Ang mga Tunay na Kristiyano ay Gumagalang sa Matatanda Na!
“ANG matatanda na,” ang sabi ng mananaliksik na si Suzanne Steinmetz, “ay nasa dulo na ng kanilang maunlad na buhay, na siyang saligan ng pagpapahalaga ng ating kultura sa mga indibiduwal at siyang nagbibigay sa kanila ng pakundangan, katayuan, respeto at mga kagantihan.” Ang pagkamalas ng modernong lipunan sa matatanda na ay kung gayon malungkot at negatibo. Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na ating malimit na mabasa na sila’y napapabayaan at inaabuso.
Datapuwat, ano ang pangmalas ng Bibliya sa matatanda na? May katotohanang kinikilala ng Salita ng Diyos na ang pagtanda ay hindi madali. Ganito ang dalangin ng salmista: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; pagka ang lakas ko’y nanlulupaypay na, huwag mo akong pabayaan.” (Awit 71:9) Sa kaniyang katandaan, higit kailanman ay nadama niya na noon niya lalong kailangan ang pag-alalay ni Jehova. At ang pangmalas ng Bibliya ay positibo sa pagpapakita na tayo rin naman ay dapat magbigay-pansin sa mga pangangailangan ng matatanda na.
Totoo, ang katandaan ay tinawag ni Solomon na “ang kapaha-pahamak na mga araw” na “hindi kalulugdan” ng isa. (Eclesiastes 12:1-3) Subalit “ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay” ay iniuugnay rin naman ng Bibliya sa mga pagpapala buhat sa Diyos. (Kawikaan 3:1, 2) Bilang paghahalimbawa, ipinangako ni Jehova kay Abraham: “Sa ganang iyo, . . . ikaw ay malilibing sa mabuting katandaan.” (Genesis 15:15) Tiyak, hindi naman hinahatulan ng Diyos ang tapat na si Abraham para dumanas ng malungkot, na “kapaha-pahamak na mga araw” na doo’y hindi siya ‘magkakaroon ng kaluguran.’ Si Abraham ay nakasumpong ng kapayapaan at katahimikan sa kaniyang katandaan, at kaniyang ginunita nang may kasiyahan ang buhay na ginugol niya sa paglilingkod kay Jehova. Siya rin naman ay naghintay ng isang “lunsod na may tunay na mga pundasyon,” ang Kaharian ng Diyos. (Hebreo 11:10) Kaya naman siya’y namatay na “matanda na at nasisiyahan.”—Genesis 25:8.
Kung gayon, bakit nga tinawag ni Solomon ang katandaan na “ang kapaha-pahamak na mga araw”? Tinukoy ni Solomon ang patuluyang pag-urong ng kalusugan na nagaganap sa katandaan. Datapuwat, ang isa na hindi ‘nag-aalaala sa kaniyang Dakilang Manlalalang sa mga araw ng kaniyang kabataan’ ang nakakaranas na ang kaniyang mga taon ng katandaan ay maging lalong higit na kapaha-pahamak. (Eclesiastes 12:1) Dahilan sa kaniyang sinayang ang kaniyang buhay, ang gayong matanda na ay ‘walang kaluguran’ sa mga huling araw ng kaniyang buhay. Ang kaniyang walang Diyos na istilo ng buhay ay maaari pa ngang nagbunga ng mga problema na lalo lamang nagpapalubha sa mga kahirapan na dinaranas sa katandaan. (Ihambing ang Kawikaan 5:3-11.) Kaya’t sa pagmamasid sa hinaharap, siya’y walang nakikitang kinabukasan kundi ang libingan. Ang isang tao na gumamit ng kaniyang buhay sa paglilingkod sa Diyos ay dumaranas din ng “kapaha-pahamak na mga araw” habang humihina ang kaniyang katawan. Subalit tulad ni Abraham, siya’y may kagalakan at kasiyahan sa isang buhay na ginugol niya sa mabuti at sa paggamit ng kaniyang natitirang lakas sa paglilingkod sa Diyos. “Ang ulong may uban ay isang putong ng kagandahan pagka ito’y nasumpungan sa daan ng katuwiran,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 16:31.
Ang totoo, kahit na ang katandaan ay may mga ilang bentaha. “Ang kabataan at ang kasikatan ng buhay ay walang kabuluhan,” ang sabi ni Solomon. Bagaman ang mga kabataan ay maaaring may kasiglahan at kalusugan, malimit na kulang sila ng karanasan at mahusay na pagpapasiya. Subalit, ang katandaan ay may dalang isang habang-buhay na karanasan. Ang matatanda na ay ‘umiiwas sa kapahamakan,’ di-tulad ng mapusok na kabataan na kadalasan ay padalus-dalos na tumatalon doon. (Eclesiastes 11:10; 2 Timoteo 2:22) Kaya naman, nasabi ni Solomon: “Ang kagandahan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.”—Kawikaan 20:29.
Iginagalang kung gayon ng Bibliya ang matatanda na. Papaano ito may epekto sa paraan ng pakikitungo sa kanila ng mga Kristiyano?
‘Pagtindig’ sa Harap ng Matatanda Na
Ang paggalang sa matatanda na ay ginawa ng Diyos na isang pambansang patakaran sa Israel. Ang Kautusang Mosaiko ay nagsasabi: “Titindig kayo sa harap ng may uban at inyong pakukundanganan ang katauhan ng isang matanda nang lalaki.” (Levitico 19:32) Nang may dakong huli ay maliwanag na literal na sinunod ng mga Judio ang kautusang ito. Ganito ang sabi ni Dr. Samuel Burder sa kaniyang aklat na Oriental Customs: “Sang-ayon sa mga manunulat na Judio ang alituntunin ay, tumindig sa harap nila pagka sila’y nasa layong apat na kubito; at pagkatapos na sila’y makalampas na, umupo uli, upang magtingin na sila’y tumindig dahil lamang sa paggalang sa kanila.” Ang gayong paggalang ay hindi lamang sa mga taong prominente kailangang gawin. “Igalang kahit na ang matanda nang lalaki na ang karunungan ay pumanaw,” ang sabi ng Talmud. Isang rabbi ang nangatuwiran na ang paggalang na ito ay dapat ding ipakita sa ignorante at walang pinag-aralang matatanda nang lalaki. “Ang mismong bagay na siya’y tumanda,” ang pangangatuwiran niya, “ito’y tiyak na dahil sa mayroon siyang isang katangian.”—The Jewish Encyclopedia.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala na sa ilalim ng mga tadhana ng Kautusang Mosaiko. (Roma 7:6) Subalit ito’y hindi nangangahulugan na sila’y hindi obligado na magpakita ng natatanging pagpapakundangan sa matatanda na. Ito’y malinaw buhat sa mga tagubilin ni apostol Pablo sa tagapangasiwang Kristiyanong si Timoteo: “Huwag mong pakapintasan ang isang nakatatandang lalaki. Kundi, pangaralan mo siyang tulad sa isang ama, . . . ang nakatatandang mga babae tulad sa mga ina.” (1 Timoteo 5:1, 2) Sinabi rin ni Pablo sa binatang si Timoteo na siya’y may awtoridad na “mag-utos.” (1 Timoteo 1:3) Gayumpaman, kung sakaling ang isang mas matanda sa kaniya—lalo na ang isang naglilingkod bilang isang tagapangasiwa—ay nagkamali sa pagpapasiya o nakapagsalita nang di-tama, siya’y hindi dapat “pakapintasan” ni Timoteo bilang isang nakabababa. Bagkus, kaniyang magalang na ‘pangangaralan siya tulad sa isang ama.’ Kailangan ding igalang ni Timoteo ang nakatatandang mga babae sa kongregasyon. Oo, sa katunayan, siya’y kailangan pa ring ‘tumindig sa harap ng may uban.’
Ang Kristiyanismo kung gayon ay isang relihiyon na gumagalang sa matatanda na. Subalit, balintuna na ang malaking bahagi ng di paggalang sa mga matatanda na ay nagaganap sa mga bansang namamaraling Kristiyano. Gayunman, may mga mananamba na sumusunod pa rin sa mga pamantayan ng Bibliya. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay nasisiyahan na magkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ang maraming libu-libong matatanda na; ang mga ito ay hindi nila itinuturing na isang pabigat o isang bagay na nakahahadlang sa kanila. Bagaman dahil sa mahinang kalusugan ang gayong matatanda na ay hindi na kasinsigla na gaya noong sila’y mga bata pa, marami ang may mahabang rekord ng paglilingkuran bilang tapat na mga Kristiyano, at ito’y nagpapatibay-loob sa mga nakababatang Saksi na tularan ang kanilang pananampalataya.—Ihambing ang Hebreo 13:7.
Gayunman, hindi inaasahan na ang matatanda na ay magiging naturingang mga miyembro lamang ng kongregasyon. Sila’y hinihimok na magpakita ng magagandang halimbawa sa pagiging “mahinahon, seryoso, mahusay ang isip, matatag sa pananampalataya, . . . kagalang-galang sa pagkilos,” at ang kanilang karunungan at karanasan ay saganang ibinabahagi sa iba. (Tito 2:2, 3) Inihula ni Joel na kabilang sa mga makikibahagi sa pangangaral ng pabalita ng Bibliya, ay “matatandang lalaki.” (Joel 2:28) Walang alinlangan na nasasaksihan mo ang maraming matatanda nang Saksi na nalulugod pa rin na makibahagi nang puspusan sa pangangaral sa bahay-bahay.
Paggalang sa Kanila “Nang Lalong Higit”
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na sa maraming paraa’y bigyan ng natatanging konsiderasyon ang matatanda na. Sa taunang mga kombensiyon sa relihiyon, halimbawa, malimit na sila’y nagsasaayos ng mga upuan na inilalaan sa matatanda na. Ang konsiderasyon ay ipinakikita rin sa kanila sa indibiduwal na paraan. Sa Hapón isang Saksi ang nagpaparaya ng kaniyang upuan sa kotse ng pamilya upang ang isang 87-taóng-gulang na babae ay maisakay para makadalo sa mga pulong ng kongregasyon. Paanong ang lalaking Saksi ay nakakarating sa mga pulong? Siya’y namimisikleta. Sa Brazil ay may isang buong-panahong ebanghelisador na 92 anyos ang edad. Sang-ayon sa ulat ng mga tagapagmasid ang mga Saksi roon ay “gumagalang sa kaniya, siya’y kinakausap nila . . . Isa siyang kapaki-pakinabang na bahagi ng kongregasyon.”
Hindi ibig sabihin nito na wala nang lugar para sa higit na pagpapahusay pa sa pagpaparangal sa matatanda na. Si Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Datapuwat, tungkol sa pag-iibigang pangmagkakapatid, . . . ginagawa na ninyo ito sa lahat ng mga kapatid sa buong Macedonia. Ngunit aming ipinapayo sa inyo, mga kapatid, na patuloy na gawin ninyo ito nang lalong higit.” (1 Tesalonica 4:9, 10) Ganiyan ding payo ang kinakailangan paminsan-minsan sa ngayon pagka tungkol na sa ating pakikitungo sa matatanda na. Isang 85-taóng-gulang na Kristiyano, halimbawa, ang totoong nasiraan ng loob nang hindi siya makakuha ng isang kopya ng isang bagong publikasyon na nakasalig sa Bibliya. Ang problema? Siya’y halos bingi at hindi narinig ang patalastas na nagpapaalaala sa lahat na pumidido ng aklat na iyon; at walang sinuman sa kongregasyon ang nakaisip na pumidido nito para sa kaniya. At mangyari pa, dagling nilunasan ang suliraning iyan. Gayunman ay ipinakikita lamang nito na kailangan na lalo nang maging palaisip sa mga pangangailangan ng matatanda na.
Maraming mga paraan na ito’y magagawa ng mga lingkod ng Diyos “nang lalong higit.” Ang mga pulong Kristiyano ay nagbibigay ng pagkakataon na “mapukaw” ang matatanda na “sa pag-ibig at mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) At bagaman ang mga kabataan ay malayang nakikihalubilo sa matatanda na sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, baka lalong higit na mapahuhusay pa ito. Halimbawa, ang ibang mga magulang ay humihimok sa kanilang mga anak na magalang na lumapit sa matatanda nang miyembro ng kongregasyon at kausapin sila.
Patuloy na maigagalang din ang matatanda sa pamamagitan ng impormal na paraan. Kasuwato ng simulain na ibinigay ni Jesus sa Lucas 14:12-14, lalong mapag-iibayo ang pagsisikap na anyayahan ang matatanda na upang dumalo sa mga sosyal na pagtitipon. Kahit na kung sila’y hindi makakadalo, tunay na pasasalamatan nila ang inyong pag-aalaala sa kanila. Ang mga Kristiyano ay pinapayuhan din na “maging mapagpatuloy.” (Roma 12:13) Hindi naman humihiling na ito’y maging magarbo o maluho. Ganito ang mungkahi ng isang Saksi na taga-Alemanya: “Anyayahan ang mga matatanda na sa pag-inom ng tsa, at ipakuwento ninyo sa kanila ang kanilang mga karanasan noong nakaraan.”
Sinabi ni apostol Pablo: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Sa mga Saksi ni Jehova, ang hinirang na mga tagapangasiwa sa kongregasyon lalo na ang siyang mga nangunguna sa pagpapakita ng paggalang sa matatanda nang Kristiyano. Kadalasan ang mga tagapangasiwa ay nakapag-aatas sa matatanda na ng angkop na mga gawain na kaya nila, tulad halimbawa ng pagsasanay sa mga baguhan bilang mga ebanghelista o pagtulong sa pagmamantener ng dakong pinagdarausan ng mga pulong Kristiyano. Ang mga nakababatang lalaki na nagsisilbing mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay nagpapakita ng paggalang sa mga nakatatandang tagapangasiwa sa pamamagitan ng mapagpakumbabang paglapit sa kanila para humingi ng payo, na ginagamit ang pang-unawa upang makuha ang kanilang maygulang na mga punto-de-vista. (Kawikaan 20:5) Sa mga pulong ng gayong mga tagapangasiwa, kanilang sinusunod ang halimbawa sa Bibliya ng kabataang si Elihu at magalang na sumasangguni sa mas matatanda at mas may karanasang mga lalaki, upang bigyan sila ng ganap na pagkakataon na siyang unang magpahayag ng kanilang sarili.—Job 32:4.
Inaamin natin, na madaling mawalan ng pagtitiyaga sa pakikitungo sa mga matatanda na sapagkat sila’y baka hindi makakilos o makapag-isip na simbilis ng mga nasa kabataan. Mainam ang pagkasalaysay ni Dr. Robert N. Butler tungkol sa ilan sa mga problema na dala ng pagtanda: “Ang isa’y nawawalan ng sigla ng pangangatawan, ng abilidad na kumilos nang mabilis, at iyan sa ganang sarili ay totoong nakakasindak. Ang isa ay maaaring mawalan ng mahahalagang sangkap na pandama na gaya ng pakinig o paningin.” Sa pagkatanto nito, hindi baga ang mga nakababata ay dapat magpakita ng pagdamay at maging mahabagin?—1 Pedro 3:8.
Oo, ang mga Kristiyano sa ngayon ay obligado na magpakita ng tunay na pag-ibig, pagmamalasakit, at paggalang sa matatanda nang kasa-kasama nila. At sa mga Saksi ni Jehova, ito ay ginagawa sa isang ulirang paraan. Subalit, ano ang nangyayari pagka ang matatanda nang Kristiyano—o ang mga magulang ng mga Kristiyano—ay nagkasakit o naging dukha? Kanino bang responsabilidad ang mangalaga sa kanila? Ang sumusunod na mga artikulo ang tatalakay kung paano sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito.
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang matatanda na ay nakakasumpong ng maraming kasiya-siyang gawain