Ang Isang-Taingang Mandadangkal
Maraming dantaon na ang lumipas, inilarawan ng Griegong mga alamat ang nakatatakot na mga Cyclop, isang-matang higante na nakatira sa isang malayong lupain. Ang pangit na malalaking halimaw na ito ay umiiral lamang sa saganang guniguni ng mga tao.
Gayunman, di-sinasadyang natuklasan kamakailan ng mga siyentipiko ang maraming isang-taingang mga nilalang—ang mga ito’y hindi natatago. Ito ang mga mandadangkal.
Bakit ngayon lamang nalaman ang lihim ng mga mandadangkal? Malaon nang inaakala ng mga siyentipiko na ang mandadangkal ay bingi, yamang hindi ito gumagawa ng anumang tunog o tumutugon sa tunog na gaya ng ibang insekto. Lalo pang nakalilito, ang tainga ng mandadangkal ay wala sa ulo nito, kung saan inaasahan mo itong naroroon. Ang magasing Natural History ay nagsasabing ang tainga ay “isang malalim na hiwa, halos isang milimetro ang haba,” sa ilalim ng katawan ng mandadangkal.
Hindi ba medyo hindi kombinyente ang pagkakaroon ng isa lamang tainga sa gayong hindi tiyak na dako? Buweno, ginagamit nating mga tao ang ating dalawang tainga upang matiyak kung saan nanggagaling ang tunog. Ang mandadangkal na ito ay maliwanag na nabubuhay nang wala ang kakayahang iyan. Ang pandinig nito ay dinisenyo upang magbabala rito tungkol sa nagsasapanganib-buhay na mga kalagayan. Ang mandadangkal ay nagtataglay ng isang likas na sonar detector.
Ang tainga ng mandadangkal ay nakaririnig ng ultrasonic na mga tunog, lalo na ang mga tunog na ginagawa ng mga paniki samantalang naghahanap ng mga insekto na gaya ng mandadangkal. Ang Natural History ay nag-uulat na napansin ng mga siyentipiko ang mga mandadangkal na mabilis na umiiwas kapag lumalapit ang isang paniki, dahil sa matalas na ultrasonic na pandinig ng mandadangkal. Subalit paano natatakasan ng mandadangkal ang isang paniki, na maaaring lumipad ng tatlo o apat na ulit na mas mabilis kaysa mandadangkal?
Kapag nakukuha ng mandadangkal ang ultrasonic na hudyat ng panganib—karaniwang kapag ang paniki ay nasa layo na halos sampung metro—sa loob ng wala pang isang segundo, ang mandadangkal ay mabilis na bumubulusok. Maliwanag, ginagawa niya ito sa pamamagitan ng sadyang paghinto, isang depensibong pagkilos na nahahawig sa ginagawa ng makabagong pilotong nakikipagdigma. Sa katunayan, ang Natural History ay nagkomento na ang mandadangkal ay “nagbibigay ng isang makabagong leksiyon sa mga estratehiya ng pakikipagbaka sa himpapawid.”
Paano nalalaman ng mandadangkal ang ‘makabagong estratehiya sa pakikipagbaka sa himpapawid’? Sino ang nagdisenyo sa ultrasonic na gamit nito sa pakikinig? Tiyak, ang makatuwirang sagot ay yaong ibinigay ng patriyarkang si Job: “Sinong hindi nakaaalam sa lahat ng mga ito na ang kamay ni Jehova ang siyang gumawa nito?”—Job 12:9.