LEOPARDO
[sa Heb., na·merʹ; sa Aramaiko, nemarʹ; sa Gr., parʹda·lis].
Isa sa malalaking pusa, kadalasa’y may mapusyaw na kayumangging balahibo na manilaw-nilaw at may batik-batik na itim na pabilog at putul-putol. (Jer 13:23) Ang karaniwang haba ng leopardo ay 1.2 m (4 na piye), puwera ang buntot. Bagaman may ilang leopardong napatay malapit sa Jerusalem nitong nakaraang mga taon, maliwanag na mas marami ang bilang nila noon sa sinaunang Palestina. (Sol 4:8) Matatagpuan din noon sa Palestina ang cheetah, o leopardong naninila, na isa sa pinakamatutulin na mamalya. Maaaring saklaw ng katawagang Hebreo na na·merʹ ang cheetah at pati na ang leopardo. Ang cheetah ay naiiba sa tunay na leopardo sapagkat ang mga kuko nito ay bahagya lamang naiuurong at ang batik-batik nito ay buu-buo, hindi tulad-singsing.
Ipinahihiwatig ng Kasulatan ang pagiging matulin ng leopardo (Hab 1:8) at ang pag-aabang nito malapit sa mga bayan, anupat handang sumunggab sa mga nagdaraang alagang hayop. (Jer 5:6; Os 13:7) Sa kabaligtaran naman, sa panahon ng pamamahala ng Mesiyas, ang leopardo at ang batang kambing ay inilalarawang payapang nakahigang magkasama.—Isa 11:6.
Sa Daniel 7:6, ang leopardong may apat na pakpak at apat na ulo ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Gresya, na lumupig sa Medo-Persia nang simbilis ng isang leopardo. Ang mabangis na hayop mula sa dagat, na nakita ng apostol na si Juan sa pangitain, ay tulad din ng isang leopardo.—Apo 13:1, 2; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Ang salitang Hebreo na laʹyish, na sa ibang talata ay isinaling “leon” (Job 4:11; Kaw 30:30), ay isinalin bilang “leopardo” sa Isaias 30:6 (NW), yamang nabanggit na ang “leon” (la·viʼʹ) sa tekstong iyon.