Kung Ano ang Tumitiyak sa Iyong Kalusugan—Kung Ano ang Magagawa Mo
DI-TULAD ng bigas o arina, ang kalusugan ay hindi maaaring ipamigay nang libre ng isang relief worker. Hindi ito nakukuha sa isang bag sapagkat hindi ito isang paninda kundi isang kalagayan. Ang “kalusugan,” ayon sa pagpapakahulugan ng WHO (World Health Organization), “ay isang kalagayan ng ganap na pisikal, mental at sosyal na kabutihan.” Gayunman, ano ang tumitiyak sa antas ng kabutihang ito?
Ang isang kainamang tahanan ay maaaring itayo sa paggamit ng mga kahoy, pako, at yero, subalit ang iba’t ibang bahagi ay kadalasang suportado ng apat na haliging panulukan. Sa katulad na paraan, ang ating kalusugan ay tinitiyak ng maraming impluwensiya, subalit ang lahat ay nauugnay sa apat na “panulukang” mga impluwensiya. Ang mga ito ay ang (1) gawi, (2) kapaligiran, (3) medikal na pangangalaga, at (4) biyolohikal na kayarian. Kung paanong mapatitibay mo ang iyong bahay sa pamamagitan ng paggamit ng mataas na uring mga haligi, mapabubuti mo rin ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kalidad ng nakaiimpluwensiyang mga salik na ito. Ang tanong ay, Paano magagawa iyon kung limitado ang iyong kabuhayan?
Ang Iyong Gawi at ang Iyong Kalusugan
Sa apat na mga salik, ang iyong gawi ang isa na maaari mong supilin. Ang pagbabago nito sa ikabubuti ay makatutulong. Totoo, tinatakdaan ng karukhaan ang mga pagbabagong magagawa mo sa iyong pagkain at mga ugali, subalit sa paggamit sa mga mapagpipiliang makukuha, malaki ang magagawa mo. Pansinin ang sumusunod na halimbawa.
Ang isang ina ay karaniwang makapipili sa pagitan ng pagpapasuso ng kaniyang sanggol sa kaniya at sa bote. Ang pagpapasuso sa ina, sabi ng United Nations Children’s Fund, “ang mas mahusay na mapagpipilian, kapuwa sa pisikal at ekonomikal na paraan.” Ang gatas ng ina, sabi ng mga dalubhasa, ay “ang pangunahing pagkaing pangkalusugan,” nagbibigay sa sanggol ng “tamang dami ng protina, taba, lactose, mga bitamina, mineral at katiting ng kemikal na mga elementong kailangan para sa paglaki.” Ang gatas ng ina ay nagdadala rin ng mga protinang lumalaban-sa-sakit, o mga antibody, mula sa ina tungo sa sanggol, binibigyan ang sanggol ng mahusay na panimula sa paglaban sa mga sakit.
Lalo na sa tropikal na mga bansa na may hindi malinis na mga kalagayan, ang pagsuso sa ina ang pinakamabuti. Di-gaya ng itinimplang gatas sa bote, ang gatas ng ina ay hindi maaaring palabnawin upang makatipid ng salapi, hindi maaaring magkamali sa panahon ng paghahanda nito, at ito’y laging isinisilbi mula sa isang malinis na sisidlan. Sa kabaligtaran, “ang batang pinasususo sa bote sa isang mahirap na pamayanan,” sabi ng Synergy, isang newsletter mula sa Canadian Society for International Health, “ay humigit-kumulang 15 ulit na malamang na mamatay mula sa sakit na diarrhea at apat na ulit na malamang na mamatay mula sa pulmunya kaysa isang sanggol na tanging pinasuso sa ina.”
Nariyan din ang bentaha sa ekonomiya. Sa nagpapaunlad na daigdig, mahal ang pinulbos na gatas. Sa Brazil, halimbawa, maaaring kunin ng isang batang pinasususo sa bote ang sangkalima ng buwanang kita ng mahirap na pamilya. Ang perang matitipid sa pamamagitan ng pagpapasuso sa ina ay makapaglalaan ng mas masustansiyang mga pagkain para sa buong pamilya—pati na sa ina.
Taglay ang lahat ng mga pakinabang na ito, aasahan mong darami ang inang magpapasuso. Gayunman, ang mga manggagawa sa kalusugan sa Pilipinas ay nag-uulat na ang pagpapasuso sa ina sa bansang iyon ay “lubhang nanganganib na mapawi,” at ipinakikita ng isang pag-aaral sa Brazil na isa sa pangunahing salik na nauugnay sa mga sanggol na namamatay dahil sa impeksiyon sa palahingahan ay ang “hindi pagsuso sa ina.” Gayunman, maiiwasan iyan ng iyong sanggol. May mapagpipilian ka.
Gayunman, ang mga pagsisikap ng ina na pangalagaan ang kalusugan ng sanggol ay kadalasang nasisira sa pamamagitan ng hindi malusog na gawi ng iba pang miyembro ng pamilya. Kuning halimbawa ang isang ina sa Nepal. Kasama niya sa isang maumidong silid ang kaniyang asawa at tatlong-taóng-gulang na anak na babae. Ang munting silid, sulat ng magasing Panoscope, ay punô ng usok mula sa kusina at sa tabako. Ang bata ay pinahihirapan ng impeksiyon sa palahingahan. “Hindi ko mapahinto ang paninigarilyo ng aking asawa,” himutok ng ina. “Ako ngayon ay bumibili ng sigarilyo para sa aking asawa at gamot para sa aking anak.”
Nakalulungkot nga, ang kaniyang problema ay higit at higit na nagiging pangkaraniwan habang parami nang paraming tao sa nagpapaunlad na mga bansa ay nag-aaksaya ng mahalagang kita sa pamamagitan ng paninigarilyo. Sa katunayan, para sa bawat maninigarilyo sa Europa o sa Estados Unidos na humihintong manigarilyo, dalawa katao ang nagsisimulang manigarilyo sa Latin Amerika o Aprika. Ang nakaliligaw na mga anunsiyo, sabi ng Olandes na aklat na Roken Welbeschouwd, ang masisisi. Ang mga sawikaing gaya ng “Varsity: para sa malinaw-na-pag-iisip na pakiramdam” at “Gold Leaf: napakaimportanteng sigarilyo para sa napakaimportanteng mga tao” ay kumukumbinse sa mahihirap na ang paninigarilyo ay nauugnay sa kaunlaran at kasaganaan. Subalit ang kabaligtaran ang totoo. Inuubos nito ang iyong pera at sinisira ang iyong kalusugan.
Isaalang-alang ito. Tuwing maninigarilyo ang isang tao ng isang sigarilyo, pinaiikli niya ang haba ng kaniyang buhay ng sampung minuto at dinaragdagan ang kaniyang panganib na makaranas ng atake sa puso at atake serebral, gayundin ng mga kanser sa baga, lalamunan, at bibig at iba pang sakit. Ganito ang sabi ng magasing UN Chronicle: “Ang paghitit ng tabako ang kaisa-isang maiiwasang sanhi ng maagang kamatayan at kapansanan sa daigdig.” Pakisuyong pansinin na sinasabi nitong, “maiiwasang sanhi.” Maaari mong ihinto ang paninigarilyo.
Mangyari pa, marami pang mapagpipiliang gawi na nakaiimpluwensiya sa iyong kalusugan. Ang kahon sa pahina 11 ng artikulong ito ay nagtatala ng ilang materyal na maaari mong basahin sa aklatan ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Totoo, ang pagtuturo sa iyong sarili ay nangangailangan ng pagsisikap. Gayunpaman, isang opisyal ng WHO ang nagsasabi: “Hindi maaaring magkaroon ng isang malusog na lipunan kung walang kasangkot na naliwanagang mga tao na nasabihan at naturuan tungkol sa kanilang kalusugan.” Kaya kunin mo ang libreng hakbang na ito na nagtataguyod ng kalusugan: Turuan ang iyong sarili.
Kalusugan at ang Kapaligiran sa Tahanan
Ang kapaligiran na lubhang nakaiimpluwensiya sa iyong kalusugan, sabi ng aklat na The Poor Die Young, ay ang iyong tahanan at ang iyong purok. Ang iyong kapaligiran ay maaaring maging isang panganib sa kalusugan dahil sa tubig. Ang mga impeksiyon, sakit sa balat, diarrhea, kolera, disintirya, tipus, at iba pang karamdaman ay dulot ng di-sapat at maruming tubig.
Kung sa paghuhugas ng inyong mga kamay ay wala kang gagawin kundi ang buksan lamang ang gripo, maaaring mahirap para sa iyo na isipin kung gaano karaming oras ang ginugugol sa pagkuha ng tubig araw-araw ng mga taong walang tubig sa kanilang mga tahanan. Kadalasan nang mahigit na 500 tao ang gumagamit ng isang gripo. Iyan ay nangangailangan ng paghihintay. Subalit ang mga taong may mababang-kita ay nagtatrabaho ng mahahabang oras, at ang paghihintay, sabi ng aklat na Environmental Problems in Third World Cities, “ay nag-aalis ng panahong maaari sanang gamitin sa pagkita ng salapi.” Hindi kataka-taka na upang makapagtipid ng panahon ang isang pamilya na may anim na miyembro ay kadalasang mag-uuwi ng wala pang 30 timbang tubig na kinakailangan sa bawat araw para sa gayon kalaking pamilya. Ngunit napakakaunti ng tubig para sa paghuhugas ng pagkain, pinggan, at paglalaba ng damit at para sa personal na kalinisan. Ito naman, ang humahantong sa kalagayan na umaakit ng mga kuto at langaw, na nagsasapanganib sa kalusugan ng pamilya.
Pag-isipan ang kalagayang ito. Kung ikaw ay dumedepende sa isang bisikleta upang marating ang iyong malayong trabaho, ituturing mo bang pag-aaksaya ng panahon na langisan ang kadena, ayusin ang preno, o palitan ang isang rayos linggu-linggo? Hindi, yamang talos mo na kahit na nagkakaroon ka ng ilang oras ngayon sa pagpapabaya sa mantensiyon, maaari mong mawala ang isang buong araw ng trabaho sa dakong huli kapag nasira ang iyong bisikleta. Sa katulad na paraan, maaaring makapagtipid ka ng ilang oras at kaunting salapi sa bawat linggo kung hindi ka mag-iigib ng sapat na tubig sa bawat linggo upang panatilihin ang iyong kalusugan, subalit maaaring mawalan ka ng maraming araw at salapi kapag, dahil sa hindi mabuting mantensiyon, ay manghina ang iyong kalusugan.
Ang pag-iigib ng sapat na tubig ay maaaring gawing isang proyekto ng pamilya. Bagaman maaaring isang kaugalian sa isang lugar na ang ina at mga anak ang maging mga tagaigib ng tubig, hindi ipagkakait ng isang nagmamalasakit na ama ang kaniyang lakas upang mag-igib mismo ng tubig.
Gayunman, pagdating ng tubig sa bahay, bumabangon ang pangalawang problema—kung paano ito pananatilihing malinis. Ganito ang payo ng mga dalubhasa sa kalusugan: Huwag iimbak ang tubig na iinumin at ang tubig para sa iba pang gamit sa iisang dako. Laging takpan ang sisidlang pinag-iimbakan ng tubig ng naisasarang-mabuti na takip. Hayaang tumining muna ang tubig sumandali upang lumubog sa ilalim ang mga dumi. Huwag hawakan ang tubig ng iyong mga daliri kapag sumasalok, gumamit ng isang malinis na tabo na may mahabang hawakan. Palagiang linisin ang mga sisidlan ng tubig sa pamamagitan ng isang timpla ng kloroks, at pagkatapos ay hugasang mabuti ng malinis na tubig. At ang tubig-ulan? Tiyak na ito’y isang baratilyo (kung uulan!), at ito’y maaaring malinis kung walang dumi na sasama sa tangkeng imbakan na kasama ng tubig-ulan at kung ang tangke ay naingatan mula sa mga insekto at mga daga at iba pang mga hayop.
Kung nag-aalinlangan ka kung baga ang tubig ay malinis, iminumungkahi ng WHO na lagyan mo ito ng bagay na naglalabas-ng-chlorine, gaya ng sodium hypochlorite o calcium hypochlorite. Ito’y mabisa, at mura pa. Sa Peru, halimbawa, ang paraang ito ay nagkakahalaga ng wala pang dalawang dolyar sa isang taon sa isang karaniwang pamilya.
Kalusugan at Pangangalagang Pangkalusugan
Karaniwan nang nakikita lamang ng mahihirap ang dalawang anyo ng pangangalagang pangkalusugan: (1) makukuha subalit hindi naman kaya ng bulsa at (2) kaya ng bulsa subalit hindi naman makukuha. Si Donna Maria, isa sa halos 650,000 maninirahan sa slum sa São Paulo, ay nagpapaliwanag sa unang nabanggit: “Para sa amin, ang mabuting pangangalagang pangkalusugan ay tulad ng isang bagay na nakadispley sa isang iskaparate sa isang maluhong pamilihan. Maaari namin itong tingnan, subalit hindi namin ito kaya.” (Magasing Vandaar) Oo, si Donna Maria ay nakatira sa isang lungsod kung saan ang mga ospital ay nag-aalok ng heart-bypass na mga operasyon, mga transplant, mga CAT scan, at iba pang high-tech na medisina. Gayunman, para sa kaniya, ang mga bagay na ito ay hindi kaya ng bulsa.
Kung ang hindi kaya ng bulsa na pangangalagang pangkalusugan ay tulad ng isang bagay na de luho sa isang pamilihan, kung gayon ang kaya ng bulsang pangangalagang pangkalusugan ay tulad ng isang murang bagay na sabay-sabay na inaabot ng nagsisikuháng mga mamimili. Ganito ang sabi ng isang ulat ng balita kamakailan sa isang bansa sa Timog Amerika: ‘Ang mga maysakit ay pumipila sa loob ng dalawang araw upang magpagamot. Walang mga bakanteng kama. Ang mga ospital ng bayan ay walang salapi, medisina, at pagkain. Ang sistema ng pangangalaga-sa-kalusugan ay may problema.’
Upang mapabuti ang gayong may depektong pangangalagang pangkalusugan para sa masa, unti-unting inililipat ng WHO ang gawain nito mula sa pagsupil ng sakit tungo sa pagtataguyod ng kalusugan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao hinggil sa pag-iingat at pagsawata sa mga sakit. Ang mga programang nagtataguyod ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, gaya ng tamang pagkain, malinis na tubig, at mahalagang sanitasyon, sulat ng UN Chronicle, ay nagbunga ng “isang malaking pagsulong sa pangglobong kalusugan.” Kapaki-pakinabang ba ang mga programang ito sa iyo? Ang isa rito ay maaaring kapaki-pakinabang sa iyo. Alin? Ang EPI (Expanded Program on Immunization).
“Ang tagapagbakuna ang humalili sa kartero bilang ang pinakapamilyar na dumadalaw sa tahanan at sa nayon,” sabi ng isang ulat tungkol sa EPI. Sa nakalipas na sampung taon, ang mga bakuna ay isinagawa mula sa ilog ng Amazona hanggang sa kabundukan ng Himalayas, at noong 1990, ang WHO ay nag-ulat, 80 porsiyento ng mga sanggol sa daigdig ay nabakunahan laban sa anim na pumapatay na mga sakit.a Taun-taon, ang EPI ay nagliligtas ng mga buhay ng mahigit na tatlong milyong bata. Isa pang 450,000 na maaari sanang nalumpo ng sakit ay nakalalakad, nakatatakbo, at nakapaglalaro. Kaya, upang maiwasan ang mga sakit, maraming magulang ang gumagawa ng personal na pasiya na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Kung minsan hindi mo maiiwasan ang isang karamdaman, subalit maaari mo pa rin itong supilin. “Tinatayang mahigit na kalahati ng lahat ng pangangalagang pangkalusugan,” sabi ng magasing World Health, “ay pangangalaga-sa-sarili o pangangalagang inilalaan ng pamilya.” Isang anyo ng gayong pangangalaga-sa-sarili ay isang simple, murang timpla ng asin, asukal, at malinis na tubig na tinatawag na oral rehydration solution (ORS).
Itinuturing ng maraming propesyonal sa kalusugan ang oral rehydration therapy, kasama na ang paggamit na ORS, bilang ang pinakamabisang paggamot para sa pagkaubos ng tubig sa katawan dahil sa diarrhea. Kung gagamitin sa buong daigdig upang sugpuin ang 1.5 bilyong kaso ng diarrhea na nangyayari taun-taon sa nagpapaunlad na mga bansa, isang maliit na pakete ng ORS na asin na nagkakahalaga lamang ng sampung cents ay makapagliligtas ng buhay ng marami sa 3.2 milyong bata na namamatay dahil sa sakit na diarrhea taun-taon.
Maaari nga, ngunit ang paggamit ng mga gamot laban sa diarrhea sa ilang bansa, sabi ng Essential Drugs Monitor, isang newsletter ng WHO, ay “mas pangkaraniwan pa kaysa paggamit ng ORS.” Sa ilang nagpapaunlad na mga bansa, halimbawa, ang mga gamot ay tatlong ulit na madalas na ginagamit upang gamutin ang diarrhea kaysa ORS. “Ang di-kinakailangang paggamit ng mga gamot ay totoong magastos,” sabi ng newsletter. Maaari pa ngang ipagbili ng mahihirap na pamilya ang pagkain para sa layuning ito. Isa pa, ito’y nagbababala, ang mga gamot na laban sa diarrhea ay walang napatunayang praktikal na halaga, at ang ilan ay mapanganib. “Hindi dapat magreseta ng gayong gamot ang mga doktor, . . . at hindi ito dapat bilhin ng mga pamilya.”
Sa halip na imungkahi ang mga gamot, ang WHO ay nag-aalok ng sumusunod para sa paggamot ng diarrhea. (1) Iwasan ang pagkaubos ng tubig sa katawan sa pagbibigay sa bata ng higit na likido, gaya ng am o tsaa. (2) Kung nauubos pa rin ang tubig sa katawan ng bata, makipagkita sa isang manggagawang pangkalusugan para sa pagtatasa, at gamutin ang bata sa pamamagitan ng ORS. (3) Pakanin ang bata nang normal sa panahon at pagkatapos ng pagkakasakit ng diarrhea. (4) Kung ang bata ay lubhang natuyuan ng tubig sa katawan, dapat siyang bigyan ng tubig sa pamamagitan ng suwero.b
Kung hindi ka makakuha ng nakapakete nang ORS, maingat na sundin ang payak na resipe: Paghaluin ang isang kutsaritang asin, walong kutsaritang asukal, at isang litro (limang tasang tig-200 mililitro) ng malinis na tubig. Painumin ng isang tasa sa bawat pagkukurso, kalahati niyan para sa munting bata. Tingnan ang kahon sa pahina 10 para sa higit pang impormasyon tungkol sa bagay na ito.
Kumusta naman, ang tungkol sa ikaapat na salik, ang ating biyolohikal na kayarian? Paano ito maaaring maimpluwensiyahan? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.
[Mga talababa]
a Ang anim na pumapatay na mga sakit ay dipterya, tigdas, poliomyelitis, tetano, tuberkulosis, at tusperina. Inirerekomenda ng WHO na ang hepatitis B, na pumapatay ng mas maraming tao kaysa pinapatay ngayon ng AIDS, ay maaari ring isama sa mga programa ng pagbabakuna.
b Pisilin ang balat ng bata sa tiyan. Kung ang balat ay gumugugol ng mahigit na dalawang segundo upang bumalik sa normal na kalagayan, ang bata ay malamang na lubhang natutuyuan ng tubig sa katawan.
[Kahon sa pahina 8, 9]
PANGUNAHING PANGANGALAGANG PANGKALUSUGAN—PAANO ITO GUMAGANA?
Upang malaman ang sagot sa tanong na ito, ang Gumising! ay nakipag-usap kay Dr. Michael O’Carroll, isang kinatawan ng WHO sa Timog Amerika. Ang sumusunod ay ilang halaw.
‘MINANA natin ang isang sistema ng pangangalagang-pangkalusugan salig sa idea na ang pangangalagang pangkalusugan ay pangunahin nang binubuo ng medikal na paggamot. Kung ikaw ay may sakit, ikaw ay nagtutungo sa isang doktor. Nakalimutan mo ang bagay na ikaw ay uminom ng dalawang bote ng alak. Nakalimutan mo na ikaw ay hindi kailanman nag-ehersisyo. Nagtutungo ka sa doktor at sinasabi mo: “Doktor, gamutin po ninyo ako.” Pagkatapos may ipinaiinom sa iyong gamot ang doktor, binibigyan ka ng iniksiyon, may inaalis sa pamamagitan ng operasyon, o may ikinakabit sa iyo. Ngayon, ako’y nagsasalita nang magaspang, gaya ng mauunawaan mo, upang maipaunawa lamang sa iyo, subalit ang uring ito ng medikal na pamamaraan ay umiral na. Itinuring natin ang mga problema ng lipunan bilang medikal na mga problema. Ang pagpapatiwakal, malnutrisyon, at pag-abuso sa droga ay naging medikal na mga problema. Subalit hindi ito medikal na problema. Ang mga ito ay hindi pa nga mga problemang pangkalusugan. Ang mga ito ay mga problemang panlipunan na may pangkalusugan at medikal na mga resulta.
‘Pagkatapos, sa loob ng nakalipas na 20 taon, ang mga tao ay nagsasabi, “Hey, huminto tayo at muling isaalang-alang ang mga bagay. Ginagawa natin ang mga bagay sa maling paraan. Kailangang baguhin natin ang ating pangmalas hinggil sa kalusugan.” Ang ilang simulaing pumapailalim sa pangunahing-pangangalagang-pangkalusugan na pamamaraan ay nagawa, gaya ng:
‘Mas makatao at mas mura sa kalaunan na iwasan ang sakit kaysa gamutin ito. Halimbawa, labag sa simulaing ito ang magtayo ng isang klinika upang magsagawa ng operasyon sa puso kung wala kang ginagawa tungkol sa mga sanhi nito. Hindi iyan nangangahulugan na hindi mo gagamutin ang mga sakit kapag lumitaw ito. Mangyari pa ay gagamutin mo. Kung may butas sa kalye na nagiging sanhi ng mga aksidente bawat araw ng linggo, gagamutin mo ang kawawang tao na nahuhulog at nababalian ng paa, subalit ang mas makatao at mas murang bagay na gawin ay: Tambakan ang butas.
‘Ang isa pang simulain ay ang mabisang gamitin ang iyong mga yamang pangkalusugan. Labag sa simulaing ito na ipadala ang isa sa isang klinika para sa isang problema na maaaring lutasin sa tahanan. O ipadala ang isa sa isang modernong ospital upang lunasan ang isang problema na maaari namang lunasan sa isang klinika. O ipadala ang isang doktor, na sinanay sa loob ng sampung taon sa isang unibersidad, na lumabas at magbakuna samantalang mayroon namang sinanay ng anim na buwan upang gawin ang gawain ding iyan. Kung kakailanganin ang paglilingkod ng doktor na isagawa ang isang gawain na siya niyang pinagsanayan, dapat na naroroon siya. Iyan ang sinasabi sa atin ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan: Turuan ang mga tao, iwasan ang mga sakit, at may katalinuhang gamitin ang iyong mga yamang pangkalusugan.’
[Kahon sa pahina 10]
ISA PANG ORS PARA SA KOLERA
Inirerekomenda ngayon ng WHO na ang ORS (oral rehydration solution) mula sa am, sa halip na ang pamantayang ORS mula sa glucose, ang gamitin sa paggamot sa mga pasyente ng kolera. Ipinakikita ng mga pag-aaral na nabawasan ng 33 porsiyento ang pagkukurso ng mga pasyenteng may kolera na ginamot ng ORS na mula sa am at nagkaroon ng mas maiikling pagsumpong ng diarrhea kaysa mga pasyenteng binigyan ng karaniwang ORS. Ang isang litro ng ORS na mula sa am ay ginagawa sa pamamagitan ng paghahalili sa dalawampung gramo ng asukal ng limampu hanggang walumpung gramo ng nilutong pinulbos na bigas.—Essential Drugs Monitor.
[Kahon sa pahina 11]
HIGIT PANG PAGBASA TUNGKOL SA . . .
Gawi: “Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?” (Gumising!, Disyembre 8, 1989) “Tabako at ang Inyong Kalusugan—Talaga Bang May Kaugnayan?” (Gumising!, Hulyo 8, 1989) “Pagtulong sa mga Bata na Manatiling Buháy!” (Gumising!, Setyembre 22, 1988) “Kung Ano ang Ginagawa ng Alkohol sa Iyong Katawan”—Gumising!, Setyembre 8, 1980.
Kapaligiran: “Pagharap sa Hamon ng Kalinisan” (Gumising!, Setyembre 22, 1988) “Manatiling Malinis, Manatiling Malusog!”—Gumising!, Pebrero 22, 1978.
Pangangalagang pangkalusugan: “Iba Pang Nagliligtas-Buhay na Hakbang” (Gumising!, Setyembre 22, 1988) “Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!”—Gumising!, Pebrero 22, 1986.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pag-iigib ng tubig ay nangangailangan ng paghihintay at paggawa
[Credit Line]
Mark Peters/Sipa Press
[Larawan sa pahina 9]
Sapat na malinis na tubig—mahalaga para sa mabuting kalusugan
[Credit Line]
Mark Peters/Sipa Press