May Pritilaria Ka ba sa Iyong Hardin?
KUNG mayroon ka nito, mahahalina ka sa kagandahan nito. Ano ba ang isang pritilaria? Isa ito sa libu-libong uri ng mga paruparo na nagpapaganda sa ating daigdig at isa sa mahigit na 750 uri na masusumpungan sa Estados Unidos at sa Canada. Ang isa na ipinakikita rito, isang great spangled, ay kinunan ng larawan sa isang hardin sa mayabong na lalawigan sa estado ng Virginia. Ang great spangled ay kakikitaan ng kulay pilak na nagkikintabang bagay sa ilalim na bahagi ng pakpak nito sa likod. Ang hardinero ay sadyang gumawa ng isang hardin ng mga ligaw na bulaklak na tumataas at umaakit ng mga paruparo—may dilaw na mga rudbeckia at kulay lilang phlox.
Ang pamilya ng pritilaria ay may pagkasari-saring uri, na may nagpapahiwatig na mga pangalan na gaya ng alpinong alberta, artiko, golpo, lila, polo, muradong lusak, pilak na parang, at zerene.
Kung nais mong akitin ang mga paruparo sa iyong hardin, subukin mong magtanim ng mga ligaw na bulaklak. Marahil ay makabibili ka ng isang pakete ng mga binhi ng ligaw na bulaklak na magiging makulay na parang mga kulay sa paleta ng pintor upang maakit mo ang pihikang mga nilikhang ito. Kung ikaw ay nakatira sa angkop na rehiyon ng daigdig, ang mga palumpon ng buddleia ay makaaakit sa mga paruparo na parang batubalani. Pagkatapos ay kumuha ng isang kamera at largabista, at magkaroon ng katuwaan!