ay tumutulong sa polinasyon.

Magtungo Tayo Ngayon Pahilaga

Yamang nakita na natin ang ilan sa pangunahing mga dako ng mga ligaw na bulaklak sa timog ng Perth, magtungo na tayo ngayon sa hilaga at sundan ang Everlasting Trail​—isang ruta na nagdadala sa atin sa maraming pambansang mga parke. Mangyari pa ang matigas na mga bulaklak, ang kapangalan ng paglalakbay, ay namumulaklak nang libu-libo, na kusang yumuyuko habang hinihipan ng hangin ang kanilang mga ulo. Kami’y huminto sa isang sementeryo ng bansa kung saan ang luntian at pulang mga kangaroo paw ay nagpapalamuti sa lumang mga lapida. Pagkatapos, ang mga kakahuyan ay napangingibabawan ng firewood banksia, slender, at Christmas morrison​—isang bulaklak ng palumpon na may matingkad na ginintuang mga bulaklak. Nakakita ka na ba ng namumulaklak na mga cowslip orchid? Ang ganda! Naglakad-lakad kami sa mga lugar ng palumpon, at ang asul na smokebush ay makapigil-hininga sa ganda.

Sa landas na ito, may 800 namumulaklak na halaman. Marami sa kaakit-akit na mga uri ang naroon mismo sa tabing-daan, nakikita mula sa aming four-wheel-drive na sasakyan. Ang mga bisita ay kadalasang nagsasabi na ang ilan sa mga pagtatanghal sa tabi ng daan ay totoong makulay ang pagkakatugma anupat mahirap maniwala na hindi ito pinakialaman ng tao. Oo, ang mga kumpol ng muradong mga bulaklak sa tabi ng mga pulumpon na may dilaw na bulaklak ay mukhang isinaplanong mainam, at marami ring asul na bulaklak na uso sa ngayon.

Subalit panahon na upang umuwi. Kami’y nasisiyahan sa mga litratong kinuha namin; kaya naman, napaglabanan namin ang tukso na pumitas ng isa o dalawang bulaklak bilang subenir. Natatandaan namin na ipinagbabawal ng batas sa publiko na pumitas ng mga ligaw na bulaklak, kahit na ang mga ito ay tumutubo sa daan. Kaya iniwan namin ang kanilang nakataas na mga mukha upang diligin ng susunod na ulan sa tagsibol at tamasahin ng susunod na tagahanga. Oo, hinandugan kami ng isa sa pinakamagandang pagtatanghal ng mga bulaklak sa daigdig. At habang nagbabago ang tanawin tungo sa maningning na tag-araw, inaasam-asam namin na may kasiyahan ang susunod na pagtatanghal sa susunod na taon, at oo, sa maraming taon pang darating.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Lahat ng larawan: Sa Kagandahang-loob ng West Australian Tourist Commission

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share