Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 4/22 p. 15-17
  • Matreshka—Isang Pambihirang Manika!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matreshka—Isang Pambihirang Manika!
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Madaling Gawin
  • Ang Panahon ay Nagdala ng mga Pagbabago
  • Hindi Lamang Basta Laruan
    Gumising!—2008
  • Libreng mga Laruan sa Aprika
    Gumising!—1993
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1995
  • Isang Muling Pagdalaw sa Russia
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 4/22 p. 15-17

Matreshka​—Isang Pambihirang Manika!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA RUSSIA

KAPAG nasulyapan ako ng dumadalaw na mga turista, karamihan sa kanila ay waring desididong iuwi ako na kasama nila, handang gumastos ng malaking halaga upang gawin iyon. Hindi ko talaga malaman kung ano ang nakaaakit sa kanila sa akin. Sa katunayan, kaunting-kaunti lamang ang nalalaman nila tungkol sa akin. Marahil ito ang uso. Subalit hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili. Ang pangalan ko’y Matreshka, at ako’y galing sa​—ngunit magsimula tayo sa umpisa.

Sa katunayan, wala talagang nakaaalam kung saan ako nanggaling o kung sino ang aking tunay na mga magulang. Ang ulat tungkol sa aking pinagmulan ay may dalawang bersiyon. Sinasabi ng ilan na ako’y nanggaling sa isla ng Honshu sa Hapón bilang isang pambihirang laruan na binubuo ng ilang magkakaugnay na mga bahagi. Sinasabi nila na ako’y dinala sa Russia mula sa Honshu sa pagtatapos ng ika-19 na siglo ng asawa ng isang mayamang Ruso na nagtataguyod ng mga tao ng sining na nagngangalang Savva I. Mamontov (1841-1918). Sa kabilang dako naman, ayon sa ilang Haponés, isang mongheng Ruso ang unang nagdala sa Hapón ng idea na gawin akong isang natatanging manika. Subalit saanman ako nagmula, naibigan ng mga artesanong Ruso ang idea, at si Matreshka ay isinilang.

Sa pagtatapos ng dekada ng 1880, ang Russia ay nagpapaunlad ng ekonomiya at kultura nito. Kasabay nito, ang mga Ruso ay nagkakaroon ng higit na interes sa pag-iingat ng kanilang katutubong tradisyon. Masigasig sa muling pagpapasigla sa kulturang Ruso, ang edukadong mga tao ay nagtipun-tipon kay Mamontov, pati na ang kilalang mga pintor na Ruso na gaya nina Ilya Repin, Viktor Vasnetsov, at Mikhail Vrubel. Upang maingatan ang alaala ng mga manggagawang Ruso, mga istudyo ng sining ay itinayo malapit sa Moscow. Doon, ang katutubong mga bagay, laruan, at mga manika ay tinipon mula sa lahat ng bahagi ng bansa.

Isang propesyonal na tao ng sining na nagngangalang Sergei Malyutin ang unang gumawa ng mga guhit ko, ngunit medyo iba ang hitsura ko noon. Ako’y nilayon na lumarawan sa isang bilugang-mukha na batang babaing tagabukid na may nagniningning na mga mata. Ako’y nakasuot ng isang sarafan (isang mahabang kasuutan na itinatali ng dalawang tali), at mayroon akong maayos, malambot at makintab na buhok na natatakpan ng isang makulay na bandana. Ang ibang manika, ang bawat isa’y mas maliit kaysa nauna, ay inilalagay sa loob ko. Ang mga ito ay nakasuot ng kosovorotkas (mga blusang Ruso na ang kuwelyo ay nakakabit sa isang tabi), mga kamisedentro, poddyovkas (mahahabang amerikana ng mga lalaki), at mga epron. Gaya ng ipinakikita ng mga guhit ni Malyutin, ganito ang hitsura ko nang ako’y gawin sa Moscow noong 1891.

Madalas akong mag-isip tungkol sa aking pangalan. Nalaman ko na sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang Matrena (malapit na sa Matreshka) ay isa sa pinakapopular na pangalan ng kababaihan sa Russia. Hinango mula sa ugat na salitang Latin na matrona, ito’y nangangahulugang “ina,” “iginagalang na babae,” o “ina ng isang pamilya.” Ang paglalagay ng isang manika sa loob ng isa pang manika ay angkop ding sagisag ng pagkapalaanakin at pagpapanatili.

Hindi Madaling Gawin

Sa mga pagsisikap na gawin ako, napag-alamang ang mga tao ay nakasira ng maraming materyal at sa wakas ay inihinto ang paggawa dahil sa kabiguan. Hindi kataka-taka, hanggang kamakailan lamang, ang pagkaalam kung paano ako gagawin ay isang sekreto. Kaya iilan lamang ang nagmay-ari sa akin. Ngunit ngayon ay sasabihin ko sa iyo ang sekreto.

Ang gawaing nasasangkot sa paggawa sa akin ay nangangailangan ng tunay na kasanayan. Una, mahalagang pumili ng tamang uri ng kahoy. Dahil sa kalambutan nito, ang limewood ang karaniwang pinipili, kung minsan ang punong alder o birch. Pagkatapos maputol ang mga puno, karaniwan nang sa maagang tagsibol, ang mga ito ay inaalisan ng karamihan ng kanilang mga balat, nag-iiwan lamang ng sapat na balat upang huwag pumutok ang kahoy samantalang ito’y natutuyo. Ang mga troso ay saka iniiwang nakasalansan sa loob ng ilang taon upang matamasa nito ang tamang sirkulasyon ng hangin habang ito’y natutuyo.

Ang pagputol sa kahoy ay kailangang gawin sa tamang panahon, kung kailan hindi tuyung-tuyo o basang-basa. Tanging isang eksperto lamang ang makatitiyak kung kailan ang tamang panahon. Bawat piraso ng kahoy ay nagdaraan sa kasindami ng 15 iba’t ibang mga proseso. Ang pinakamaliit na manika sa serye​—ang isa na hindi maaaring papaghiwalayin​—ay ginagawa muna. Kung minsan ay napakaliliit nito anupat dapat mong pagurin ang iyong mga mata o gumamit pa nga ng isang lente upang makita ito nang mabuti.

Minsang magawa na ang pinakamaliit na manika, ang artesano ay nagsisimula sa susunod na manika na magkakasiya ang unang manika. Isang piraso ng kahoy ang pinoproseso sa kailangang taas at pinuputol sa isang itaas na bahagi at ibabang bahagi. Ang ibabang bahagi ng manika ang unang ginagawa. Pagkatapos ang kahoy ay inaalis mula sa loob ng dalawang bahagi ng ikalawang manika upang magkasiya ang mas maliit na manika. Siyanga pala, ang isang bihasang artesano ay hindi nababahala sa pagkuha ng mga sukat kundi umaasa tangi sa karanasan. Pagkatapos, inuulit niya ang proseso, gumagawa ng mas malaking manika kung saan kakasiya ang dalawang naunang manika.

Ang dami ng mga manikang nagkakasiya sa loob ng manika ay mula 2 hanggang 60. Ang pinakamalaking manika ay maaaring kasintaas ng maygawa nito! Kapag natapos na ang bawat manika, ito’y tinatakpan ng isang malagkit na pandikit na pumupuno sa anumang butas. Ang pangwakas na pagpapatuyo ay nagsisimula, at ang manika ay pinakikintab upang magkaroon ng makinis na ibabaw upang maging pantay ang pinta ng pintor. Pagkatapos ang manika ay binibigyan ng walang kaparis na istilo nito.

Ang Panahon ay Nagdala ng mga Pagbabago

Ang mga tao’y nagbabago habang sila’y tumatanda, at gayundin ang masasabi tungkol sa akin. Ang kasanayan sa paggawa-ng-Matreshka ay unti-unting lumaganap sa Moscow at sa ibang lungsod at bayan, kasama na ang Semenov, Polkhovskii Maidan, Vyatka, at Tver.a Ang bawat bayan ay gumawa ng sarili nitong istilo at anyo ng dekorasyon. Ang aking pagkawala ng tunay na pagkakakilanlan ay nakaliligalig, ngunit hindi ako nagrereklamo. Noong panahon ng sandaang taong pagdiriwang ng Digmaan ng 1812, may pumidido ng isang set ng mga manika na lumalarawan sa Rusong heneral na si Mikhail Kutuzov at sa Pranses na heneral na si Napoléon Bonaparte. Ang dalawang heneral na ito ang pinakamalalaking manika at ang kalabang mga heneral na kasangkot sa digmaan ay ginawang mas maliit upang magkasiya sa kani-kanilang kumander.

Sa loob ng mahabang panahon, ang paggawa at pagbibili ng ganitong uri ng mga manika ay mahigpit na kontrolado. Ngunit ang pulitikal na mga pagbabago noong pagtatapos ng dekada ng 1980 ay nagbigay sa mga artesano ng bagong mga posibilidad at mga kalayaan. Makagagawa na sila ngayon at makapagbibili ng kanilang mga produkto nang walang takot.

Isang pintor na nagngangalang Sikorskii ay isa sa unang tao ng sining na ang mga manika ay naging popular sa publiko. Ang kaniyang mga manika ay napakamahal, na ang indibiduwal na mga set ay nagkakahalaga ng kasintaas ng 3,000 dolyar. Ang kaniyang tagumpay ay nag-udyok sa iba pang tao ng sining, at noong nakalipas na anim na taon, ang paggawa-ng-Matreshka ay nabigyan ng masiglang pangganyak.

Ang aking pangalan, Matreshka, ay kumakapit ngayon sa lahat ng mga manikang ginawa upang magkasiya sa isa pang manika. Iba’t ibang tema ang itinampok sa kahoy: mga bulaklak, simbahan, imahen, alamat, temang pampamilya, mga lider pa nga ng relihiyon at ng pulitika. Ang maraming pagkasari-sari na makukuha ngayon ay nakatutulong upang mapanatiling lubhang makatuwiran ang aking halaga.

Samantalang nakatayo sa karaniwang iskaparate ng isang tindahan noong tag-araw ng 1993 sa Moscow, bigla kong narinig ang mga ingay ng isang papalapit na grupo ng mga turistang dayuhan. Narinig kong sinasabi nila ang tungkol sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na dinadaluhan nila at na ang bawat isa sa kanila, bilang alaala ng kamangha-manghang pangyayaring iyon, ay nais na iuwi ako na kasama nila. Nagtataka kung bakit, tinitigan ko sila na dilát ang mga mata. Para bang sinasagot ako, isa sa kanila ang nagsabi: “Siya ay higit pa sa isang subenir lamang. Nais kong makita ng aking mga kaibigan ang kaniyang mga mata. Nakikita ko sa mga ito ang gayunding ekspresyon ng mukha na nakita ko sa mga mata ng mga Ruso na nakausap ko tungkol sa Kaharian at tungkol sa pangalan ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya.”

Mga Saksi ni Jehova? Ang Kaharian? Pangalan ng Diyos? Ang Bibliya? Lalong lumaki ang mga mata ko habang ako’y nakikinig, at ang tibok ng aking puso ay lalong bumilis sa pag-asang ako’y madadala sa malalayong lugar ng ilan sa magagandang-pagmasdang mga taong ito. Marahil ay malalaman ko ang higit pa tungkol sa kung ano ang pangunahing dahilan ng pagdalaw nila sa Russia. Natitiyak ko na ito’y higit pa upang makita lamang ako, isang manikang nagngangalang Matreshka.

[Mga talababa]

a Noong dekada ng 1930, ang Vyatka ay nakilala bilang Kirov at ang Tver bilang Kalinin. Mula nang mahati ang Unyong Sobyet, ang orihinal na mga pangalan ay ibinalik.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share