Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 4/8 p. 15-18
  • Ang Pakikipag-usap ay Isang Sining

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pakikipag-usap ay Isang Sining
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan Nating Magsalita!
  • Mga Hadlang sa Pakikipag-usap
  • ‘Ano ang Maaari Kong Sabihin?’
  • Maging Isang Mahusay na Tagapakinig
  • Ang Taimtim na Interes ay Nagkakamit ng Tugon
  • Empatiya​—Ang Pundasyon ng Pakikipag-usap
  • Magagawa Mo Ito!
  • Kung Paano Mapasusulong ang Kakayahang Makipag-usap
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Paano Ko Mapasusulong Pa ang Pakikipag-usap?
    Gumising!—1989
  • Dapat Mo Na Bang Tapusin ang Pag-uusap?
    Mahalin ang mga Tao—Gumawa ng mga Alagad
  • Paano Ako Mas Gagaling Makipag-usap?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 4/8 p. 15-18

Ang Pakikipag-usap ay Isang Sining

ANG pagkain, pagtulog, pagtatrabaho, ang mga ito ay pangunahing mga pangangailangan ng tao. Gayunman, isa pang pangangailangan ang lubhang kailangang masapatan. Ano ito?

Isaalang-alang ang mga salita ng isang tao na gumugol ng limang taon sa isang bartolina, pinagkaitan ng isa sa pinakamahalagang pangangailangan sa buhay. “Inasam-asam ko ang magkaroon ng kasama, isa na makakausap,” sabi niya. “Natanto ko na kailangan kong gumawa ng isang bagay upang masawata ko ang kalumbayan. Sa aking pag-iisa at katahimikan, ang aking isip ay maaapektuhan.”

Oo, tayo ay may katutubong pangangailangan na makipagtalastasan. Ang pakikipag-usap ay tumutulong upang sapatan ang pangangailangang iyan. Ang mga mananaliksik na sina Dennis R. Smith at L. Keith Williamson ay nagkokomento: “Kailangan natin ang mga tao na mapagtatapatan natin, na mababahaginan natin ng ating pinakamatinding mga kagalakan at ng ating pinakanakababalisang mga pangamba, na makakausap natin.”

Kailangan Nating Magsalita!

Ang mga tao ay pinagkalooban ng kahanga-hangang regalo ng pagsasalita. Oo, tayo’y dinisenyo upang makipag-usap. Isang lalaki ang gumawa ng ganitong obserbasyon: “Tayo’y nilalang ng Diyos upang makihalubilo. Kung wala kang pagkakataong magsalita, o may nag-alis sa iyo ng iyong kakayahang makipagtalastasan, para itong parusa. Kapag ikaw ay nakikipag-usap, isang mahalagang bagay ang nangyayari. Mas mabuti ang pakiramdam mo tungkol sa iyong sarili, at ikaw ay nakikinabang sa pagkaalam ng kung ano ang iniisip at nadarama ng iba.”

Si Elaine, ang asawa ng isang naglalakbay na ministro, ay nagsasabi: “Ang mga salita ay nagpapahayag ng mga damdamin. Hindi natin maaaring ipalagay na nalalaman ng ating kabiyak kung gaano kamahal siya sa atin. Kailangan itong sabihin; kailangang marinig ng ating mga tainga ang mga salita. Kailangan nating makipag-usap.”

Ganito ang sabi ni David, ang anak ng isang Kristiyanong matanda: “Kung minsan ako’y nasisiraan ng loob at talagang hindi ko alam kung ano ang nadarama ko. Ang una kong tendensiya ay manahimik, pagkatapos sumisidhi ang emosyonal na kaigtingan sa loob ko. Nasusumpungan ko na kung ako’y makikipag-usap sa isa, para itong pagpapalabas ng kaigtingan. Habang ako’y nagsasalita, nagkakaroon ako ng pagkakataon na malaman kung ano talaga ang nadarama ko tungkol sa aking sarili at napakikitunguhan ko ito at nakasusumpong ng lunas.”

Mga Hadlang sa Pakikipag-usap

Oo, sinasapatan ng pakikipag-usap ang isang pangangailangan. Gayunman, may mga hadlang sa pakikipag-usap. Sa katunayan, para sa ilan, ang pakikipag-usap ay nagiging isang pakikipagpunyagi​—isang gawain na dapat iwasan.

“Karamihan ng buhay ko,” sabi ni Gary, “nasumpungan kong mas mabuting iwasan ang pakikipag-usap sa ibang tao.” Paliwanag niya: “Ang pangunahing dahilan ay ang aking kakulangan ng pagtitiwala. Pinahihirapan pa rin ako ng takot na kapag ako’y nakikipag-usap sa mga tao, para akong mangmang o na baka ako maliitin dahil sa sinabi ko.”

Inilalarawan ni Elaine ang kaniyang problema bilang ang pagkamahiyain. Sabi niya: “Ako’y pinalaki sa isang pamilya kung saan walang makabuluhang pag-uusap. Ang aking ama ay lubhang nakatatakot. Kaya habang ako’y lumalaki, nadama kong wala akong mahalagang sasabihin.” Oo, ang pagkamahiyain ay maaaring magbunga ng mahihirap na hadlang upang masiyahan sa pakikipag-usap. Aba, maaari kang ikulong nito sa mga pader ng katahimikan!

“Para itong isang salot,” sabi ni John, isang Kristiyanong matanda na umaaming nakikipagpunyagi sa mababang pagpapahalaga-sa-sarili. “Kung padaraig ka sa pagkamahiyain, ibubukod mo ang iyong sarili. Kahit na kung may isang daang tao sa loob ng isang silid, hindi ka makikipag-usap. At malaki ang mawawala sa iyo!”

Sa kabilang dako, ganito ang sabi ng isang matanda na nagngangalang Daniel: “Wala akong problema pagdating sa pagsasalita. Subalit bago ko pa matalos ito, nakasabad na ako at nasasarili ko na ang usapan. Natalos ko ito nang makita ko ang tingin na iyon sa mukha ng aking asawa, at naisip ko, ‘Oh, hindi, nasasarili ko na naman ang usapan.’ Alam kong ang kaniyang kagalakan ay nawala na sa iba pang pag-uusap.”

Paano mapagtatagumpayan ang mga ito at ang iba pang mga hadlang sa pakikipag-usap? Anong mga katangian ang mahalaga sa sining na ito? Paano ito maikakapit?

‘Ano ang Maaari Kong Sabihin?’

‘Ano ang maaari kong sabihin?’ ‘Wala akong nalalaman.’ ‘Wala namang gustong makinig sa sasabihin ko.’ Bagaman naiisip mo ito, malamang na hindi ito totoo. Marami kang nalalaman kaysa natatanto mo, at ang ilang impormasyong iyan ay malamang na kawili-wili sa iba. Halimbawa, marahil ay naglakbay ka kamakailan sa ibang lugar. Maaaring gustong malaman ng mga tao kung paano maihahambing ang lugar na iyon sa kung saan sila nakatira.

Karagdagan pa, maaari at dapat mong dagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa iba’t ibang paksa sa pamamagitan ng pagbabasa. Mabuting kaugalian ang maglaan ng panahon upang magbasa araw-araw. Ang literatura ng mga Saksi ni Jehova ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa Bibliya gayundin tungkol sa mga paksang kawili-wili sa karamihan. Mientras mas maraming impormasyon kang natatamo, mas marami kang maibabahagi. Ang mainam na halimbawa ay ang pang-araw-araw na teksto sa bukletang Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Sa bawat araw, ito ay magbibigay sa iyo ng isang bagay na kakaiba upang pag-isipan at gamitin sa pakikipag-usap.

Sa pakikipag-usap ay hindi naman nangangahulugang sosolohin ng isang tao ang pagsasalita. Dapat ipahayag ng dalawang panig ang kanilang mga kaisipan at mga damdamin. Hayaang magsalita ang isa. Kung siya ay tahimik, maaari mo siyang himuking magsalita sa pamamagitan ng mataktikang mga tanong. Ipagpalagay nang ikaw ay nakikipag-usap sa isang nakatatandang tao. Maaari mong itanong sa kaniya ang tungkol sa mga pangyayari noon at kung paanong ang daigdig o ang buhay pampamilya ay nagbago mula noong kaniyang kabataan. Masisiyahan kang makinig sa kaniya, at matututo ka.

Maging Isang Mahusay na Tagapakinig

Ang pakikinig nang mabuti ay isang mahalagang katangian sa pakikipag-usap. Ang paraan ng ating pakikinig sa iba ay makatutulong doon sa mga nagsisikap na matulungan sa kanilang mga pasanin. Isang lalaki, na itinuturing ang kaniyang sarili na ‘walang kuwenta,’ ay nakadaramang siya’y miserable kaya tinawagan niya sa telepono ang isang kaibigan para humingi ng tulong. Bagaman ito ay lubhang hindi kombinyenteng panahon, ang kaibigan ay may kabaitang nakinig​—sa loob ng dalawang oras! Itinuturing ngayon ng lalaki ang pakikipag-usap na iyon na isang malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Ano ang nakatulong sa tagumpay na iyon? “Ang basta pagiging isang mahusay na tagapakinig,” sabi ng kaibigang matamang nakikinig. “Hindi ko nagugunita ang pagsasabi ng anumang mga salita ng karunungan. Nagtanong lamang ako ng angkop na mga tanong, ‘Bakit ganiyan ang nadarama mo?’ ‘Bakit iyan bumabagabag sa iyo?’ ‘Ano ang maaaring makatulong?’ Sinagot niya ang lahat ng kaniya mismong mga katanungan nang sagutin niya ang mga tanong ko!”

Pinahahalagahan ng mga anak ang mga magulang na gumugugol ng panahon upang makipag-usap sa kanila. Isang binatilyong nagngangalang Scott ang nagkokomento: “Nakabubuti kapag ang iyong mga magulang ay lumalapit sa iyo at inaalam kung ano ang bumabalisa sa iyo. Ganiyan nga ang ginagawa ni Itay kailan lamang, at ito’y nakatutulong sapagkat may mga bagay na talagang hindi mo makaya sa ganang sarili.”

“Dapat kang lumikha ng isang kapaligiran na doon ang iyong mga anak ay makikipag-usap sa iyo,” mungkahi ng isang lalaki. Siya’y regular na gumugugol ng panahon na mag-isa na kasama ng bawat isa sa kaniyang apat na mga anak sapagkat inaakala niyang ang matama, madamaying pakikinig ng mga magulang ay mahalaga upang ang mga kabataan ay magkaroon ng mahusay na mga personalidad. Ang kaniyang mungkahi? Kapag bumabangon ang mga pagkakataon at nais ng isang bata na makipag-usap, maging handang makinig. “Gaano man ang iyong pagod o ikaw ay nabibigatang lubha, huwag na huwag sugpuin ang kanilang pakikipag-usap! Makinig,” ang sabi niya.

Ang Taimtim na Interes ay Nagkakamit ng Tugon

Maraming tao ang nangangailangan ng emosyonal na tulong upang makipag-usap at ipahayag ang kanilang mga sarili sa pakikipag-usap. Ganito ang himutok ng isang kabataang lalaki: ‘Kailangan kong makipag-usap sa isang tao, ngunit sino ang malalapitan ko? Hindi madali para sa akin ang makipag-usap. Kailangan ko ang isa na interesadong makipag-usap sa akin!’ Ang tunay, taimtim na interes ay makalilikha ng isang nagtitiwala at tiwasay na kapaligiran kung saan mas madali para sa isang tao na makipag-usap at isiwalat ang kaniyang mga damdamin sa iba.

Ganito ang sabi ng isang lalaki: “Maraming taon na ang lumipas, nang ako’y nagkakaproblema sa pagharap sa mga kalagayan ng pamilya, sinikap kong makipag-usap sa isang kaibigan. Ang sinabi niya lamang ay, ‘Tiisin mo ang hindi kaayaayang kalagayan at magpakatibay ka at ang lahat ay magiging maayos.’ Walang salitaan, walang usapan, at ito’y hindi nakatutulong. Sa katunayan ay naudyukan lamang ako nitong manahimik. Kabaligtaran niyan, nang maglaon ay nakipag-usap ako sa isang tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Sa kaniyang mga tingin, ekspresyon ng kaniyang mukha, at ang kaniyang mabait na paraan, alam kong siya ay madamayin. Bunga nito, nasumpungan ko ang aking sarili na nagsasabi ng aking niloloob at higit na nakikipag-usap sapagkat siya’y taimtim na interesado. Sabi niya: ‘Gagawin namin ang lahat ng aming magagawa upang tulungan ka sa iyong kalagayan.’ Ikaw ay tumutugon sa mga taong gaya niyan!”

Magagawa ba ng marami sa atin na buksan ang ating mga puso at himukin ang iba na makibahagi sa makabuluhang usapan? Kung may makita tayong isa na hindi nakikibahagi sa usapan ng isang grupo, masyadong mahiyain upang makipag-usap, sinisikap ba nating isama ang taong iyon sa ating usapan? Ganito ang sabi ni John, na nabanggit kanina: “Nadarama ko ang damdaming iyon ng pagkamahiyain sapagkat ako’y may empatiya sa kaniya, at ako’y nakikiramay sa paghihirap niya!” Susog pa niya: “Anong pagkahala-halaga nga na maantig ang ating damdamin na lapitan siya at isangkot siya sa usapan. Maaari pa nga tayong manalangin nang tahimik tungkol sa bagay na ito.”

Ganito ang sabi ni Dan tungkol sa isang kaibigan: “Si Roy ay walang gayong pagtitiwala sa kaniyang kakayahan na makipag-usap anupat kapag nag-uusap ang isang grupo, lagi siyang lumalayo ng mga ilang hakbang. Kaya tatanungin ko siya, ‘Siyanga pala, Roy, ano ba yaong sinabi mo tungkol dito o doon?’ Saka siya magsisimulang magsalita. Bunga nito, nakita ng iba ang isang bahagi ng kaniyang personalidad na wala silang kabatiran.” Si Dan ay nagpapayo: “Huwag kayong susuko kapag ang isang tao ay mahirap kausapin at magsalita. Isaisip na may mabuting tao na nasa loob na nais makipag-usap. Basta patuloy siyang himuking magsalita at ipagpatuloy ito.”

Sa paglinang ng isang maibigin, taimtim na interes sa iba, ikaw ay makikinabang​—kahit na kung ikaw ay may problema ng pagkamahiyain. Nasumpungan ni John na ito ay nakatulong sa kaniya na mapagtagumpayan ang hilig na ibukod ang kaniyang sarili. “Ang pag-ibig ay hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito,” aniya. (1 Corinto 13:5) “Upang magawa ang maibiging bagay, dapat kang makipag-usap at magtanong tungkol sa iba. Ang pagsuko sa iyong mga kakulangan ay hindi dapat. May pananalanging mapagtatagumpayan mo ang iyong personal na mga hilig.” Sabi pa niya: “May malaking gantimpala sa paggawa nito. Kapag nakikita mo ang iba na tumutugon at napapansin mo kung paanong sila’y napalalakas, ikaw man ay napatitibay. At iyan ay dapat na mag-udyok sa iyo na lapitan ang isang taong mahiyain sa susunod na pagkakataon at sa susunod pang pagkakataon.”

Empatiya​—Ang Pundasyon ng Pakikipag-usap

Kabilang sa lubhang pinahahalagahang katangian ng tao ay ang empatiya. Ano bang talaga ang empatiya? Si Dr. Bernard Guerney ng Pennsylvania State University ay nagsasabi na ang empatiya ay ‘ang kakayahang maunawaan ang mga damdamin at punto de vista ng isang tao​—ikaw man ay sumasang-ayon o hindi sa kaniya.’ Gaano kahalaga ang empatiya sa pakikipag-usap? “Iyan ang pundasyon! Iyan ang pundasyon kung saan ang lahat ng iba pang bagay ay nakatayo.”

Si Dr. Guerney ay nagpapaliwanag na ang pakikipag-usap ay kailangang-kailangan sa lahat ng mabuting mga kaugnayan. Mangyari pa, ang pagkakaiba ng mga opinyon ay karaniwan. Upang malutas ang mga ito at panatilihin ang kaugnayan, dapat na handa nating pag-usapan ang problema. Iniiwasan iyan ng marami sapagkat hindi nila alam kung paano magsasalita nang hindi ginagawa ang isang tao na depensibo at galit. Ayon kay Dr. Guerney, “naipagkakamali ng maraming tao ang pagpapahalaga at paggalang sa katayuan ng isang tao sa pagsang-ayon sa katayuang iyon. Kaya, kapag sila’y hindi sumang-ayon, sila’y hindi nagpapakita ng pagpapahalaga at paggalang. Ipinahihintulot ng empatiya na makilala mo ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsang-ayon at pagpapahalaga.”

Sa pamamagitan ng paglalagay mo ng iyong sarili sa kalagayan ng isang tao sa mental na paraan, ikaw ay nakadarama at nag-iisip na gaya niya. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, masusumpungan mong ang pag-unawa, pagpapahalaga, at paggalang ay maaaring umunlad, kahit na kung ikaw ay hindi sumasang-ayon.

Isaalang-alang si Janet, isang ina ng apat na anak. Noong minsan ay sirang-sira ang loob niya at inaakala niyang siya’y walang-silbi. Talos niya ngayon kung gaano kahalaga ang empatiya sa pagtulong sa isa. Sabi niya: “Natatandaan ko ang aking asawa na nakikipag-usap sa akin at ipinaliliwanag ang lahat ng iba’t ibang paraan na doon ako’y naging matulungin, samantalang ang akala ko ang aking mga ginawa ay nauwi lamang sa wala. Napakamaibiging dininig niya ako samantalang ako’y umiiyak, at saka niya ako pinatibay. Ngunit kung minaliit niya ang aking iniisip o sinabing ‘Oh, walang kuwenta iyan,’ o nagsabi ng katulad niyan, mananahimik ako nang husto at aalis na mag-isa. Sa halip, nang gabing iyon kami ay nagkaroon ng isang napakahaba, makabuluhang pag-uusap.”

‘Ipinakikita ng empatiya na ikaw ay nagmamalasakit. Iyan ay nagpapaunlad ng komunikasyon, ang pinalawak na uri ng usapan na nais at kailangan ng karamihan ng mga tao,’ hinuha ni Dr. Guerney.

Magagawa Mo Ito!

Ikaw ay maaaring maging mahusay sa pakikipag-usap. Naisaalang-alang natin ang ilang mahahalagang bagay upang maging dalubhasa sa sining ng pakikipag-usap, subalit marami pang iba. Kasali rito ang pagiging palakaibigan, may ugaling mapagpatawa, at taktika, upang banggitin lamang ang ilan. Subalit tulad ng isang pintor, na sa pamamagitan ng pagsasanay at may kasanayang paggawa ay ginagamit ang kaniyang pinsél sa kanbas upang lumikha ng isang magandang obra-maestra, kailangang magsumikap tayo sa pagpapaunlad ng kinakailangang mga katangiang ito.

Halimbawa, si Daniel ay naging mahusay sa pakikipag-usap. Paano? Sa pagkatutong supilin ang kaniyang hilig na sumabad at solohin ang mga usapan. Sabi niya: “Kailangan kong pagsumikapang huwag solohin ang usapan. Para sa akin, iyan ay nangangahulugan ng pagpipigil sa aking dila. Kapag nasusumpungan ko ang aking sarili na nagnanais magdagdag ng ibang bagay, mental na sinusupil ko ito! Kung iniisip ko na ang isang komento ay babago sa direksiyon ng usapan o mag-aalis ng kakayahan ng isa na magsalita, hindi ko na sinasabi ito!”

Ano ang tumulong kay Elaine? Pagkatapos magkamit ng tumpak na kaalaman tungkol sa Bibliya, natalos niya na mayroon siyang mahalaga at kapaki-pakinabang na bagay na sasabihin. Sabi niya: “Nasumpungan ko na kung aalisin ko ang pansin sa aking sarili at magsasalita tungkol sa espirituwal na mga bagay sa iba, ako’y higit na nagiging palagay sa pakikipag-usap. Nakatutulong din ang magbasa ng salig-Bibliyang literatura na tinatanggap natin nang palagian. Kapag ako’y nakikialinsabay sa mga iyon, mayroon akong bagong bagay na maibabahagi at mas madali akong makipag-usap.”

Sikaping linangin ang mahahalagang katangiang ito sa iyong pakikipag-usap. Kung gayon ikaw man ay maaaring magbigay ng kaginhawahan at kaluguran sa iba at magkakaroon ka ng kasiyahan sa pagdadalubhasa sa isang sining na talagang sinasapatan ang isang pangangailangan ng tao.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share