Costa Rica—Maliit na Bansa, Sagana sa Pagkakasari-sari
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA COSTA RICA
NG bagay na ang Costa Rica ay isang maliit na bansa ay agad na makikita kapag lumipad ka sa Paliparan ng San José, ilang milya sa labas ng kabisera. Isang minuto lamang ay nasa Caribbean Sea ka na, at pagkalipas ng ilang minuto ay lumilipad ka na sa Pasipiko, naghahanda sa paglapag. Ang Costa Rica, isang bansa na may halos tatlong milyong naninirahan, ay isang makipot na hanay ng lupain ng mga bundok at bulkan na naghihiwalay sa Nicaragua at Panama. Isa ito sa pitong bansa na bumubuo sa Gitnang Amerika, kasali na ang Isthmus ng Panama, ang lupang kawing sa pagitan ng Mexico sa Hilagang Amerika at Colombia sa Timog Amerika.—Tingnan ang mapa, sa pahina 17.
Minsang makagamayan mo ang iyong kapaligiran, hahanga ka sa mayabong, luntiang kagandahan ng lalawigan. Wari bang kahit saan ka tumingin, makakikita ka ng mga punong palma, halamang saging, at tubo gayundin ng taniman ng kape at maraming kakaibang mga halaman, palumpong, at mga bulaklak. Ang Costa Rica ay isang paraiso ng botanista. Subalit bago tayo tuluyang mabighani ng kahanga-hangang bansang ito, suriin natin nang bahagya ang kasaysayan nito.
Isa Pang Tuklas ni Columbus
Noong 1502, si Christopher Columbus, sa kaniyang ikaapat na paglalayag, ay napadpad sa dalampasigan kasama ng kaniyang mga plota sa kilala ngayong Honduras. Dahil sa naghahanap ng makakanlungan, binaybay niya ang bahagi ng Nicaragua na tinatawag ngayong Mosquito Coast at bumaba sa isang maliit na nayong tinatawag na Cariari. Siya’y humanga sa pagkamapagpatuloy ng mga tao at sa saganang pananim. Lalo siyang humanga sa mga gintong palamuti na suot ng ilang katutubo. Ipinalagay ni Columbus, dahil sa kaniyang paghahangad ng ginto, na ito’y magiging isang dalampasigang mayaman sa mahahalagang mineral. Gaya ng kinalabasan, ang kaniyang mga inaasahan ay gumuho, subalit pagkatapos lamang na tawagin ng mga manggagalugad na Kastila ang lupain na Costa Rica, o Mayamang Dalampasigan.
Sa takbo ng kasaysayan, ang Costa Rica ay humiwalay sa Espanya at natamo nito ang kalayaan. Noong 1949, pagkatapos ng sandaling gera sibil, ang bansa ay naging kakaiba sa makabagong kasaysayan—ang pansamantalang pangulo, si José Figueres, ay nagbalangkas ng isang konstitusyon na nag-alis sa hukbo! Ang biglaang pagkilos na ito ang humikayat sa American Quakers na lumipat sa Costa Rica, kung saan kanilang itinayo ang isang pagawaan ng keso, sa Santa Elena. Kung may kinalaman sa ilang nagkakagulong mga bansa sa Gitnang Amerika, ang Costa Rica ang totoong naging kanlungan ng kapayapaan.
Lupain ng Saganang Pagkakasari-sari
Sa paglalakbay sa isang maliit na lugar ng isang bansa upang dalawin ang mga bulkan ng Poás at Arenal, humanga kami sa mayabong na pagkakasari-sari ng mga halaman at puno, ng tropikal na mga bulaklak, pinagyayamang mga taniman ng mga bulaklak na iniingatan ng itim na net, at maingat na pagtatanim ng strawberry. Nanliit kami sa tabi ng pagkalalaking dahon ng halamang sombrilla del pobre (ang payong ng taong mahirap). Ang tabi ng mga buról ay natatakpan ng maitim na berdeng mga palumpon ng kape na hitik na hitik sa namumulang mga bunga.
Sa Costa Rica, naglipana ang mga paruparo. Malapit lamang sa San José, may dalawang alagaan ng paruparo kung saan makakikita ka at makakukuha ng larawan ng mga paruparo sa likas na kalagayan. Isang aklat na nagbibigay-giya ang nagsabi na “mas maraming paruparo sa maliit na bansang ito kaysa buong Estados Unidos.” Sinabi rin nito na “batid na ngayon ng mga siyentipiko na ang Costa Rica ang lugar na may pinakamaraming pagkakasari-sari ng halaman at hayop sa daigdig.” Hindi nga kataka-taka na ang mga botanista at mga biyologo ay dumaragsa upang pag-aralan ang pagkakasari-sari ng buhay sa napakaliit na bansang Costa Rica.—Tingnan ang kalakip na kahon.
Isa pang halimbawa ng pagkakasari-sari sa iláng ay ang mga ibon ng Costa Rica. Kailangan mong maging alisto upang makita ang ilan sa mga ibon at maging mas mabilis sa pagkuha ng mga larawan sa mga ito! Ang mga kawan ng berdeng mga parakeet ang nag-iingay saanman magtungo ang mga ito. Lumilipad naman sa itaas ang zopilotes, o itim na buwitre, na may katalasan ang mata na naghahanap ng makakain nito. Sa kulandong ng kagubatan, mamamataan mo ang di-magandang hitsurang mga toucan, na may pagkalaki-laking mga tuka. Nakita namin ang finch na dilaw ang binti at ang kiskadee flycatcher na dilaw ang dibdib na lilipad-lipad sa mga puno. Nasulyapan din namin ang isang hummingbird na palipad-lipad sa kalapit na mga bulaklak upang tumikim ng nektar. Sa ZooAve (Bird Zoo), nabusog ang aming mga mata sa bawat uri ng ibon sa Costa Rica. Ang may iba’t iba ang kulay, paós na mga macaw ay nang-aagaw ng pansin. Aba, napakaraming iba pang ibon ang kailangang ihaula, kasali na ang pamilya ng apat na kuwago, na magkakatabing nakaupo, na animo’y napakatalino.
Ang Costa Rica ay kilala sa napakaraming iba’t ibang pambansa at pribadong mga parke nito, mga Indian reserve, at mga kanlungan ng mga hayop at halaman sa iláng. Sa katunayan, halos 27 porsiyento ng lupain ay iniingatan, ang pinakamalaking bahagi sa anumang bansa sa daigdig. Kaya kung ibig mong maglakbay, makapamimili ka mula sa uri ng lupain at ekolohikal na kapaligiran.
Kung ikaw ay pupunta sa Costa Rica, sa paano man ay may isang munting babala na dapat bigyang pansin. Kung magmamaneho ka ng sasakyan doon, hindi ka masisisi kung mag-isip ka na maraming nagmamaneho sa unahan mo na parang lasing. Bakit? Sapagkat sila’y biglang lumiliko nang walang abiso. Ano ang ginagawa nila? Iniiwasan nila ang malalaking lubak na sumisira sa daan ng bansa. Kaya naman, isang panturistang brosyur ang nagsabi nang ganito hinggil sa kilalang Monteverde Cloud Forest Reserve: “[Ito’y] mararating lamang kung pagtitiisan ng ilang oras ang nakatatakot na mga kalagayan ng daan; ang pagdalaw ng ilang araw ay iminumungkahi sa halip na magbalikan.” Mangyari pa, kung maglalakbay kang may sasakyan na may mabuting suspension at matitigas na goma, hindi ka gaanong apektado ng mga lubak na ito.
Ang totoo, napakaraming makikita at matututuhan sa Costa Rica anupat ang dalawang linggong bakasyon ay halos wala pang sinabi sa kagandahan at pagkasari-sari na masusumpungan mo sa kahanga-hangang lupaing iyan. Isang otel ang may ilang eksibit sa isang maliit na zoo. May kabaitang pinahintulutan kami ng guwardiya sa mga haula upang kunan ng larawan ang isang toucan at isang madaling makibagay na ocelot. Ang pagkakasari-sari ay kumakapit din sa pagkamapagpatuloy ng mga tao sa Costa Rica.
Isang Naiibang Pagtitipon ng mga Tico
Ano ang mga tico? Iyan ang karaniwang ipinangalan sa mga tao sa Costa Rica. Ito’y nagmula sa kaugalian ng paggamit ng maikling hulapi na -ico sa wikang Kastila. Halimbawa, chiquitico para sa maliit, bonitico para sa maganda o marikit, at jovencitico para sa kabataan. Sa bayan sa lalawigan ng Sarchí, ang mga artesanong tico ay kilala sa kanilang orihinal na pintang-kamay na carretas, o mga kariton na hila ng baka. Ang bawat isa ay kakaibang gawa ng sining. Napakarami kung bumili ang mga turista ng maliliit na kaanyo nito.
Sa katapusan ng 1994, ang mga tico ay nagkaroon ng pagkakataon na makita ang isang bagay na totoong natatangi sa kanilang Katolikong lupain. Ang Disyembre 30 hanggang Enero 1, 1995, ay mga petsa para sa relihiyosong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na naganap sa pambansang istadyum ng soccer sa Sabana Park, San José. Ito’y ginanap sa ilalim ng tema ng Bibliya na Temor Piadoso (Maka-Diyos na Takot), at ang mga Saksi ay nagmula sa buong bansa, samantalang ang ilang delegado ay dumating mula sa mga bansa sa Gitna at Timog Amerika. Ang Costa Rica ay may halos 15,000 aktibong Saksi. Ano ang naging bilang ng dumalo sa pantanging okasyong ito? Noong Biyernes 21,726 katao ang dumating—kabataan, matanda, mga magulang, mga bata, ang lahat ay may maayos at mahinhing pananamit. Noong Sabado ang bilang ng mga dumalo ay dumami ng 25,539, at 681 ang nabautismuhan sa tatlong malalaking itinayo na pool sa isang dulo ng laruan. Noong Linggo ang bilang ng dumalo ay tumaas nang 27,149! Anong laking tuwa para sa mga misyonero, sa mga payunir (buong-panahong mga ebanghelisador), at sa mababang-loob na mga lalaki, babae, at mga bata na nagpagal nang husto upang masaklaw ang teritoryo ng Costa Rica sa bahay-bahay. At anong laking pampatibay-loob na makita ang maraming pamilya sa walang-bubong na istadyum, na nakasilong mula sa araw sa ilalim ng kanilang mga payong na may iba’t ibang kulay!
Nang magtapos ang programa, inilabas ng libu-libo ang kanilang mga panyo at iniwagayway ang mga ito bilang pamamaalam sa isa’t isa. Ito’y totoong makabagbag-damdaming tagpo.
Kailangan ng Costa Rica ang Bagong Sanlibutan ng Diyos
Bagaman napakaraming bagay sa lupaing ito upang ipagunita sa isa ang paraiso—ang sari-saring halaman at mga hayop nito at ang kaayaayang klima nito—ang mga tico, gaya ng mga tao sa ibang bansa, ay nangangailangan ng ‘bagong langit at ng bagong lupa’ na ipinangako ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus. (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Gaya ng makikita sa buong daigdig, may mga tanda ng karukhaan, na may mga pamilyang nakatira sa barungbarong. Nariyan din ang sakit at kamatayan, na nagpapahirap sa buong sangkatauhan. Sa gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang Kaharian na hinihiling ng lahat ng tapat na mga Kristiyano sa kilalang Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon. Sa ilalim ng ipinangakong matuwid na pamamahalang iyan, ang saganang pagkakasari-sari ng Costa Rica ay higit na magniningning, para sa walang-hanggang kapurihan ng Diyos.
[Kahon sa pahina 19]
Ang Saganang Pagkakasari-sari ng Costa Rica
Ang aklat na Costa Rica—A Natural Destination ay nagsabi nang ganito: “Ang Costa Rica ay sagana sa sari-saring uri ng halaman at hayop. Ang maliit na bansang ito na sumasaklaw nang wala pang tatlo ng sampung libong bahagi [0.03%] sa balat ng lupa ang siyang kanlungan ng 5 porsiyento ng lahat ng uri ng halaman at hayop na kilalang umiiral.” Halimbawa, mayroong:
Hindi bababa sa 830 uri ng ibon, kasali na ang mga toucan at mga quetzal
Hindi bababa sa 35,000 uri ng insekto
Hindi bababa sa 9,000 uri ng maugat na halaman
Hindi bababa sa 208 uri ng mamal, kasali na ang mga ocelot
Hindi bababa sa 220 uri ng reptilya, kasali na ang malalaking bayawak
Hindi bababa sa 160 uri ng amphibian, kasali na ang mga palakang poison arrow
Hindi bababa sa 130 uri ng tubig-tabang na isda
Tinataya ng ilang siyentipiko na maaaring may isang milyong uri ng buhay sa Costa Rica.
[Kahon sa pahina 19]
Mga bulkan
May kilalang 112 bunganga ng bulkan na mula sa patay na hanggang sa aktibong bulkan. Ang kahanga-hangang bulkan ng Arenal, na ang taas ay mahigit na 1,500 metro ang isa sa pinakaaktibong bulkan sa daigdig. Kung ibig mo itong makita, mas mabuting tiyakin muna ang kalagayan ng panahon bago ka magsagawa ng nakapapagod na paglalakbay sa malubak na mga daan. Ang Arenal ay kalimitang natatakpan ng ulap.
Ang bulkang Irazú ay may taas na mahigit na 3,400 metro. Ito’y aktibo mula noong 1963 hanggang 1965.
Ang bulkan ng Poás, na may taas na mahigit na 2,700 metro, ay isang bundok na may dalawang tila mata—isang puti at kumukulo na nasa aktibong bunganga ng bulkan at ang isa naman, bughaw na lawa na pinalilibutan ng makapal na kagubatan.
[Mapa sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NICARAGUA
COSTA RICA
Arenal
Monteverde
Poás
Sarchi
San José
Cartago
Limón
PANAMA
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Pahina 16:
Ang Toucan at bulkan Arenal
Pahina 17:
1. Bunganga ng bulkang Poás
2. Macaw
3. Makaalamat na sayaw
4. Bromeliad
5. Halamang payong
6. Bayawak
7. Ocelot
[Mga larawan sa pahina 18]
“Maka-Diyos na Takot” na Kombensiyon sa San José; 681 ang nabautismuhan, kasali na si Digna (sa dulong kanan)