Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/8 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bibliyang Navaho
  • Isa sa Bawat Minuto
  • Pangangalaga sa mga Sanggol na Isinilang na Kulang sa Buwan
  • Sinasakmal ng Takot ang mga Turista
  • Hindi Tinatanggap
  • Pangangailangan para sa Walang Dugong Pag-oopera
  • Iniwan na Walang mga Pastol
  • Ang Nakaririnig na Mandadangkal
  • Mga Pagbabago sa Perang Papel ng E.U.
  • Mahalagang Ehersisyo
  • Ang Isang-Taingang Mandadangkal
    Gumising!—1995
  • Muling Isinaalang-alang ng mga Doktor ang Pag-opera Nang Walang Dugo
    Gumising!—1998
  • Ang Mata ng Peacock Mantis Shrimp
    Gumising!—2010
  • Ang Pagdami ng mga Humihiling ng Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 12/8 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Bibliyang Navaho

Ang unang kompletong Bibliya na isinalin sa Navajo ay inilathala kamakailan. Ang titulo nito, “Diyin God Bizaad,” ay nangangahulugang “Ang Banal na Diyos, ang Kaniyang Salita.” Ang mga Navajo ang orihinal na mga katutubo ng Estados Unidos at ang pinakamalaking tribong Indian ng bansa. Ang pagsasalin ng King James Version sa Navajo ay nagharap ng ilang pambihirang mga suliraning palawikaan. Halimbawa, si Marta ba ay nakatatanda o batang kapatid ni Maria? (Lucas 10:38) Mayroong salita para sa bawat isa sa Navajo. Ang pangkat ng mga tagasalin ay nagpasiya na siya ay nakatatandang kapatid yamang ginagawa niya ang lahat ng gawain. “Ang pinakamadaling bahagi ay ang tungkol sa tupa at mga kordero,” sabi ni Faith Hill, isa sa mga tagasalin. “Alam ng mga Navajo ang lahat tungkol sa tupa.” Sang-ayon sa report ng The New York Times, pinuri ng mga tagapagsalita ng Navajo ang salin bilang isang malaking tulong “upang patuloy na magkaroon ng pananampalataya sa Dakilang Espiritu” at maingatang huwag mamatay ang wika. Iilan lamang sa mga nagsimula sa proyekto 40 taon na ang nakalipas ang nabubuhay pa.

Isa sa Bawat Minuto

Ang mga aborsiyon o paglalaglag sa Italya ay nagaganap sa bilis na halos isa sa bawat minuto, ulat ng The Times ng London. Sa mahigit na 400,000 mga aborsiyon na isinasagawa taun-taon, halos kalahati ang ilegal na ginagawa. May pagkabahalang napansin ng mga awtoridad ng pamahalaan na ang pinakamalaking pangkat ng mga nagsasagawa ng aborsiyon ay ang mga babaing may-asawa na ang edad ay 25 hanggang 34 na may dalawang anak. “Isang malaking kaibhan sa ibang mga bansang Europeo kung saan ang aborsiyon ay karaniwang nauugnay sa mga walang asawa,” sabi ng The Times.

Pangangalaga sa mga Sanggol na Isinilang na Kulang sa Buwan

Sa loob ng siyam na buwan ang isang sanggol ay pinalalaki sa init at ginhawa ng bahay-bata ng ina nito kung saan ito nagtatamasa ng katiwasayan. Kapag ang isang sanggol ay isinisilang nang wala sa panahon at nahihiwalay sa ina nito, ang bilis ng paglaki nito ay lubhang bumababa. Upang tiyakin ang isang normal na huwaran ng paglaki para sa gayong mga sanggol, isang ospital ng mga bata sa Argentina ang nakagawa ng isang naiibang paraan. Karakaraka kapag ang mga sanggol ay inalis sa incubator, kakargahin sila ng mga narses (at mga ina kung kaya nila) sa natatanging idinisenyong mga apron. Ang mga ito ay nagpapahintulot na ang mga sanggol ay kalung-kalong na malapit sa tiyan ng mga narses, samantalang nagpapahintulot sa mga narses na magpatuloy sa kanilang trabaho. “Ito ang pinakamalapit na magagawa mo sa pagbabalik sa mga bata sa bahay-bata,” sabi ni Dr. Marta Airala, isang pediatrician na ngayo’y ginagamit ang gayong pamamaraan sa Albion Community Hospital sa Michigan. Ang gayong mga “kangaroo babies,” gaya ng tawag dito, ay iniulat na karakarakang bumigat ang timbang at malusog.

Sinasakmal ng Takot ang mga Turista

Ang nagpapatuloy na banta ng mga pagsalakay ng terorista ay nagpangyari sa maraming turista na makalawang mag-isip tungkol sa kanilang mga plano sa bakasyon. Ang mga Amerikano, ang puntirya ng mga banta kamakailan, ay lalo nang maingat. “Mahigit sa isang milyong mga Amerikano ang nagkansela ng kanilang mga plano na magpasyal sa Europa sa 1986, pagkaraan ng sunud-sunod na mga pag-hijack at mga pagsalakay ng terorista noong nakaraang taon,” ulat ng U.S.News & World Report. “Ang mga pagpapareserba tungo sa Mediteraneo​—lalo na sa Ehipto, Italya at Gresya​—ay bumaba ng hanggang 60 porsiyento.” Kahit na ang mga beteranong manlalakbay ay naapektuhan ng tumataas na daluyong ng takot at pagkabalisa habang ang mga insidente ng​—mga pagbomba, barilan, at pag-hijack​—ay dumarami. Hiniling ng mga ahente sa paglalakbay na ireruta ang mga paglalakbay upang maiwasan ang mga paliparan kung saan ang mga pagsalakay ay naganap o palitan ang kanilang mga itineraryo sa mga bansang inaakala nilang malaya sa terorista. Bagaman ang Gitnang Silangan ay ipinalalagay na isang magulong dako, “ang mga bisita ay hindi natakot” sa Israel, sabi ng U.S.News & World Report. “Isang rekord ng 1.4 milyon katao ang bumisita sa bansa noong 1985.”

Hindi Tinatanggap

Ang mga bisitang nagnanais makakuha ng visa patungong Saudi Arabia ay dapat munang magbigay ng isang medical report na nagpapatunay na walang palatandaan ng AIDS sa kanilang dugo. Ang kahilingan ay ipinatupad sa pasimula ng taon, “pagkatapos matuklasan ang dalawang kaso ng AIDS sa bansang iyon,” sabi ng Amerikanong Parade Magazine. “Sa kapuwa mga kaso, ang mga biktima ay sinalinan ng dugo na mula sa E.U.”

Pangangailangan para sa Walang Dugong Pag-oopera

“Isang ‘walang dugong pag-oopera’ na programang idinisenyo para sa mga Saksi ni Jehova ay maaaring umakit ng higit na mga pasyente na ikinatatakot ang pagkakaroon ng acquired immune deficiency syndrome sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo,” sabi ng The Phoenix Gazette. “Bagaman ang relihiyosong pangkat ang pasimuno ng ideya, ang mga administrador ng ospital ay nagsasabi na mayroong lumalagong pangangailangan o kahilingan sa gitna ng mga pasyente sa gayong uri ng pag-oopera.” Ang pagsasalin ng dugo ay malaon nang tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova dahilan sa mga paniniwalang salig-Bibliya. Gayunman, ang takot sa pagkakaroon ng AIDS ang ibinibigay na dahilan ng karamihan sa mga pasyenteng hindi Saksi. Sa kabutihang palad ng gayong mga pasyente, ang mga doktor na iginalang ang katayuan ng mga Saksi ay nakagawa ng mapagpipiliang pamamaraan. “Sa pagpapaunlad ng aming kabatiran tungkol sa kawalan ng dugo, malaki ang nagawa nito sa pag-oopera,” sabi ni Dr. Richard Wright, medical director ng programa. “Ang aming pamamaraan ay lalong bumuti at kami’y higit na maingat.”

Iniwan na Walang mga Pastol

Halos 80,000 mga paring Romano Katoliko ang umalis sa pagkapari sapol noong 1965. Isang-kapat ng 200,000 mga parokya sa buong daigdig ang ngayo’y walang sariling mga pari at pinaglilingkuran ng mga pari mula sa ibang lugar, 1,200 ang pinaglilingkuran ng mga lego, at 1,100 ang basta ‘walang pastol,’ ulat ng Kruispunt (Sangandaan), isang magasing Olandes na Romano Katoliko. Anong pag-asa mayroon sa hinaharap? “Kung isasaalang-alang ng isa na ang katamtamang edad ng mga pari ay halos 55 sa kasalukuyan, ang kalagayang ito ay maaaring magkaroon ng kapaha-pahamak na katumbasan sa malapit na hinaharap,” sabi ng Kruispunt.

Ang Nakaririnig na Mandadangkal

Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mandadangkal, dating ipinalalagay na bingi, ay aktuwal na nakaririnig. Papaano? Sa pamamagitan ng pambihirang isang “tainga” na nasa tiyan ng insekto. Karaniwan na, ang mga insektong nakaririnig ay may dalawang tainga, ulat ng magasing Science, na nagbibigay sa kanila ng pinakamabuting bentaha “na magtamo ng impormasyon may kaugnayan sa direksiyon” tungkol sa pinagmumulan ng isang partikular na tunog. Taglay lamang ang isang “tainga,” hindi maaaring isalin ng mandadangkal ang ultrasonikong tunog na naririnig nito tungo sa impormasyon may kaugnayan sa direksiyon. Gayunman, ipinakikita ng mga eksperimento na maaaring maharang ng “tainga” ng mandadangkal ang mga hudyat ng tunog mula sa mga paniki, isang maninila, na nagpapangyari sa mandadangkal na gumawa ng “isang mabilis at malaking pagbabago” sa normal na huwaran ng paglipad. Tinawag ng mga mananaliksik ang isang-tainga na mandadangkal na “an auditory cyclops.”

Mga Pagbabago sa Perang Papel ng E.U.

Ang pamahalaan ng Estados Unidos ay nagpasiya sa dalawang pagbabago na gagawin sa perang papel nito​—ang kauna-unang malaking pagbabago sapol noong 1929. Ang unang bahagi ay kinasasangkutan ng kung ano ang tinatawag ng Kagawaran ng Pananalapi na “security thread” (hiblang pangseguridad) na isasama sa papel. Yari sa polyester, uulitin nito ang inskripsiyon na “USA,” susundan ng halaga sa salita para sa mga perang wala pang $20 at ng halaga sa bilang para sa mga perang $20 at mahigit pa. Ang inskripsiyon ay makikita lamang kapag minasdan sa pamamagitan ng transmitted light, gaya ng araw o isang lampara, subalit hindi mababasa sa pamamagitan ng reflected light ng mga makinang tagakopya. Ang isa pang pagbabago ay ang pagdaragdag ng mga salitang “United States of America” sa paligid ng larawan sa tipong napakaliit na hindi makukuha ng mga tagakopya. Bakit ang mga pagbabago? Dahilan sa takot na isang bagong salinlahi ng mga makinang kumokopya, na maaaring gumawa ng mahusay na mga reproduksiyon na may kulay, ay baka tumukso sa sinuman na manghuwad ng pera. Hanggang ang mga lumang perang papel ay hindi na gamitin, habang ang mga ito ay naluluma at nasisira, ang luma at bagong perang papel ay legal na iiral na magkasabay. Ang kabatiran ng publiko tungkol sa mga pagbabago, na umaakay sa masusing pagsusuri ng mga perang papel, ay inaasahan din na magbabawas sa mga tsansa na ang dating mga perang papel ay palsipikahin. Ang bagong mga perang papel ay lalabas sa sirkulasyon sa mga isang taon.

Mahalagang Ehersisyo

Nais mo bang mabuhay na mas mahaba? Mag-ehersisyo ka, sabi ng mga mananaliksik. Sang-ayon sa isang report na inilathala sa The New England Journal of Medicine, ang mga adulto na regular na nagsasaayos ng katamtamang pisikal na ehersisyo, gaya ng pag-akyat sa hagdan, paglalakad, at palakasan o sports na sumusunog ng 2,000 o higit pang calorie sa isang linggo, ay lubhang nakapagpapahaba sa kanilang haba ng buhay. Ang pangmatagalang pag-aaral ng ilang 17,000 mga lalaki, lahat ay mga nagtapos sa Harvard, ay nagpapakita na maaari pa ngang sawatain ng pisikal na gawain ang namamanang maagang kamatayan, gayundin ang ilang nakamamatay na mga epekto ng alta presyon at paninigarilyo. Sa bawat linggo, kinakailangan lamang ang mabilis na 20-milya (32 km) na paglakad, o ang katumbas, upang sunugin ang 2,000 calories.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share