Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/22 p. 4-6
  • Pagkakaroon ng Higit na Pagkaunawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkakaroon ng Higit na Pagkaunawa
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano Ito
  • Kung Kailan at Bakit Ito Nangyayari
  • Mahalagang mga Pagbabago sa Buhay
  • Mga Yugto ng Panlulumo
  • Isang Yugto ng Buhay
  • Pagharap sa Ménopós
    Gumising!—1995
  • Pagharap sa mga Hamon ng Menopause
    Gumising!—2013
  • Pagsisiwalat ng mga Lihim Nito
    Gumising!—1995
  • “Estrogen Replacement Therapy”—Ito ba’y Para sa Iyo?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/22 p. 4-6

Pagkakaroon ng Higit na Pagkaunawa

“HINDI ko masasabing ito’y isang kaayaayang yugto ng panahon sa buhay ng isang babae,” sabi ng isang babae na nakaranas nang magménopós, “ngunit sa palagay ko’y matututo kayo mula rito. Natutuhan kong isaalang-alang ang aking mga limitasyon. Kung kailangan ng aking katawan ng kaunti pang pangangalaga o pahinga, pinakikinggan ko ito at ibinibigay ko ang paggalang na nararapat dito.”

Isinisiwalat ng isang surbey sa mga kababaihan na iniulat sa magasing Canadian Family Physician na “ang hindi pagkaalam kung ano ang aasahan” ang pinakagrabeng bagay tungkol sa ménopós. Gayunman, ang mga babaing nakauunawa na ang ménopós ay isang likas na pagbabago ng kalagayan ay “hindi gaanong nababalisa, nanlulumo, at magagalitin at mas umaasa tungkol sa kanilang buhay.”

Kung Ano Ito

Ganito binibigyang kahulugan ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang ménopós: “Ang panahon ng likas na pagtigil ng regla na kar[aniwang] nangyayari sa pagitan ng edad na 45 at 50.” Ang ménopós ay inuuri rin bilang ang huling pagtigil ng regla.

Sa ilang babae, ang pagtigil ng regla ay nangyayari nang bigla; ang isang yugto ng pagreregla ay natatapos at hindi na kailanman nangyayaring muli. Sa iba naman, ang mga yugto ay nagiging pabagu-bago, nangyayari sa pagitan ng tatlong linggo hanggang sa ilang buwan. Kapag lumipas na ang isang buong taon na ang babae ay hindi na dinadatnan, may katiyakang mahihinuha niyang nangyari na ang ménopós noong panahon ng kaniyang huling regla.

Kung Kailan at Bakit Ito Nangyayari

Ang minanang disposisyon, karamdaman, kaigtingan, paggagamot, at operasyon ay maaaring makaimpluwensiya sa panahon ng pagmeménopós. Sa Hilagang Amerika ang katamtamang edad kung kailan nangyayari ang ménopós ay mga 51. Ang panahon ng pagmeménopós ay karaniwang mula sa maagang mga taon ng 40 hanggang sa kalagitnaang mga taon ng 50 at bihirang mas maaga o mas huli rito. Ipinakikita ng mga estadistika na ang mga babaing naninigarilyo ay waring mas maagang magménopós at na ang mga babaing mas mataba ay waring mas huling magménopós.

Sa pagsilang ang obaryo ng isang babae ay naglalaman ng lahat ng itlog na tataglayin niya, ilang daang libo sa bilang. Sa bawat siklo ng pagreregla, mula 20 hanggang 1,000 itlog ang nahihinog. Pagkatapos ang isa, o kung minsan ay higit sa isa, ang inilalabas mula sa obaryo at handa na para sa pertilisasyon. Ang ibang hinog nang itlog ay natutuyo. Gayundin, kasuwato ng proseso ng paghinog ng itlog, ang mga antas ng mga hormone na estrogen at progesterone ay regular na dumarami at umuunti.

Habang ang isang babae ay lumalampas sa kaniyang huling mga taon ng 30, ang mga antas ng estrogen at progesterone ay nagsisimulang umunti, alin sa dahan-dahan o pamali-mali, at ang paglabas ng itlog ay maaaring hindi na mangyari sa bawat siklo. Ang mga panahon ng pagreregla ay nagiging hindi na gaanong regular, karaniwang nangyayari sa mas mahabang mga pagitan; ang daloy ng pagreregla ay nagbabago, nagiging mas mahina o mas malakas. Sa wakas wala nang inilalabas na itlog, at ang pagreregla ay tumitigil.

Ang huling regla ang sukdulan ng isang proseso ng mga pagbabago sa mga antas ng hormone at pagkilos ng obaryo na maaaring mangyari hanggang sampung taon. Gayunman, patuloy na ginagawa ang mas kaunting estrogen sa mga obaryo sa loob ng 10 hanggang 20 taon pagkatapos ng ménopós. Ang mga adrenal gland at ang mga selula ng taba ay gumagawa rin ng estrogen.

Mahalagang mga Pagbabago sa Buhay

Ang mga himaymay na sensitibo sa o dumidepende sa estrogen ay naaapektuhan habang umuunti ang antas ng estrogen. Ang mga hot flash o biglang pag-iinit ng katawan ay inaakalang bunga ng mga epekto ng hormone sa bahagi ng utak na may pananagutan sa pag-aayos ng temperatura ng katawan. Ang eksaktong mekanismo ay hindi alam, subalit wari bang ang thermostat ng katawan ay nababago pababa anupat ang mga temperaturang dati’y nadaramang komportable ay biglang nagiging napakainit, at ang katawan ay nag-iinit at nagpapawis upang palamigin ang sarili.

Sa kaniyang aklat, ang The Silent Passage​—Menopause, ganito ang sabi ni Gail Sheehy: “Kalahati ng lahat ng mga babaing nakadarama ng biglang pag-iinit ng katawan ay nakadarama nito habang sila ay normal pang nagreregla, nagsisimula na kasing-aga ng kuwarenta anyos. Ipinakikita ng mga pag-aaral na karamihan ng mga babae ay nakadarama ng biglang pag-iinit ng katawan sa loob ng dalawang taon. Sangkapat ng mga babae ay nakaranas nito sa loob ng limang taon. At 10 porsiyento ang nakaranas nito sa nalalabing bahagi ng buhay nila.”

Sa panahong ito ng buhay ng isang babae, ang mga himaymay sa kaluban ay numinipis at nanunuyo habang umuunti ang antas ng estrogen. Maaaring kabilang sa iba pang mga sintoma na nararanasan ng mga babae, sabi ni Gail Sheehy, ang “pagpapawis sa gabi, hindi pagkatulog, ihi nang ihi, biglang kinakabagan, mabilis na tibok ng puso, pag-iyak nang walang dahilan, mga silakbo ng galit, migraine, nangangating balat na parang may gumagapang na insekto, [at] pagkamalilimutin.”

Mga Yugto ng Panlulumo

Ang pag-unti ba ng estrogen ay nagdudulot ng panlulumo? Ang tanong na ito ang naging paksa ng maraming pagtatalo. Ang sagot ay wari ngang ito ay nagdudulot ng panlulumo sa ilang babae, gaya niyaong mga sumpungin bago ang kanilang panahon ng pagreregla at yaong hindi makatulog bunga ng pagpapawis sa gabi. Ang mga babae sa grupong ito ay waring napakasensitibo sa emosyonal na mga epekto ng pagbabago ng hormone. Ayon kay Gail Sheehy, ang mga babaing ito ay karaniwang “nakararanas ng malaking ginhawa kapag narating na nila ang yugto pagkatapos ng ménopós” at ang mga antas ng hormone ay hindi na pabagu-bago.

Ang mas grabeng mga sintoma ay malamang na maranasan ng mga babaing biglang nagmeménopós bunga ng radyasyon, chemotherapy, o pag-alis ng dalawang obaryo sa pamamagitan ng operasyon. Ang mga pamamaraang ito ay maaaring maging sanhi ng biglang pagbaba ng mga antas ng estrogen at sa gayo’y ang simula ng mga sintoma ng ménopós. Ang paggagamot sa pamamagitan ng pagtutustos ng estrogen ay maaaring ireseta sa mga kasong ito, depende sa kalusugan ng babae.

Ang tindi ng hirap at uri ng mga sintomang nararanasan ay iba-iba sa bawat babae, kahit na sa gitna ng mga babaing magkakamag-anak. Ito’y dahil sa ang mga antas ng hormone ay iba-iba sa bawat babae at iba-iba ang bilis ng pag-unti. Isa pa, ang mga babae ay may iba’t ibang damdamin, kaigtingan, kakayahang magbata, at mga inaasahan habang papalapit sila sa pagmeménopós.

Ang panahon ng ménopós ay kadalasang kasabay ng iba pang maigting na mga pangyayari sa buhay ng isang babae, gaya ng pangangalaga sa may edad nang mga magulang, pagpasok sa trabaho, pagkakita sa paglaki at pag-alis ng mga anak ng bahay, at iba pang mga pagbabago sa kalagitnaan ng buhay. Ang mga kaigtingang ito ay maaaring pagmulan ng pisikal at emosyonal na mga sintoma, pati na ang pagkamalilimutin, hindi makapagtuon ng pansin, kabalisahan, pagkamayayamutin, at panlulumo, na maaaring may kamaliang ipinalalagay na dahil sa ménopós.

Isang Yugto ng Buhay

Ang ménopós ay hindi ang wakas ng mabungang buhay ng isang babae​—wakas lamang ng kaniyang panganganak. Pagkatapos ng huling panahon ng pagreregla, ang kaniyang mga damdamin ay karaniwang mas matatag, hindi pabagu-bago na kasabay ng mga siklo ng hormone.

Bagaman itinuon natin ang pansin sa pagtigil ng regla sapagkat ito ay isang maliwanag na pagbabago, iyan ay isa lamang katunayan ng proseso ng pagbabago ng kalagayan habang iniiwan ng isang babae ang panahon ng pag-aanak sa kaniyang buhay. Ang pagdadalaga, pagdadalang-tao, at panganganak ay mga panahon din ng pagbabago ng kalagayan na may kasamang mga pagbabago ng hormone, katawan, at damdamin. Kung gayon, ang ménopós ang huli, subalit hindi ang tanging, panahon ng pagbabago ng hormone sa buhay ng isang babae.

Kaya nga, ang ménopós ay isang yugto ng buhay. “Marahil,” sulat ng isang dating punong patnugot ng Journal of the American Medical Women’s Association, “hindi na mamalasin ng mga tao ang ménopós bilang isang problema, o kahit na bilang ‘ang pagbabago,’ at higit na wastong maunawaan ito bilang ‘isa pang pagbabago.’ ”

Isang tiyak na bagay, ang aklat na Women Coming of Age ay nagsasabi na ang wakas ng pertiliti ng isang babae “ay kasingnatural at hindi maiiwasan na gaya ng itinalagang pasimula nito. Ang pagdating sa ménopós ay sa katunayan isang palatandaan ng pisikal na kalusugan​—isang tanda na ang panloob na orasan ng [kaniyang] katawan ay kumikilos nang husto.”

Ano, kung gayon, ang magagawa upang gawing maginhawa hangga’t maaari ang pagbabago ng kalagayan? At paano makatutulong ang isang asawa at mga miyembro ng pamilya sa panahong ito ng pagbabago ng kalagayan sa buhay? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang mga bagay na ito.

[Larawan sa pahina 6]

Ang ménopós ay kadalasang kasabay ng iba pang maigting na mga kalagayan, kasali na ang pangangalaga sa may edad nang mga magulang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share