Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 1/8 p. 22-24
  • Mga Magasing Nagbibigay ng Praktikal na Kaaliwan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Magasing Nagbibigay ng Praktikal na Kaaliwan
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagdalaw sa Propesyonal na mga Organisasyon
  • Itampok ang mga Magasin sa Iyong Ministeryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2005
  • Paggamit ng Ating mga Magasin sa Pinakamabuting Paraan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
  • Ipinahahayag ng mga Magasin ang Kaharian
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
  • Sino Kaya ang Magiging Interesado Rito?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 1/8 p. 22-24

Mga Magasing Nagbibigay ng Praktikal na Kaaliwan

“NAIS kong pasalamatan kayo nang husto sa kahanga-hanga, praktikal na mga artikulong ibinigay ninyo sa amin upang gamitin namin sa larangan, lalo na nitong nakaraang dalawang taon. Pagkatanggap ng ilan sa mga ito, ako’y literal na napaiyak at pinasalamatan ko si Jehova dahil sa napakarami sa ating mga kaibigan sa katotohanan ang lubhang nangangailangan ng gayong impormasyon. Tinutukoy ko ang mga labas na gaya niyaong tumatalakay sa pag-abuso sa bata, paglaki sa alkoholikong mga pamilya, panghahalay, at karahasan sa pamilya.”​—Linda W. S., Indiana, E.U.A.

Ang mga salitang iyon ang pambungad ng isa sa maraming nakapagpapatibay-loob na mga sulat na tinanggap namin nitong nakalipas na mga taon tungkol sa mga nilalaman ng mga magasing Bantayan at Gumising!, inilalathala ng Samahang Watchtower at ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.

Kung isasaalang-alang natin na ang naunang banggit ay may sirkulasyon na mahigit sa 16,000,000 kopya sa bawat labas at inilalathala sa 120 wika at na ang sirkulasyon ng huling banggit ay halos 13,000,000 sa 75 wika, saka natin mapahahalagahan ang pambuong daigdig na epekto ng mga babasahing ito. Iniaalok ito ng mga Saksi ni Jehova sa publiko sa kanilang bahay-bahay na ministeryo at sa kanilang di-pormal na pagpapatotoo, na tumutukoy sa pagpapatotoo sa di-pormal na mga okasyon, gaya kung namimili, bumibili ng gas sa mga gasolinahan, naglalakbay sakay ng mga bus, tren, at eruplano, o sa anumang angkop na sandali sa pang-araw-araw na buhay. Gayunman, nasumpungan ng ilang Saksi ang iba pang orihinal at matagumpay na mga paraan upang makapamahagi ng mga magasin na baka gusto mo ring subukan.

Pagdalaw sa Propesyonal na mga Organisasyon

Isang naglalakbay na ministro ang sumulat tungkol sa mabungang mga gawain ng isa pang Saksi na gaya ng sumusunod: “Tinitiyak niyang tipunin ang mas matandang mga sipi ng ilang magasing Gumising! na natipon ng ibang mga Saksi sa tahanan. Pagkatapos ay dumadalaw siya sa mga ahensiya na inaakala niyang maaaring magpakita ng pantanging interes sa ilang mga paksa.” Anong uri ng mga ahensiya ang dinalaw niya?

“Siya ay nagtuon ng pansin sa mga ahensiya ng paglilingkod panlipunan, mga sentrong pabor sa buhay, Isinaplanong Pagkamagulang, mga saykayatris, mga sikologo, mga kagawaran ng pulisya, mga tanggapan sa subok na paglaya, mga sentro sa paggamot at pag-iingat sa pag-abuso sa bata, mga kagawaran sa kagalingan (kinakausap ang mga caseworker), mga kagawaran ng kalusugan sa bayan, mga day-care center, mga paaralan, mga hospital stress center, at sa isang kaso isang alkalde ng lungsod.” Anong tagumpay ang tinamasa niya?

“Mula nang magtuon siya ng pansin sa pambihirang larangang ito anim na buwan na ang nakalipas, siya ay nakapagpasakamay ng 1,784 matatandang labas ng magasin tungkol sa espesipikong mga paksa!”

Paano isinasagawa ng Saksing ito ang pagdalaw sa propesyonal na mga tao? Sabi niya: “Sa palagay ko ang isang dahilan kung bakit ang mga pagdalaw na ito ay matagumpay, bukod sa bagay na ang mga magasin ay patungkol sa mga usapin na pinakikitunguhan ng mga taong ito araw-araw, ay na tayo’y nagdaramit at inihaharap ang ating mga sarili sa isang propesyonal na paraan.” Tiyak na igagalang tayo ng propesyonal na mga tao kung tayo’y may pagtitiwala, tulad-negosyong paraan ng paglapit at angkop ang pananamit at ayos.

Ipinagpapatuloy pa niya ang kaniyang ulat: “Kami’y nag-aalok ng isang Gumising! tungkol sa aborsiyon (Mayo 22, 1993), kaya ipinasiya kong dumalaw sa isang sentro na pabor sa buhay. Sinimulan ko ang pag-uusap sa pamamagitan ng isang balita tungkol sa isang padaskul-daskol na aborsiyon at saka inakay ko sa magasin, kasama Ang Bantayan. Nagkaroon kami ng magandang usapan anupat inalok ko rin ang brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?, na may pananabik nilang tinanggap.” Ang susunod niyang dinalaw ay ang isang sentro ng Isinaplanong Pagkamagulang kung saan nagkaroon din siya ng katulad na tagumpay.a

Ang uring ito ng pagkukusa ay maaaring humantong sa isang lalong-lumalaking bilang ng mga taong nagnanais bumasa ng mga magasin. Mula sa mga sulat na natanggap ay nalalaman namin na ang propesyonal na mga tao ay madalas na humahanga sa pananaliksik at mahusay na istilo ng pagsulat na nasa ating mga magasin. Totoo ito anupat sa ilang bansa, gaya ng Suriname, sa Timog Amerika, ang Gumising! ay ginagamit bilang isang pangunahing edukasyonal na magasin ng mga estudyante at mga guro. Ang mga Saksi roon ay maraming naipamamahaging mga magasin, at buong pananabik na hinihintay ng mga interesado ang bawat labas nito.

Isang report na tinanggap buhat sa Nigeria ay nagsabi tungkol sa isang istasyon ng radyo na sumisipi nang letra-por-letra mula sa labas ng Gumising! tungkol sa “Mga Babae​—Karapat-dapat sa Paggalang.” (Hulyo 8, 1992) Ano ang ipinahihiwatig niyan? Na matagumpay nating maiaalok ang mga magasin sa mga direktor ng mga istasyon ng radyo at TV. Kailangan lamang na pag-aralan ang bawat labas at isipin kung sino ang lokal na mga dalubhasa na sinasaklaw sa mga paksa, kung ito ba’y ang mga abugado, guro, tagapayo, pulis, nars, doktor, o mga miyembro ng iba pang propesyon.

Ibang paraan naman ang ginamit ng isang Saksi na sinimulan ang kaniyang presentasyon sa pamamagitan ng pagtatanong, “Mahilig ka bang sumagot ng maiikling pagsusulit? Karamihan ng mga tao ay mahilig gumawa nito. Narito ang isa sa labas na ito ng Gumising! (Enero 8, 1994, o Setyembre 8, 1994) na pinamagatang ‘Naitanong Mo Na Ba?’ Bakit hindi mo isulat ang iyong mga sagot sa mga tanong, at babalik ako sa ibang araw upang maihambing natin ang mga ito sa mga sagot ng Bibliya.” Siya’y nagkaroon ng maraming kawili-wiling pakikipag-usap batay sa paraang ito at siya’y nakapagpasimula ng ilang pag-aaral sa Bibliya.

Ang isa pang praktikal na mungkahi ay ipakita ang bagong mga labas taglay ang mga paksa na maaaring makaakit sa partikular na propesyonal na kausap mo. Ganito ang karanasan ni Linda, na binanggit kanina, sa isang administrador/tagapayo sa isang paaralan na may programa sa pagtuturo na gumagamit ng makabagong mga paraan. “Habang tinatalakay ko ang mga magasin sa kaniya, nakita niya ang ‘Mga Batang Maigting’ at aniya, ‘Sinugo ka ng Diyos sa araw na ito!’ Nang araw na iyon siya ay nakikipagpulong sa kung paano maiiwasan ng mga bata ang kaigtingan. Nang makita niya ang karanasan sa likuran ng magasin na ipinatatalastas ang aklat na Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, humiling siya ng isang kopya. Naipakita ko sa kaniya ang isang sinipi mula sa aklat tungkol sa pagpapatiwakal, kung saan siya ay napabulalas, ‘Ngayon ay batid ko na isinugo ka ng Diyos dito!’ Katatapos niya lamang payuhan ang isang batang lalaki na ayaw nang mabuhay. Ngayon mayroon na siyang higit na maipapayo sa kaniya.”

Ipinakikita ng mga karanasang ito na taglay ang pagkukusa at paghahanda pati na ng isang positibong saloobin, mapaaabutan natin ang marami pang mga tao ng kaaliwan ng Salita ng Diyos. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din sa atin mismo ng Diyos.”​—2 Corinto 1:3, 4.

[Mga talababa]

a Sa kaniyang mga paghaharap ay maingat na nanatiling neutral si Linda sa pulitikal na mga aspekto ng usapin tungkol sa aborsiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lumilihis sa kanilang pangunahing gawain na paghahayag ng Kaharian ng Diyos.

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga magasin ay may praktikal na impormasyon para sa mga ahensiya sa paglilingkod panlipunan

[Larawan sa pahina 24]

Ang Bantayan at Gumising! ay maiaalok sa maraming kalagayan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share