Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 5/22 p. 23-25
  • Paano Ko Mapasusulong Pa ang Pakikipag-usap?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Mapasusulong Pa ang Pakikipag-usap?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagdaig sa Pagkamahiyain
  • Ano Naman Kung Ikaw ay Hindi Maunawaan?
  • Ang Pangangailangan ng Empatiya
  • Pag-uumpisa ng Usapan
  • Ang Pakikipag-usap ay Isang Sining
    Gumising!—1995
  • Kung Paano Mapasusulong ang Kakayahang Makipag-usap
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Bakit Ako Lubhang Mahiyain?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Ako Magiging Higit na Palakaibigan?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 5/22 p. 23-25

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Mapasusulong Pa ang Pakikipag-usap?

ANG kabataang si Sharon ay likas na maramdamin at mahiyain. Ipinagtapat niya sa isang pakikipanayam sa Gumising!: “Kapag ako’y ipinakikilala, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Ayaw kong may masabi akong mali at marahil ay makabalisa sa tao.” Para sa mahiyaing mga kabataan, gaya ni Sharon, nangangailangan ng tunay na pagsisikap upang makipag-usap.

Para naman sa iba, ang etnikong pagkakaiba ay maaaring maging isang hadlang sa pakikipag-usap. Isaalang-alang ang kaso ni Lucas, isang itim na kabataang taga-Timog Aprika, na naging bahagi ng mga kawani na mula sa iba’t ibang lahi na naglalathala ng magasing ito sa lokal na mga wika ng bansang iyon. “Lubhang nakasisindak,” sabi niya, “para sa isang itim na pumarito at maupo sa mesa at kumain na kasama ng mga puti. Ang pagpunta rito at pamumuhay na kasama ng mga puti ay nagdulot sa akin ng nerbiyos dahil sa mayroon kaming iba’t ibang pinagmulan. Tatanggapin kaya ang aking sasabihin? Nangangailangan ng panahon upang madaig ko ang damdaming iyon.”

Kahit na sa loob ng iisang etnikong grupo kung minsan ay may mga sagwil sa pakikipag-usap. Gaya ng nagugunita ng isang taga-Timog Aprika, na nagngangalang Pieter: “Lumaki ako sa bukid at pagkatapos ang aming pamilya ay lumipat sa bayan. Masasabi ko ang tungkol sa buhay sa bukid subalit ang buhay sa bayan ay lubhang kakaiba. Nasumpungan ko ang aking sarili na manghang-manghang nakikinig sa pag-uusap ng aking mga kaibigan, at tumatahimik na lamang ako.”

Kung mayroon kang problema na kahawig ng isa na nabanggit sa itaas, ano ang magagawa mo?

Pagdaig sa Pagkamahiyain

Nadarama mo bang ikaw ay natatabunan kapag kasama ka ng iba? Lakasan mo ang iyong loob, ito ay karaniwang sintomas ng paglaki. Ang mga panahon ng tin-edyer ang panahon ng kabatiran-sa-sarili​—kapag ang mga kabataan ay nagiging lubhang nag-aalala sa kung ano ang palagay sa kanila ng iba. Kadalasan iniiwasan nila ang pagiging tampulan ng pansin at halos hindi sila nagsasalita.

“Ang pagkamahiyain,” sabi ni Dr. Tony Lake sa kaniyang aklat na Loneliness, “ay isang uri ng proteksiyon. Ang mahiyaing tao ay naililigtas sa paggawa ng pagkakamali sapagkat ang pagkamahiyain ay pumipigil sa gayong tao na mangahas na magmukha o magtinging mangmang.” Ang isipin lamang na makisama sa isang pag-uusap ay nakapagpapapawis sa mahiyaing mga tao! Talagang hindi sila magkaroon ng lakas ng loob na magsalita. O, kung makapagsalita man sila, nabubulol sila. Ang mga nakikinig ay maaaring magtaka o magtawa pa nga. Kung mangyari ito sa iyo, ano ang dapat mong gawin?

“Ang sagot,” sabi ni Dr. Lake, “ay bigyan ng panahon ang ating sarili, at huwag magkakamaling isipin na mayroong mali sa atin. Dapat nating ituon ang ating isip sa pakikinig hanggang sa inaakala nating handa na tayong makipag-usap sa anumang haba.” (Ihambing ang Santiago 1:19.) Ang positibong paraan na ito ay nakatulong sa marami, gaya ng mahiyaing si Irene. “Maingat akong nakikinig sa pag-uusap ng ibang tao,” sabi niya, “upang matuto ako rito. Pagkatapos nagsasaliksik at nag-aaral ako upang magkaroon ako ng higit na impormasyon. Kung bumangon muli ang paksang iyon, nakapagsasalita ako tungkol dito.”

Ano Naman Kung Ikaw ay Hindi Maunawaan?

Kung minsan ang iyong taimtim na pagsisikap na makipag-usap ay baka magdala ng negatibong reaksiyon; mali ang pagkaunawa sa sinabi mo. Minsan pa, huwag mong masyadong intindihin ang gayong mga pangyayari anupa’t ikaw ay magtatagong muli sa iyong kabibi. “Huwag mong madaliin ang iyong sarili na magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang,” sabi ng Eclesiastes 7:9.

Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa kabataang si David na noong una’y lubhang mali ang pagkaunawa sa kaniya. Sinugo siya ng kaniyang ama na dalhin ang isang regalo para sa kaniyang nakatatandang mga kapatid na lalaki na naglilingkod sa hukbo ng Israel. Pagdating niya, siya ay nasindak na marinig ang mga pagtuya ng higanteng Filisteo, si Goliath. “Sinong Filisteong ito na hindi tuli na siya’y tumutuya sa mga hukbo ng buháy na Diyos?” tanong niya sa mga sundalo. Narinig ito ng isa sa mga kapatid ni David, si Eliab, at nagalit. Pinagbintangan nang walang katotohanan ang motibo ng kaniyang batang kapatid sa pagparoon, sinabi niya: “Talastas ko ang iyong kapangahasan at ang kasamaan ng iyong puso, sapagkat ikaw ay lumusong upang iyong makita ang pagbabaka.”​—1 Samuel 17:26-28.

Marahil ang iba ay may maling pagkaunawa rin sa iyo. Kung gayon, huwag manghina ang iyong loob. Kung paanong ang mabuting motibo ni David ay agad na nahayag, gayundin naman, ang iyong taimtim na mga pagsisikap na mapasulong ang pakikipag-usap ay gagantimpalaan din sa wakas. Ang “mabubuting gawa,” tinitiyak sa atin ng Bibliya, ay “mahahayag.” (1 Timoteo 5:24, 25) Kaya, patuloy na magsumikap.

Ang Pangangailangan ng Empatiya

Gayunman, paano ka magsisimula? “Ang pinakamabungang anyo ng pakikipag-usap,” sabi ni Larry L. Barker sa kaniyang aklat na Communication, “ay ang pagpapakita ng empatiya sa isa’t isa. Ang empatiya ay nangangahulugan ng malalim na pagkaunawa sa ibang tao, pagkilala sa kanilang mga kaisipan, dinarama ang kanilang mga pasakit, pakikibahagi sa kanilang kaligayahan.” Isang namumukod-tanging halimbawa sa pagpapakita ng katangiang ito ay si Jesu-Kristo. Minsan ay sinimulan niya ang isang pakikipag-usap sa dalawa niyang mga alagad na nagdadalamhati sa kaniyang kamatayan. Itinatago ang kaniyang tunay na pagkatao, ang binuhay-muling si Jesus ay nagtanong: “Anong mga bagay ang pinagtatalunan ninyo sa inyong paglalakad?”​—Lucas 24:17.

Ang dalawa ay nagulat na hindi nabalitaan ng “estranghero” ang tungkol sa kalunus-lunos na pangyayari na naganap sa Jerusalem. “Anong mga bagay?” tanong na muli ni Jesus. Isang masiglang usapan ang sumunod at pagkatapos ang isa sa mga alagad ay nagsabi: “Hindi baga nag-aalab ang ating puso sa loob natin habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?” (Lucas 24:13-32) Oo, tinamasa ni Jesus ang maraming mahusay na pakikipag-usap sapagkat siya ay nakinig sa iba at siya’y nagpakita ng empatiya.​—Juan 4:7-26.

Pag-uumpisa ng Usapan

Pansinin na ang pag-uusap na nabanggit ay sinimulan ng isang payak na tanong. Ang mga tanong ay isang ekselenteng tagapasimula ng pag-uusap. Mangyari pa, madaling mag-isip ng isang tanong tungkol sa isang paksa na kawili-wili sa iyo, subalit ito ay hindi laging umaakay sa isang masiglang usapan. Tandaan, tayo ay pinapayuhan ng Bibliya na “maging interesado rin sa iba, at sa kung ano ang ginagawa nila.” (Filipos 2:4, The Living Bible) Kaya, kailangang mag-isip ka ng isang tanong na masisiyahang sagutin ng iyong mga kasama. Iyan ay nangangailangan ng empatiya. Baka kailanganin mong pumili ng isang paksa na hindi kawili-wili sa iyo, subalit baka naman ikaw ay gantimpalaan ng isang masiglang tugon gayundin ng ilang mahalagang impormasyon.

Itinatala ng autor na si Les Donaldson ang “sampung madadaling paraan upang simulan ang isang pag-uusap.” Ang pito sa kaniyang mga mungkahi ay nagsasangkot ng mga tanong, pagtatanong tungkol sa pinagmulan ng isa, paghingi ng payo, ng tulong, ng opinyon, ng pagtatasa, pagtatanong tungkol sa lokal na mga kaugalian o sa lokal na mga restauran. Anuman ang tanong, ito ay dapat na itanong nang may kataimtiman. Dapat mo ring bigyan ng pansin kung paano ka nakikinig. (Ihambing ang Lucas 8:18.) Kung hahayaan mong gumala ang iyong isipan at mata, malamang na magduda ang isa na sumasagot kung ikaw ba ay talagang interesado sa sasabihin niya.

Ang tatlo pang mungkahi ni Donaldson sa pagpapasimula ng pag-uusap ay: pagkukomento sa isang lokal na pangyayari; pagbanggit sa isang bagay na nasusumpungan mong sulit papurihan, gaya ng tanawin; o pagsasabi ng papuri. “Kung titingnan mo ang mga bagay na maaaring mong papurihan ang mga tao, marami kang masusumpungan,” sabi ng autor sa kaniyang aklat na Conversational Magic. Subalit idinaragdag niya ang babalang ito: “Nakikita ng mga tao ang di-taimtim na mga papuri at malamang na hindi sila makikipag-usap nang matagal sa isang taong di-taimtim.”

Anumang “kawit” sa pag-uusap ang piliin mo, ang patuloy na pagsisikap ay karaniwang nagbubunga. Isaalang-alang si Sharon, na nabanggit sa umpisa. Siya ngayon ay 22 anyos at siya’y nakagawa ng kamangha-manghang pagsulong upang daigin ang kaniyang pagkamahiyain. Simula nang siya’y kapanayamin dalawang taon na ang nakalipas, siya ay naging isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, gumugugol ng mahigit isang libong oras sa isang taon sa pagdalaw sa mga estranghero at nagsisimula ng mga pag-uusap sa Bibliya. Kung tungkol naman kay Lucas at kay Pieter, sila ngayon ay nagtatrabaho sa loob ng maraming taon na magkasama sa paggawa ng mga literatura sa Bibliya sa sangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika, at masusumpungan mong mahirap paniwalaan na sila noon ay nagkaroon ng problema sa pakikipag-usap.

Kaya kung sa ilang kadahilanan ay nasusumpungan mong mahirap makipag-usap, huwag kang susuko; bigyan mo ng panahon ang iyong sarili. Makinig sa iba. Mag-aral at magbasa upang makaalinsabay ka sa pinakahuling mga paksa sa kasalukuyan. Ang pagpapasulong sa sining ng pakikipag-usap ay magpapayaman sa iyong buhay at makadaragdag sa kaligayahan ng iba.

[Larawan sa pahina 25]

Gumawa ng kusang pagsisikap na masangkot sa usapan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share