Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 4/22 p. 18-24
  • Mahigit na 40 Taon sa Ilalim ng Komunistang Pagbabawal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahigit na 40 Taon sa Ilalim ng Komunistang Pagbabawal
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Kami Naging mga Saksi
  • Ipinagbawal ang Gawaing Pangangaral
  • Paulit-ulit na Pagtatanong
  • Bartolina
  • Napalaya at Nagpatuloy sa Pangangaral
  • Isang Bagong Atas
  • Isang Minamahal na Kasama
  • Isang Panahon ng Pagsubok at Lakas ng Loob
  • Pagbabago ng Aking Istilo-ng-Buhay
  • Pinalakas sa Tulong ni Jehova
  • Ginabayan ng Pananampalataya sa Diyos sa Isang Lupaing Komunista
    Gumising!—1996
  • Kung Paano Natupad ang Aking Pangarap
    Gumising!—2002
  • Mula sa Pagiging Aktibista sa Pulitika Tungo sa Pagiging Neutral na Kristiyano
    Gumising!—2002
  • Matatag ang Aming Pasiya Para sa Pamamahala ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 4/22 p. 18-24

Mahigit na 40 Taon sa Ilalim ng Komunistang Pagbabawal

GAYA NG INILAHAD NI JARMILA HÁLOVÁ

Ang panahon: pagkalampas ng hatinggabi, Pebrero 4, 1952. Ang lugar: sa aming apartment sa Prague, Czechoslovakia. Kami’y nagising dahil sa walang patid na tunog ng doorbell. Pagkatapos ay pumasok ang mga pulis.

INILAGAY ng pulis si Nanay, si Tatay, ang aking kapatid na lalaking si Pavel, at ako sa iba’t ibang silid, naglagay ng isang bantay sa bawat isa sa amin, at nagsimulang halughugin ang lahat ng bagay. Hinahalughog pa rin nila ang aming apartment halos 12 oras pagkaraan. Pagkatapos gumawa ng isang listahan ng lahat ng mga literaturang nasumpungan nila, inimpake nila ito sa mga kahon.

Pagkatapos, ako’y inutusang pumasok sa kotse, at isinuot sa akin ang itim na salamin sa mata. Wari bang kakatwa ito, subalit nagawa kong itaas nang kaunti ang salamin upang makita ko kung saan nila ako dadalhin. Ang mga kalye ay pamilyar. Ang aming patutunguhan ay ang napakasamang hedkuwarter ng State Security.

Isinalya nila ako palabas ng kotse. Nang maglaon nang alisin ang salamin, nasumpungan ko ang aking sarili na nasa loob ng isang maliit, maruming silid. Isang babaing nakauniporme ang nag-utos sa akin na hubarin ko ang aking mga damit at isuot ang isang pares ng makapal na pantalong pantrabaho at kamisadentrong panlalaki. Isang pirasong tela ang itinali sa aking ulo upang takpan ang aking mga mata, at ako’y inakay, nakapiring, sa labas ng silid at naglakad sa kahabaan ng tila ba walang katapusang mga pasilyo.

Sa wakas, ang babaing bantay ay huminto at binuksan ang isang pintong bakal, at ako’y itinulak sa loob. Ang tela ay inalis mula sa aking ulo, at ang pinto ay ikinandado. Ako’y nasa loob ng isang selda ng bilangguan. Isang babae na nasa mga edad 40 ang naroon at nakatitig sa akin, nadaramtan na katulad ko. Ako’y nangiti at​—bagaman tila kakatwa—​hindi ko napigilang tumawa. Bilang isang kabataang babae na 19 anyos, na walang karanasan sa mga bagay na gaya ng pagkabilanggo, napanatili ko ang pagiging masayahin. Di-nagtagal, sa aking katuwaan, natalos ko na walang sinuman sa aming pamilya ang nakulong.

Mapanganib noong mga panahong iyon na maging isa sa mga Saksi ni Jehova sa bansang tinatawag noon na Czechoslovakia. Ang bansa ay nasa ilalim ng Komunistang pamamahala, at ang mga Saksi ay ipinagbabawal. Paano lubhang nasangkot ang aming pamilya sa isang ipinagbabawal na organisasyon?

Kung Paano Kami Naging mga Saksi

Si Tatay, isang katutubo ng Prague, ay Protestante at napakataimtim sa kaniyang relihiyosong mga paniwala. Nakilala niya si Nanay noong mga taon ng 1920 nang siya ay magtungo sa Prague upang mag-aral ng medisina. Siya’y mula sa dakong tinatawag na Bessarabia, na noong kaniyang kabataan ay bahagi ng Russia. Pagkatapos nilang makasal, siya’y sumama sa relihiyon ng kaniyang asawang lalaki bagaman siya ay isang Judio. Gayunman, hindi siya nasiyahan sa relihiyon ng kaniyang asawa.

Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, si Tatay ay inilagay sa isang kampo ng mabigat na trabaho, at si Nanay ay bahagya na nakaligtas sa holocaust. Mahirap na mga taon iyon para sa amin, subalit kaming lahat ay nakaligtas. Noong kalagitnaan ng 1947, dalawang taon pagkaraang matapos ang digmaan, isa sa mga kapatid na babae ni Tatay, na naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ang sumuskribe sa Ang Bantayan para sa aming pamilya. Si Nanay ang nagsimulang bumasa nito, at agad niyang tinanggap ang mensahe bilang ang katotohanan na hinahanap niya.

Sa simula, kaunti lamang ang sinasabi niya sa amin, subalit nalaman niya na may mga pulong na ginaganap sa Prague at nagsimula siyang dumalo rito. Sa loob ng ilang buwan, noong tagsibol ng 1948, siya’y nabautismuhan sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi. Pagkatapos ay inanyayahan niya kaming sumama sa kaniya sa pagdalo sa mga pulong. Nag-aatubili, si Tatay ay sumang-ayon.

Ang mga pulong ay idinaos sa isang maliit na bulwagan sa sentro ng Prague, kung saan kami’y nagsimulang dumalo bilang isang pamilya. Kami ni Tatay ay nalilito sa aming mga damdamin, kapuwa ng pag-uusyoso at kawalan ng tiwala. Nagulat kami na si Nanay ay may bago nang mga kaibigan na ipakikilala sa amin. Ako’y humanga sa kanilang sigla at sa kanilang pagkamakatuwiran, kung gaano nila pinahahalagahan ang kanilang kapatiran.

Nakikita ang aming positibong pagtugon, iminungkahi ni Nanay na anyayahan ang mga Saksi sa aming tahanan para sa detalyadong mga pagtalakay. Anong laking pagkabigla para sa amin ni Tatay nang ipakita nila sa amin mula sa amin mismong Bibliya na walang imortal na kaluluwa at walang Trinidad! Oo, talagang nakatutuwang malaman kung ano talaga ang kahulugan na manalangin upang pakabanalin ang pangalan ng Diyos at na dumating nawa ang kaniyang Kaharian.

Pagkalipas ng ilang linggo, inanyayahan ni Tatay ang ilang klerigo ng kaniyang relihiyon sa aming tahanan. Sabi niya: “Mga kapatid, nais kong talakayin ang ilang maka-Kasulatang punto sa inyo.” Pagkasabi niyan ay iniharap niya, isa-isa, ang pangunahing mga doktrina ng simbahan at binanggit kung paano ang mga ito ay salungat sa Bibliya. Inamin ng mga klerigo na ang sinabi niya ay totoo. Pagkatapos ay naghinuha si Tatay: “Nakapagpasiya na ako, at ako’y nagsasalita alang-alang sa aking pamilya, na aalis na kami sa simbahan.”

Ipinagbawal ang Gawaing Pangangaral

Noong Pebrero 1948, sandaling panahon bago kami ni Tatay ay nagsimulang dumalo sa mga pulong, ang partido Komunista ang namahala sa bansa. Nakita ko ang kapuwa mga estudyante na isinusumbong ang kanilang mga propesor at nakita kong kinatatakutan ng mga guro ang mga magulang ng kanilang mga mag-aaral. Ang lahat ay nagsimulang maging malayo sa isa’t isa. Sa simula, gayunman, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nanatiling tahimik.

Para sa amin ang tampok ng 1948 ay ang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Prague. Mahigit na 2,800 katao ang naroroon noong Setyembre 10 hanggang 12. Pagkalipas ng ilang linggo, noong Nobyembre 29, 1948, sinalakay ng secret police ang tanggapang sangay, at ito’y isinara. Nang sumunod na Abril isang opisyal na pagbabawal ang inilagay sa ating gawain.

Wala sa mga pagkilos na ito ang nakatakot sa aming pamilya, at noong Setyembre 1949 kami ay dumalo sa isang pantanging programa sa kakahuyan sa labas ng Prague. Pagkalipas ng isang linggo, kami ni Tatay ay nabautismuhan. Sa kabila ng pagsisikap na maging maingat sa gawaing pangangaral, ako ay nadakip noong Pebrero 1952, gaya ng nabanggit sa pasimula.

Paulit-ulit na Pagtatanong

Pagkatapos tanungin nang ilang beses, ako’y naghinuha na ako’y makukulong nang mahabang panahon. Waring inaakala ng mga nagtatanong na mientras mas matagal na makulong ang isang tao nang walang ginagawa, mas kusa siyang makikipagtulungan. Subalit ang tagubilin ng aking mga magulang ay patuloy na sumasaisip ko, at ito’y nakatulong upang palakasin ako. Madalas nilang sipiin ang Awit 90:12, na nagpapatibay-loob sa akin na ‘bilangin ang aking mga araw,’ yaon ay, tasahin, o tantiyahin, ito ‘upang magtamo ng isang pusong may karunungan.’

Kaya nga, sa aking isip ay nirepaso ko ang buong mga awit at iba pang mga talata sa Bibliya na aking naisaulo. Ako rin ay nagbubulay-bulay sa mga artikulo ng Bantayan na napag-aralan ko bago ako makulong, at umawit ako ng mga awit na pang-Kaharian sa sarili ko. Bukod dito, noong mga unang buwan sa piitan, may mga ilang kapuwa bilanggo na makakausap ko. Isa pa, may mga bagay na rerepasuhin na natutuhan ko sa mga klase sa paaralan, sapagkat naipasa ko ang aking final exam mga ilang buwan lamang bago nito.

Ang mga pagtatanong ay nagpatunay sa akin na isang nagbabalita ang nakadalo sa isa sa aking mga pag-aaral sa Bibliya at isinumbong ang aking mga gawaing pangangaral. Ang mga awtoridad ay naghinuha na ako rin ang may pananagutan sa mga minakinilyang mga kopya ng mga publikasyon sa Bibliya na nasamsam sa aming tahanan. Sa katunayan, ang aking kapatid na lalaki, na 15 anyos lamang, ang nagmakinilya.

Nang maglaon napag-unawa ng mga nagtatanong na hindi ko idadawit ang sinuman, kaya gumawa ng mga pagsisikap na hikayatin akong talikuran ang aking mga paniwala. Iniharap pa nga nila sa akin ang isang tao na kilala ko bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman isang bilanggo mismo, siya ngayon ay nakikipagtulungan sa mga Komunista sa isang kampanya na itakwil ng iba pang nakakulong na mga Saksi ang kanilang pananampalataya. Kahabag-habag na nilalang! Pagkalipas ng mga taon, pagkatapos mapalaya, siya’y namatay dahil sa labis-labis na pag-inom ng alak.

Bartolina

Pagkaraan ng pitong buwan ako’y inilipat sa ibang bilangguan at inilagay sa bartolina. Ngayon, ganap na nag-iisa, nasa akin na kung paano ko gagamitin ang aking panahon. Ang mga aklat ay inilalaan kung hihilingin, ngunit, mangyari pa, walang espirituwal na uring aklat. Kaya gumawa ako ng isang iskedyul ng gawain na kinabibilangan ng mga panahon ng pagbabasa gayundin ng panahon para sa pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga bagay.

Masasabi ko, kailanman ay hindi ko pa nadamang napakalapit ko kay Jehova sa aking mga panalangin na gaya noon. Ang kaisipan tungkol sa ating pambuong daigdig na kapatiran ay naging napakahalaga higit kailanman. Araw-araw sinikap kong gunigunihin kung paanong ang mabuting balita ay maaaring lumaganap sa partikular na sandaling iyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ginuguniguni ko ang aking sarili na nakikibahagi sa gawaing ito, nagbibigay ng mga presentasyon ng Bibliya sa mga tao.

Gayunman, sa tahimik na kapaligirang ito, ako sa wakas ay nahulog sa isang silo. Palibhasa’y mahilig akong magbasa at dahil sa sabik ako sa mga idea mula sa labas, kung minsan ay buhos na buhos ang isip ko sa isang partikular na aklat anupat nakakaligtaan ko ang aking iskedyul para sa pagbubulay-bulay tungkol sa espirituwal na mga bagay. Kapag nangyari ito, lagi akong nakadarama ng taos na pagsisisi.

Kaya, isang umaga ako’y dinala sa tanggapan ng piskal. Walang partikular na bagay ang pinag-usapan​—ang mga resulta lamang ng naunang mga pagtatanong. Ako’y nakadama ng kabiguan, yamang walang petsa ng paglilitis ang tiniyak para sa kaso ko. Sa loob ng kalahating oras o mahigit, ako’y balik na naman sa aking selda. Doon ay nawala ko ang aking kahinahunan at nagsimula akong umiyak. Bakit? Nakaapekto rin ba sa akin sa wakas ang mahabang mga linggo ng pag-iisa?

Sinimulan kong suriin ang aking problema at agad kong nakilala ang dahilan. Noong nakaraang araw, naging okupado na naman ako sa pagbabasa, at hindi ko na naman napanatili ang aking espirituwal na mga gawain. Kaya nang ako’y di-inaasahang dalhin para sa pagtatanong, wala ako sa wasto at may pananalanging kalagayan ng isip. Agad kong ipinahayag ang nilalaman ng aking puso kay Jehova at nagpasiyang hinding-hindi na muling kaliligtaan ang espirituwal na mga bagay.

Pagkatapos ng karanasang iyan ay nagpasiya akong alisin na ang pagbabasa. May pumasok sa aking isip na mas mabuting idea, yaon ay ang pilitin ang aking sarili na magbasa ng Aleman. Noong panahon ng pananakop ng Aleman noong Digmaang Pandaigdig II, kailangan naming mag-aral ng wikang Aleman sa paaralan. Ngunit dahil sa kakila-kilabot na mga bagay na ginawa ng mga Aleman noong kanilang pananakop sa Prague, pagkatapos ng digmaan nais kong kalimutan ang lahat ng bagay na Aleman, pati na ang wika. Kaya ngayon ako ay determinadong maging mahigpit sa aking sarili sa pamamagitan ng muling pag-aaral ng Aleman. Gayunman, kung ano sa wari’y isang parusa ay naging isang pagpapala. Hayaan mong ipaliwanag ko.

Nakakuha ako kapuwa ng mga edisyong Aleman at Czech ng ilang aklat at sinimulan kong sanayin ang aking sarili na isalin ang Aleman sa Czech at ang Czech sa Aleman. Ang gawaing ito ay hindi lamang napatunayang isa pang gamot sa potensiyal na mapanganib na mga epekto ng bartolina kundi nagkaroon din ito ng mabuting layunin nang maglaon.

Napalaya at Nagpatuloy sa Pangangaral

Sa wakas, pagkatapos ng walong buwan sa pag-iisa, ang aking kaso ay nilitis. Ako’y ipinagsakdal dahil sa subersibong gawain at nahatulang mabilanggo nang dalawang taon. Yamang ako’y nakapagsilbi na nang 15 buwan at isang amnestiya ang idineklara sa pagkahalal ng bagong pangulo, ako’y napalaya.

Sa loob ng bilangguan ako ay nanalangin na ang aking pamilya ay huwag mag-alala tungkol sa akin, at sa pagbabalik ko ng bahay, nasumpungan ko na sinagot ang panalangin kong ito. Si Tatay ngayon ay isa nang medikal na doktor, at hinimok niya ang marami sa kaniyang mga pasyente na mag-aral ng Bibliya. Bunga nito, si Nanay ay nagdaraos ng halos 15 lingguhang mga pag-aaral! Karagdagan pa, si Tatay ang nangangasiwa sa isang grupo ng pag-aaral sa magasing Bantayan. Isinalin rin niya ang ilan sa literatura ng Samahang Watch Tower mula sa Aleman tungo sa Czech, at ang aking kapatid na lalaki naman ang nagmakinilya ng mga manuskrito. Kaya agad akong nakibahagi sa espirituwal na gawain at di-nagtagal ay nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.

Isang Bagong Atas

Noong isang maulang hapon ng Nobyembre 1954, may tumimbre sa doorbell. Nakatayo roon, na may tumutulong tubig sa kaniyang matingkad na abong plastik na kapote, ay si Konstantin Paukert, isa sa mga nangunguna sa gawaing pangangaral. Karaniwan na, nais niyang makausap si Tatay o ang aking kapatid na si Pavel, subalit sa pagkakataong ito ay tinanong niya ako: “Maaari ka bang sumama sa akin sa maikling paglalakad?”

Tahimik kaming naglakad sa loob ng ilang sandali, ilang tao ang nagdaraan. Ang makulimlim na liwanag ng mga ilaw sa kalye ay bahagyang nagpabanaag sa basang ibabaw ng maitim na aspalto. Si Konstantin ay lumingon; ang kalye sa likuran namin ay walang katau-tao. “Maaari ka bang tumulong sa ilang gawain?” ang bigla niyang tanong. Nagulat, ako’y tumango bilang pagsang-ayon. “Kailangan namin ng tagasalin,” patuloy niya. “Kailangang humanap ka ng isang dako na doon ka gagawa ngunit hindi sa bahay at hindi sa sinuman na kilala ng pulis.”

Pagkaraan ng ilang araw, ako’y nakaupo sa isang desk sa isang maliit na apartment na pagmamay-ari ng isang may edad nang mag-asawa na hindi ko kilala. Sila’y mga pasyente ni Tatay, at isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan sa kanila hindi pa natatagalan. Kaya, ang aking pag-aaral ng Aleman sa bilangguan ay naging mahalaga, yamang isinasalin namin noon ang ating literatura mula sa Aleman tungo sa Czech.

Pagkalipas ng ilang linggo, ang Kristiyanong mga kapatid na nangunguna sa gawain ay nabilanggo, pati na si Brother Paukert. Gayunman, ang aming pangangaral ay hindi huminto. Ang mga babae, pati na kami ni Nanay, ay tumulong sa pangangalaga sa mga grupo ng pag-aaral sa Bibliya at sa ating ministeryong Kristiyano. Ang aking kapatid na si Pavel, bagaman isang tin-edyer pa, ay naglingkod bilang isang tagapaghatid upang ipamahagi ang literatura at mga tagubiling pang-organisasyon sa buong bahagi ng bansa na nagsasalita-ng-Czech.

Isang Minamahal na Kasama

Noong dakong huli ng 1957, si Jaroslav Hála, isang Saksi na nadakip noong 1952 at nabigyan ng 15-taóng sentensiya, ay pansamantalang pinalaya mula sa piitan para sa medikal na pagpapagamot. Agad siyang nakita ni Pavel, at di-nagtagal si Jaroslav ay muling lubusang nasangkot sa pagtulong sa mga kapatid. Palibhasa’y mahusay siya sa mga wika, sinimulan niyang gawin ang karamihan ng gawaing pagsasalin.

Isang gabi noong kalagitnaan ng 1958, inanyayahan ni Jaroslav kami ni Pavel sa isang paglalakad. Ito’y karaniwan para sa pagtalakay sa mga bagay na may kaugnayan sa organisasyon, yamang ang aming apartment ay kinabitan ng natatagong mga mikropono anupat maririnig ang anumang usapan. Subalit pagkatapos makipag-usap nang sarilinan kay Pavel, hiniling niya kay Pavel na maghintay sa isang bangko sa parke samantalang kaming dalawa ay patuloy na naglalakad. Pagkatapos ng maikling pag-uusap tungkol sa aking mga atas, tinanong niya kung, sa kabila ng kaniyang hindi mabuting kalusugan at di-tiyak na kinabukasan, ako’y pakakasal sa kaniya.

Nagulat ako sa taimtim, prangkang alok ng pagpapakasal ng isa na labis kong iginagalang, at ako’y sumang-ayon na pakasal sa kaniya nang walang pag-aatubili. Ang aming kasunduang pakasal ay nagpangyaring ako’y mapalapit sa ina ni Jaroslav, isang pinahirang Kristiyano. Siya at ang kaniyang asawa ay kabilang sa unang mga Saksi sa Prague noong dakong huli ng dekada ng 1920. Sila kapuwa ay ibinilanggo ng mga Nazi noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, at ang kaniyang asawang lalaki ay namatay sa isang piitang Komunista noong 1954.

Bago kami nakasal, si Jára, gaya ng tawag namin sa kaniya, ay ipinatawag ng mga awtoridad. Sinabi nila sa kaniya na alin sa siya ay magpaopera dahil sa kaniyang talamak na pleurisy​—na sa panahong iyon ay nangangahulugan ng pagpapasalin ng dugo​—o kailangan niyang manatili sa bilangguan para sa nalalabi pang mga taon ng kaniyang sentensiya. Yamang tinanggihan niya ang operasyon, ito’y nangangahulugan na mayroon pa siyang sampung taon ng pagkabilanggo. Nagpasiya akong maghintay sa kaniya.

Isang Panahon ng Pagsubok at Lakas ng Loob

Maaga noong 1959, si Jára ay dinala sa bilangguan, at di-nagtagal pagkaraan niyan, tumanggap kami ng isang sulat na nagpapahiwatig na siya ay nasa mabuting kalagayan. Nagkaroon ng mahabang pagitan bago dumating ang isang sulat na parang isang dagok sa amin. Ito’y nagpahayag ng mga panghihinayang, kalungkutan, at mga pangamba, para bang si Jára ay nasisiraan ng bait. “Tiyak na isinulat ito ng ibang tao,” sabi ng nanay niya. Ngunit sulat-kamay niya ito!

Kaming dalawa ng nanay niya ay sumulat at nagpahayag ng aming pagtitiwala sa Diyos at pinatibay-loob siya. Pagkaraan ng maraming linggo, isa pang sulat ang dumating, lalo pang nakalilito. “Hindi niya maaaring isinulat ito,” minsan pang nasabi ng nanay niya. Gayunman, ang sulat-kamay ay tiyak na istilo niya, at naroon ang kaniyang mga ekspresyon. Wala nang sulat pa ang tinanggap, at hindi na pinahintulutan ang mga pagdalaw.

Sa katulad na paraan, si Jára ay tumanggap ng mga sulat na sinasabing galing sa amin. Ang mga sulat ng kaniyang ina ay sumisisi sa kaniya dahil sa pag-iwan sa kaniya na mag-isa sa kaniyang katandaan, at ipinakita naman ng aking sulat ang pagkayamot dahil sa kailangan kong maghintay ng gayon kahabang panahon. Ang mga ito ay kahawig na kahawig din ng aming mga sulat-kamay at paraan ng pananalita. Sa simula siya man ay labis na nabagabag, subalit pagkatapos ay naging kumbinsido siya na hindi namin maaaring isinulat ang mga sulat na iyon.

Isang araw may lumitaw sa pinto, na nag-abot sa akin ng isang maliit na pakete, at agad na umalis. Sa loob nito ay maraming papel na pambalot ng sigarilyo na sinulatan ng pagkaliliit na sulat-kamay. Kinopya ni Jára ang mga sulat na ipinalalagay na isinulat namin, gayundin ang marami sa kaniya mismong hindi naharang na mga sulat. Pagkatanggap ng mga sulat na ito na ipinuslit ng isang hindi Saksing bilanggo na napalaya, gayon na lamang ang ginhawa namin at pasasalamat kay Jehova! Hanggang sa ngayon ay hindi namin kailanman nalaman kung paano o kung sino ang nagpakana ng makademonyong pagsisikap na ito na sirain ang aming katapatan.

Nang maglaon, ang ina ni Jára ay pinayagang makadalaw sa kaniyang anak. Sa mga pagkakataong ito, sinamahan ko siya hanggang sa tarangkahan ng piitan at minasdan ang maliit, mahinang babaing ito na nagsasagawa ng matinding lakas ng loob. May nagmamasid na mga guwardiya, hahawakan niya ang kamay ng kaniyang anak at ipapasa sa kaniya ang pinakamaliit na posibleng nakunan ng litratong literatura. Bagaman kung matuklasan ito ay mangangahulugan ng matinding parusa, lalo na para sa kaniyang anak, siya’y nagtiwala kay Jehova, natatanto na ang pananatiling malusog sa espirituwal ay laging pinakamahalaga.

Nang maglaon, noong 1960, isang panlahat na amnestiya ang ipinahayag, at ang karamihan ng mga Saksi ay pinalaya mula sa bilangguan. Si Jára ay umuwi ng bahay, at sa loob ng ilang linggo, kami’y isang maligayang bagong kasal.

Pagbabago ng Aking Istilo-ng-Buhay

Si Jára ay naatasan sa gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa, naglilingkod sa mga kapakanan ng kapatiran sa buong bansa. Noong 1961 siya ay naatasang mag-organisa ng unang klase ng Kingdom Ministry School sa bahagi ng bansa na nagsasalita-ng-Czech, gayundin ang pangangasiwa sa maraming klase ng paaralan pagkaraan niyan.

Dahil sa pulitikal na mga pagbabago sa Czechoslovakia noong 1968, nang sumunod na taon marami sa amin ang nakadalo sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Nuremberg, Alemanya. Gayunman, ayaw payagan ng mga awtoridad si Jára na lumabas ng bansa. Ang ilan sa amin ay kumuha ng mga larawan sa slide tungkol sa malaking kombensiyong iyon, at sa buong bansa, si Jára ay nagkapribilehiyo na ibahagi sa pagpapahayag ng isang nakapagpapatibay-pananampalatayang programa na nagtatampok sa mga larawang ito. Nais ng marami na makita nang paulit-ulit ang programa.

Wala kaming kamalay-malay na ito na ang magiging huling pagdalaw ni Jára sa mga kapatid. Maaga noong 1970, ang kaniyang kalusugan ay lubhang humina. Ang talamak na pamamaga, na binatá niya sa araw-araw, ay nakaapekto sa kaniyang mga bató, at ang paghina ng mga bató ay nakamamatay. Siya’y namatay sa gulang na 48.

Pinalakas sa Tulong ni Jehova

Ako’y inulila ng isa na labis kong minahal. Ngunit ang kagyat na tulong ay inilaan sa loob ng organisasyon ng Diyos, sapagkat ako’y pinahintulutang makibahagi sa pagsasalin ng literatura sa Bibliya. Para bang nasa isang takbuhang relay, nadama kong ipinasa sa akin ng aking asawa ang baton upang ipagpatuloy ko ang bahagi ng gawain na ginagawa niya mismo.

Marami sa amin sa Silangang Europa ang naglingkod kay Jehova sa loob ng mahigit na 40 taon sa ilalim ng Komunistang pagbabawal. Pagkatapos, noong 1989, sa pag-aalis ng Kurtinang Bakal, ang buhay ay nagsimulang magbago nang lubusan. Samantalang nilulunggati ko ang pagdaraos ng mga Saksi ni Jehova ng isang kombensiyon sa pagkalaki-laking Strahov Stadium sa Prague, kailanman ay hindi ako naniniwalang ang pangarap na ito ay magkakatotoo. Gayunman, noong Agosto 1991, ito’y nagkatotoo sa isang kahanga-hangang paraan nang mahigit na 74,000 ang nagkatipon sa masayang pagsamba!

Ang Czechoslovakia ay hindi na umiral noong Enero 1993 nang ang bansa ay nahati sa dalawang bansa​—ang Republika ng Czech at Slovakia. Noong Setyembre 1, 1993, anong ligaya namin nang ipagkaloob ng Republika ng Czech ang opisyal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova!

Mula sa mga karanasan ko sa buhay, alam ko na si Jehova ay laging may pagpapalang nakalaan para sa atin kung hahayaan nating turuan niya tayong bilangin ang ating mga araw. (Awit 90:12) Lagi akong nananalangin sa Diyos na turuan niya akong bilangin ang mga araw ko pa sa sistemang ito ng mga bagay upang sa di-mabilang na mga araw sa hinaharap sa kaniyang bagong sanlibutan, ako ay mapabilang sa kaniyang maliligayang lingkod.

[Larawan sa pahina 19]

Ang aking nanay at tatay

[Larawan sa pahina 21]

Isang pulong sa kakahuyan noong 1949 nang panahon ng pagbabawal: 1. Ang kapatid kong si Pavel, 2. Si Nanay, 3. Si Tatay, 4. Ako, 5. Si Brother Hála

[Larawan sa pahina 22]

Kasama ang aking asawa, si Jára

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang nanay ni Jára at ang kinunan ng litratong literatura na ipinuslit niya sa kaniya

[Larawan sa pahina 24]

Nagtatrabaho ngayon sa sangay sa Prague

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share