Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Matanda Na?
“ANG KATANDAÁN AY HINDI NAMAN MASYADONG MASAMA KUNG ISASAALANG-ALANG MO ANG MAPAGPIPILIAN.”—Maurice Chevalier.
ANG pagtanda ay nakaaapekto sa lahat sa wakas. Hindi ito maiiwasan. Ito’y nagsisimula nang halos hindi namamalayan—kaunting sakit dito, kaunting kulubot doon, at kaunting puting buhok—ngunit sa wakas ay sinasakmal nito ang isang tao sa mahigpit na hawak nito. Ngayon pa lamang nangyari sa kasaysayan na napakarami ang nakadarama ng mga epekto ng katandaán.
Ang isang pangunahing dahilan ng pagdami ng mga may edad na ay ang tagumpay ng siyensiya ng medisina sa pagsawata sa nakamamatay na mga sakit. Sa Estados Unidos, halimbawa, ang mga mahigit na 65 anyos ay kumakatawan sa halos 12 porsiyento ng populasyon, at sa Hapón humigit-kumulang 11 porsiyento. Ang mga Amerikanong mahigit nang 85 anyos ay dumami mula 700,000 noong 1953 tungo sa 2.1 milyon noong 1978. Oo, halos 50,000 Amerikano at mga 3,700 taga-Canada ang sandaang taóng gulang o mahigit pa!
Bagaman ang mga matanda na ay mas mabunga ang buhay kaysa rati, ang mga taon ng katandaán ng isang tao ay walang-salang sinisira ng paghina ng ilang mga kakayahan. Ang pandinig, paningin, lakas ng kalamnan, at pagkilos ay pawang apektado habang nagkakaedad ang isa. Ang ilang matatanda na ay dumaranas ng pangungulila at pagkaulianin pa nga. Ang iba naman ay nakadarama na naiwawala nila ang kanilang pagiging kaakit-akit at nanlulumo.
Kadalasan nang kung paano nakikibagay ang isa sa pagtanda ang siyang tumitiyak sa kaligayahan ng isa o sa kawalan nito. Kapag sinasabi ng isa: “Napakatanda ko na para gawin iyan,” kung minsan ang saloobin, kaysa anumang bagay na pisikal, ang humahadlang sa posibleng mga gawain.
Isang kabataan ang nagpakita ng malaking unawa nang sabihin niya: “Ang katandaán, para sa akin, ay waring ang sinuman na huminto nang mabuhay nang lubusan, sinuman na hindi umiibig at hindi na nakasusumpong ng katuwaan sa buhay. Hindi nga posibleng matiyak kung anong edad ang masasabing ‘matanda’ yamang may mga tin-edyer na parang matanda, subalit may mga matanda naman na parang bata.”
Matanda Na Ngunit Maligaya at Kontento
Para sa ilan ang mga taon ng katandaán ay napatunayan, sa ilang paraan, na ginintuang mga taon. Ang maliligayang may edad nang ito ay nagtatamasa ng kalayaan mula sa mga panggigipit at mga paghihigpit ng regular na trabaho. Para sa kanila ang katandaán ay nangangahulugan ng higit na panahon upang makasama ang kanilang mga apo. Batid nila na ang kanilang kaligayahan ay hindi depende sa kung ano ang iniisip sa kanila ng iba. Maaaring nadarama nilang mas malaya nilang nasasabi ang nasa kanilang isipan, at maaaring sila’y mas relaks at kontento.
Isa pa, ang mga iyon ay maaaring mabahala sa mga bagay na higit pa sa kanilang personal na mga pangangailangan at nakasusumpong ng kagalakan sa pagboboluntaryo upang tulungan ang mga nangangailangan. Sila’y tumutulong sa bulag sa pamamagitan ng pagbasa sa kanila, isinasama ang mga ulila sa mga paglalakbay, o tumutulong sa mga may kapansanan na makadama na mas mabuti tungkol sa kanilang sarili. Ang iba ay nag-aaral ng bagong mga kasanayan at gumagawa ng mga bagay na hindi nila nagawa noong nangangalaga sila sa pamilya o naghahanapbuhay. Ang kilalang Amerikanong pintor na si Grandma Moses ay nagsimula sa kaniyang karerang pagpipinta noong siya’y mga mahigit nang 70 anyos at nakagawa ng 25 larawan pagkalampas ng edad na 100!
Mangyari pa, ang isa ay hindi naman kinakailangang gumawa ng pambihirang mga bagay upang magtamo ng kagalakan. Sa gulang na 86, isang aktres sa tanghalan na kilala sa daigdig ang nagkomento: “Tinatamasa ko ang pinakamabuting panahon, ngayon! Bakit napakahuli na? maitatanong mo. Ang bentaha ng pagiging nasa puntong ito ng aking buhay ay na hindi ako tumitingin sa likuran o sa unahan—nang higit kaysa ilang araw sa isang panahon. Basta ako nasisiyahan sa kasalukuyan.” Sabi pa niya: “Upang ikaw ay talagang masiyahan sa iyong sarili, sa iyong buhay, hindi mo kailangang maging tanyag o maging milyonaryo.”
Ang isa pang bentaha ng pagiging matanda na ay ang karunungan at karanasan na karaniwang natatamo sa paglipas ng panahon. Pinahahalagahan mo ba ang mahahalagang bagay na ito? Isang babaing nagpapahalaga ang nagsabi: “Pinahahalagahan ko ang karunungang natamo ko sa nakalipas na mga taon. Ang pagkatuto ng kung ano ang talagang mahalaga ay nakatulong sa akin na makayanan ang mga problema sa buhay. Sa katunayan, maraming nakababatang babae ang lumalapit sa akin at humihingi ng payo. Karaniwan nang sinasabi nila pagkatapos: ‘Mabuti na lamang at nakausap ko kayo. Hindi ko naisip iyon noon.’ Hindi ko ipagpapalit iyon sa anupamang bagay. Ako’y nagpapasalamat na ako’y nakatutulong, lalo na sa mga nakababata.”
Pangmalas ng mga Matanda Na
Dati-rati ang mga matanda na ay lubhang iginagalang, at ang kanilang payo ay sinusunod. Sa maraming bansa ito ay nagbago. Ngayon ang mga matanda na ay kadalasang hindi pinapansin at minamaltrato pa nga. Ito’y nakalulungkot, yamang ang mga matanda na ay kumakatawan sa saganang pinagmumulan ng karunungan at karanasan na magagamit ng mga nakababata sa kanilang kapakinabangan. Mangyari pa, hindi ito nagbibigay ng karapatan sa mga nakatatanda na makialam sa buhay-buhay ng iba.
Nakatutuwa naman, sa ilang kultura ang matatanda na ay iginagalang pa rin. Halimbawa, sa Hapón at sa karamihan ng mga bansa sa Aprika, sila ay kadalasang nananatiling pinakamahalaga sa pamilya o sa tribo. Sa Republika ng Abkhaz, Georgia, sa dating Unyong Sobyet, kung saan ang mga tao ay karaniwang nabubuhay nang mahigit na sandaang taon, ang mga sentenaryo ay iginagalang ng nakababatang salinlahi. Ang salita ng matatanda na ay kadalasang itinuturing na batas sa loob ng pamilya.
Kung ginagamit ng mga kabataan ang pinagmumulang ito ng karunungan, ang yunit ng pamilya ay nakikinabang. Maaaring magkaroon ng pantanging kaugnayan sa pagitan ng mga lolo’t lola at ng mga apo. Sa pamamagitan ng kaugnayan ng dalawang pangkat na ito na ang mga bata ay kadalasang natututo ng tiyaga, habag, empatiya, at paggalang sa mga nakatatanda sa kanila. Kapag nawala nila ang kaugnayang ito, ang mga bata ay malubhang naaapektuhan.
Paano Nila Gustong Sila’y Pakitunguhan?
Nais ng mga matanda nang sila’y igalang. Kailangan nilang magpasiya at madama na sila pa rin ang may pangangasiwa sa kanilang buhay. Bagaman umuunti na ang nagagawa nila sa pisikal habang nagkakaedad, ang mga pinananatiling aktibo ang kanilang mga isip ay kadalasang nananatiling matalas ang isip. Tunay, sila’y maaaring hindi na mabilis mag-isip gaya nang sila’y bata-bata pa o mabilis na matuto ng bagong mga bagay. Ngunit hindi sila dapat na isaisang-tabi at agawin ang kanilang papel sa pamilya, ni dapat ding gampanan ng iba ang mga gawain na nanaising gawin ng mga matanda na mismo. Ang paggawa nito ay maaaring bumigo at magpahina ng loob nila at ipadama sa kanila na sila’y walang kakayahan at walang silbi pa nga.
Ang pagiging magawain para sa mga matanda na ay mahalaga; tumutulong ito sa kanila na makadama na sila’y mahalaga. Kapansin-pansin, ang mga sentenaryo sa Republika ng Abkhaz ay karaniwang may maraming gawain sa araw-araw, gaya ng pagtatrabaho sa bukid, pagpapakain ng mga manok, paglalaba, paglilinis ng bahay, at pag-aalaga ng maliliit na bata—lahat ay tiyak na nakatutulong sa kanilang mahabang buhay. Tunay, kapag ang mga matanda na ay may makabuluhang gawaing ginagawa, sila’y lumalakas. Bakit? Sapagkat may layunin sila sa buhay.
Kahit na kung ang mga matanda na ay baldado na dahil sa isang atake serebral o sa ibang karamdaman, nais pa rin nilang sila’y pakitunguhan nang may dignidad. Ayaw nilang sila’y minamaliit o pinagagalitan na parang bata. Kung hindi sila makapagsalita, sila’y karaniwang nakaririnig, at sila’y maramdamin. Kung minsan, dahil sa sobrang paggamot, sila’y maaaring magtinging ulianin samantalang sa totoo lang ay hindi naman sila gayon. Kaya higit sa anupamang damdamin kailangan ang empatiya upang wasto silang mapangalagaan.
Yamang ang mga matanda na ay maaaring hindi na makalabas ng kanilang bahay, kailangang madama nila na sila’y hindi nakakaligtaan. Pinahahalagahan nila ang mga bisita. Anong lungkot nga kung ang mga miyembro ng isang Kristiyanong kongregasyon ay hindi dumalaw o tumawag sa telepono sa baldado nang may edad na mga miyembro na dati-rati’y nakatulong nang malaki sa paglawak ng gawaing pang-Kaharian! Tunay, ang gayong mga pagdalaw o mga tawag sa telepono ay nangangailangan lamang ng kaunting panahon at pagsisikap kung ihahambing sa malaking pakinabang na maidudulot nito sa mga may edad na!
Subalit, paano man sila pinakikitunguhan ng iba, malaki ang nagagawa ng kung paano minamalas ng mga may edad na ang kanilang sarili. Gaya ng sinabi ng isang 75-anyos na babae: “Ang bagay na talagang nakatulong sa akin na magpatuloy ay ang pagiging laging may ginagawa. Wala akong magagawa kung wala akong mga plano at mga tunguhin. Mangyari pa, mayroon akong pisikal na mga problema. Subalit gayundin ang karamihan ng mga taong kaedad ko.”
Dapat iwasan ng mga matanda na ang maging reklamador at hindi nakikipagtulungan. Maaaring mahirap gawin ito kung ang isa ay nagdurusa. “Kahit na mayroon akong pisikal na mga problema,” sabi ng isang may edad na lalaki, “hindi nabawasan ng aking mga karamdaman ang aking kagalakan sa pamumuhay. Sa palagay ko, napakahalaga ng saloobin. Ang karanasan sa pamumuhay sa lahat ng mga taóng ito ay nagpayaman sa akin. At inaakala ko na ang susi upang manatiling bata ay makisama sa mga kabataan. Nakikinabang sila sa aking karunungan, at nagagamit ko naman ang kanilang lakas. Alam mo, ang pakiramdam ko’y bata pa ako.”
Ano ang Maaaring Gawin?
Kung ikaw ay kabataan, kailangan mo bang pasulungin ang iyong pangmalas tungkol sa katandaán at ang iyong pakikitungo sa mga may edad na? Kung ikaw ay matanda na, bakit hindi tanungin ang iyong sarili ng mga tanong na nakatala sa kasamang kahon? May magagawa ka ba upang mapabuti mo ang iyong kalagayan?
Kung oo ang sagot mo sa lahat ng tanong, hindi ka mawawalan ng mga kaibigan, matanda o bata. Natural na gugustuhin ka ng iba na makasama. Higit sa lahat, masisiyahan ka kahit na wala kang kasama at masusumpungan mo na ang buhay, sa anumang edad, ay maaaring maging kawili-wili at ganap.
[Kahon sa pahina 16]
Pagsusuri-sa-Sarili Para sa mga Matanda Na
◻ Ako ba’y tumatanaw sa hinaharap taglay ang pag-asa?
◻ Ako ba’y mausisa at sabik pa ring matuto ng bagong mga bagay?
◻ Sinisikap ko bang manatiling aktibo hangga’t maaari?
◻ Ako ba’y nabubuhay sa araw-araw at gumagawa ng kinakailangang mga pagbabago?
◻ Ako ba’y masayahin at nagpapatibay-loob kapag kasama ng iba?
◻ Pinananatili ko ba ang aking ugaling mapagpatawa?
◻ Sa simpleng pananalita—ako ba’y may pinagkatandaan?
[Larawan sa pahina 15]
Dinadalaw mo ba ang mga may edad na?