Mula sa Pagiging Aktibista sa Pulitika Tungo sa Pagiging Neutral na Kristiyano
AYON SA SALAYSAY NI LADISLAV ŠMEJKAL
Pagkatapos na ako’y sentensiyahan, muli akong dinala sa aking selda. Agad-agad kong itinuktok ang mensahe sa dingding sa pamamagitan ng Morse code sa isang kaibigan na dalawang palapag ang taas sa kinaroroonan ko. Hinihintay niyang marinig kung ano ang sentensiya sa akin.
“Labing-apat na taon,” ang itinuktok ko.
Hindi siya makapaniwala. Kaya nagtanong siya: “Labing-apat na buwan?”
“Hindi,” ang sagot ko. “Labing-apat na taon.”
IYON ay taon ng 1953. Ang lugar—Liberec, Czechoslovakia (ngayon ay Czech Republic). Ako’y isang 19-anyos na aktibista noon na naghahangad ng pulitikal na pagbabago. Pinalaganap naming mga aktibista ang aming mga pananaw sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pulyeto na bumabatikos sa Partido Komunista, na nasa kapangyarihan noon. Hinatulan ang aming gawain bilang isang matinding kataksilan—kaya naman, mahaba ang sentensiya ng aking pagkabilanggo.
Halos isang taon na ang ginugol ko sa bilangguan bago iginawad ang aking sentensiya. Bago pa man ang sentensiya, dala-dalawang bilanggo ang pinagsasama sa isang selda, at paminsan-minsan ay kinukuha silang nakapiring para pagtatanungin. Hindi kami pinapayagang mag-usap sa aming mga selda, kaya nagbubulungan kami o nag-uusap sa pamamagitan ng pagtuktok ng Morse code.
Hindi nagtagal at napag-alaman ko na marami sa mga nasa bilangguan ay mga Saksi ni Jehova. Kaugalian na sa aming bilangguan na pagpalit-palitin ang mga kasama sa loob ng selda halos buwan-buwan o tuwing dalawang buwan. Yamang ako’y interesado sa Bibliya, masaya ako nang sa dakong huli ay inilagay ako sa selda kasama ng isang Saksi. Nang maglaon, nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.
Sa palagay ko’y maituturing mo na mga pag-aaral sa Bibliya ang aming pag-uusap, bagaman wala kaming Bibliya o literatura sa Bibliya. Sa katunayan, hindi pa ako kailanman nakakita ng isang Bibliya sa buong buhay ko. Subalit kami’y nag-uusap—ipinaliliwanag ng Saksi ang mga saulado niyang paksa sa Bibliya—at kumukuha naman ako ng nota ayon sa sinabi niya. Lahat ng ito’y ginawa namin habang kami’y magkatabing nagbubulungan sa isa’t isa.
Ang tanging suplay na makukuha ay toilet paper at isang suklay. Ginamit ko ang suklay para sumulat ng nota sa toilet paper. Marami sa mga kasulatang pinag-usapan namin ay naisaulo ko. Tinuruan din ako ng mga Saksing nakipag-aral sa akin ng mga awiting pang-Kaharian. Isang Saksi ang nagsabi sa akin: “Ngayon ay nakabilanggo ka bilang isang pulitikal na kriminal, subalit sa hinaharap ay maaari kang ikulong dahil sa pagiging isang Saksi ni Jehova.”
Sa wakas, pagkaraan ng walang-katapusang pagtatanong, ako’y sinentensiyahan at dinala sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho malapit sa bayan ng Jáchymov. Noon mismo, nakumbinsi ako na balang araw, ako’y magiging isang Saksi ni Jehova.
Maraming Taon ng Pagkabilanggo
Nang makarating ako sa kampo kung saan minimina ang uranyum, agad kong hinanap ang mga Saksi. Subalit di-nagtagal ay napag-alaman ko na dinala sila sa ibang lugar. Gayunman, isang Saksi ang natira dahil siya’y isang kusinero. Ipinahiram niya sa akin ang gutay-gutay na Bibliya na nanggaling sa napakaraming taguan. Kaya nabasa ko ang mga kasulatan na saulado ko na. Patuloy kong sinasabi sa aking sarili habang ako’y nagbabasa, ‘Oo, ito nga mismo ang itinuro sa akin ng mga kapatid.’
Pagkalipas ng halos isang buwan, inilipat ako sa kampo na tinatawag na Bytiz, malapit sa bayan ng Příbram. Doon ko nakilala ang iba pang mga Saksi. Sa Bytiz, regular kaming nakatatanggap ng ipinuslit na literatura sa Bibliya. Bagaman sinikap ng administrasyon sa kampo na tuklasin kung paano ito nakararating sa amin, hindi nila kailanman natuklasan ito. Labing-apat kaming mga bilanggo na aktibong nagpapatotoo sa iba. Kalahati sa mga ito ay bautisadong mga Saksi, ang kalahati pa ay tulad ko, mga tao na samantalang sila’y nasa bilangguan ay nagtaglay ng paniniwala na gaya ng mga Saksi.
Gusto ng marami sa amin na sagisagan ang pag-aalay namin sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Subalit dahil sa kakulangan ng tubig—o, sa eksaktong pananalita, kawalan ng makukuhang malaki-laking lalagyan ng tubig—hindi madaling isaayos ang paglulubog sa tubig. Kaya naman, nang panahong iyon, marami ang kailangang maghintay na mapalaya muna para mabautismuhan. Gayunman, sa kampo ng Bytiz ay may malalaking tore na nagpapalamig ng hangin sa minahan. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1950, ilan sa amin ang nabautismuhan sa tipunang tangke sa isa sa mga toreng iyon.
Pagkalipas ng ilang taon, noong Marso 1960, ipinatawag ako ng isang opisyal ng pulisya na nangangasiwa sa pulitikal na mga bilanggo. Sinabi niya na kung ipagbibigay-alam ko sa kaniya ang gawain ng iba pang mga bilanggo, isasaayos niya na mabawasan ang aking sentensiya. Nang tumanggi akong gawin iyon, pasigaw na nilapastangan niya ako. “Tinanggihan mo ang pagkakataon para sa isang magandang buhay,” ang bulyaw niya. “Sisiguraduhin ko na hindi ka na kailanman makauuwi! Mamamatay ka rito.” Ngunit pagkalipas ng dalawang buwan, pinalabas ang isang amnestiya na kapit para sa akin, at pagkatapos ng buong walong taon ng pagkabilanggo, ako’y nakauwi.
Maikling Panahon ng Kalayaan
Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Czechoslovakia sapol noong Abril 1949, kaya natanto ko agad na ang tinatawag na malayang paglilingkod sa Diyos ay hindi naman lubusang naiiba sa paglilingkod habang nakabilanggo. Pagkatapos akong palayain, napaharap ako sa isa pang problema. Sapilitan noon para sa bawat lalaki sa bansa na maglingkod sa hukbo sa loob ng dalawang taon.
Binibigyan ng eksemsiyon mula sa militar na paglilingkod ang ilang lalaki na nagtatrabaho sa mga negosyong pag-aari ng Estado. Halimbawa, yaong mga nagtatrabaho sa minahan ng karbon ay nabibigyan ng gayong eksemsiyon. Yamang ako’y may karanasan sa pagmimina, nakapagtrabaho ako sa isa sa mga minahan. Malugod akong tinanggap doon. “Huwag kang mag-alala tungkol sa hukbo,” ang sabi sa akin. “Hindi problema sa amin na alisin ka mula sa militar na paglilingkuran.”
Pagkalipas ng dalawang buwan, nang matanggap ko ang sulat para sa sapilitang pagsusundalo, muling nagbigay sa akin ng katiyakan ang mga nagtatrabaho sa administrasyon ng minahan: “Huwag kang mag-alala, baka pagkakamali lang iyan. Susulat na lang kami sa militar, at maaayos na ang lahat.” Hindi naman naayos ang mga bagay-bagay. Nang maglaon, pinuntahan ako ng isang opisyal at humingi ng paumanhin: “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito, pero kailangan mong magpakita sa hukbo.” Nang ako’y tumangging sumali sa hukbo, dahil sa aking pagtutol sa digmaan, ako’y inaresto at dinala sa pinakamalapit na yunit ng militar.—Isaias 2:4.
Pagharap sa Hukuman
Pagkatapos kong mabilanggo sa bayan ng Kladno noong Enero 1961, sinikap na ako’y kumbinsihin na maging isang sundalo. Inorganisa ng isang nangangasiwang opisyal ng militar ang isang pulong. Dinala ako sa isang silid para sa komperensiya na may malaki at bilog na mesa na napalilibutan ng malalaki at yari sa katad na mga silyang may patungan ng kamay. Hindi nagtagal at isa-isang dumating ang mga opisyal at umupong nakapalibot sa mesa. Isa-isa silang ipinakilala sa akin ng nangunguna. Pagkatapos ay naupo siya at nagsabi: “Ngayon, sabihin mo sa amin ang tungkol sa iyong relihiyon.”
Pagkatapos kong manalangin nang sandali at tahimik, nagsimula akong magsalita sa matamang mga tagapakinig. Hindi nagtagal at nauwi ang pag-uusap sa ebolusyon, at inangkin nila na ang ebolusyon ay makatotohanang bagay ayon sa siyensiya. Sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho na aking pinanggalingan nang una, pinag-aralan ko ang buklet na Evolution Versus the New World.a Nakapagbigay ako ng katibayan na ang ebolusyon ay di-mapatunayang teoriya na ikinabigla naman ng mga opisyal na iyon ng militar.
Pagkatapos, nagsalita ang isang komandante, na maliwanag na may kaalaman sa relihiyong Katoliko. “Paano ninyo minamalas ang Birheng Maria?” ang tanong niya. “At ano ang inyong saloobin sa sagradong Misa?” Sinagot ko ang tanong niya, at pagkatapos ay sinabi ko: “Ginoo, sa palagay ko’y isa kayong mananampalataya, sapagkat naiiba ang inyong katanungan kaysa sa iba.”
“Aba, hindi! Hindi ako mananampalataya!” ang pasigaw na pagtutol niya. Sa Komunistang Estado, halos hindi iginagalang o binibigyan ng pananagutan ang mga nag-aangking Kristiyano. Kaya pagkatapos ng tanong at sagutan na iyon, hindi na sumali ang opisyal sa sumunod pang talakayan. Labis-labis ang pasasalamat ko dahil sa pagkakaroon ng pagkakataon na maipaliwanag sa mga taong iyon ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova.
Higit Pang Pagkakataon Para Magpatotoo
Pagkalipas ng ilang araw, dinala ako sa pasilidad ng militar sa Prague at pinaguwardiyahan ako. Ikinagulat ng unang armadong sundalo na nakatalagang magbantay sa akin ang pantanging mga paraang panseguridad. “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na personal kaming magbabantay sa isang tao,” ang sabi niya sa akin. Kaya ipinaliwanag ko kung bakit ako ibinilanggo. Gayon na lamang kalaki ang naging interes niya anupat siya’y naupo—nakaipit sa kaniyang mga tuhod ang riple niya—at nakinig. Pagkatapos ng dalawang oras ay hinalinhan siya ng isa pang sundalo, at gayunding katanungan at talakayan sa Bibliya ang sumunod.
Nang sumunod na mga araw, nagkaroon ako ng pagkakataong makipag-usap kapuwa sa mga nagbabantay sa akin at sa iba pang mga kasama ko sa bilangguan kapag pinahihintulutan ito ng mga guwardiya. Binuksan pa nga ng mga guwardiya ang mga selda at pinahintulutan ang mga bilanggo na magtipun-tipon para sa mga talakayan sa Bibliya! Nang maglaon, ikinabahala ko na baka matuklasan ang kalayaang ibinigay sa akin ng mga guwardiya na makipag-usap sa iba pang mga bilanggo at baka magkaroon ng mga problema. Subalit nailihim ang buong bagay na ito.
Nang bandang huli, nang ako’y dalhin sa korte para sentensiyahan, pinalakas-loob ako ng mga nakausap ko hinggil sa aking mga paniniwala. Sinentensiyahan ako ng dalawang taon, na idinagdag sa anim na taon na dati kong sentensiya na hindi ko naipaglingkod dahil sa amnestiya. Nangangahulugan ito na walong taon pa akong mabibilanggo.
Batid ang Tulong ng Diyos
Malimit na nababatid ko ang tulong ng Diyos samantalang ako’y nagpapalipat-lipat ng kampo at mga bilangguan sa Czechoslovakia. Nang dumating ako sa bilangguan sa Valdice, tinanong ng kumander kung bakit ako naroon. “Tumanggi akong maglingkod sa militar,” ang sagot ko. “Salungat ito sa aking paniniwala na makisali sa digmaan.”
“Maganda sana kung ganiyan ang saloobin ng lahat,” ang may pagsang-ayon niyang sagot. Subalit pagkatapos na mapag-isip-isip ito nang sumandali, sinabi niya: “Gayunman, yamang ang karamihan ng mga tao sa ngayon ay hindi ganito ang takbo ng pag-iisip, dapat ka naming parusahan—at parurusahan ka nang matindi!”
Inilagay ako sa departamento na nagpuputol ng salamin na isang departamento ng parusahan. Alam ninyo, bagaman ako’y nasentensiyahan dahil sa pagtanggi kong maglingkod sa militar bilang isang Saksi ni Jehova, itinuring pa rin akong isang pulitikal na bilanggo at, sa gayon, binigyan ako ng mas mahihirap na atas. Ang pagputol ng mga salamin para sa mga aranya at iba pang maluluhong gamit na yari sa salamin ay totoong napakahirap na trabaho dahil sa kailangang gawin ang mga iyon nang walang depekto. Karaniwan na, ibinibigay ng mga bilanggo ang kanilang natapos na gawa, subalit kinabukasan ay masusumpungan nila na ibinalik ang kalahati nito para ayusing muli. Kaya ubod nang hirap na matapos ang itinakdang kahilingan para sa produksiyon.
Kailangan ko munang hintayin ang pinuno ng departamento nang araw na ako’y pumasok sa departamento na nagpuputol ng salamin. Nang siya’y dumating, pinagbubulyawan niya ang mga bilanggo na hindi gaanong nagtatrabaho, ayon sa kaniyang pangmalas. Dumaan siya sa harap ng mga bilanggo at pumunta sa akin at nagsabi: “Ikaw? Bakit hindi ka nagtatrabaho?”
Ipinaliwanag ko na ako’y bagong inatasan doon na bilanggo. Pinapunta niya ako sa kaniyang opisina at itinanong ang pangkaraniwang mga bagay kung bakit ako nabilanggo. Pagkatapos kong ipaliwanag ang aking situwasyon sa kaniya, sinabi niya: “Ah, isa ka palang Saksi ni Jehova?”
“Opo,” ang sagot ko.
Nagbago ang saloobin niya. “Huwag kang mag-alala,” ang sabi niya. “Nagkaroon dito ng maraming Saksi ni Jehova. Iginagalang namin silang lahat, sapagkat sila’y masisipag at disenteng mga tao. Isasaayos ko na magkaroon ka ng kota sa trabaho na makakaya mong tapusin.”
Labis na ikinagulat ko ang nagbagong saloobin ng tagapangasiwa sa trabaho. Nagpasalamat ako kay Jehova at sa mga di-kilalang kapananampalataya na naging responsable sa pagkakaroon ng mabuting reputasyon ng mga Saksi sa bilangguang iyon. Ang totoo, nadama ko ang maibiging tulong ni Jehova sa buong panahon ng pagkabilanggo ko.
Kahit gaano man kahirap ang naging kalagayan ko, lagi kong natitiyak na sa dakong huli ay makatatagpo pa rin ako ng mga Kristiyanong kapatid. Makikita ko rin ang kanilang matatamis na ngiti at mapalalakas-loob nila ako. Kung wala sila, naging mas mahirap na batahin ang aking pagkabilanggo.
Tila wala nang ibang iniisip ang marami sa mga bilanggo kundi ang paghihiganti dahil sa pagmamaltrato na ginawa sa kanila. Subalit hindi ganiyan ang nadarama ko. Natanto ko na ako’y nagdurusa dahil sa pagsunod sa matuwid na mga simulain ng Diyos. Kaya alam ko na sa bawat araw na aking inilagi sa bilangguan, naipadama na sa akin ni Jehova ang di-mabilang na kamangha-manghang mga araw ng buhay sa kaniyang Paraiso sa bagong lupa.—Awit 37:29; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
Nagpapasalamat sa mga Pagpapala sa Ngayon
Noong Mayo 1968, pagkalipas ng mahigit na 15 taon sa bilangguan, pinalaya ako sa wakas. Noong una, nangingimi akong makipag-usap sa mga tao, na pangkaraniwan sa mga taong gumugol nang kalakhan ng kanilang buhay na kasama ang ibang bilanggo o mga guwardiya sa bilangguan. Subalit kaagad akong tinulungan ng aking mga Kristiyanong kapatid na makibahagi sa gawaing pangangaral, sabihin pa, na isinasagawa pa rin sa ilalim ng pagbabawal.
Sa loob ng ilang linggo pagkatapos na ako’y palayain, nakilala ko si Eva. Sa kabila ng mahigpit na pagsalansang ng pamilya, silang magkapatid ay nanindigan nang may katatagan ng loob sa katotohanan ng Bibliya mga tatlong taon na ang nagdaan. Hindi nagtagal at magkasama kaming nakibahagi sa gawaing pangangaral. Magkasama rin kami sa paglilimbag ng ating literatura sa Bibliya. Ginawa namin ito nang palihim sa nakatagong mga palimbagan. Pagkatapos noong Nobyembre 1969, kami’y nagpakasal.
Isinilang noong 1970 ang aming panganay na anak, si Jana. Nang maglaon, sa mga dulo ng sanlinggo ay naglingkod ako sa mga kongregasyon bilang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova, na dumadalaw sa kanila upang magbigay ng espirituwal na pampatibay-loob. Habang isinasagawa ito noong 1975, inaresto ako at ibinilanggong muli. Subalit sa pagkakataong ito, ilang buwan lamang ang ginugol ko roon. Pagkatapos noong 1977, isinilang ang aming anak na lalaki, si Štěpán.
Nang dakong huli, noong Setyembre 1, 1993, ipinagkaloob ng Czech Republic ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Nang sumunod na taon, nagpakasal ang aming anak na babae, si Jana, kay Dalibor Dražan, isang Kristiyanong matanda. Pagkatapos, noong 1999, pinakasalan ng aming anak na lalaki, si Štěpán, isang ministeryal na lingkod, si Blanka, na nakikibahagi sa buong-panahong ministeryo. Kaming lahat sa ngayon ay mga miyembro ng mga kongregasyon sa Prague. Inaasam naming lahat ang panahon na darating na ang bagong sanlibutan—subalit lalo kong inaasam ang panahon na wala nang mga bilangguan saanman.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1950.
[Mga larawan sa pahina 20]
Ginamit ko ang suklay para sumulat ng mga teksto sa Bibliya
[Larawan sa pahina 21]
The Bytiz camp, where I was incarcerated and later baptized
[Larawan sa pahina 23]
Ang araw ng aming kasal
[Larawan sa pahina 23]
Kami ni Eva, kasama sina Štěpán at Blanka sa aming kaliwa at sina Jana at Dalibor sa aming kanan