Mamasò—Pagbata sa Kirot
“Natakot ako sa napakatinding kirot sa may mata ko,” gunita ni Ann. “Nag-alala ako na baka mayroon akong tumor sa utak.”
“Nang magising ako na may di-pangkaraniwang kirot sa aking tagiliran, inisip kong ito’y apendisitis,” naalaala ni Jean.
“Nagkaroon na ako ng mga singaw sa balat,” ang salaysay ni Dilip, “pero nagtataka ako kung bakit napakatindi ng kirot nito sa ilalim ng aking balat.”
ANO nga ba ang mamasò (shingles)? Ang karaniwang katagang ito para sa sakit ay maliwanag na mula sa matandang salitang sengles (nangangahulugang “isang satiyan” o “isang sinturon”), na nagmula sa salitang Latin na cingulum, nangangahulugang “bigkis.” Sa gayon, ang salita ay walang kaugnayan sa mga tisa (shingles) na ginagamit sa bubong.
Sa medikal na usapan ay kilala ito bilang herpes zoster (mula sa mga katagang herʹpes, na galing sa herʹpo, nangangahulugang “gumapang,” at zo·sterʹ, nangangahulugang “bigkis”). May kaugnayan sa pangalan, ang herpes virus na sanhi ng mamasò ay palihim na gumagapang sa mga nerbiyo ng pandamdam at kalimitang pumapalibot sa katawan taglay ang tulad ahas na paggapang ng makikirot na putok sa balat. Ang kalimitang matinding kirot ng namamagang nerbiyo ay maaaring maging napakasakit, kaya ang katagang “matinding kirot” ay ginamit ng ilang doktor.
Ang unang mga sintoma ng mamasò, gaya ng lagnat, pangingiki, at karaniwang pamamanhid, ay kalimitang parang trangkaso subalit maaari ring maipagkamali na atake sa puso, tumor sa utak, at iba pang malubhang kalagayan. Ang pamamanhid, tila sinusundot, at napakahapdi o nangangating pakiramdam na lumalala, nagiging napakakirot ang kalimitang daing ng mga nakararanas ng mamasò.
Sa loob ng isang linggo mula sa paglabas ng sintoma, ang guhit ng makating namumulang butlig ay lumilitaw sa sensory nerve network na inatake ng virus, karaniwan sa itaas ng baywang at sa isang panig lamang ng katawan. Ang karaniwang kinaroroonan ay sa lugar ng tadyang, balakang, dibdib, leeg, noo, o mata, depende sa naapektuhang kimpal ng nerbiyo. Di-magtatagal ang singaw sa balat ay nagiging mga kumpol ng matubig na paltos, na may mapandayang anyo na gaya ng poison ivy. Sa loob ng sampung araw, ang mga ito’y naglalangib at natutuklap, sa maraming kaso ito’y nag-iiwan ng pilat at namamalaging kirot bilang paalaala sa naranasan ng isa na mamasò.
Mga Sanhi, Pagkalat, at Pagrekunusi
Paano nagkakaroon ng mamasò ang isang tao? Malamang na nahawahan mismo ang pasyente. Lubusang pinatunayan ng mga mananaliksik sa medisina na ang herpes virus (varicella zoster) na siyang sanhi ng mamasò ay siya ring malakas makahawa na sanhi ng bulutong-tubig. Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang isa na may mamasò ay maaaring maging sanhi sa pagkakaroon (karaniwan ng isang bata) ng bulutong-tubig. Gayunman, upang magkaroon ng mamasò, ang isa ay kailangan munang magkaroon ng bulutong-tubig.
Pagkatapos na magkaroon ng bulutong-tubig, karaniwan sa pagkabata, hindi lubusang naaalis ng sistema ng imyunidad sa katawan ang varicella-zoster virus. Naglalakbay ito sa kaibuturan ng sentro ng nerbiyo (ipinalalagay ng mga mananaliksik na ito’y ang lugar ng gulugod o bungo), at doon ito’y nananatiling di-aktibo hanggang sa panahong ito’y makasumpong ng mabuting kalagayan upang umatake muli, kalimitang sa mga huling taon kapag ang sistema ng imyunidad ay naging mas mahina.
Bagaman ang 10 hanggang 20 porsiyento ng pangkaraniwang populasyon ay nagkakaroon ng mamasò minsan sa kanilang buhay, ang mga madaling tablan ay yaong mahigit nang 50 anyos. Tinataya ng mga mananaliksik na kalahati sa mga sumasapit sa edad na 85 ay nagkaroon ng sakit na ito. Ang mga lalaki at babae ay magkatumbas ng bilang sa pagkakaroon nito. Ang sakit ay maaaring lumitaw muli, subalit nakagiginhawang malaman na halos 2 hanggang 4 na porsiyento lamang ang nauulit na labasan.
Ang pagkakaroon ng mamasò ay pinakamalimit na sumasapit pagkatapos ng yugto ng malubhang pagkakasakit, di-pangkaraniwang kaigtingan, nagtatagal na pagkahapo, o iba pang mapait na karanasan sa buhay. Ito’y maaaring pagkatapos ng chemotherapy, radyasyon na paggamot, o iba pang pamamaraan na nagsasapanganib o nagpapahina sa sistema ng imyunidad. Ang ikalawang pag-atake na ito ng virus ng bulutong-tubig ay nagdudulot, hindi ng muling paglitaw ng bulutong-tubig, kundi ng mamasò, na may ilang karaniwang mga tanda ng bulutong-tubig. Kalakip sa mga tanda na ito ay mga yugto ng singaw sa balat, pamamaltos, at langib, subalit ang mamasò ay ibang sakit naman.
Gaano kalubha ang mamasò, at gaano katagal ang pag-atake nito? Bagaman ang mamasò ay totoong nakaliligalig, ang sakit ay bihirang nagsasapanganib ng buhay. Subalit minsang nagkaroon ka nito, maging handang pagtiisan ito sa loob ng ilang linggo ng patuloy na kirot habang ang katawan ay gumagawa ng depensa upang labanan ang biglang paglitaw ng impeksiyon ng virus. Ang itinatagal ng sakit ay nagkakaiba-iba mula pito hanggang sampung araw sa karamihan ng mga kalagayan, bagaman maaaring tumagal ito nang apat na linggo para gumaling ang mga putok na sugat. Pangkaraniwan sa mga pasyenteng may mamasò na pahirapan ng kirot sa nerbiyo, na tinatawag na postherpetic neuralgia, sa loob ng ilang linggo, kung minsan mga buwan pa, bago mawala ang pamamaltos.
Kung ang impeksiyon ay kumalat sa mata, malubha nitong maaapektuhan ang paningin at maaaring maging sanhi ng pagkabulag. Kaya ipinapayo na agad na magpatingin sa isang optalmologo kung ang lugar na apektado ay sa mukha. Ang maagang paggamot ay kalimitang makahahadlang sa malubhang mga komplikasyon sa mata.
Ang Paggamot
Ano ang maaaring gawin upang mabisang magamot ang mamasò? Bagaman maraming lunas ang sinubukan na mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, ang tapatang sagot ay na wala pang matuklasang paggamot ang siyensiya na higit ang magagawa kaysa bahagyang pagpapagaan sa mga epekto at pagsupil sa kirot hanggang ang sakit ay likas na huminto.
Ang kamakailang pagsusuri sa gamit ng mga gamot na laban sa virus sa paggamot ng sari-saring herpes na mga impeksiyon ay nagdulot ng ilang kaayaayang mga resulta sa paggamot ng mamasò. Halimbawa, ang acyclovir, bagaman inaamin na hindi nakagagamot, ay nagpapabagal sa pagdami ng virus at nagpapabawa sa kirot at pagtagal ng sakit sa ilang pasyente. Sinasabi ng mga mananaliksik na para sa pinakamabuting resulta, dapat na simulan nang maaga ang paggamot.
Sa isang pagsusuri sa University of Colorado School of Medicine, ang mga pasyente na may mamasò na umiinom nang hanggang 800 miligramo ng acyclovir nang limang beses sa isang araw sa loob ng sampung araw ay nakararanas ng biglang paghupa ng pagkakaroon ng sugat, paglalangib, at kirot kaysa mga tumanggap ng mga placebo. Ang mga mananaliksik ay di-nagkakasundo may kinalaman sa kung ang acyclovir ay nagsisilbi ring pampabawa sa kalubhaan ng postherpetic neuralgia. Ang vidarabine, isa pang gamot na laban sa virus, ay nagtamo na rin naman ng tagumpay sa paggamot sa mamasò. Ang pananaliksik ay ginagawa para sa bakuna, subalit ito’y nasa yugto pa rin ng pag-eeksperimento.
Sinasabi ng marami na nagkaroon ng mamasò na ang kirot ay higit na mapagtitiisan kung ito’y hindi namamalagi. Gabi’t araw ito’y namamalagi, nagpapahirap sa isip at gayundin sa katawan ng pasyente.
Sa mga panahon kapag napakatindi ng kirot ng pasyente, maaaring isaalang-alang ng doktor ang pagbibigay ng mas matapang na pampaalis ng kirot sa loob ng ilang araw, bagaman ito’y malamang na magkaroon ng di-kanais-nais na masasamang epekto. Kung matitiis ito ng pasyente, ang paglalagay ng malamig na pomento ay makagiginhawa. Ang ipinapahid na krema na may 1 porsiyento ng silver sulfadiazine na ipapahid ng ilang ulit sa isang araw ay nakatulong sa ilan. Hayaan lamang ang mga paltos; huwag kamutin ang mga ito o bendahan ang mga ito.
Ang sugat ay unti-unting gagaling, subalit para sa maraming pinahihirapan nito may patuloy na kirot kapag ang mamasò ay umatake muli. Nagsisimulang magpahirap ang postherpetic neuralgia, na lalong nakapanghihina para sa may edad na at sa mga pasyenteng nasusupil ang imyunidad. Ang pagtiisan ang pumipintig, napakasakit na kirot ay mahirap. Ang mga corticosteroid ay sinubukan na, subalit ang medikal na ulat ay hindi nagbibigay ng katiyakan sa pagkamabisa at pagiging ligtas ng matatapang na gamot na ito. Kung minsan ay inirereseta ng mga doktor ang pampakalma na amitriptyline kapag nagpapatuloy ang kirot, subalit maaari rin nitong palubhain ang problema, lalo na kung matagal ang gamit.
Nakapagtataka, ang bahagyang kaayaayang resulta sa pagsupil sa kirot ay natamo sa pamamagitan ng pamahid na nagtataglay ng capsaicin, na mula sa pulang sili na ginagamit sa paggawa ng pinulbos na sili. Subalit hindi ito maipapahid hanggang maghilom ang sariwang paltos. Sa pakikipagpunyagi sa malubhang kaso ng mamasò, si Jean, na nabanggit sa simula, ay nakasumpong ng ginhawa sa pamamagitan ng paggamit ng kagamitang TENS (Transcutaneous Electrical Nerve Stimulation) gabi’t araw sa loob ng ilang linggo. Ang banayad na mga electrical impulse ang nagkukubli sa matinding kirot sa loob at nagpapangyari sa kaniya na malayang makakilos.
Ang talaan ng karaniwang mga lunas ay napakarami, ang karamihan ay may kinalaman sa masustansiyang pagkain (mababa sa arginine) at may kalakip na panustos, gaya ng bitamina B at C at L-lysine. Sinasabi ng ilan ang mga pakinabang mula sa pagpapahid ng apple cider vinegar; gumagamit naman ang iba ng bitamina E upang tumulong sa pagpapahilom ng mga sugat sa balat.
Ang probabilidad ay na kung magkaroon ka ng mamasò, di-magtatagal magkabi-kabila ang ipapayo sa iyo ng mga kaibigan tungkol sa kanilang naiibigang karaniwang lunas. Ang ilang mungkahi ay makatutulong, marami ang hindi. Marahil sila’y maghahatid sa iyo ng ngiti sa kabila ng kirot. Kahit paano ay nagmamalasakit ang iyong mga kaibigan, at ang mabatid ito ay may malaking magagawa kaysa kanilang lunas.
Kaya sa pagbata sa mamasò, ang pasyente at ang kaniyang doktor ay maaaring may magawang ilang bagay upang pabawahin ang paghihirap at upang bawasan ang kirot. Subalit kapag sinabi ng iyong manggagamot, “Para yatang nagkakaroon ka ng mamasò,” maaaring sinasabi lamang niya na ang pinakamabuting gawin ay magpasensiya at magtiis habang ang mga depensa na inilagay ng ating Maylikha sa katawan ang siyang susupil sa sakit.