Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 6/22 p. 10-12
  • Malapit Na ba ang Inihulang Katapusan ng Sanlibutan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ba ang Inihulang Katapusan ng Sanlibutan?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Wakas​—Kailan?
  • Pagkilala sa Tunay na Hula
  • Mga Babalang Dapat Pakinggan
  • Ang Kalagayan sa Ngayon
  • Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?
    Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?
  • Isang Hula sa Bibliya na Nakita Ninyong Natupad
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • “Ang Katapusan ng Sanlibutan” ay Malapit Na!
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Malapit Na ba Ito Kaysa Inyong Akala?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 6/22 p. 10-12

Malapit Na ba ang Inihulang Katapusan ng Sanlibutan?

ANG Detroit Free Press Magazine ng Pebrero 6, 1994, ay nagsabi: “Ang mga kaisipan tungkol sa nalalapit na ganap na pagkapuksa ng sanlibutan ay laging sumasagi sa isip nang magsimula ang panahong nuklear. Pagkaraang sunugin hanggang maging abó ang Hiroshima noong Agos. 6, 1945, naging maliwanag sa lahat: Ngayon ang sanlibutan ay maaari nang magwakas!”

Noong nakaraang Disyembre, si Charles B. Strozier, isang psychoanalyst at propesor ng kasaysayan sa New York, ay nagsabi: “Hindi na natin kailangan ang mga makata upang sabihin sa atin na ang lahat ng ito ay maaari nang magwakas na lahat sa pamamagitan ng isang bigla at kahindik-hindik na wakas, o sa isang tahimik na paraan, o sa matinding sakit ng AIDS.” Sa katunayan, susog niya: “Nangangailangan ngayon ng isang buháy na buháy na imahinasyon na huwag mag-isip tungkol sa katapusan ng tao.”

Yamang itinuro ni Jesu-Kristo na ang sanlibutan ay magwawakas, matitiyak ba natin mula sa kaniyang mga turo kung baga ang wakas ay talagang malapit na?

Ang Wakas​—Kailan?

Ang mga alagad ni Jesus ay humingi sa kaniya ng isang “tanda” upang makilala kung kailan magwawakas ang sanlibutang ito, o ang sistema ng mga bagay. “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito,” tanong nila, “at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Maaari mong suriin “ang tanda” na ibinigay ni Jesus bilang sagot sa tanong na ito. Ito’y nakatala sa Bibliya sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21. Ang ilan sa mahalagang mga pangyayari na bumubuo sa tanda ay gaya ng sumusunod:

MALALAKING DIGMAAN: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Tiyak na nakita natin ang bahaging ito ng tanda na natupad. “Ang Unang Digmaang Pandaigdig [nagsimula noong 1914] ang unang ‘ganap’ na digmaan,” sabi ng isang mananalaysay. Gayunman, ang Digmaang Pandaigdig II ay maraming ulit na mas masahol pa, kumikitil ng mga 50 milyong biktima. At patuloy na sinisira ng digmaan ang lupa.

MGA KAKAPUSAN SA PAGKAIN: “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) Ang Digmaang Pandaigdig I ay sinundan ng kakila-kilabot na taggutom, at mula noon ang taggutom ay patuloy na lumaganap sa maraming bahagi ng lupa. Kahit na sa mas mayayamang bansa, palasak ang gutom at malnutrisyon.

MALALAKAS NA LINDOL: “Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Isaalang-alang ang ilan lamang malalakas na lindol: 1920, Tsina, 200,000 ang nasawi; 1923, Hapón, 143,000 buhay ang nasawi; 1970, Peru, 66,800 ang nasawi; at 1976, Tsina, 240,000 (ang ilan ay nagsasabing 800,000) ang nasawi. Tinawag ng isang dalubhasa sa inhinyeriya sa panlaban-sa-lindol ang lindol sa Tsina noong 1976 na “ang pinakamalaking kasakunaan dahil sa lindol sa kasaysayan ng tao.”

SAKIT: “Sa iba’t ibang dako ay mga salot.” (Lucas 21:11) Pagkatapos na pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, mga 21 milyong tao ang namatay dahil sa trangkaso Espanyola. Ang Science Digest ay nag-ulat: “Sa buong kasaysayan hindi kailanman lumaganap ang kamatayan nang may kabagsikan at kabilisan na gaya nito sa napakaraming tao.” Mula noon, ang sakit sa puso, kanser, AIDS, at marami pang ibang karamdaman ay kumitil sa daan-daang milyong tao.

KRIMEN: “Paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Sa maraming lupain ang krimen ay hindi mapigil. Ang pagpatay, pagnanakaw, panghahalay, terorismo, katiwalian​—araw-araw ay naririnig natin ang gayong mga krimen o nararanasan natin mismo ang mga ito.

Inihula rin ng iba pang mga hula sa Bibliya ang mga kalagayan na iiral sa mga huling araw. Halimbawa, sa aklat ng Apocalipsis, nariyan ang pangitain tungkol sa apat na mangangabayo. (Apocalipsis 6:1-8) Ang unang mangangabayo ay lumalarawan kay Jesus mismo bilang ang nananakop na Hari. Ang iba pang mga nakasakay sa kani-kanilang kabayo ay lumalarawan sa mga pangyayari sa lupa na magpapahiwatig sa pasimula ng paghahari ni Jesus: digmaan, taggutom, at di-napapanahong kamatayan sa iba’t ibang paraan.

Inilalarawan ng iba pang mga hula sa Bibliya ang mga saloobin at mga kalagayan na magiging laganap sa panahon ng “huling panahon ng sanlibutang ito.” Isaalang-alang kung ano ang isinulat ng isang apostol ni Jesus. Kapag binasa mo ang hulang ito, tanungin ang iyong sarili: Hindi ba tamang-tamang inilalarawan nito ang magulong panahon natin sa ngayon?

“Ang huling panahon ng sanlibutang ito,” sulat ng apostol, “ay magiging isang panahon ng kaguluhan. Ang mga tao ay walang iibigin kundi ang salapi at ang sarili; sila’y magiging arogante, mayabang, at mapang-abuso; walang paggalang sa mga magulang, walang utang na loob, walang kabanalan, walang katutubong pagmamahal; sila’y magiging walang-habag sa kanilang pagkakapoot, mga mapagkalat ng tsismis, walang pagpipigil at mabagsik, walang kabutihan, mga traidor, abenturero, sobrang pagpapahalaga sa sarili. Sila’y magiging mga taong inilalagay ang kalayawan sa dako ng Diyos, mga taong iniingatan ang panlabas na anyo ng relihiyon, ngunit tinatanggihan ang katotohanan nito.”​—2 Timoteo 3:1-5, The New English Bible.

Ang isa pang mahalagang hula tungkol sa katapusan ng sanlibutan ay yaong isa na nangangako na ‘dadalhin [ng Diyos] sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Ang mga tao noong naunang salinlahi ay hindi kailanman nagkaroon ng teknolohikal na kakayahang sirain ang lupa, ngunit ginagawa nila ngayon. At ang bagong mga teknolohiya sa ngayon ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagpaparumi sa kapaligiran. Noong Nobyembre 1992, nasa mga pahayagan ang mga ulong-balita na gaya nito: “Nagbabala ang Kilalang mga Siyentipiko Tungkol sa Pagkawasak ng Lupa.”

Pagkilala sa Tunay na Hula

Walang alinlangan tungkol dito. Lahat ng bagay na inihula ng Bibliya na mangyayari sa “huling panahon,” o sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ay nangyayari mismo ngayon. Nakikita natin ang tunay na hula na natutupad, at mahalaga na pakinggan natin ito. Ipinakita ito ni Jesus nang inilalarawan ang kalagayan noong mga kaarawan ni Noe, “isang mangangaral ng katuwiran,” sandaling panahon bago magwakas ang sanlibutan ng panahong iyon.​—2 Pedro 2:5.

Si Jesus ay nagpaliwanag: “Gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:38, 39) Kapag hindi pinapansin ang tunay na hula, ang mga kahihinatnan ay kapaha-pahamak.

Marahil ay sasabihin mo, ‘Oo, naniniwala ako sa mga hulang ito ng Bibliya; balang araw darating ang wakas, ngunit malayo pa.’ Gayunman, nakatitiyak ka ba? Hindi ba dapat na pakinggan mo ang babala ngayon?

Mga Babalang Dapat Pakinggan

Maliwanag, ang ilang babala ay walang saligan, at kamangmangan na pakinggan ito. Subalit ang iba ay hindi. Dahil lamang sa minamaliit ng marami, pati na ng prominenteng mga miyembro ng isang pamayanan, ang isang babala, hindi dahilan iyan upang waling-bahala ito. Isaalang-alang ang isang halimbawa.

Marso 1902 noon, at sa magandang isla ng Martinique sa Caribbean, ang bulkanikong Bundok Pelée ay naging aktibo. Noong Abril, ito ay bumuga ng usok, abó, at mga pirasong bato na may kasamang usok na masakit sa ilong. Ang mga mamamayan ng St. Pierre, halos walong kilometro ang layo, ay nangamba. “Ang lungsod ay natabunan ng mga abó,” sulat ng isang residente. “Marami sa mga tao ay napilitang magtakip ng kanilang ilong at bibig ng basang panyo upang pangalagaan ang kanilang sarili mula sa matapang na mga usok.”

Maaga noong Mayo lalong naging aktibo ang bulkan. Ang lokal na pahayagan ay nagsabi: “Ang pag-ulan ng mga abó ay walang tigil . . . Ang pagdaan ng mga karwahe ay hindi na naririnig sa mga lansangan. Humihina ang tunog ng mga gulong.” Ang init ay nakasasakal.

Pagkatapos, noong Mayo 5, ang bulkan ay naglabas ng daloy ng napakainit na bagay na kumitil sa napakaraming tao sa landas nito. Ngunit ano ang sinabi ng mga lider ng lungsod?

Papalapit na ang pag-aani ng tubó, at tiniyak ng mga negosyante sa mga tao na walang malaking panganib. Ang mga pulitiko man, na nababahala sa dumarating na eleksiyon sa Mayo 10, ay ayaw paalisin ang mga tao. Kaya sinikap din nilang patahimikin ang mga pangamba ng mga tao. Isa pa, ang mga klero ay nakipagtulungan sa mga pangkat ng negosyante at pulitiko at hinimok ang kanilang mga miyembro sa parokya na huwag umalis.

Pagkatapos ay nangyari ito. Noong Mayo 8, bago mag-alas 8:00 n.u., ang Bundok Pelée ay sumabog na may nakagugulat na dagundong. Dambuhala, napakainit na itim na mga ulap ang hindi kapani-paniwalang nagtutumulin pababa tungo sa St. Pierre. Ang mainit na gas ay agad na sumawi ng libu-libong buhay. Halos lahat sa St. Pierre ay namatay​—mga 30,000 o higit pa na mga tao. Ang tanging taong nakaligtas ay isang kabataang bilanggo na nasa isang bartolina sa ilalim ng piitan.

Ang Kalagayan sa Ngayon

Gayundin sa ngayon, minamaliit ng marami ang katibayan na ang mga hula sa Bibliya ay natutupad na. Ayaw nilang pakinggan ang katibayan na dapat sana’y nakakukumbinsi sa sinumang makatuwirang tao na ang katapusan ng sistemang ito ay malapit na. At, inihuhula pa nga ng Bibliya ang kanilang saloobin, na nagsasabi: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.’ ”​—2 Pedro 3:3, 4.

Subalit ang mga manunuya ngayon ay nagkakamali. Ang totoo ay, nagbago na ang mga bagay. Ang mga hula sa Bibliya ay natutupad. Ang katibayan na ang katapusan ay malapit na ay napakarami.

Makabubuti, huwag iantala ang nagliligtas-buhay na pagkilos. Ngunit ano ang kailangan mong gawin?

[Picture Credit Line sa pahina 10]

U.S. National Archives photo

[Picture Credit Line sa pahina 10]

WHO/E. Hooper

[Picture Credit Line sa pahina 11]

WHO photo ni W. Cutting

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share