Isang Pagtatagpo Noong Gabi sa Tanzania
PAGKATAPOS ng internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kenya, sabik na sabik kaming simulan ang aming personal na safari sa Tanzania.
Ang aming unang hinto ay sa Lake Manyara National Park. Namangha kami sa iba’t ibang buhay-iláng—mga asul na unggoy, impala, cape buffalo, zebra, at marami pang iba. Gunigunihin ang pagtanaw sa isang lawa na nakakalatan ng mga hippopotamus. Minamasdan mo ang isang giraffe na kumakain sa kabilang panig, isang leon sa damuhan sa kalayuan, at isang kawan ng mga wildebeest sa dako pa roon.
Pagdating sa Ngorongoro Crater, kami’y umupa ng isang giya at four-wheel-drive na sasakyan para sa isang araw na paglalakbay sa caldera (bunganga ng gumuho nang bulkan). Ang matagtag na biyahe ay nagdala sa amin humigit-kumulang mga 600 metro mula sa gilid ng bulkan pababa sa pinaka-sahig ng bunganga ng bulkan. Anong gandang tanawin! Ang buhay-iláng ay nakakalat sa pagkalaki-laking kapatagan. Ang mga kawan ng wildebeest ay kumikilos na para bang nandarayuhan. Ang mga zebra, hartebeest, at ang Thomson’s at Grant’s na mga gazelle ay pagkarami-rami. Sa isang dakong hinintuan namin, isang leon na may kiling ang nagpapahinga sa lilim ng aming sasakyan, hindi alintana na kami’y tuwirang nagmamasid sa kaniya. Nang maglaon ay huminto kaming sandali upang masdan ang itim na rhino sa malayo at ang maiilap na mga elepante na malapit dito na nanginginain sa mga puno. Habang kami’y naglalakbay pabalik sa gilid ng bunganga ng bulkan, ginunita namin ang napakaraming kahanga-hangang mga hayop. Mayroon kaya kaming hindi nakita?
Buweno, mayroon, ang leopardo ng Aprika. Subalit ang pag-asang makakita ng isa sa iláng ay halos isang pantasiya. Ang litratistang si Erwin Bauer ay nagsabi: “Hinahanap ng mga turista ang mga leopardo taglay ang labis na kasiglahan at tiyaga, sa paano man dahil ang mga hayop ay lubhang napakahirap matagpuan, ano pa kaya ang makunan ito ng litrato. Karamihan sa mga naglalakbay sa tipikal na mga safari ay hindi kailanman nakasulyap sa isang leopardo. Sa panahon ng aking 15 safari, ako’y nakakita ng kabuuang walong leopardo, isa lamang na malapit upang makunan ng larawan.”—International Wildlife.
Nang sumapit ang gabi may isang nakababahalang bagay ang sumaisip namin. Ang mga pagpapareserba sa tuluyan ay kinansela, kaya kailangan naming humanap ng matutuluyan. Ito’y nagdala sa amin sa hindi aspaltadong daan sa kadiliman ng gabi. Walang anu-ano kaming dalawa sa upuan sa harap ay nagulantang. Isang kulay kayumanggi ang mabilis na lumukso sa mismong mga sinag ng aming mga ilaw sa harap. Dali-dali kaming huminto at nangapos ang aming hininga sa gulat!
Naroon mismo sa harap namin ang isang ganap-ang-laki na leopardo! Kung yaong mga nasa upuan sa likuran ay nakadama ng anumang disbentaha, iyon ay biglang naglaho. Ang leopardo ay sumugod sa tabing-daan sa kanan—at nanatiling hindi kumikilos. ‘Ano ang dapat kong gawin?’ para bang nag-iisip siya roon sa mga ilaw at sa paningin naming lahat. ‘Dapat ba akong sumalakay, o tumalikod sa isang di-kilalang “kaaway” at sikaping tumakas sa palumpon?’
Si Adrian, isa sa aming mga kasama, ang pinakamalapit, mga isang metro mula sa magandang nilikhang ito na may maigting na lakas at handang lumundag. “Dali ka, ibigay mo sa akin ang flash para sa kamera,” bulong niya samantalang sinusunggaban ang kaniyang awtomatikong kamera. Mula sa likuran ay may bumulong ng babala, “Huwag kang maingay.” Ang kamera ay agad na inihanda at isang litrato ang kinuha, subalit para bang hindi gumana ang flash sa loob ng sasakyan. Samantalang nagreresiklo ang mga batirya, maingat na ibinaba ni Adrian ang kaniyang bintana. Ang leopardo ay nanatiling halos isang dipa lamang ang layo, ang dulo ng kaniyang buntot ay kumikibot, ang kaniyang mga mata ay nagbabaga.
Pagkatapos naming makunan ng ikalawang litrato, nagpasiya siya kung ano ang gagawin. Ang magandang leopardo ay lumukso sa mga palumpon at naglaho. Anong laki ng katuwaan sa loob ng aming sasakyan! Isang karanasang hindi malilimutan, isa na nang maglao’y sinabi sa amin ng giya na lubhang pambihira. Nang ang ikalawang larawan ay lumabas na napakaganda, kinuha namin ito upang pagtibayin ang aming mga alaala ng kapana-panabik na pagtatagpong iyon noong gabi sa Tanzania.