Kapag ang mga Magulang ang Kumidnap
PAGKARAANG dumanas ng mga taon ng marahas na pambubugbog at matinding emosyonal na pag-abuso sa mga kamay ng kaniyang asawa at sa wakas ay iniwan siya ng kaniyang asawa dahil sa ibang babae, si Cheryl ay naghabla para sa diborsiyo.a Palibhasa’y sa kaniya ipinagkaloob ng hukuman ang pangangalaga sa kaniyang mga anak, unti-unting nagkaroon ng katahimikan habang ibinabalik niya sa normal ang kaniyang buhay—hanggang isang araw nang tumunog ang telepono. Ito’y ang kaniyang dating asawa. Sabi niya: “Kung nais mong makitang muli ang iyong mga anak, kailangang sumang-ayon kang pakasal uli sa akin”! Pinagbabawalang bumalik sa kanilang ina pagkatapos ng isang buwan ang haba na pagdalaw sa kanilang ama sa kaniyang katutubong bansa, ang mga anak ni Cheryl ay kinidnap.
Sirang-sira ang loob, si Cheryl ay nakiusap sa U.S. State Department subalit wala siyang nasumpungang legal na paraan upang muling makuha ang kaniyang mga anak sa ibang bansa. Ang mga damdamin ng ganap na kawalang-kaya na naranasan niya sa loob ng mga taon ng pambubugbog ay nagbalik. “Halos pareho lang,” sabi niya. “Hindi mo alam kung paano ito pahihintuin.”
“Karahasan sa Isipan”
Ang pagkidnap ng magulang ay tinaguriang “isang nakahihigit na gawa ng karahasan sa isipan” na ginagawa laban sa isang magulang at isang anak. Si Carolyn Zogg, namamahalang patnugot ng Child Find of America, Inc., ay nagsabi tungkol sa mga kidnaper na iyon: “Maraming magulang na gumagawa nito ay naghihiganti, at sila ay naghihiganti sa pinakamasamang paraan at sa pinakamahinang dako. Iyan ang dakong pinakamalapit sa [mga magulang na legal na nangangalaga sa mga anak]—ang kanilang hiyas, ang kanilang mga anak. . . . Hindi nila iniisip ang bata, kundi ang kanilang mga sarili lamang at ang paghihiganti—makaganti.”
Ang pagkidnap sa isang bata ay hindi lamang naglalagay sa magulang sa mga damdamin ng matinding galit, kawalan, kawalang-kaya, at pagkabalisa kundi halos sa tuwina’y pinipinsala ang emosyonal na kapakanan ng bata sa ilang antas. Sa ilang kaso ang bata ay maaaring mapilitang mamuhay na laging umaalis upang tumakas o magtago, umiiwas sa malapit na mga kaugnayan at nakaririnig ng mga pagpilipit sa katotohanan at mga kasinungalingan tungkol sa isang magulang. Ang karanasan ay maaaring magbunga ng iba’t ibang karamdaman, gaya ng pag-ihi sa higaan, hindi mapagkatulog, paggawi na nagpapahiwatig ng labis na emosyonal na pagdepende, takot sa mga bintana at mga pinto, at labis na takot. Kahit na sa mas matatandang bata, ito’y maaaring magbunga ng dalamhati at matinding galit.
Sa Estados Unidos, may mahigit na 350,000 kaso taun-taon kung saan kinukuha ng isang magulang ang isang bata bilang paglabag sa utos ng hukuman hinggil sa pangangalaga o hindi ibinabalik ang bata sa ipinahihintulot na panahon. Sa mahigit na 100,000 na mga kasong ito, ang bata ay itinatago ng isang miyembro ng pamilya sa layong itago siya nang permanente mula sa isang magulang. Ang ilan ay dinala sa ibang estado o dinala pa nga sa ibang bansa.
Ibang mga Dahilan
Lagi bang ang pagnanais na magkabalikan o isang mapaghiganting diwa ang gumaganyak sa mga magulang na dukutin ang kanilang mga anak? Si Michael Knipfing ng Child Find ay nagpapaliwanag na ikinatatakot ng ilang magulang ang pagkatalo sa pakikipaglaban sa kanilang dating asawa sa kung sino ang may karapatan sa mga bata at na “dahil sa takot ay inuunahan na nila.” O kung matiyak na kung sino ang may legal na karapatan sa bata at ang isang magulang ay patuloy na nagkakait ng karapatang dumalaw ng isang magulang, nagkakaroon ng kabiguan. Ganito ang paliwanag ni Knipfing: “Kung mahal mo ang iyong anak at ikaw ay pinagkakaitang makita ang iyong anak, ikaw ay mag-iisip na walang ibang mapagpipilian kundi ang agawin ang bata at tumakas.”
Binanggit din niya na ‘hindi natatalos ng karamihan ng mga tao ang mga kahihinatnan ng pagkidnap ng isang bata. Hindi nila talos na sila’y magkakaproblema sa paghahanap ng trabaho. Ang mga mandamyento ay ilalabas para sa pagdakip sa kanila. Inaakala nilang ang problema ay sa pagitan lamang nila at ng isang magulang. Hindi nila nababatid na nasasangkot ang pulisya. Kailangan nila ng dalawang abugado sa halip na isa lamang sapagkat ngayon ay mayroon silang haharaping kriminal na paratang gayundin ng problemang sibil, sa kung sino ang may legal na karapatan na mangalaga sa bata.’
Ang ilang magulang ay maaaring maghinala na ang kanilang anak ay sinasaktan ng isang magulang. Kung ang legal na sistema ay hindi agad kumikilos, kung gayon ang isang desperadong magulang ay maaaring kumilos sa kabila ng mga kahihinatnan. Ito’y totoo sa kaso ng limang-taóng-gulang na si Hilary Morgan. Isang sikologo ng bata ang nagpayo na ang mga pagdalaw sa pagitan ni Hilary at ng kaniyang ama ay dapat na matigil, binabanggit ang katibayan ng pag-abuso na “maliwanag at kapani-paniwala.” Gayunman, ang mga hukuman ay nagpasiya na ang pag-abuso ay di-tiyak at ipinag-utos ang walang superbisyong mga pagdalaw. Bilang paglabag sa utos ng hukuman, itinago ni Dr. Elizabeth Morgan, ina ni Hilary, ang kaniyang anak. Maraming simpatiya ng publiko ang napukaw sa gayong magulang na kumikidnap at tumatakas para magkaroon ng proteksiyon.
Sa kaso ni Elizabeth Morgan, naiwala niya ang kaniyang pagdodoktor, gumugol siya ng mahigit na dalawang taon sa bilangguan, at natipon ang kaniyang medikal at legal na mga pagkakautang ng mahigit na 1.5 milyong dolyar. Siya’y nagpaliwanag sa U.S.News & World Report: “Ako’y sinabihan ng mga dalubhasa na ang aking anak ay maaaring permanenteng baliw na ngayon kung hindi ko napahinto ang pag-abuso. . . . Kailangang gawin ko ang gawaing ipinagkait sa akin ng hukuman: Iligtas ang aking anak.”
Tunay nga ang sinabi ng mga mananaliksik na sina Greif at Hegar tungkol sa mga pagdukot ng mga magulang: “Ang mga ito ay lubhang masalimuot na mga pangyayari na, tulad ng malalim na lawa ng tubig, ay tila bahagyang naiiba depende sa anggulo; tuwing tititig ang isa sa tubig may bagong bagay na nakikita.”—When Parents Kidnap—The Families Behind the Headlines.
Karagdagan pa sa mga batang kinidnap ng isang magulang o ng isang di-kilalang tao, may milyun-milyong iba pang nawawalang mga bata sa buong daigdig—ang mga pinalayas at ang mga naglayas. Sino sila, at ano ang nangyayari sa kanila?
[Mga talababa]
a Ang pangalan ay binago.