Mula sa Aming mga Mambabasa
Tulog Salamat sa inyong artikulo na “Kung Bakit Kailangan ng Iyong Katawan na Matulog.” (Hunyo 8, 1995) Masasabi ko na talagang iminulat nito ang aking mga mata sa katotohanan. Bilang isang estudyante ng medisina, maraming mahalagang oras ng pagtulog ang naiwala ko dahil sa aking pag-aaral. Naranasan ko ang ilang masamang epekto na binanggit sa artikulo. Sisikapin kong maging mas mabuti ang pagtulog ko.
L. H., Trinidad
Mga Nuno Napaluha ako sa kagalakan nang mabasa ko ang serye ng “Pinahahalagahan Mo ba ang mga Lolo’t Lola?” (Hulyo 8, 1995) Nahihirapan akong makitungo sa aking mga biyenan, kaya ang inyong artikulo ay dumating sa tamang panahon. Naipaunawa nito sa akin na hindi ko sila pinakikitunguhan nang may tamang paggalang na nararapat sa kanila. Isinagawa ko ang kinakailangang pagbabago, at mas maligaya na kami.
A. T., Canada
Nang ipasok namin ang aking ama sa isang nursing home, napagkayarian namin na dalawin siya nang tatlong beses sa isang linggo. Natupad namin iyan sa loob ng dalawang taon. Ang kuntil-butil na balita mula sa bahay ay napakahalaga sa kaniya! Kailangan talaga ng paninindigan upang magawa ito, subalit ang mga apo gayundin ang mga lolo’t lola ay nakikinabang.
P. L., Estados Unidos
Bilang isang Katoliko, humanga ako sa bagay na hindi pinagtuunan ng mga artikulo ang kredo o ang relihiyon subalit naging walang kinikilingan. May katatagang binanggit ninyo ang isang pangangailangan na talagang ipinagwawalang-bahala na.
A. B., Costa Rica
Trahedya sa Pamilya Naluluha ako habang binabasa ko ang artikulong “Salamat at Iniuwi Mo Ako, Inay.” (Hulyo 8, 1995) Ako rin ay namatayan ng asawang lalaki sa isang aksidente noong 1982. Ako’y nabalda—na may anim na anak at isang ina na inaaruga. Ang pagbabasa ko ng artikulo ay para bang pagbabasa ng sariling kong kuwento. Si Jehova ang nagpapalakas sa atin na magpatuloy.
C. R., Estados Unidos
Ang salaysay na ito ay totoong nakabagbag ng aking damdamin. Ako’y 16 na taóng gulang, at lagi kong pinag-iisipan kung paano ko pakikitunguhan ang gayong mga problema kapag bumangon. Ang karanasan ni Todd ay tumulong sa akin na maunawaang si Jehova ay laging nasa tabi natin hangga’t tayo’y nagtitiwala sa kaniya.
N. F., Dominica
Napakahusay ng pagkakalahad ng salaysay anupat halos napaluha ako. Ang mga pagsubok sa pamilyang Boddy ay tila nagpawalang-halaga sa maliliit na pagkasira ng loob ko. Bagaman ang aming kalagayan ay magkaiba, ang pagkaunawa kung paano tumulong si Jehova sa kanila ay nakatulong sa akin na magpatuloy.
V. S., Pilipinas
Ang aking asawang lalaki sa loob ng 33 taon, isang tapat na Saksi na naglingkod bilang isang elder sa loob ng maraming taon, ay may Pick’s disease—isang matagal, nakasasama ng loob na sakit na nagpapahirap sa biktima at sa kaniyang pamilya. Ang katatagan ni Gng. Boddy sa kabila ng pagkamatay ng kaniyang asawa, gayundin ng mga taon ng kaniyang walang-imbot, mapagmahal na pangangalaga sa kaniyang anak na lalaki, ang matinding nagpahanga sa akin. Nawa’y pagpalain siya at ang kaniyang mga anak ni Jehova.
E. N., Estados Unidos
Mabahong Hininga Ibig ko kayong pasalamatan sa inyong nakapagtuturong artikulong “Ano ang Magagawa Mo Tungkol sa Mabahong Hininga?” (Hulyo 8, 1995) Iyan ang problema ko! Totoo na ang pagkakaroon ng mabahong hininga ay nakapanlulumo. Dalawang beses akong nagpatingin sa dentista, subalit naroroon pa rin ang amoy. Ikinapit ko ang mga mungkahi sa artikulo, at mabisa ang mga ito. Pakisuyong patuloy kayong tumulong sa mga tao sa buong mundo.
R. O. I., Nigeria
Costa Rica Ang artikulong “Costa Rica—Maliit na Bansa, Sagana sa Pagkakasari-sari” (Hulyo 8, 1995) ay dumating ilang araw pa lamang ang nagdaan bago ako nagbiyahe sa bansang ito; dinala ko ito bilang reperensiya. Totoo ngang isang bansa ito na punô ng kahanga-hangang bagay at kasiyahan! Saanman kami magtungo, ang mga tao ay nakangiti at kumakaway sa amin. Gunigunihin mo ang bagong sanlibutan kapag ang lahat saanman ay magiging palakaibigan!
T. N., Estados Unidos